BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Thursday, August 20, 2009

Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy

Mahiwagang Baging

Sa Dagat umaasa ang mga mamamayan ng Isla Pag-asa sa kanilang ikabubuhay. Dahil madalas ang pagputol sa mga puno ng BAKAWAN sa tabi ng dalampasigan ay naging mailap ang mga isda sa karagatan.


“Mukhang pinagdadamutan ata tayo ng kalikasan,” ang kawalang pag-asa na bigkas ni Benjie Bisugo.

“Oo nga, ilang araw na tayo sa laot pero wala tayong mahuli-huling isda,” dagdag naman ni Simon Alimasag.

“ ‘Wag tayong mawawalan ng pag-asa may awa din ang dagat,” udyok ni Intoy Boknoy sa mga kapuwa mangingisda.

Lumipas ang apat na araw at umuwing luhaan ang mga mangingisda dahil sa matumal na huli ng mga isda.

Alas dos pa lang nang madaling araw ay pumalaot na si Boknoy upang magbasakali na makakahuli ng maraming isda. Sa kanyang paglalayag ay lumakas ang hihip ng hangin at napadpad siya sa isang isla. Bumaba siya sa kanyang bangka at naakit siya sa ganda ng isang Baging.

Lumabas ang diwata ng Baging.

Nagulat si Intoy Boknoy at nangatal sa sobrang takot.

“Huwag kang matakot, ako ang diwata ng iyong konsensya. Alam ko ang paghihirap ng iyong isla,”pahayag ng diwata.

“Dahil nakikita kong busilak ang iyong kalooban ay maari kang humiling ng apat na kahilingan sa pamamagitan ng paghatak sa baging,” malumanay na paliwanag nito.


Biglang naglaho ang diwata sa paningin ni Intoy Boknoy.

Sinubukan niyang sundin ang sinabi ng diwata.

Hinatak niya ang baging at humiling ng isang kahilingan.


“Mahiwagang Baging! Punuin mo ng isdang Tuna ang aking bangka!” lumingon si Boknoy sa kanyang bangka at nagulat sa kanyang nakita.


Napuno ng isdang Tuna ang kanyang bangka.

Buong pagtataka namang nag-isip ang kanyang mga kasama dahil tanging siya lang ang may huling isda.


Muli siyang bumalik sa isla.


“Mahiwagang Baging! Punuin mo ang aking bangka ng iba’t ibang uri ng isda!” nilingon nya ang kanyang bangka at nakitang nag-uumapaw ito sa iba’t ibang uri ng isda.


Lalong nagtaka ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanyang dalang mga isda sa bangka.


Muli siyang bumalik sa isla.

“Mahiwagang Baging!” Punuin mo ang aking bangka ng…..”Biglang nadulas si Intoy Boknoy.

“….aayyyy…unggoy!

Nilingon niya ang bangka at napuno nga ito ng unggoy.

Hindi niya alam ang kanyang gagawin kung paano niya iuuwi ang kanyang bangka.

Nag-isip siya ng malalim at muling hinatak ang Baging.

“Mahiwagang Baging!

Punuin mo ang aking bangka ng Saging!

Nilingon niya ang kanyang bangka at nakita niya na unti-unti itong lumulubog, habang nag-aagawan ang mga unggoy sa saging.

Kaya huwag kang madudulas sa isang lihim kung ayaw mong sapitin ang nangyari kay Intoy Boknoy.

Alagaan natin ang ating kalikasan.

0 comments: