Chard! Chard! Gising na.
Nay naman ang aga-aga pa kaya, tanghali pa ang pasok ko sa eskwela.
Mas mabuti nang nagigising ka ng maaga para makapaghanda ka sa pagpasok at magawa mo pa ang mga takdang aralin mo na madalas mong tulugan. Halika at bumangon ka na dyan sa higaan at inumin mo na 'tong kapeng tinimpla ko para sa'yo. Sayang naman at baka lumamig na naman at makaligtan mo na namang inumin.
Kape na naman ba?! Wala na bang iba? Wala bang gatas o oat meal para masayaran naman ng ibang agahan ang aking sikmura? Pakiramdam ko tuloy ay kape na ang dumadaloy sa aking dugo. Kaya siguro mababa ang mga grado ko ay dahil sa kakainom ko ng kape.
Ikaw talagang bata ka. Puro ka reklamo, dapat nga ay magpasalamat ka at may naiinom kang kape at may tasa kang nahahawakan sa umaga. Anak, ang kape ay may sekretong sangkap na nagpapasarap at nagbibigay buhay sa lasa ng isang simple o ordinaryong kape. Kaya ka nagkakaganyan, ay marahil, ay hindi mo pa lubusang natutuklasan ang sekretong sangkap ng buhay na magbibigay sa'yo ng tunay kaligayahan.
Hindi ko kayo maintindihan. Ang kape ay kape, ang tao ay tao. Kahit kailan ay hindi maaring maging kape ang tao, o tao ang kape.
KAPE ang madalas naming pagtalunan ng aking ina sa umaga. Hindi ko alam kung ano'ng meron sa kape at ito ang nagsisilbi nyang kalakasan sa pag sapit ng bukang liwayway sa umaga. Wala syang ibang bukang bibig kundi 'kape,' at 'whag hahayaang lumamig ang kape, para mas malasahan ko raw ang linamnam nito. Mas malalasap ko raw ang aroma nito kung ang usok na pumapaimbabaw sa tasa ay aking lalasapin at 'di hahayaang maglaho bago tuluyang tumakas ang init nito.
Ang batingaw ng tasa at kutsara ang madalas gumigising sa aking umaga. Paano ba naman ay bago pa muling tumilaok ang manok sa ika-lima ng umaga ay naghahari na ang kagingking ng kutsara at tasa. Pilit itong sumusuot sa aking tenga at nagsisilbing kalembang ng aking diwa. Imumulat nito ang talukap ng aking mga mata, habang ang aking mga mata ay pumupungas-pungas at nakikipagbuno sa antok at pagmulat.
"Chard yung kape 'whag na 'whag mong hahayang lumamig."
Ito ang walang katapusang paalala ni Inay matapos nyang timplahin ang kape. Madalas nyang sabihin sa akin na ang buhay ng tao ay magkakaiba; wari'y isang kape na iba't iba ang lasa at timpla. Iba't iba raw ang katangian ng kape: may matamis, na tulad ng taong malambing at maaruga sa kapuwa; mapait, na tulad ng isang taong nagtataglay ng magaspang na ugali; at kadalasan ay ayos lang ang timpla at banayad sa lalamunan, na tulad ng tao na kontento na sa kung ano ang meron sya.
Taliwas ang aking paniniwala sa pananaw ni Inay. Para sa akin ang kape ay simbolo ng kahirapan. Ito kasi ang nagsisilbi naming agahan sa umaga. Naiibsan nito ang pangamba ni Inay sa buong maghapon, na kung pa'no namin mabebenta ang Sampaguita sa gilid ng simbahan. Kapag maagang naubos ang aming paninda ay kinukulit ko si Inay na subukan naman nitong bumili ng gatas. Habang ako ay nangungulit, ngingiti lang ito sa akin at tatango ng tatlong ulit. Tikom ang bibig nito sa pagbitaw ng pangako. Sabik kasi ako na makatikim ng gatas, dahil kung ikukumpara ang gatas sa kape, tila mas angat ang gatas kaysa sa kape. Marami kasi itong sustansiya. Nagpapatibay daw ito ng buto, nagpapalakas ng katawan at nagpapatalino. Samantalang ang kape ay nagpapalakas ng nerbiyos.
Friday, May 21, 2010
ISANG TASANG KAPE (1)
Posted by Nathan at 5:30 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
nakaka copy sir eh
Genial fill someone in on and this fill someone in on helped me alot in my college assignement. Say thank you you for your information.
Post a Comment