BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Friday, November 19, 2010

ANG SALOT SA VERANDA

Laksang hamog ang nalalaglag sa veranda

habang sumusulong ang silahis ng liwanag;

at umuurong ang lambong ng kadiliman

mula sa traydor na mga yabag sa kawalan.

Sa ikalawang palapag ng gusali ng paaralan,

Na nanatiling palaisipan sa mga mag-aaral

Masisilayan ang tumpok ng mga salot---

na bumubulabog sa mahinang sikmura.



Sa umagang pinasisigla ng lagas ng mga dahon:

Ay kadiri! Yak ang baho!

Ang konsyertong angal ng Ikaapat na Baitang;

Dulot nito'y masansang na amoy sa ilong na bagong kulangot.



"Iwaksi ang salot!" sigaw ng karamihan.

Isang solusyon ang sama-samang pinagtibay:

Tabunan ng buhangin ang tumpok ng salot;

hagurin ng dustpan ang magkabilang tumpok;

Simutin ng walistingting ang maiiwang peligro.

Sa kumpas ng basahan, patak ng pulang likido,

Padulasin ang sahig at pakintabin ng bunot;

Upang ang ilong ay di na muling mangilabot.





Kinabukasan,

muling ngumiti ang araw.

Ang tumpok ng salot ay muli na namang nanunuot;

Sa kahabaan ng pinakintab na veranda

ay mapapamura ka talaga.



Ay, ay, ay!

Pusang gala talaga!

Kundi lang siyam ang iyong buhay

Malamang ay pinaglalamayan ka na

Ng sanlaksang hamog at lagas na mga dahon.