BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Friday, November 19, 2010

ANG SALOT SA VERANDA

Laksang hamog ang nalalaglag sa veranda

habang sumusulong ang silahis ng liwanag;

at umuurong ang lambong ng kadiliman

mula sa traydor na mga yabag sa kawalan.

Sa ikalawang palapag ng gusali ng paaralan,

Na nanatiling palaisipan sa mga mag-aaral

Masisilayan ang tumpok ng mga salot---

na bumubulabog sa mahinang sikmura.



Sa umagang pinasisigla ng lagas ng mga dahon:

Ay kadiri! Yak ang baho!

Ang konsyertong angal ng Ikaapat na Baitang;

Dulot nito'y masansang na amoy sa ilong na bagong kulangot.



"Iwaksi ang salot!" sigaw ng karamihan.

Isang solusyon ang sama-samang pinagtibay:

Tabunan ng buhangin ang tumpok ng salot;

hagurin ng dustpan ang magkabilang tumpok;

Simutin ng walistingting ang maiiwang peligro.

Sa kumpas ng basahan, patak ng pulang likido,

Padulasin ang sahig at pakintabin ng bunot;

Upang ang ilong ay di na muling mangilabot.





Kinabukasan,

muling ngumiti ang araw.

Ang tumpok ng salot ay muli na namang nanunuot;

Sa kahabaan ng pinakintab na veranda

ay mapapamura ka talaga.



Ay, ay, ay!

Pusang gala talaga!

Kundi lang siyam ang iyong buhay

Malamang ay pinaglalamayan ka na

Ng sanlaksang hamog at lagas na mga dahon.

Friday, October 15, 2010

Ang Kalipunan ng Aking Mga Kasabihan

  • "Kung itinuturing mo na BOBO ang mga taong di makaintindi ng mga pormula sa MATH at PHYSICS; mababa ang marka sa mga asignatura; di makaunawa ng pa-ingles-ingles mong salita; di tulad mo na Valedictorian nung hay-iskul at Cum Laude nung kolehiyo. Ngunit di ka marunong MAKINIG at UMUNAWA: BOBO ka parin kahit buklatin mo ...pa ang anumang DIKSIYONARYONG FILIPINO."

    "Kung susulong ka, sikapin mo munang ihakbang ang binti ng pagtitimpi bago mo tuluyang ihakbang ang imahinasyon ng iyong kaisipan at palutangin sa hangin ang kislap at talim ng iyong paninindigan."

    "Pinapayapa ng halakhak ng kaligayahan ang puntod ng mga kabiguan at inililibing nito ang mga hilahil ng damdamin na nag-iwan ng mga latay ng aral ng buhay."

    "Naglalakbay ang aking panulat sa samyo nang buntong hininga ng aking karanasan na tumatangis sa aliw-iw nang gunita at humihikbi sa hambalos ng mga nagmamakaawang tinig sa silong ng langit, habang sinusuyo ng aking katha ang kislap ng ligaya at taluto't ng ginto ng pag-asa."

    "Mas makabuluhan ang pangarap na tinanglawan ng dilim kaysa sa sinakluban ng liwanag."

    "Ang pag-aasawa ay 'di biro lalo na kung pikon ang iyong mapapangasawa."

    "May lakas ng loob ka pa bang bitawan ang salitang "gusto" kung ang gusto mo ay di "husto" sa'yo at ang husto sa'yo ay di mo gusto? Paano pa kaya kung ang gusto mo ay husto sa di mo gusto? Lalo na't kung ang di mo gusto ay husto sa gusto mo. Ano husto pa ba ang isip mo sa gusto mo?"

    "May pagkakataon na kailangan nating mabasag upang maging ganap ang ating pagkatao"

    "Education begins and ends with thyself. Thyself begins and ends with education."

    "The greatest perspective in life is the perspective of the heart. It magnifies everything that radiates within the beams of your mind, body and soul."

    "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay JEJEMON."

    "Paano mo mamahalin ang iyong buhay kung walang kang paa at kamay? Ano ang magiging pananaw mo sa buhay kung tila pinagkaitan ka ng tadhana? Minsan akong akong huminto at nag-isip. Huminga ng malalim at nagmuni-muni. Napagtanto ko na hindi mahalaga kung paano ka nagsimula, kundi kung paano naging makabuluhan ang buhay mo."

     

Friday, May 21, 2010

ISANG TASANG KAPE (1)

Chard! Chard! Gising na.

Nay naman ang aga-aga pa kaya, tanghali pa ang pasok ko sa eskwela.

Mas mabuti nang nagigising ka ng maaga para makapaghanda ka sa pagpasok at magawa mo pa ang mga takdang aralin mo na madalas mong tulugan. Halika at bumangon ka na dyan sa higaan at inumin mo na 'tong kapeng tinimpla ko para sa'yo. Sayang naman at baka lumamig na naman at makaligtan mo na namang inumin.

Kape na naman ba?! Wala na bang iba? Wala bang gatas o oat meal para masayaran naman ng ibang agahan ang aking sikmura? Pakiramdam ko tuloy ay kape na ang dumadaloy sa aking dugo. Kaya siguro mababa ang mga grado ko ay dahil sa kakainom ko ng kape.

Ikaw talagang bata ka. Puro ka reklamo, dapat nga ay magpasalamat ka at may naiinom kang kape at may tasa kang nahahawakan sa umaga. Anak, ang kape ay may sekretong sangkap na nagpapasarap at nagbibigay buhay sa lasa ng isang simple o ordinaryong kape. Kaya ka nagkakaganyan, ay marahil, ay hindi mo pa lubusang natutuklasan ang sekretong sangkap ng buhay na magbibigay sa'yo ng tunay kaligayahan.

Hindi ko kayo maintindihan. Ang kape ay kape, ang tao ay tao. Kahit kailan ay hindi maaring maging kape ang tao, o tao ang kape.


KAPE ang madalas naming pagtalunan ng aking ina sa umaga. Hindi ko alam kung ano'ng meron sa kape at ito ang nagsisilbi nyang kalakasan sa pag sapit ng bukang liwayway sa umaga. Wala syang ibang bukang bibig kundi 'kape,' at 'whag hahayaang lumamig ang kape, para mas malasahan ko raw ang linamnam nito. Mas malalasap ko raw ang aroma nito kung ang usok na pumapaimbabaw sa tasa ay aking lalasapin at 'di hahayaang maglaho bago tuluyang tumakas ang init nito.

Ang batingaw ng tasa at kutsara ang madalas gumigising sa aking umaga. Paano ba naman ay bago pa muling tumilaok ang manok sa ika-lima ng umaga ay naghahari na ang kagingking ng kutsara at tasa. Pilit itong sumusuot sa aking tenga at nagsisilbing kalembang ng aking diwa. Imumulat nito ang talukap ng aking mga mata, habang ang aking mga mata ay pumupungas-pungas at nakikipagbuno sa antok at pagmulat.

"Chard yung kape 'whag na 'whag mong hahayang lumamig."

Ito ang walang katapusang paalala ni Inay matapos nyang timplahin ang kape. Madalas nyang sabihin sa akin na ang buhay ng tao ay magkakaiba; wari'y isang kape na iba't iba ang lasa at timpla. Iba't iba raw ang katangian ng kape: may matamis, na tulad ng taong malambing at maaruga sa kapuwa; mapait, na tulad ng isang taong nagtataglay ng magaspang na ugali; at kadalasan ay ayos lang ang timpla at banayad sa lalamunan, na tulad ng tao na kontento na sa kung ano ang meron sya.

Taliwas ang aking paniniwala sa pananaw ni Inay. Para sa akin ang kape ay simbolo ng kahirapan. Ito kasi ang nagsisilbi naming agahan sa umaga. Naiibsan nito ang pangamba ni Inay sa buong maghapon, na kung pa'no namin mabebenta ang Sampaguita sa gilid ng simbahan. Kapag maagang naubos ang aming paninda ay kinukulit ko si Inay na subukan naman nitong bumili ng gatas. Habang ako ay nangungulit, ngingiti lang ito sa akin at tatango ng tatlong ulit. Tikom ang bibig nito sa pagbitaw ng pangako. Sabik kasi ako na makatikim ng gatas, dahil kung ikukumpara ang gatas sa kape, tila mas angat ang gatas kaysa sa kape. Marami kasi itong sustansiya. Nagpapatibay daw ito ng buto, nagpapalakas ng katawan at nagpapatalino. Samantalang ang kape ay nagpapalakas ng nerbiyos.

Wednesday, March 31, 2010

Tsuk Tsak

Paano mo sabihin ang isang bagay na iyong napapansin na hindi masasaktan ang damdamin ng iyong kaibigan:

1. Kapag naamoy mo na nangangamoy ang kilikili ng kaibigan mo pero hindi mo siya kayang prankahin, kasi baka masira ang inyong pagkakaibigan. Paano mo ito sasabihin ng hindi siya masasaktan? Ganito yun, kapag hindi mo na talaga matiis ang kanyang amoy ay sibihin mo na: Best Friend galit ka ba sa akin? Siguradong magtatanong siya kung bakit. Sabihin mo na, 'di ba't usapan natin na dapat ay parehong brand ng pabango ang ating gagamitin, pero ba't ganun, tuwing mag-uusap tayo, ibang panbango 'yang ginagamit mo, alam na alam mo namang sukang-suka ako sa ganyang uri ng pabango. San mo ba binili 'yan at maireklamo nga sa DTI, para kasing expired na 'yan at masyadong masakit sa ilong ang pagkakatimpla.

2. Kapag may tutuli naman yung kasama mo. Ganito dapat ang hirit: Wow naman pre' bilib na talaga ako sa'yo akalain mo kahit na mahina yang pandinig mo ay nagawan mo ng paraan para makabili nang bagong gadget sa tenga. Akalain mo, sakto lang 'yan sa tengo mo at mukhang kakaiba ang pagkakagawa. Bilib na talaga ako sa teknolohiya paliit na nang paliit ang mga gadget ngayon.

3. Kapag madalas mong makita ang iyong kaibigan na naglalaway tuwing natutulog. Ganito dapat ang banat: Oy, frienship iwasan mo ngang kumain ng mga masasabaw na pagkain ha. Naiingit kasi ako sa'yo eh, pansin ko na tuwing matutulog ka ay madalas na natatapon ang sabaw sa unan at mesa na iyong hinihigaan. Nagtataka naman ako, wala namang mangkok sa higaan pero ang daming sabaw na nasasayang. Siguro mas mabuti na mga tuyong ulam muna ng iyong i-ulam para mas makatipid ka.

4. Pre' nakaasar ka talaga. Pagkatapos mong kumain lagi mo na lang akong iniingit sa ulam mo at nagtitira ka pa. Whag naman ganyan lalo lang tuloy akong ginugutom eh, ganyan ka ba talaga...lagi mo na lang akong iniingit ng mga inipon mong tinga mo sa ngipin para ipamukha sa akin na isang akong dukha na walang kakayahan na magtira ng mga pagkain.

5. Peke naman yang contact lens mo...kapain mo, madaling matunaw at nasa gilid na ng mata mo. Sa susunod whag kang basta-basta bibili ng mga China made na contact lens para mas maganda tignan ang mata mo.  Lao na kapag bagong gising ka.    

Tuesday, March 30, 2010

Pa-petiks-petiks lang

Mahalaga ang Math kapag bibili tayo ng ating mga pangangailangan sa pang-araw-araw. Kapag sasakay tayo ng dyip ay maari nating sabihin sa drayber na manong drayber: the income of my father is not faster than the speed of sound, and his salary is not proportional to the velocity of your engine. In short, PAANGKAS MUNA.


At kapag tatawad naman tayo sa paninda ay maari rin naman nating sabihin sa mga tindera na: In my observation, the law of supply is not equilibrium to the law of demand so kindly lower the price of your commodities so that I can maximize my monthly budget. Sa madaling salita, PAUTANG MUNA.


At kapag sawi sa pag-ibig ang ilang kabataan ay pinipilit nilang kalikutin ang puso nila nang ilang formulas, para maging miyembro ng EMOWOKERS. Ganito ata ang kanilang paraan ng pagtingin sa kabiguan. Una, ninanamnam nilang mabuti kung kalian nagiging mahalaga ang mahal. Ikalawa, sa kanilang pananaw ay kapag inilalagak ito sa puso ay nagiging komplikado ito, at nagdudulot nang pagkalimot sa sarili. Kaya’t the equivalent of x is equal to y, therefore, x and y is not conqruent to positive and negative. Ang resulta, naglalaslas sila ng pulso dahil hindi nila maintindihan ang tibok ng kanilang puso.


Ganito naman ang computation ng mga mandurukot kapag nagplaplano na magnakaw: The relativity of x, y and z is equal to the axiom of serendipity over the gravity of the offense; thus, the sum of the matter is go to jail, if the police caught you--- you cannot file a bail.

Saturday, March 27, 2010

Eh Ano Ngayon

Eh ano ngayon kung hindi ko kasing guwapo ang mga sikat na artista.
Eh ano ngayon kung hindi ko sila kasing macho na may 6 pack na abs.
Eh ano ngayon kung hindi ako tisoy, moreno at matangkad.
Bakit? Artista ba ako, hindi naman di ba--mukhang artistahin lang.

Eh ano ngayon kung di ko kasing talino si Eistein at Bill Gates.
Bakit? Mukha bang  E=mc2 ang utak ko, at Computer ang mukha ko.

Eh ano ngayon kung hindi ako kasing bilis ni Pacman sumuntok.
Eh ano ngayon kung hindi ako nakakapagpatulog ng kalaban sa ring.
Bakit? Kaya niya bang talunin yung mga mandurukot sa Quiapo na
pumitik ng pitaka ko ng hindi ko man lamang naramdaman.



Eh ano ngayon kung mabilis ang pagtaas ng bilang ng populasyon.
Eh ano ngayon kung kung di sila marunong mag-family planning.
Bakit? Nakakain ba ang condom at nagpapahaba ba ng buhay ang pills.


Eh ano ngayon kung maraming politkong nagpapanggap na mahirap.
Eh ano ngayon kung lahat sila ay galit sa korupsyon at katiwalian.
Bakit? May bago ba sa mga sinabi nila.

Saturday, March 20, 2010

Pangarap


Kung may kakayahan lang ako na ikulong ang aking mga pangarap ---ay bakit hindi? Kung may kapangyarihan lang ako na igapos ito--ay bakit hindi? Subalit, kapag ikinulong at iginapos ko ito ay para ko na ring ikinulong at iginapos ang aking pagkatao. Kaya't hahayaan ko na lang itong lumipad at maglakbay hanggang makaniig nito ang aking imahinasyon at magsilang ito ng mga mumunting mga pangarap sa hinaharap

Saturday, March 13, 2010

Tuwalya

Tuwalya
I

Naglalangis
ang katawan
sa paglalaro,
gatil-gatil na butil
ang
tu
mu
lo
!

Malambot
na tela
ay hinablot;
balakbak ay
hinaplos.

Sinipsip
ang
bumubulwak
na hamog.


II

Nangigitata
ang balat
sa
ali
ka
bok
!



Makapal
na tela
ay sinaplot;

Hubad
na talukap
ay nabalot.

Pumunta
sa kasilyas
at nagbuhos

Kinuskos
ang katad
hanggang
makuyog.

Monday, February 22, 2010

Panliligaw

Sa tikatik ng orasan
anyo mo’y sinisipatan
inaalihan ang puso
kong dinuduyan.
Parang tuod sa
maghapong pag-aabang,
masilayan lamang
taglay mong kagandahan.
Saan mang dako kita’y inaabatan,
araw-araw kung puntahan
madaling araw kung lumisan---
maiuwi lamang,
PUSO mo sa aking tahanan

Saturday, February 6, 2010

ANG TALENTONG WALANG PAMANTAYAN SA PANAHON NG REALITY SHOW, RAP, EMO AT YOUTUBE




Sa pananaw ng humanismo, pinaniniwalaan na ang tao ang batayan ng lahat ng bagay sa mundo kung kaya't kailangang maipagkaloob sa kanya ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin sa pagpapasya. Naniniwala ang mga humanista na sibilisado ang mga taong nakatuntong ng pag-aaral dahil lumilitaw ito sa kulturang popular.


I REALITY SHOW

Patok na patok sa takilya ang mga palabas na Reality Show. Sinusubaybayan ito nang milyon-milyong manonood na naiintriga sa mga kaganapan, asal nang bawat taong kalahok at aksyon na maaring maganap sa ganitong uri ng palabas. Pinalilitaw sa bawat pangyayari ang natural na galaw at bitaw ng salita; binibigyang kulay pa nito ng mga mararagsang suliranin na lumulutang bunga ng kompetisyon at tunggalian ng kakayahang pang-kaisipan at tatag ng kalooban. Binibigyan ng buhay nang ganitong uri ng palabas ang katatagan at kakayahan ng tao sa hamon na kanyang haharapin, mga posibilidad na maaring maganap: kahandaan sa pagtanggap ng kabiguan at katapangan na harapin ang bangis nang sigalot sa pagitan ng kanyang mga kalahok. Sa pamamagitan ng mga atas at mga pagsubok ay sinusukat ang hangganan ng kakayahang pisikal at mental ng isang tao batay sa kanyang pakikisalamuha sa ibang nilalang na may mataas na karanasan sa pakikisalamuha at disiplina sa sarili.

Nagsimula ang ideya ng tunay na Reality Show noong dekada 70's sa Amerika. Una itong napanood sa palabas sa pamamagitan ng isang dokumentaryo ng An American Family ng Public Broadcasting System. Inilarawan ng dokumentaryong ito ang mga tagong pangyayari sa pamilyang Loud na kung saan ay nahaharap ang pamilya sa paghihiwalay ng mga haligi nito--ang ama at ina ng tahanan. Ngunit, sa panahong iyon ay hindi handa ang mga manonood na tanggapin ang ganitong uri ng mga palabas; mas nawiwili sila sa mga minemorya at scripted na mga galaw at bitaw ng salita ng mga bidang gumaganap sa pelikula. Sumikat lamang ang ganitong uri ng palabas noong dekada 80's sa palabas na COPS. Naunawaan ng mga manonood ang konsepto ng palabas sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga aktuwal na kaganapan ng mga karanasan ng mga pulis at mahalagang papel na kanilang ginagalawan sa lipunan.

Binibigyang hustisya nito ang ordinaryong pangyayari na kinunan ng mga amateur photographers, lokal na pahayagan at paniktik na kamera ng kapulisan. Kinapulutan ito ng aral ng mga manonood, upang higit silang maging mapanuri sa lipunang kanilang ginagalawan.

Lalo pang umigting ang pagsimsim ng mga manonood sa ganitong uri ng palabas ng masilayan nila ang The Real World o ang katumbas ng Pinoy Big Brother sa ating bansa. Namangha ang mga manonood sa istilo ng palabas, pinagsamasama ang dalawampung katao sa loob ng isang bahay. Natunghayan nila ang bawat tagpo sa unscripted na komprontasyon ng mga manonood at tila scripted na mga kaganapan sa loob ng bahay. Subalit, higit na nagningning ang ganitong uri ng palabas noong 1990. Ipinakilala sa publiko ng CBS ang Survivor, humagilap ng mga kalahok mula sa mga ordinaryong tao sa lipunan na gaganap na aktor sa bawat pangyayari at hamon na may kapalit na premyong salapi. Mabilis na naging popular ang palabas na ito sa buong mundo na naging batayan ng iba pang mga bansa na gayahin ang nasabing Reality Show. Umani naman ito ng mga batikos mula sa mga kritiko, bukod sa hindi magastos ang produksyon ng palabas na ito ay tila nawawalan nang popularidad ang mga propesyunal na artista.


Sa pagpasok ng bagong milenyo ay lubusan nang niyakap at sinubaybayan ng mga manonood ang Reality Show. Gumaya narin ang ating lokal na telibisyon sa kaningningan ng ganitong uri ng palabas. Hindi na ata mabiling sa daliri ang mga Reality Show na ipinalabas sa bansa. Tulad ng popular na Pinoy Big Brother at Survivor Philippines. Hindi magkamayaw ang mga nagnanais na maging bahagi ng ganitong uri ng palabas upang makilala, makatulong sa pamilya, sumikat at maabot angmga pangarap. Ilang artista narin ang sumikat mula sa PBB at naging matagumpay na artista sa kasalukuyan. Tulad nila Sam Milby, Gerald Anderson, Kim Chiu, Say Alano, Jayson Gaiza at Uma. Sa katunayan, iba't ibang senaryo at bersyon ng PBB na ang ipinalabas na sinubaybayan ng milyong-milyong Pilipino.

Hindi ba't ang kantang Pinoy Ako ay naging sandigan ng pagkakaisa nating mga Pilipino upang ipagmalaki ang ating kakayahan at angking talino sa buong mundo. Nabuo din sa palabas na ito ang pagtanggap sa pagkatao ni Rustom Padilla bilang isang homosexual at nakilala bilang BB Gandang Hari. Sa bahay ni kuya nya inamin ang tunay nyang pagkatao na labis na pinag-usapan sa bawat tahanan, telebisyon at pahayagan. Sinisikap ng palabas na ito na tuklasin nang higit ang mga taong may angking pisikal na kaanyuan, determinasyon, abilidad at kakayahan na mamayagpag sa sining ng pag-arte at telebisyon.






II RAP at EMO

Ang RAP at EMO ay naging popular na uri ng mga awitin sa kasalukuyan. Binago nito ang nakasanayang mga awitin tulad ng love song, jazz, rock at blues. Ang mga liriko ng mga awiting ito ay may bertud o madyik na humahatak sa kamalayan ng mga bagong sibol na kabataan hinggil sa kanilang sarili at kanilang kakayahan. Ang Rap ay naging sikat sa bawat pasilyo, kanto at kalsada. Simple lang naman kasi ang paraan sa pag-awit. Hindi na kailangan pang mag-aral ng voice lesson, para lang masabing magaling ka sa larangang ito; kadalasan ang paglalarawan ng damdamin ng isang Rapper ang binibigyan ng kulay ng mga nakikinig. Ang mensahe na nakapaloob sa liriko ay siyang pinagbabatayan ng mga tumatangkilik sa awiting ito. Sa katunayan, kahit sino na may kakayanang sumulat ng kanta at mabilis bumigkas ng mga salita, na may kakaibang istilo, ay patok na sa mga Rap-fanatics. Medyo naiirita nga lang ang mga taong hindi nakamulatan ang kakaibang istilo ng awiting ito. Tinuturing nila itong ingay dahil walang-tunog-sentimental ang bitaw ng bawat salita. Tila gumagasgas sa kanilang pandinig ang mga lirikong umaariba sa dulas na walang mintis.

****


Emo.. ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ang kabilinbilinan ni lola at lolo ay para itong serbesa na may amats sa puso. Para naman sa mga bagong hanerasyon, ang awiting ito ay may haplos sa puso at kirot sa isipan. Ang istilo ng awiting ito ay nasa mga bandang pinoy na, kahit noon pa. Nagsimula sa E-heads, Parokya ni Edgar, Rivermaya, at iba pang mga banda. Sila ang nagsisilbing inspirasyon ng mga banda sa kasalukuyan. Tulad ng Kamikazee, Updharma-down, Hale, Calla Lily, 6cycle mind at iba pa. Idagdag mo pa sa listahan ang Underdround e\m/o, tulad ng Typecast, Saydie, Urbandub at marami pang iba. Ang sabi ng iba ang e\m/o ay para sa mga rakistang nagsesentimyento de asukal. Para naman sa ilan, ito na raw ang tunog na malapit sa pulso, kaya inspirasyon ito ng ilan sa pagpapakamatay. Ngunit, kahit magtambling pa ang mga argumento, sa kasalukuyan ang awiting ito ang sikat na tunog sa mga puso ng E\m/O rOckz.

Kadalasan pakiramdam ng mga Emo-fanatics na tanging si Batman lang ang makakaintindi sa kalagayan nila. Itinuring na nilang 6 feet below the ground ang kanilang puso. Para ba itong isda na lumalangoy sa putikan na walang patutunguhan.



Anyways, eto na yung Top 5 Pinaka-sikat na EMO lines mula sa mga suicidal na EMO "dudes" natin:


5.) I am useless... / Wala akong silbi...

- Ito ang unang linyang masasambit mo oras na tumapak ka na sa mundo ng mga mahihilig sa itim... Pakiramdam mo kumbaga, e wala ka nang silbi...ni magsuot ng sapatos na Chuck Taylor, magsuot ng mga t-shirt na may "creepy" na mensahe at skinny jeans, mag-wax ng mahaba mong buhok, magkulay ng mata at kuko, at kumanta ng mga EMO songs, e parang di mo na magawa... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto mo nang mamatay...

Pero sabi nila, ang tawag daw sa mga ganyan e "Posers". Mga mahihilig siguro mag-pose...dapat na daw silang mamatay...lahat daw tayo, dapat ng mamatay...ah, kampon ng kadiliman, layuan mo ako!


4.) Nobody loves me... / Walang nagmamahal sa akin...

- Pag pakiramdam mong wala nang nagmamahal sa iyo at parang feeling mo gusto mong magrebelde, malamang, EMO ka na. Eto yung pakiramdam na parang pinagsakluban ka ng langit, lupa at impyerno...im...im...impyerno...saksak puso, tulo ang dugo... ay, mali, ba't naglalaro na ako dito...ang tanga ko... ang tanga tanga ko...kaya wala nang nagmamahal sa akin...kasi tanga ako...di na nila ako mahaaaaal... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto ko nang mamatay...

Ngayon ko lang napagtanto na ang larong pambata na "Langit-Lupa" e meron pa lang bahid ng pagiging EMO...buti na lang at di na uso ngayon yan, dahil imbes na maghabulan sila sa labas e naghahabulan na lang sila sa mapa ng DotA...


3.) I am a nobody... / Ay want nobody, nobody bat chu...

- Eto yata yung usong kanta ngayon...I want nobody, nobody bat chu...I want nobody nobody bat chu...ermagkanoTVmo...I want nobade-nobade, nobade nobadeh! Ay mali...iba pala yun... Bakit ba usung-uso yang kantang-koreano na yan?! E wala namang maintindihan diyan kundi yung "I want nobody, nobody bat chu"... ugh... Pero sa akin, wala silang pakialam... Wala silang panahon para pakinggan ang isang katulad ko...ang awit ng puso kong napupuno ng kadiliman... Parang di na nila ako nakikita... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto ko nang mamatay...

Kunwari pa yang mga emo na yan...pero sa loob nila e sumasayaw din naman sila ng "kampay-kampay ng hintuturo--turo sa audience/angat ng tuhod--sabay palakpak-turo-palakpak uli" tuwing makikita nila ang mga Koreanang naka-gintong damit...


2.) My life has no meaning / Walang halaga ang buhay ko...

- Pag nararamdaman mong wala nang ibang pupuntahan ang buhay mong sawi...pag pakiramdam mong unti-unti nang sinasakop ng kadiliman ang puso mo... EMO ka na. Parang kulang na lang e may mag-regalo sa iyo ng dictionary para malaman mo ang meaning ng "life"... At kahit anong paliwanag ang sabihin sa iyo ng mga pari, madre, pastor at arsobispo, e tila wala kang maintindihan...o TALAGANG AYAW MONG INTINDIHIN...dahil nagsara na ang utak mo dahil sa dami ng itim sa katawan mo... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto mo nang mamatay...

Ngayon ko lang din na-"gets"... EMO rin pala sina Freddie Aguilar at Rey Valera...at lahat ng songwriters na gumamit ng linyang "Walang halaga ang buhay ko..."


1.) I just wanna die... / Gusto ko nang kumandidato...este, gusto ko nang mamatay...

- Eto na ang pinaka-matindi...kumbaga, eto na ang culminating activity ng lahat ng mga demonyo sa utak mo...gusto mo na talagang mamatay! Wala ka nang silbi sa mundo, walang nagmamahal sa iyo, walang pakialam sa iyo ang mga tao, at walang halaga ang buhay mo...So ano pang hinihintay mo? Sakay na! Super Ferry, talagang trip kita (palubugin)! Ay amp, ba't ko ba ginagawang katatawanan ang KAMATAYAN...? Kaming mga EMO, maaaring buhay pa nga kami, pero patay na ang mga puso namin...oo, gusto na naming mamatay...pero nakakatawa lang at HANGGANG NGAYON, e buhay pa rin kami... Drama lang naman talaga 'to... sasabihin lang naming gusto na naming mamatay pero sa totoo lang, natatakot kami sa kinakalawang na blade, mataas na buildings at Boom na Boom/Star City carnival rides. Takot din kaming uminom ng lason, kaya sleeping pills na lang, kaso hindi effective kaya buhay pa rin yung iba... OO! Gusto na naming mamatay! Gustong-gusto!

Kaso pag namatay kami, di na kikita ang Dickies, Tribal at iba pang clothing lines na puro mga EMO ang mga suki! Di na rin sisikat ang Typecast at iba pang emo-bands dahil wala nang makikinig sa kanila! Di na rin kikita ang mga baklang parlorista na naghahawi ng bangs namin at nagkukulay ng kuko namin! Di na kakalat ang fashion statement ng EMO! Pano pa namin mapapalaganap ang kulto namin na sumasamba kay Marilyn Manson? Papano na? Papano na? Kaya ang ituturing na lang naming patay e ang mga puso namin para may palusot... dahil ang totoo niyan, kaming mga EMO, E TAKOT MAMATAY!


(Source of Top 5 Emo Lines:http://pmorada.blogspot.com/2009_09_01_archive.html)