Thursday, October 15, 2009
SuperBoknonoy
Madalas ang pagsasayaw ng mag-asawang Boknoy at Boknay sa Obando Bulacan. Magtirik ng kandila sa simbahan ng Baclaran. Magdasal nang paluhod sa loob ng simbahan ng Quiapo. Patambling-tambling sa Groto tuwing mahal na araw.
Sa tagal ng kanilang paghihintay na mag-karoon ng anak ay dininig din ng maykapal ang kanilang panalangin.
Boknoynoy ang ipinangalan nila sa kanilang unico hijo.
Moreno, mataba, kulot ang buhok, malaki ang mata, malapad ang ilong, malaki ang noo at makapal ang nguso nito.
Mag-iisang taon na si Boknoynoy at napansin nilang bibo ito at mabilis matuto. Abala ang mag-asawa sa panonood ng Darna nang hindi nila namalayan na dumulas mula sa bulsa ni Boknoy ang piso.
"Darna!" sigaw ni Boknoynoy.
Nagulat sila nang biglang makapagsalita ito ng tuwid sa unang pagkakataon.
Plak-plak-plak-plak-plak....
Humahagalapak ang palakpak ng mag-asawa sa galak.
"Boknay, bata pa lang ang ating anak ay may pangarap na. Siguro gusto nyang maging superhero paglaki nya," galak na galak na pagmamalaki ni Boknoy.
"Hehehe...oo nga kita mo tumitirik pa ang mata," pagmamalaki naman ni Boknay.
Plak-plak-plak-plak-plak....
Muli na namang humahagalapak ang palakpak ng mag-asawa sa galak.
Napatunganga sila at nataranta nang tumirik ng husto ang mata nito at kinakapos sa paghinga.
Nagmamadali nila itong sinugod sa Ospital.
Matapos ang pagsusuri ay ipinaliwanag ng duktor na nakalunok ng piso ang kanilang anak. Iniabot nito kay Boknoy ang nakuhang piso mula sa lalamunan ng anak.
"Kinakabahan ako," pangamba ni Boknoy.
"Bakit naman?" pagtatakang tanong ni Boknay.
"Hindi ata normal na bata si Boknoynoy, baka isang syang superhero. Kabata-bata pa eh, lumulunok na ng piso"
"Sira ulo ka talaga! Ang tawag dyan katangahan."
Kinutusan nang kinutusan ni Boknay si Boknoy dahil sa sobrang asar.
Posted by Nathan at 5:45 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment