BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Sunday, August 9, 2009

Ang Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy

Dugong Bughaw

Madalas maibalita ang pagkamatay ng mga matatanda sanhi ng abnormal na pressure ng dugo sa katawan. Inimbitahan si Intoy Boknoy ng kanyang pinsan na mamasyal sa Baguio. Sa loob ng isang linggo ay naikot niya ang magagandang tanawin sa lugar. Nang naubos na ang kanyang pera ay naisipan niyang bumalik ng Manila. Habang siya ay nag-aantay sa pagdating ng Bus ay nakita niya ang ilang mag-aaral na nakasuot ng puting damit ay may hawak na stethoscope at blood pressure device.

Naobserbahan niya na mahaba ang pila ng mga tao sa booth na kinaroroonan ng mga Nars. Nakipila din siya at pinagmasdan ng mabuti kung paano ginagamit ang mga stethoscope at blood pressure device. Nang siya na ang kukunan ng BP ay binolabola niya ang mga kabataang nars upang ituro sa kanya ang tamang paggamit nito. Naisip niyang kikita siya ng malaki sa bagong natutunan dahil maraming matatanda sa kanilang lugar.

“Toto, paano ba ‘yan gamitin, itong telepono at pampiga ng kamay,” tanong niya.

“Tay, hindi po ito telepono, stethoscope po ito. Bakit niyo naman naitanong yan?” ang balik na tanong ng nurse.

“Ahh.. eh…mangyari kasi na pabago-bago kasi ang timpla ng dugo ko,” alibi niya.

“’Wag niyo pong timplahin para ‘di magbago,” pabirong sagot ng nars.

Pinaliwanag sa kanya ang tamang gamit ng stethoscope at blood pressure device.

“Normal naman po ang dugo niyo, ah,” sabi ng nars ayon sa resulta ng BP.

“Ay, ganun ba, kasi nakapag-relax ako ngayon,” dahilan niya.

Nang dumating ang Bus ay agad siyang sumakay. Paglingon niya sa upuan ay katabi niya ang isang Doktor. Malakas ang air-con sa bus at nilalamig siya. Inilihis niya ang air-con blower upang ‘di ginawin. Nakatulog siya sa mahabang biyahe.

“Balintawak…balintawak na po!” sigaw ng konduktor.

Nagising siya sa pagkakaidlip.

Napansin niya ang isang bag na naiwan ng pasahero. Naglalaman ito ng mga kagamitang pang Ospital. Binuksan niya ito upang hanapin ang address o telepone number. Wala siyang nakita. Sobrang lakas talaga ng buga ng air-con kaya kinuha niya ang puting damit na gamit ng Doktor sa loob ng bag at isinuot.

Ilang minuto ang lumipas ay may umakyat na pasahero ng Bus at umupo sa tabi niya. Muling umidlip si Intoy. Naramdaman niya na may matulis na bagay nakatutok sa kaniyang tagiliran. Napasiklot siya at ‘di nakapagsalita.

“Doktor ka ba?” tanong ng maton.

Tumango-tango lamang siya.

“Magaling kung ganun,” bulong sa kanya ng maton.

Nang huminto ang sasakyan ay inakbayan siya nito pababa ng Bus habang nakatusok ang isang matulis na bagay sa kanyang tagiliran. Agad na tumawag ng tricycle ang maton at isinakay siya.

Ipinasok siya sa isang liblib na lugar, ngunit maganda ang tanawin at malaki ang bahay at maraming mga maliliit na cubicle. Dalhin mo ang gamit mo. Binuksan ang malaking geyt at pinasok siya sa isang malaking warehouse. Narindi ang kanyang tenga sa ingay ng mga Baboy sa babuyan.

’Di ba Doktor ka, suriin mo isa-isa yung mga inahing baboy. Sabi ng dating Doktor may high blood daw ‘yan,” utos ng maton.

“ha….eh…,” litong sambit niya.

“Ano may angal ka!? Gusto mong tanggalin ko yang dugo mo sa katawan, ha!” pasigaw na pagbabanta nito.

“Ano ba ito, nakalimutan kong itanong sa nars kung saang bahagi ng Baboy ilalagay yung blood pressure device at stethoscope….paano ba ito. Bahala na.” ang agam-agam ni Intoy sa sarili.

Maya-maya ay isa-isang nagwawala at nag-iiyakan ang mga inahing Baboy.

Oink…oink…oink….

Huwag mangarap ng sampung kilometro ang layo at baka sa Babuyan ka damputin katulad ni Intoy Boknoy.

0 comments: