BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Friday, October 23, 2009

Cara Y Cruz: Ang Kalansing ng Tatlong Bente Singko

Webfetti.com


Madalas ang kaskas ng tatlong bente singko. Panay-panay ang lagapak ng tatlong bente singko. Sunod-sunod ang kalansing ng tatlong bente singko

Tatlong bentes singko lang ang kailangan sa larong Cara Y Cruz. Kapag hinagis ang barya nang hindi gaanong kataasan ay dalawa lamang ang maaring maging resulta kundi cara ay cruz. Ang laging titira ay ang magpapakara at sisigaw naman yung lalaban ng cruz. Ihahagis ang barya depende sa resulta ng tatlong bente singko. Kapag hindi parin nakukuha ang tamang bagsak ng cara o cruz ay magpapatuloy ang magpapakara sa paghagis ng barya. Ito ata ang pimakamaingay na sugal bukod sa Madyong. Sa Madyong kasi ay saglit na karambola ng mga dice tapos tatahimik na pero ang cara y cruz ay walang humpay ang tunog nito sa semento hanggat hindi nagkakasabay-sabay ang labas ng mukha ng cara o cruz. Minsan ay nilalagyan pa nang palatandaan na pentel pen ng mga tumatapat sa krus. Bukod kasi sa ingay ng mga tunog ng barya ay maingay din yung mga nag-side bets. May sisigaw ng piso sa kara na ang ibig sabihin ay P100 ang pusta sa mangangara, kapag dos naman ay P200, tres P300...pinaiikli lang nila yung tawag sa salapi.

Sa larong ito ay hindi maiiwasan ang onsehan kaya may hahawak ng taya na tinatawag na Poly. Hahawakan nito ang pusta ng maka-cara at maka-cruz pero makakakuha sya ng porsyento. Kapag naman parating kara ang lumalabas sa bawat hagis ay mag-roll lang ang cara hanggang makuha ang ikatlong cara bago makapag-release ang magpapakara.

Bakit maraming nalululong sa sugal na ito? Bakit tatlong bente singko pa ang napili nila sa sugal na ito? Gaano ba katalamak ang sugal na ito? Ano ang repleksyon ng sugal na ito sa lipunan? Bakit mahirap sugpuin ang sugal na ito?

Isa sa malaking problema na kinakaharap ng bawat paaralan sa kasalukuyan ay ang larong kara o krus ng mga mag-aaral. Naging krusada ng aming paaralan ang pagsugpo nito. Tinitignan ng mga kabataan sa kasalukyan na isa lamang itong libangan dahil hindi naman kalakihan ang pusta kung ikukumpara mo sa ibang sugal. Subalit ang nakakaalarma ay ang walang pakundangan ang pagsakop ng sugal na ito sa loob ng klasrum. Masyadong matatalino ang mga batang naglalaro nito, naglalagay sila ng look out para hindi mahuli ang mga naglalaro. Simpleng kumpulan ang kanilang gagawin at magpupustahan sa abot kaya ng kanilang baon.

Kinahuhumalingan ito ng mga kabataan dahil madaling intindihin ang laro. Hindi mo na kailangan pang humawak ng baraha at intindihin ang mga simbolo, numero at patakaran ng paglalaro sa pagsusugal gamit ang baraha. Simple lang naman ang gagawin, pipili ka lang ng cara o tao at cruz, yung kabaligtaran ng tao. Hindi rin nakakainip ang sugal na ito, dahil sa ingay ng barya, at pag-asam sa susunod na mangyayari sa pagbagsak ng tatlong barya sa semento. Madaling mahuli ang pandarayang gingawa sa larong ito, di tulad ng baraha ay kailangang mabilis ang iyong mata sa pagtingin nang pagbabalasa ng baraha at maging mapanuri ka rin sa mga taong nakapaligid na marahil ay kasabwat ng bangka.

Maaring ganapin ang sugal na ito sa mga tagong sulok na mahirap mapasok ng mga pulis. Hindi mo kailangan nang magarang lugar para lamang sa larong ito. Basta may semento o malapad na bato ay talo-talo na ang mga parokyano nito. At higit sa lahat ay madaling maitakbo ang ebidensya, dahil handy sa bulsa at mabilis na maipapasa sa ibang tao na nakapaligid. Mabilis din ang pagkilos sa pagtakbo para hindi maabutan ng mga alagad ng batas. Hindi tulad ng ibang sugal na kailangan pa nang malaking pwesto para lamang makapaglaro at mahihirapan din sila na tumakas kapag nasakote agad ang lugar ng sugalan.

Magaang kasi ang tatlong bente singko at mas matalbog kumpara sa ibang barya. Upang higit na mas maganda ang kalansing at ikot nito ay kadalasan na kinakaskas pa ang gilid nito, para hindi raw sumala sa paghagis. Mas magiging payak raw ang bagsak nito sa semento kapag tinanggal ang pabilog na umbok sa gilid ng barya. Madali pang dakmain ang baryang ito sa bawat hagis.

Karamihan sa mga tumatangkilik ng sugal na ito ay ang mga mahihirap. Wala kasi silang sapat na salapi para pumunta sa Casino. Nahihirapan silang intindihin ang larong Madyong. Nababagalan sila sa ikot ng baraha kaya sa barya sila umaasa. Barya-barya lang naman daw ang kanilang pera kaya hindi matatawag na sugal ito, kung ikukumpara sa mga naglalaro sa Casino. Masyadong kumplikado rin ang Lotto dahil marami ang tumataya nito. Kumpara sa cara o cruz ay 50/50 ang tsansa na mananalo, samantalang sa Lotto ay mahirap malaman kung ilang porsyento ang tsansa ng iyong panalo.

Ika nga ang buhay ay parang BENTE SINGKO. Sa kasalukuyang presyo ng mga bilihin ay mahirap makabili ng isang produkto na ang halaga ay bente singko. Pasalamat ako at naabutan ko pa ang halaga ng baryang ito, nakakabili pa ako ng ilang piraso ng puto seko sa halagang bente singko at, nung una akong sumakay sa dyip ang bayad lang ay dalawang bente singko, makakapag-byahe ka na nang ilang kilometro. Saan mo nga naman isisiksik ang tatlong bente singko kung puro cards at cash ang ginagamit sa transaksyon ng pamilihan. Dati rati pwede kang makatawag sa telepono gamit ang tatlong bente singko. Gumawa pa nga ng kanta si Dindong Avanzado sa halaga ng tatlong bente singko. Ayon sa kanyang awitin na tatlong bente singko lang ang kailangan upang makausap ang kanyang minamahal nang kahit sandali lang. Pinipilit pa nga nya yung ale na palitan yung pera nya ng barya para muling makatawag sa kasintahan nya. Pero ngayon, hindi mo na magagamit ang baryang ito sa pagtawag sa telepono o selfon. Kapag nanghingi nga ang bata ng pera, hindi bente singko ang hihingin kundi piso o kaya limang piso. Kahit sa kanilang murang edad ay makikita mo na hirap silang makabili ng kahit anong pagkain sa tindahan gamit ang bente singko.


Sa mga labis na nangangailangan, ang bente singko ay NAPAKAHALAGA. Sa mga namamalimos sa kalsada ng kamaynilaan, ang bentsingko ay katumbas ng isang kasagutan sa kumakalam na sikmura. Sa isang pasaherong tatay na may 7.75 sa bulsa, ang kapalit ng bentsingko ay ang yakap ng mga anak na pampahupa sa nakakapagod na trabaho sa buong maghapon. Sa nakukulangan, ang bentsingko ay buhay. Buhay para sa mga taong umaasa sa habag nang ibang tao at habag nang tadhana. Ang baryang ito ay repleksyon ng kahirapan sa bansa. Kahirapan na matagal nang impit na sigaw ng mga naghihikahos na pamilya.

NGUNIT ang kalansing ng tatlong bente singko sa larong cara cruz ay pagpapakita nang kamangmangan ng ilang matanda at kabataan sa halaga ng salapi. Ang barya ay hindi ginawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang maging instrumento ng sugal saan mang sulok ng bansa. Ika nga ang bawat sentemo ay syang bubuo ng isang daan. Ang bawat sentemo ay buhay ng daloy ng salapi sa ekonomiya ng ating bansa. Kaya marapat lang na pahalagahan natin ang bawat barya na dadaan sa ating palad. Ang pagpapahalaga sa barya ay pagpapahalaga sa kinabukasan ng bansa. Hayaan nating magwaldas ng milyon-milyon at libo-libong salapi ang mga mayayamang walang magawa sa kanilang pera. Dahil darating ang araw na maghahagilap sila ng barya at muli nilang iipunin ang mga bente singkong nagkalat sa kalsada para makabili ng pagkain.

Kaya bilang mag-aaral ay bigyan natin ng halaga ang pag-iipon sa barya at hayaan ang kalansing ng tatlong bente singko ay magtulak sa atin sa pagtamo ng ating munting pangarap. At tuluyang makahon sa kahon ng kahirapan ang Perlas ng Silanganan.

0 comments: