Ting-ting-ting....
Blag-blag-blag...
Plok-plok-plok....
Pst...pst...pst...
Hindi mapalagay si Boknoy sa mga kakaibang mga tunog na kanyang naririnig sa kalagitnaan ng gabi sa bagong biling bahay. May biglang sisitsit, kakalabog sa kusina, may maglalakad na anino at panay ang kurap ng mga ilaw. Para maging payapa ang kanyang tulog sa bawat gabi ay inimbitahan niya ang isang paranormal expert na si Petrang mukhang bola.
Agad na nagitim ang kulay ng mahiwagang bato na kanyang hawak-hawak pagtungtong nito sa hagdanan . Kulay puti ang buhay na bato, at ayon sa kanya kapag ito ay naging kulay itim ay palatandaan na may mga ligaw na kaluluwa sa loob ng bahay. Biglang nagtayuan ang balahibo ng matanda pagpasok sa kusina at kuminang ang bolang kristal na kanyang hawak. Nakita sa repleksyon nito ang isang anino na mabilis na tumakbo papalayo sa kanilang kinalalagyan.
Walang sinayang na sandali ang paranormal expert. Gumuhit ito nang malaking bilog at bituin sa loob ng kanyang kwarto at saka nagtirik ng kandila.
"Handa ka na ba Boknoy?" tanong ni Aleng Petrang mukhang bola, habang nanlilisik ang mata.
"Opo," sagot nito.
"Pwes ilabas mo muna ang credit card mo at mga ATM Cards," utos nito.
"Para san po 'yon?" ang pagtataka niyang tanong.
"Basta malalaman mo din yan mamaya, pag-napalayas ko na ang mga impakto," paliwanag ng matanda.
Sinimulan na nila ang pagtawag sa mga espiritu. Matindi ang kapit ng kanilang kamay. Lumalakas ang hihip ng hangin at tumitindi ang panginginig ng katawan ni Aleng Petra.
"Este pakto...pakto di kulugogogo hilungtung taliling-talilong," ang hudyat ng pagtawag sa mga multo na nagkalat sa loob ng kanyang bahay.
Lalong lumakas ang hihip ng hangin at naramdaman ni Boknoy. Maya-maya ay isa-isang namamatay ang ningas ng bawat kandila. Lumalakas nang lumalakas ang pag-uga sa katawan ng matanda na parang sinasaniban ng masamang espiritu. Nanatiling nakapikit ang mata niya at takot na takot sa malakas na sigaw nito.
"Itik pakpak...itik pakpak...layo-layoooo impaktus kamukamusss layases sa hauzzzz!" ang malakas na tinig ni Aling Petra.
Kumukurapkurap ang ilaw, panay ang pagkalabog ng bintana, pagbukas-sarado ng gripo sa kusina at pagkalabog ng pinto sa kwarto. Ilang saglit ang lumipas ay pumayapa na ang bahay ni Boknoy.
Sa wakas ay natapos na ang pagpapalayas sa mga multo na gumagala-gala sa loob ng kanyang bahay. Magiging mahimbing na rin ang kanyang pagtulog.
Napansin ni Boknoy na kakaiba ang bolang kristal ng matanda.
"Nakakatuwa po naman itong malaking hiwa sa gitna ng bolang kristal, mukhang kaysa ata ang isang credit card," ang puna ni Boknoy sa gamit ng matanda.
"Sinadya ko talaga yan para madaling mai-swayp yung credit card mo para hindi na ako mahirapang maningil," paliwanag ng matanda.
"Sa panahon ngayon ay high-tech na rin ang bayaran," dagdag na paliwanag nito.
Napakamot na lang si Boknoy at sinuntok ang pintuan. Bigla itong bumagsak at napansin niya na maluwag na pala ang bisagra nito at ganun din ang bintana. Pumunta siya sa gripo upang kumuha ng tubig nang malaglag ang faucet ng gripo, napansin niya rin na sira na ito. Sumilip siya sa bintana para magpahangin at napansin niya na may nag-wewelding sa kabilang bahay at naka-top sa kanyang linya ang isang kawad ng wire.
Ayon sa matanda sampung multo raw ang kanyang napalayas na ang halaga ng bawat isa ay $500.
"Eh...bakit naman po dolyar pa ang ibabayad ko sa inyo," asar na tanong ni Boknoy.
"Aba, iho, kung hindi mo alam puro banyagang multo ang nakatira sa bahay mo...may Espanyol, Amerikano at Hapon. Kaya dolyar ang presyo nila. Pero kung Pilipino 'yan, eh mura lang, wala pang isang daan ang isa," paghahambing at kwenta ng matanda.
(Ang ibang larawan ay mula sa internet)
0 comments:
Post a Comment