BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Thursday, December 31, 2009

MALIGAYANG BAGONG TAON!!

Ilang oras bago maglipat ng taon ay nag-iiba ang kulay ng kalangitan. Nagbabago ang tunog ng kapaligiran. Nag-iiba ang sigla ng bawat Pilipino. Dumadagsa ang pagkain sa hapag kainan. Umuusok ang mga telepono sa pagbati ng HAPPY NEW YEAR.

Ganito ang aking nakagisnang tradisyon sa pagdiriwang ng bagong taon. Halos wala namang pinagbago sa makulay na okasyong ito. Ang nagbabago lang naman ay ang bilang ng mga taong napuputukan sa pagsalubong ng taon. Dati rati halos hindi ka makalabas sa pintuan ng bahay dahil sa mga dumadagundong na mga putukan na yumayanig sa pandinig. Subalit ngayon ay tila nag-mature na ang karamihan sa atin. Naging matalino ang pinoy sa mga bagay na bibilhin sa pagdiriwang ng mahalagang okasyong ito. Imbes na paputok ay dinadaan na lang sa paghagis ng mga barya at pagkalansing nito sa semento, na hudyat ng pagbaha ng grasya sa pagpasok ng panibagong taon. Sadyang nakakatuwa na masilayan ang pagsulong ng taon; kasabay ng pagsulong ng tao sa bawat hamon ng buhay. Napakahalagang okasyon ang bagong taon dahil binabago nito ang ating pananaw sa panibagong gulong ng buhay. Ang mga regalong araw na hatid ng bagong taon ay awtomatikong iinog na walang pahintulot. Ang tikatik ng oras ay patuloy na iindayog, habang ang gabi't araw ay patuloy na sumisilay. Bakit ba kailangan pa nating magsaya kung dalamhati naman ang dulot ng kasalukuyang taon? Nagsasaya tayo hindi dahil sa magagarang paputok sa kalangitan, o masasarap na pagkain sa hapag kainan. Nagsasaya tayo hindi dahil sa mapapait na karanasan na dumagok sa ating buhay; kundi dahil sa aral na ating natutunan mula sa pait ng nakaraan. Nagsasaya tayo dahil nalampasan natin ang alon ng pagsubok, ang bulkan ng hinagpis, at bagyo ng dalamhati. Sa pamamagitan ng paggalaw ng orasan ay nagbibigyan tayo ng lakas ng loob na muling lumangoy sa batis ng panibagong pag-asa. Pag-asang hatid ng bagong taon na magsisilbing palaisipan sa ating lahat. Ang mahalaga ay, muli tayong susubok at bibigyan ng pagkakataong ituwid ang ating pagkakamali at lalong paghusayan ang produktibong karanasan na hatid ng nakaraang taon.

Higit sa lahat ay nagsasaya tayo dahil ang BAGONG TAON ay biyaya ng DAKILANG MAYKAPAL sa ating lahat. Sa tuwing sasapit ang araw na ito ay hindi ko nakakalimutang pasalamatan ang dakilang lumikha ng aking buhay ang repleksyon ng aking pagkatao. Ang nagbigay sa akin ng talino at kalakasan. Tuwing taon ay laging kong isisusulat sa aking talaarawan na ang lahat ng meron ako ay nagmula sa kanya. Ang bawat paglipas ng araw ay isang regalo mula sa kanya. Mapait man o matamis, ang mahalaga ay may-aral siyang ibinibigay. Aking natutunan sa mga nakalipas na taon na kilangan mong mabasag para ka maging buo. Ganyan ang tao...parati tayong nababasag para maging solido ang ating pagkatao.

Thursday, December 10, 2009

BULAG NA PAG-BIG

Ganito pala ang nagmamahal, nagkakaroon ng kulay ang iyong buhay. Araw-araw ay gusto mong pumasok sa eskwelahan para makita ang iyong minamahal. Hindi ka makakaramdam nang pagod kahit limang kilometro pa ang inyong nilalakad. AT kahit gaano pa kahaba ang nilalakad n'yo ay parang napakalapit lang. Lahat ay titiisin mo para lang patunayan ang iyong pagmamahal. Ito ang tumatakbo sa isip ni Bokneneng habang naglalakad sila ni Romeo na kanyang kasintahan.

Si Romeo ang kauna-unahang lalaking inibig niya. Pakiramdam niya ngayon ay sa kasintahan umiikot ang kanyang mundo. Kilalang heartrob ang kanyang bf sa campus. Sa katunayan ay maraming mga babae ang nahuhumaling sa gandang lalaki nito. Sino ba naman ang hindi mapapakilig sa kanya. Maraming nagsasabi na kamukha niya si Piolo Pascual. Pero ang pinagtataka ng karamihan ay kung bakit si Bokneneng pa ang pinili niya. Marami namang babae na higit na mas maganda sa kanya. Ang mga pang-iinsultong ito ay pinalalagpas lamang niya upang patunayan sa kasintahan na handa siyang magtiis at magsakripisyo alang-alang sa kanilang pagmamahalan. Madalas naman na sabihin ng kanyang nobyo na kaya sya nagustuhan nito ay dahil sa pagiging matiisin niya.

Araw-araw silang naglalakad ng limang kilometro kapag uuwi ng bahay. Ayaw kasing sumakay ni Romeo, mas gusto nitong maglakad, alay raw niya ito para sa kalikasan. Ito kasi ang paraan ng paglaban niya sa pagbabago ng klima. Laging niyang sinasabi na go for green environment. At kapag kakain sila ay nakikita niya naman ang sweetness ng kasintahan. Kapag umorder sila ng ulam ay binibigay nito ang mga gulay sa kanya, sinasanay daw siya nito na maging vegetarian habang ang masasarap na putahe ay kanyang nilalantakan.

"Ikaw ha...gusto mo talaga akong manatiling seksi ha," biro ni Bokneneg.

"Syempre naman, sa'yo ko ata nakita ang katangiang hinahanap ko sa isang babae," tugon ni Romeo.

"Ilan na nga ba uli ang naging girlfriend mo?" usisi nito.

"Marami rami na rin...pero hindi lahat ay nagtagal. Ewan ko ba hindi nila nakayanan ang mga pagsubok ng aming relasyon. Buti na lang ikaw ay mapagtimpi at matiyaga "

"Mahal, basta para sa'yo ay magtitiis ako. Kahit makapal na ang kalyo ng paa ko sa kakalakad. Pakiramdam ko kasi para akong sumali ng SURVIVOR ng maging nobyo kita..."


Biglang tumayo si Romeo upang pumunta sa C.R. nang maramdaman niyang nag-vibrate ang kanyang selpown, nilapag nito ang kanyang bag sa ibabaw ng mesa. Napansin ni Bokneneng na bukas ang bag nito. Bilang pagmamahal ay inayos niya ang mga gamit ng nobyo. Isang maliit at parihabang bagay na nakabalot sa plastik ang bumagsaksa mesa, nang buklatin nito ang pitaka ni Romeo. Dinampot niya ito at binasa ang nakasulat: TRUST CONDOM. Parang binuhusan siya nang malamig na tubig sa oras na iyon. Napatahimik siya...pilit niyang pinapakalma ang kanyang damdamin sa pauli-ulit na paghinga nang malalim upang bigyan ng pagkakataon ang nobyo na makapagpaliwanag. Naramdaman niya ang paggalaw ng mesa at pag-upo nito sa silya. Napansin nito na hawak ng nobya ang condom sa kanang bahagi ng kamay.

"Oi...bakit tulala ka ha?"

"Alam mo ba kung ano ito?"

"Oo naman, condom ang tawag d'yan."

"Bakit meron ka nito?"

"Ah...sabi kasi intsik nang magpa-fung sui ako na swerte raw ang condom sa pitaka. Kapag meron ka raw nito ay mabilis ang pasok ng pera."

"Ganun ba, eh...bakit tatlo yang nakaipit sa pitaka mo?"

"Ah...eh, alam mo naman na Physics Major ako kaya ginagamit namin 'yan sa pag-experiment at pagpapalobo."

"Hehehe...pasensya ka na ha, dun pala ang gamit nun. Akala ko kasi may balak ka sa akin eh." Gumuhit ang pilyang ngiti sa pisngi ng dalaga at tila kumutitap ang kanyang mga mata.

"Wala ah...alam mo naman na sa simula pa lang ay itinuring na kita na para kong namayapang lola. Kaya mataas ang respeto ko sa'yo."

Lalong napamahal si Bokneneng si binitiwang salita ng kanyang nobyo.

Monday, December 7, 2009

KATAWAN NI JONAH (Ika-6 na labas)

"Tao po!"

Tok-tok-tok!

"Magandang tanghali po."

Matapos mai-blotter ni Alsaybar ang biglang pagkawala ni Jonah ay bumusita ang dalawang pulis para mag-usisa. Nagkataong namang abala sa pagluluto si Milaran sa kusina. Naliligo naman si Alsaybar at umalis naman ng bahay si Vino. Nang maulinagan niyang tila may kakaibang tinig na nagmumula sa labas ng bahay ay nagsimula siyang maglakad papuntang banyo at nagbakasali na mabosesan ang pinagmumulan ng kakaibang tinig. Napansin niyang panay naman ang paghagalpas ng tubig sa banyo at abala ang kanyang kuya sa paliligo. Nagsimulang maghabulan ang mga daga sa kanyang dibdib, ngunit, sumagi sa kanyang isipan na baka ang taong naghahagilap sa kanila ay ang susi sa pagtunton sa kinalalagyan ng nawawalang kapatid. Sunod niyang tinungo ang pintuan ng bahay. Hindi siya pamilyar sa matigas na boses ng taong pinagmumulan ng tinig. Dahan-dahan niyang hinawi ang kurtina na tumatabon sa salaming bintana. Naaninag niya ang dalawang pulis na nakasuot na asul na uniporme na may stripes na manipis na puting kulay. Pinihit niya ang seradura ng pintuan. Marahan niya itong hinatak papasok.

"Magandang tanghali po. Ako po si SPO1 Quilaton at siya naman si PO4 Peralta. Kayo po ba ang kapatid ni Jonah?"

"O-opo."

"Pwede po ba namin kayong maabala."

"Pwedeng...pwede po."

"May nais lang po kaming itanong tungkol sa pagkawala ng inyong kapatid."

"Ah, tuloy po muna kayo."

"Salamat."

"Ikukuha ko po muna kayo ng maiinom."

"Huwag na hindi naman kami masyadong magtatagal. May nais lang kaming itanong sa'yo. Wala ba kayong alam na kagalit o nakaaway ng inyong kapatid?"

"Wala naman po."

"Meron po siyang masugid na manliligaw o stalker?"

"Ang alam ko po ay maraming nanliligaw sa kanya sa kanilang opisina. Hindi lang nga po ako pamilyar kung sinu-sino sila. Kada nga uuwi siya ay marami syang bitbit na mga regalo mula sa kanyang mga manliligaw. Pero, minsan may nasabi siya sa akin na may misteryosong tao na nagpapadala sa kanya ng Rosas araw-araw. Pinaabot lang daw ito sa guwardiya sa kanilang opisina."

"Ano ba ang pangalan ng opisinang pinapasukan niya?"

"Anahaw Dynamics po, isang call center sa Madrigal Business Park sa Alabang."

"Meron po ba siyang matalik na kaibigan?"

"Si Eson po. Isang bakla na madalas niyang kasama sa mga lakaran."

Nang makapagbihis na si Alsaybar ay nilapitan niya ang mga pulis.

"Magandang tanghali po. Ako po yung nagpa-blotter dun sa nawawala kong kapatid. May resulta na po ba ang inyong imbestigasyon?"

"Sa ngayon ay wala pa kaming makitang mabigat na dahilan kung bakit biglang nawala ang kapatid n'yong babae. Pero hindi naman kami tumitigil sa paghahagilap ng susi sa kanyang pagkawala. Sa ngayon kasi ay hindi natin masasabing patay na siya hanggat hindi pa nakikita ang kanyang bangkay. Marahil ay buhay pa siya ay nasa ibang lugar lang. Pwede rin kasing may iniiwasan lang siyang tao kaya lumayo muna siya."

"Ganun po ba."

"May nasagap po kaming impormasyon mula sa mga matatanda sa inyong lugar na hindi n'yo daw tunay na kapatid si Jonah. Totoo ba ito?"

"Ah...eh, totoo po. Dalawamput limang taon na ang nakakalipas nang matagpuan nila si Jonah sa labas ng pintuan ng aming bahay. Nakalagay ito sa isang kahon at nakabalot ng puting lampin. May sobreng puti na naglalaman ng sulat ang nakaipit sa lampin nito. Nilalaman ng sulat na huwag raw siyang pababayaan at alagaan namin ng mabuti. Kailangan raw niya itong gawin para sa ikabubuti ng bata at ikatatahimik ng kanyang buhay. Ayon sa sulat ay naipit raw sa isang matinding sitwasyon ang kanyang ina. Nag-iwan pa nga ito ng kwintas na krus na yari sa ginto. Napansin ng aking mga magulang na ang pendant na krus sa kwintas ay hugis susi at tila may nakasulat ng ilang numero. Nung primero ay nangangamba ang aking mga magulang . Ngunit nang naglaon ay humupa din ang kanilang mga agam-agam. Dahil nga sabik sa anak na babae ang aming mga magulang ay itinuring nila itong hulog ng langit at katugunan sa kanilang mga panalangin. Bago nila siya pabinyagan ay nag-antay muna sila kung may maghahagilap sa bata sa loob ng anim na buwan. Nang walang nagtangkang maghagilap ay saka isinunod nila ang apelyido ng aming kapatid sa aming pamilya. Mula noon ay naging ganap na Casisdsid na siya. Sa katunayan ay naging tampulan siya ng tukso dito sa aming lugar; parati siyang inaasar ng mga kabataan sa amin ng Singkamas. Madalas nga rin kaming pagtawanan ng aming mga kapitbahay kapag dumidikit kami sa kanya. Paano kasi nagmumukha kaming baluga pagnadikit kami sa kanya. Mestisa kasi siya, samantalang kami ay sunog na mestiso. Ganun pa man ay itinuring namin siyang isang tunay na kapatid. Nagsisikap kaming protektahan siya at ipagtanggol sa mga bastos na tambay sa aming lugar. Iyon kasi ang bilin ng aming magulang bago sila pumanaw. H'wag na h'wag raw kaming magbabago sa pag-aaruga sa kanya. Kaya labis kaming nalungkot ng hindi namin siya nasilayan nitong mga nakalipas na araw. Sana nga at nasa mabuti siyang kalagayan. Bago siya mawala, ay napansin namin na madalas na may nakaparada ng itim na Honda Civic--- ilang metro mula sa labas ng aming bahay. Ayon sa aming mga kapitbahay ay madalas raw na tinatanong ng isang estrangherong babae ang kalagayan ng aming kapatid. Hindi naman raw ito nagpapakilala. Inoobserbahan yata nito ang oras ng pag-uwi ni Jonah.”

“Na plakahan ho ba nila yung sasakyan?”

“Wala ho silang nabanggit sa akin.”

Saglit na nag-isip si SPO1 Quilaton. Hinimay nito ang mga impormasyon na ibinigay ni Alsaybar. May mga nabuo siyang haka-haka: una, batay sa mga palatandaan na nakuha sa kahon ng sanggol pa si Jonah, tulad ng kwintas, pendant na krus na hugis susi at mga numerong nakasulat rito. Sinusubukan niyang iugnay ang mga nasabing detalye sa katauhan ng dalaga. Batay sa kuwento , ay buhay pa ang mga magulang nito. Ang mga bagay na natagpuan sa lalagyan na kahon ay nagpapatibay sa katayuan ng kanyang mga magulang. Malamang ay nagmula ito sa mayamang pamilya. Subalit, malabo pa din ang mga detalye, tulad nang kung bakit kailangang iwanan at ipa-ampon ang bata. Hindi kasi malinaw kung bakit nanganganib ang buhay ng ina ng bata. Ikalawa, marahil ang ina ng bata ay nagtaksil sa asawa at ang bata ay bunga ng isang bawal na relasyon. Nadiskubre siguro ng asawa nito ang ginawa nitong pagtataksil at nais nitong patayin ang bata. Ngunit, ang mabigat na katanungan na wala paring ganap na kasagutan ay ano ang kinalaman ng kotseng itim sa katauhan ng dalaga. Ikatlo, kung buhay pa nga ang kanyang ina ay ito lamang ang nakakaalam kung saan at kanino niya iniwan ang bata. Bakit magiging intiresado ang esrtangherong babae kay Jonah? Ano ang kaugnayan nito sa dalaga? Kung may masamang balak man ito, ay hindi na ito magtatanong sa mga tao na nasa paligid sa lugar ng kanilang komunidad. Hindi kaya natagpuan na ng dalaga ang kanyang ina. At kung natagpuan na niya ito ay bakit naman siya bigla-biglang mawawala ng di nagpapaalam sakanyang mga kapatid na lalake. Kung sabik man siya sa kanyang tunay na magulang ay hindi ito magiging padalos-dalos sa kanyang magiging desisyon.

“Nasabi ng iyong nakababatang kapatid kanina na may lihim na nagbibigay ng Rosas sa iyong kapatid ng walang patid. Meron bang umaakyat ng ligaw sa inyong bahay ?”

“Sa totoo lang po ay walang naglakas-loob na manligaw sa loob ng aming bahay. Kadalasan ay palipad hangin langk, o kaya naman ay ginagawang tulay ng ilang kalalakihan ang aming mga kapitbahay, para magpahayag ng kanilang pagkagusto sa aming kapatid. Maraming nagbibigay sa kanya ng bulaklak. Kadalas ang mga nakasulat sa card ay, “ give me a chance,” “ I like you,” “ I want you to be my future wife,” “ ikaw ang tinitibok ng aking puso,” “ gagawin ko ang lahat para sa’yo, “ “ ikaw ang aking pangarap,” “ ikaw ang dahilan ng pag-ikot ng aking mundo,” “ pa’no na ang buhay ko kung wala ka,” ang lahat ng ito ay nagsimula sa puso” at ang labis na palaisipan sa kanya ay ang isang card na may nakasulat na “ikaw at ako ay pinag-isa ng tadhana…balang araw ay magkakasama rin tayong dalawa.” Gabi-gabi ay pinag-iisipn niya kung sino yung lihim na nilalang na nagbibigay sa kanya ng Rosas at card. Para hindi siya gaanong mag-alala, ay sinasabi ko na lang sa kanya na, baka ‘yon ang tunay niyang ina. Pero kapag binabanggit ko sa kanya ‘yon ay lalo lang tumintindi ang kanyang poot sa kanyang ina. Minsan ay nagtalo kami patungkol dito. Sabi niya kung talagang mahal siya ng nanay niya ay hindi siya nito ipamimigay kahit ano pa ang mangyari. Ginawa raw siya nitong na parang tuta na pwedeng ipamigay kahit kanino. Buti pa nga raw ang aso handang manakmal; maprotektahan lang ang kanilang mga tuta . Habag na habag ako sa kanyang paghihinagpis tuwing naalala niya ang kapabayaan ng kanyang ina.”

“ Sino po ang nag-aabot ng bulaklak sa kanya?”

“Hindi niya rin po i-dinetalye sa amin ang patungkol diyan. Kadalasan ang kanyang pinagsasabihan ng kanyang mga sikreto ay si Eson. Buo kasi ang tiwala niya sa kaibigan niyang ito. Lahat ata ng hinanakit niya ay inihahayag niya sa kanya. “

“Bukod kay Eson ay meron pa bang siyang ibang malapit na kaibigan sa inyong lugar?”

“Si Analyn ho.”

“Saan naming siya pwedeng puntahan?”

“D’yan po sir sa kabilang kanto lang siya nakatira. Madalas n’yo s’yang makita sa tapat ng tindahan sa lugar na iyon. Tuwing gabi kasi ay nagtitinda siya ng ballot.”

Kababa lang ng dyip ni Vino ng mapansin niyang may nakaparadang mobile ng police malapit sa kanilang bahay. Marahan ang bawat hakbang ng kanyang mga paa. Ang kanyang mga yabag ay tila may pag-aalala. Nakaramdam siya ng pagka-asiwa sa oras na iyon. Pasumandali muna siyang huminto. Kinuha niya ang sigarilyo na sa kanyang belt bag. Medyo nahirapan siyang hanapin ito dahil sa mga nakasiksik na mga kompyuter CDs sa lalagyan. Hindi niya alam kung bakit siya pinagpapawisan sa oras na iyon. Inipit niya sa kanyang labi ang pilter ng sigarilyo. Kinapakapa niya muna sa kanang bahagi ng bulsa ng kanyang pantalon ang lighter. Napansin niyang patuloy na nagpapawis ang kanyang mga palad at nanginginig ang kanyang braso sa pagsindi ng sigarilyo. Nagtataka siya sa kakaibang pakiramdam na bumabalot sa kanyang katauhan sa oras na iyon. Huminga muna siya ng malalim, matapos niyang maikalat sa hangin ang unang buga ng usok. Nagtatalo ang kanyang isipan kung agad ba siyang didiretso sa loob ng kanilang bahay o aantayin niya na lamang na lumabas muna ang mga pulis na nag-iimbestiga tungkol sa pagkawala ng kanyang kapatid. Sa kanyang pagkabigla ay napitik niya ang sigarilyo sa kanal, bigla siyang nataranta ng makita niya na papalabas na ng kanilang bahay ang mga pulis. Muli niyang binuksan ang kanyang belt bag at kinuha ang sumbrerong asul; isinuot niya ito sa kanyang ulo. Lumakad nang nakayuko at umikot sa likod ng bahay.

“Babalitaan na lang namin kayo kapag nagkaroon na ng liwanag ang aming pagsisiyasat.”

“Aasahan ho namin yan.”

Sinundan ng tingin ni Alsaybar at Milaran ang mobile ng police na papalayo sa kanilang lugar. Napansin nilang dalawa na patungo si Vino sa likod ng kanilang bahay.

“Psssttt….halika ka nga dito,” kaway ni Alsaybar.

“Ano ang sadya ng mga parak na ‘yon?”

“Humingi lang ng ilang detalye tungkol sa pagkatao ni Jonah,” paliwanag ni Milaran.

“Kamusta naman ang lakad mo?” tanong ni Alsaybar.

“Eto kahit papaano ay kumita naman. Kuripot kasi yung intsik na may ari ng computer shop na in-installan ko ng mga programs. Akala ko nga ay titiba ako ng malaki sa lakad ko, kaso lang binarat ako ng tsinoy na ‘yon. Ang usapan naming ay P500 kada isang PC, humirit ba naman na P3000 lang ang budyet niya. Sayang nga eh.”

“Halika kumain muna tayo ng tanghalian. Kanina pa nga ako nagugutom ,” pagyaya ni Milaran.

Nang tuluyan ng mawala sa paningin ni Vino ang sasakyan ng mga parak ay nakadama siya ng kakaibang ginhawa sa kanyang katawan. Hanggang ngayon ay hindi niya maipaliwanag sa kanyang sarili ang samut saring pangamba tuwing nakakakita siya ng mga parak. Matagal na panahon na naman ang lumipas nang pagtripan siya ng isang lasing na parak, tutukan ng baril nito, kalabitin ang gatilyo, at umalingawngaw ang nakahihindik na putok na mga labindalawang pulagada lamang ang layo sa kanyang tenga. Pansamantalang nawala ang kanyang pandinig dahil sa lakas ng tunog na gumimbal sa kanyang pagkatao. Ang karanasang iyon ay sumiksik sa kanyang isipan na nagdulot ng di maipaliwanag na pangamba. Lalo pang tumindi ang kanyang trauma ng madalas siyang asarin ng kanyang mga barkada na dadamputin siya ng mga parak kapag nagroronda ang mobile ng pulisya sa kanilang lugar.