Wednesday, September 23, 2009
Ang inatakeng TUTUBI sa Sunken Garden
Nakakaaliw pagmasadan ang mga luntiang damo sa Sunken Garden. Sa palibot nito ay nakapaligid ang mga tila nakamasid na mga puno ng mangga sa malawak na kapaligiran ng lugar. Ang lugar na ito ay nagsisilbing tagapag-aliw ng mga taong nais makaranas nang katahimikan ng damdamin at kapayapaan ng isip. Kaya't sinamantala namin ng aking mga mag-aaral ang araw ng September 21, 2009. Makabuluhan ang araw na ito: ang araw na ito ay ang paggunita sa ika-37 taon na pagdedeklara ng Batas Militar sa bansa noong September 21, 1972, na ipinatupad ni dating pangulong Marcos. Ang araw ding ito ay ang pagtatapos ng Eid ul-Fitr ng mga kapatid nating Muslim; ang araw ding ito ay pagdedeklara ng tambalang Noynoy-Mar ng Liberal Party para sa darating na halalan.
Masayang-masaya ang aking mga mag-aaral sa malawak na luntiang kapaligiran. Panay ang kanilang paghahabulan o di kaya naman ay paglalakad-lakad sa nakakaaliw na parang. Habang ang ilang tutubi ay paikot-ikot na lumilipad sa kanilang ulunan. Animo'y nang-aakit ito at kumakaripas sa paglipad at nang-iingit sa malaya nilang pakikiniig sa hangin. Malaya nitong naaabot ang di kataasang kalawakan at para bang nakikipaglaro sa aking mga mag-aaral. Ngunit sa gitna nang kasiyahan ay bumulusok pabagsak sa damuhan ang isang tutubi na walang malay. Pinagmasadan namin ang itsura nito at pilit naming inalam ang mabilis na pagbagsak nito sa luntiang damuhan. Malapad ang pakpak nito, makisig ang pangangatawan at makulay ang balat.
Tila ba inatake ito sa gitna ng kasiyahan at mabilis na humalik sa malawak na parang. Marahil ay hindi nito nakayanan ang mabilis na paglipad sa kalawakan at walang humpay na paikot-ikot nito sa hangin. Matagal siguro itong hindi nakalipad, matagal na namahinga sa pagkampay, tinamad na lumipad sa kalawakan at tinamad na masilayan ang luntiang kapaligiran. Katulad ito ng Ironman Challenge ng Cobra Energy Drink, na kung saan ay namatay ang isang kalahok sa gitna ng tubig dahil sa atake sa puso. Hindi nito kinaya ang nakakapagod na tagisan sa bawat pagsubok, upang sukatin ang kakayahan at lakas ng bawat kalahok.
Naiwan ang tutubi na nag-iisa sa damuhan, walang nakuhang tulong mula sa mga kalarong mga kaibigan. Maging kami man ay walang magawa upang maibalik siya sa kalawakan. Hindi ko alam kung paano bibigyan ng CPR ang munting nilalang, ni hindi ko rin alam kung nasaang bahagi ang puso nito. Mahirap talagang sagipin ang hindi mo kauri, masisiraan ka ng loob at masasaid ang iyong isip sa kakaisip. Hay, nakakalungkot talaga na masilayan ang isang nilalang na nagbibigay kulay sa kalawakan at kapaligiran. Ang tutubi ay nagsisilbing tagamasid sa magandang panahon at masaganang kapaligiran.
Naiintindihan nito ang halaga ng kalikasan, ang hatid na dulot ng magandang kapaligiran at higit na nauunawaan nito pakinabang ng kapaligiran sa bawat nilalang. Ang paglitaw nito sa kalawakan ay hudyat ng balanseng kapaligiran. Ang pagkawala at pagkamatay nito ay palatandaan ng kapabayaan ng tao sa tamang pangangalaga sa mundong nilikha hindi lamang para sa atin, kundi sa mga kakaibang nilalang na umaasa sa inang kalikasan.
Namatay man ang tutubi ay may napulot akong aral na bilang isang tao ay dapat panatilihing kaakit-akit ang kapaligiran para sa atin at mga kakaibang nilalang.
Paalam munting tutubi ng kalikasan. Nawa'y ang iyong pagpanaw ay simula ng bagong kaalaman.
(Ang mga larawan ay mula sa internet)
Posted by Nathan at 5:07 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment