BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Wednesday, November 25, 2009

KATAWAN NI JONAH (Ika-5 labas)

Matapos maihatid ni Lerin si Tagle sa kanilang bahay ay agad itong umuwi upang magbihis at linisin ang baril. Matagal na panahon na rin nang huli niyang itong linisin at nadampian ng langis. Binuksan niya ang compartment ng motorsiklo at kinuha revolver. Inilapag niya ito sa ibabaw ng lamesita. Umupo siya sa kahoy na upuan. Yumuko siya, at sinipat ang kinalalagyan ng isang pulgadang paint brush. Nang makita niya ito ay inilapag niya rin ito sa mesa. Pagkatapos ay hinanda ang ilang pirasong basahan: may maliit na kasing laki lang ng pamunas ng salamin sa mata, at basahan na koton na karaniwang ginagamit ng mga dyipney driver. Kinuha niya ang isang butas na galon na plastik at inilapag sa ibabaw. Hinablot niya naman mula sa kanyang tabi ang isang litro ng galon na plastik na puno ng diesel. Binuksan niya ito. Binuhos ang kalahati sa isang plastik na galon. Dinampot niya ang baril. Pinindot niya ang punlo; napansin niya na medyo matigas na ang pag-ikot ng cylinder. Binaklas niya ang cylinder at pinunasan ng maliit na basahan. Marahan niyang pinaikot ang basahan sa bawat butas nito upang masaiid ang mga nakakubling dumi na nagpapatigas sa pag-ikot nito. Binabad niya muna ang ilang bahagi sa diesel upang matanggal ang mga kalawang at palambutin ang mga tumigas na dumi. Pagkalipas ng isang oras ay tinggal niya sa pagkakababad ang ilang bahagi ng baril. Kinuha niya ang paint brush upang saiirin ang mga bahagi na di kayang madampian ng basahan. Nang matapos ang kanyang ritwal sa paglilinis ng kanyang revolver ay marahan niya itong pinunasan. Natigilan siya ng makita niya ang kanyang pitaka sa lapag, dinampot niya ito at binuksan. Hinugot niya ang isang larawan ng babae. Iniangat niya ito ng lagpas sa kanyang ulo at itinapat sa ilaw. Hinalikan niya ang larawan. Kinausap niya ito na para niyang kaulayaw.

"Di ba hindi naman ako mahirap mahalin? Ikaw kasi, pinahihirapan mo pa ako. Iniinsulto mo ang aking pagkatao. Madalas akong nagpapapansin sa'yo, pero ni konting lingon ay ayaw mo akong tapunan. Hindi naman nalalayo ang kulay ko sa kulay mo. Isang galong glutathione lang ang katapat nito ay mahihigitan kuna ang kulay mo. Kaya naman kitang ipagtanggol kahit kanino. Hindi mo lang kasi alam ang karakas ko . Nakahanda naman akong isugal ang buhay ko para lang proteksyonan ka. Hay...kung di ka lang sana naging mailap ay araw-araw mong masisilayan ang makulay na mundo. Magbubuhay prisesa ka sa piling ko. Ikaw ang magiging reyna ng ating magiging supling at ang lugar na ito ang ating kaharian...hahaha."

Dinukot niya mula sa kanyang bulsa ang limang piraso ng bala. Nilapag niya ang apat na piraso sa mesa. Pag-angat ng kanyang kamay ay tangan-tangan niya ang isang pirasong bala. Iniangat niya ito sa tapat ng kanyang mga mata, inihipan at ginawang pamatong sa larawan. Naagaw ang kanyang atensyon sa sunod-sunod na pagtahol ng kanyang aso na si Moymoy. Nakapuwesto ito sa labas ng pintuan ng kanyang bodega na tatlong metro lang ang sukat. Nagtatalo ang ingay ng tahol ng aso at isang matinis na tunog ng bakal.

Ting! Ting! Ting!

Napansin niya na nagpapapansin na naman ang kanyang diwata sa loob ng bodega. Hehehe...akala niya siguro ay mahahabag ako sa kanyang mga pagsusumamo. Sayang naman ang pinaghirapan ko kung pakakawalan ko siya at ibalik sa kanyang pinagmulan. Matagal ko itong inantay ang pagkakataong ito na masolo siya at makita araw-araw.

Kinuha nito ang susi na nakalapag sa ibabaw ng sirang repridyeretor. Kumuha muna ito ng plato sa tauban, nagsandok ng kanin at ulam. Binuksan nito ang pridyeder at kinuha ang isang pirasong bote ng mineral water. Inilapag muna ito sa ibabaw ng mga nakasalansang kahoy. Pinasok niya ang susi sa kandado at hinugot ang mahabang kadenang bakal sa magkabilang bilog na bakal. Tinulak niya ang pintuan. Nakita niya ang nakakaawang nilalang na nakagapos ang kamay, ngunit may hawak na bato na kanyang pinampupukpok sa kandado. Hirap na hirap itong igalaw ang kanyang mga paa dahil may nakaposas na bilog na bakal na nakatali sa poste ng kahoy. Nakapanlulumo ang kalagayan nito. Madungis ang balbon na katawan nito. Madilim ang kinalalagyang lugar. Madumi ang paligid. Napakatinis ng himig nang tinig nito at nagpupumiglas na makawala. Araw-araw ay wala itong ginawa kundi hatawin ang bakal at pilit nitong kinakalas ang kadena sa kanyang mga paa. Alam niya na gutom na gutom na ito. Inilapag niya ang plato sa lapag, binuksan niya muna ang mineral water matapos ay sunod na inilapag kasama ng tatlong piraso ng saging. Kahit na nakatali ang mga kamay nito ay pilit nitong hinablot ang plato at inubos ang pagkain. Nang maubos nitong inumin ang tubig ay ibinato nito kay Lerin ang botelya. Tumama ito sa mukha niya. Imbis na maasar ay tinawanan lamang nito ang nakakaawang nilalang. Humalakhak siya sa katatawa.

"Hahaha! Sa tuwing nakikita kita sa ganyang kalagayan ay lalo akong natutuwa sa'yo. Hindi talaga ako nagkamali na dukutin ka. Alam ko na sa bawat araw na makakasama kita ay magiging maligaya ang paglipas ng bawat araw. Come baby...come! Kailan mo ba akong matutunang mahalin. Sa tingin ko ay kikita ako ng malaki sa'yo. Ibibigay kita sa mga parokyano kong porendyer ay tiyak na tiba-tiba ang kikitain ko. Kapag naging mahinahon kana at marunong nang sumunod sa mga pinag-uutos ko ay masisilayan mo ang daigdig na iyong pinagmulan. Kita mo yang mga balahibo mo sa katawan, napakalambot, ang sarap hawakan. Patutunayan ko sa mga porendyer na swabe ang lahi mo at tiyak na pararamihin nila ang tulad mo sa mundo. Sabi nila ang isang katulad mo ang pinagmulan ng lahi ni Eva. Dapat lang ngang magpatuloy ito para sa aking ikagiginhawa...whahaha..."

Nanlilisik ang mata ng kawawang nilalang habang pinagmamasdan ang taong nagpapahirap sa kanyang kalagayan. Wala siyang magawa upang iligtas ang kanyang sarili mula sa masalimuot na kalagayan.

0 comments: