BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Tuesday, November 17, 2009

HELMET


Minamaneho ko ang aking motorsiklo ng walang tiyak na pupuntahan. Ang alam ko lang ay sapat pa ang gasolina upang makapaglakbay sa bawat lugar na sasagi sa aking isipan. Panay ang hagod ko sa silinyador at sunod-sunod ang putok ng tambutso. Ganito ako kapag dinadalaw ng pagkabagot, galit at masama ang loob. Ginagawang kong outlet ang mga kalsada at mga sasakyan upang ipagpag sa hangin ang mga negatibong imahinasyon sa aking isipan. Saglit kong ipinarada ang motorsiklo sa palengke ng Alabang, bumili ng ilang pirasong mansanas at prutas. Medyo kumunot yung noo ng tindera nang tanungin ko siya kung may tubig sila. Para tuloy akong namamalimos ng tubig sa palengke. Tinalikuran niya ako at pagharap ay tangan-tangan na ang isang basong tubig na puno ng tubig.

Marahil ay ang nasa isip niya ay panonoorin niya akong ubusin ang isang basong tubig na nagmamadali at hinihingal dahil sa sobrang uhaw. Bigla siyang napangiwi nang ipinanghugas ko ang tubig sa mansanas, sabay tunog ng malutong na kagat at alok sa tindera kung gusto niya. Napatawa siya sa akin at umiling-iling. "Salamat sa tubig ha, gutom na kasi ako." Medyo nauga ng kaunti yung utak niya, namangha ata sa ginawa ko (hindi niya lang siguro akalain na gagawin ko lang na panghugas yung tubig). Naramdaman kong gumagaan na ang pakiramdam ko. Lumalamig na ang temperatura ng aking katawan. Nahahawi na ang mga salasalabat na baging sa aking isipan.

Hindi ko talaga kayang pigilin ang gutom, hindi sapat ang mga prutas para pahupain ang nagwawala kong bahay-gilingan. Kaya't muli kong ipinarada ang aking motorsiklo sa Tropical Hut sa tapat ng palengke. Agad akong umorder at wala pang 15 limang minuto ay naubos ko na ang Burger Steak at extra rice. Lubusan nang pumayapa ang aking pakiramdam. Ngunit malabo parin ang direksyon na aking tatahakin. Mahigit 30 minuto rin akong nagmuni-muni, matapos ang mahabang pag-aanalisa ay muli kong pinatakbo ang sasakyan at tinahak ko ang kalsada ng Alabang-Zapote Road. Ramdam ko ang sagitsit nang lamig sa aking kalamnan. Pinatatayo nito ang aking balahibo at pinahahalikupkip ang aking bagang. Bigla akong pinara ng pulis.

"Pulis ka ba?"

"Mukha ba sir?...este, hindi po sir," Medyo nag-ala pinoyhenyo pa ako.

"Anak ng @@###### ina ka!" mura niya sa akin.

Pakiramdam ko ay medyo nahirapan siya sa tanong ko.

"Iparada mo yan at ihelera mo dito."

"Nakaparada na at nakahilera na po sir chief," hirit ko.

"Abay, tinamaan ka ng magaling. Lisensiya mo...dali."

"Bakit wala kang helmet?"

"Taga-Muntinlupa ka pala, Ba't wala kang suot ng helmet?

Medyo nahiya ako at napakamot. Aminado akong mali ako at nilakasan ko na lang ang loob ko sa mga oras na iyon. Nakahanda naman akong magpahuli at mahuli, makapag-gala lang. Nag-lecture muna sa akin ang pulis. Tapos ay tinanong niya kung saan ako nakatira at alam ko ba raw yung Barangay _____?, yung Ospital ni _____? at yung kalsada na papasok sa kanila. "Opo," sagot ko. Naungkat yung mga kamag-anak na si ganito, ganire at ganoon.

Inakbayan niya ako, "puntahan mo ako bukas nang maaga at mag-inuman tayo, bibili ako ng Baka pang pulutan." Iniwan ko sa kanya yung cute kong I.D., hindi niya na kinuha yung lisensiya ko at di na rin ako tinikitan. Mariin niyang binilin sa akin na huwag ko raw siyang babalewalain. "Bukas ha, sir!"

Bago ko siya iniwan ay isang matikas na saludo muna ang ginawad ko sa kanya. At gumanti naman siya. Nakadama ako ng kaunting saya pagkatapos nang masalimuot na panyayaring iyon. Prinoblema ko tuloy kung makakatagal ba ako sa kanya sa inuman. Kaya nang makakita ako ng isang KTV Bar sa Las Pinas ay huminto ako at umorder nang tatlong piraso ng San Miguel Pilsen, inaliw ko ang sarili ko sa mga kanta ng mga lasenghot na mga kabataan. Lumipas ang tatlong oras ay nakaubos ako ng apat bote, naramdaman ko na medyo kumakapal na ang mukha ko at nakaramdam na ako ng kaunting hilo.

Medyo malakas na ang tama sa akin ng alak at sapat na practice para sa paghaharap namin ng Pulis bukas. Sa totoo lang ay galit ako sa alak...masakit kasi sa ulo ang hangover. At ito ang kinabaliwan ng aking ama. Nung kabataan ko ay madalas ang sabi sa akin ng doktor ay uminom raw ako ng beer at haluan ng isang itlog upang maging normal ang dugo ko. Anemic kasi akong tao, mahirap ang sakit na ito, madalas kang mahilo, mahina ang pakiramdam at nilalagnat ng walang dahilan. Matagal kong nilabanan ang ganitong karamdaman hanggang sa masalinan ako ng dugo. Akala ko nga ay kukunin na ako ni Bro. pero hindi pa pala.


Kapag dinalaw ako nang pagkabagot ay bigla nahihiligan ko ang pag-inom ng mag-isa. Ayaw ko kasi ng may kasama, mas gusto ko mag-solo at mag-isip nang malalim. Lumalabas kasi yung mga imahe sa aking isipan kapag nakainom ako. Madalas kong marinig sa mga kaibigan kong manunulat na hayaan raw lumaya ang mga demonyo sa aming isipan. Ayon nga kay Edgardo Reyes, demonyo raw ang pagsusulat, may mga oras na gigisingin ka nito sa kalagitnaan ng gabi. Mahirap pigilan ang mga imahinasyon na naglalaro sa isipan ng isang manunulat, kung baga sa utot ay kailangan mo itong pasingawin para hindi sumama ang iyong pakiramdam.

ALAK raw ang kahinaan ng mga manunulat. Nakakapagsulat ng mga magagandang dibuho sina Hunter Thompson, Raymond Chandler, John Cheever, O. Henry, Tennessee Wiliams, Dylan Thomas, Dorothy Parker, Edgar Allan Poe, Truman Capote, Jack Kerouac, William Faulkner, Charles Bukowski, F. Scott Fitzgerald, James Joyce at Ernest Hemingway kapag lango sa alak. Lumalabas ang kanilang pagiging malikhain kapag nasa impluwensiya ng alak. Kasama na rin diyan ang iba pang mahuhusay na manunulat tulad nina:Upton Sinclair, Mark Twain, Emily Dickinson, Nathaniel Hawthorn, Henry D. Thoreau, Zane Gray, Ralph Waldo Emerson, Robert Frost, Tom Wolfe, at Flannery O'Connor.

Hindi naman ako tulad nila na araw-araw umiinom. Social Drinker ako, umiinom kapag maisipan lang. Minsan sa loob ng anim na buwan ay hindi nasasayaran ang aking labi ng alak. Hindi ako mahilig sa hard at lalong ayaw ko ng Red Horse o Colt 45. Tama na sa aking si San Miguel Beer at San Mig Light. Puro kasi yung anghel sa Beer, sa Gin naman ay pinaghalong Anghel at Demonyo kaya marami ang nagwawala kapag nasaniban na.

Madaling araw na ako nakauwi ng bahay, siniguro ko muna na wala na yung Mobile Car para hindi na naman ako masita at maamoy na nakainom. Pag-uwi ko ng bahay ay mabilis na bumukas ang pintuan nang kinatok ko ito ng tatlong beses. Binihisan ako ng asawa ko at pinatulog. Hindi naman siya galit sa akin, kasi naman bihira lang akong lumabas ng bahay (kapag tinopak lang talaga). Masarap ang aking tulog. bigla akong nagising sa liwanag na nagmumula sa bintana. Ginusot ko muna ang aking mata, alas nuebe na pala. Hirap akong tumayo, medyo masama ang aking pakiramdam at may parang may mabigat na bagay na dumadagan sa ulo ko. Nilutuan niya ako ng paborito kong ulam sa umaga ang scrambled egg at kape na walang asukal (para mahimasmasan ako). Habang kumakain ay ikinuwento ko sa kanila ang aking karanasan kagabi, at nag-paalam na muling lalabas ng bahay para makipag-inuman sa Pulis na nakilala ko kagabi. Kailangan ko kasi siyang siputin nasa kanya ata yung I.D. ko. Matapos kumain ay naligo muna ako para mawala yung hangover.

Gumaan ang pakiramdam ko. Tanghali na nang marating ko ang bahay ng Pulis. Angkas ko ang asawa ko, baka raw kasi kamag-anak nila iyon. Nang marating ang bahay ng Pulis ay agad akong sinalubong ng ilang lalake at inabisuhan na antayin daw si chief dahil nagpa-check-up lang saglit. Hmmmm...mukhang pinaghandaan niya talaga ako, napansin ko yung baka na nilalaga ng mga mama at mesa na nakahanda.

Tinanong agad ako ng pulis kung anong alak ba ang iniinom ko. Nang maramdaman ko na hard ang kanyang nais bilhin ay agad kong inabot ang P400 at humirit na kung pwede ay San Mig na lang. Agad naman siyang umayon at nagpabili sa mga makakainuman namin na mga mama. Mabait naman sila sa akin at panay ang tanong kung ano ba raw ang gusto kong kainin at ipabili. Bigla akong natawa sa sinabi niya:

"Oi...huwag kayong masasanay na uminom nito dahil mahal  'to."

"Kaya pala masarap eh," sabat ng isang lalake.

Lalo pa akong humalagapak sa halakhak ng sabihin ng isang lalake na:

"Brod, alam mo kapag Spo1 pa ang pulis ay pulis ito, dahil hindi pa ito nalalamon ng sistema. Pero kapag naging Spo2 na ito ay pulis na natuto, natuto sa pangongotong. Kapag naging Spo3 na ay pulis na laging humihirit sa pangongotong. At kapag naging Spo4 na ay puro kotong na ito."

Bago sa akin yung mga bansag na 'yon kaya sobra akong natuwa. Hindi naman lahat ng pulis na kaibigan ko ay tulad ng sinabi niya. May kilala akong mga pulis na tapat pa rin sa kanilang serbisyo.

Alas tres ng hapon ng maubos ang alak at mabilis na nagpaalam ako kay sarhento. Bumilib din ako sa kanya dahil kahit na inamin niya sa akin na babaero siya ay hindi niya pinababayaan ang kanyang mga anak. Pagdating naman sa trabaho ay alam niya kung saan siya lulugar. Kaya ang aming pagkikita ay tulad ng isang helmet na susuklob sa aming kaisipan bilang bagong katropa.

Thursday, November 12, 2009

PRESYO NG LANGIS: ANG NAKAKUBLING TERRORISMO




Ang langis ay ang nagsisilbing dugo ng modernong panahon. Kayat ang pagdaloy nito ay napakahalaga; ngunit, ang pressure nito ay bumubutas ng bulsa at sumasaid ng pitaka.


Gaano ba kahalaga ang langis sa ekonomiya ng bansa?

Ito ang nagbibigay ng ningas sa modernong teknolohiya upang mapabilis ang produksyon ng mga produkto, at matugunan ang matinding pangangailangan ng mga produkto sa pamilihan. Kapag ang puwersa ng demand at suplay ay magkatulad, ito ay magdudulot ng balanseng presyo. Ang stabilisadong presyo ay nagpapakita ng masiglang daloy ng pagkonsumo at nagbibigay ng ginhawa sa mga mamimili. Subalit, dahil salat sa langis ang ating bansa ay patuloy tayong umaasa sa pag-aangkat ng produktong ito na kadalasang nagmumula sa gitnang silangan. Mayroon man tayong MALAPAYA sa Palawan na pinagkukunan ng natural gas at langis upang gawing enerhiya, ngunit hindi naman natin ito direktang pinakikinabangan. Sa tantiya ng SPEX ay nakakalikom sila 12,000 bbl/day at 30 MMSCF/day ng natural gas at langis. Ang plantang ito ay pinangangasiwaan ng Shell Philippines Exploration (SPEX), ang langis na nakukuha mula rito ay inululuwas sa ibang bansa upang dumaan sa purifikasyon ng pagiging langis. Nakikinabang lamang ang pamahalaan sa royalty mula sa kita at buwis na makokolekta na aabot raw sa  $8-10b sa loob ng 25 taon magmula nang ito'y madiskubre noong 1992.

Sa bawat araw ang Pilipinas ay kumukunsumo nang 330,000 bariles ng langis. Samakatuwid, marapat lamang na panatilihin ang suplay ng langis sa bawat araw upang magpatuloy ang sigla ng kalakalan, at matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at dumaraming hilig ng bawat mamamayan. Ang kakulangan ng suplay ay magdudulot ng disekilibriyong presyo: sa puntong ito, maaring maging labis ang demand ng produktong petrolyo na magdudulot ng panic buying sa mga mamimili na mag-imbak ng langis bago pa maubos ang suplay. Kailan lang ay ipinahayag ni Energy Secretary Angelito Reyes na sa mga susunod na araw ay hindi na magiging sapat ang suplay ng langis ng bansa. Ang spekulasyong ito ay nagdulot ng labis na pangamba sa sektor ng industriya, lalong-lalo na sa mga drayber ng dyipni na pangunahing tagapagkonsumo ng produktong petrolyo.


Makatotohanan ba ang biglang pagkalusaw ng reserbang ng langis sa bansa?

Ayon sa ulat ng Organization of Petroluem Exporting Countries (OPEC, ang presyo ng krudo sa bawat bariles ay nagkakahalaga ng $76.50, mas mababa sa dati nitong presyo na $6.57. Batay sa OPEC Monthly Report ngayong buwan ng Nobyembre na ang OPEC Reference Basket ay tumaas ng $67.88/b noong October 9, mula $65.75/b noong October 2. Sa ganito ding panahon ay tumaas ang presyo ng krudo ng WTI at Dated Brent ng $71.03/b at $67.69/b. Maging ang Dubai crude ay patuloy sa pagtaas sa presyo na $68.31/b mula sa dati nitong presyo na $66.09/b. Sa taong ito ang World Oil Consupmtion Shares by Main Sector ay nahahati sa:

1. Transportation-46%
2. All other- 35%
3. Industry-10%
4. Residential-6%
5. Agriculture- 3%

Ipinapakita sa pagkakahati ng distribusyon ng pagkonsumo ng langis sa pandaigdigang kalakalan na ang pangunahing pinaggagamitan ng langis ay ang transportasyon, na sindundan ng industriya, residential at agrikultura. Kayat sa tuwing tumataas ang presyo ng langis, ang unang umaangal ay ang sektor ng transportasyon. Araw-araw silang gumagamit at bumibili ng langis bilang bahagi ng kanilang hanapbuhay. Sa katunayan ay hindi sila naniniwala na may kakulangan sa suplay ng langis kaya tumataas ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. Ayon mismo sa Oil Market Report na inilabas ng IEA (International Energy Agency) noong nakaraang taon, nasa 81.9 milyong bariles kada araw (mbd) ang pandaigdigang pangangailangan habang nasa 84.6 mbd ang suplay sa langis noong ikalawang kwarter ng taong 2006. Ayon pa sa kanilang pagtantiya ay nasa 1.3 trilyong bariles ang reserbang langis sa mundo na maaring tumagal pa ng 42 taon kung pagbabatayan ang kasalukuyang antas ng pagkonsumo.


Ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay nakabatay sa impluwensiya ng mga dambuhalang transnational corporations o TNCs sa pangunguna ng Exxon Mobil (US), British Petroleum (UK), Royal Dutch Shell (UK-Netherlands), Chevron Texaco (US) at Total (France) na kontrolado ng US at European Union. Nakakatuwang isipin na pinalalabas ng mga kompanyang ito na may nagaganap na kompetisyon sa kanilang hanay. Panay ang kanilang pag-aanunsyo sa telebisyon sa mga produktong kanilang inilalabas upang hikayatin ang mga mamimili na tangkilikin ang kanilang produkto. Mapapansin sa istilo ng kanilang pag-aanunsyo na ang kompetisyon na kanilang ipinakikita ay malabnaw at puno ng pag-iimbot. Ito ay mararamdaman sa tuwing tumataas ang presyo ng petrolyo. Ang ganitong pamamaraan ay malinaw na isang uri ng kartel, na kung saan ay monopolisado nito ang produksyon, refinery at distribusyon – mula sa oil fields, tankers, barges, depot, refinery, retailers, tank trucks, pati pag-aanunsyo. Ang ganitong uri ng sistematikong pagsasalansan ng kanilang produkto ay nagdudulot nang manipulasyon sa suplay ng langis upang bumulusok paitaas ang presyo sa kanilang mga outlets.


Ang sistemang Oligopolyo na nanalaytay sa kanilang hanay ay malinaw na isang sabwatan. Sabwatan sa ilalim ng sistemang kapitalismo na kung saan ang prinsipyo ng hindi pakikialam ng pamahalaan o Lassez-faire ay namamayani. Kontrolado ng komersyalismo-- maging ang sistemang politikal ng bansa-- walang magawa ang pamahalaan sa tuwing tumataas ang presyo ng langis. Ang ganitong kaganapang pang-ekonomiya ay umiiral sa ilalim ng konsepto ng nakakaubling kamay (invinsible hands ni Adam Smith, ayon sa kanyang librong "An Inquiry into the Nature and Causes of the Wealth of Nation) ay binigyang diin niya ang importansya ng nasabing ideya sa ilalim ng sistemeng kapitalismo...  

every individual necessarily labours to render the annual revenue of the society as great as he can. He generally, indeed, neither intends to promote the public interest, nor knows how much he is promoting it. By preferring the support of domestic to that of foreign industry, he intends only his own security; and by directing that industry in such a manner as its produce may be of the greatest value, he intends only his own gain, and he is in this, as in many other cases, led by an invisible hand to promote an end which was no part of his intention. Nor is it always the worse for the society that it was no part of it. By pursuing his own interest he frequently promotes that of the society more effectually than when he really intends to promote it. I have never known much good done by those who affected to trade for the public good.


Kilala si Adam Smith bilang isang relihiyosong tao. Marahil ang kanyang tanging layunin ng kanyang isulat ang nasabing libro ay upang bigyan ng magandang patakarang ekonomiya ang kanyang bansa para sa ikagiginhawa ng mga mamamayan. Ang kanyang kaisipan ay nagkaroon ng mabuting epekto sa mga kanluraning bansa, ngunit ang kaisipang ito ay nagdulot ng hidwaang pang-ekonomiya sa pagitan ng mga manggagawa at may-ari ng kompanya. Binigyan niya ng pansin na ang pagkakaroon ng mababang presyo ng  mga produkto sa pamilihan ay makakabuti para sa mga mamimili, subalit ito naman ay nagbigay ng labis na kita sa mga mangangalakal, dahilan upang ang agwat nang katayuang panlipunan ng manggagawa at may-ari ng kompanya ay lumayo nang milya-milya. Lumitaw ang pagiging  ganid sa hanay ng mga mangangalakal, mas hinangad nila na kumita ng malaki kaysa magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan, at naisantabi ang pantay na proteksyon ng mga manggagawa. Ang krisis sa lakas-paggawa ay isang pandaigdigang suliranin na kinahaharap ng lipunan o bawat estado.

Binaluktot ng makabagong panahon tunay na diwa ng konsepto ni Smith. Noon pa man ay umapela siya sa makasariling intesyon ng kalakalan na humahantong sa tatsulok na lipunan. Marahil naisip niya na ang merkado ay mabisang instrumento upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan dahil limitado ang pinagkukunang-yaman ng bawat bansa. Nang ma-obserbahan niya na ang monarkiyang sistema ng pamamahala, ay napagtanto niya na hindi ito sapat upang matugunan ang materyal na pangangailangan ng mga taong walang kakayahang bumili ng mga produkto sa presyong idinidikta ng burgis na pamilya. Ipinaunawa niya na ang pagpapalakas ng mga mangangalakal ay magbibigay ng bagong dimensyong panlipunan upang mapabilis ang transaksyon sa pagitan ng mga mamimili at nagtitinda. Maaring umukit sa kanyang balintataw na sa ilalim ng sistemang kapitalismo ay may pagkakataon ang bawat mamamayan na umunlad at paangatin ang kanilang estado sa lipunan. Hindi lingid na ang bansang Inglatera ay namumuhay noon sa ilalim ng pyudalismo. Hinahadlangan ng sistemang ito na ang bawat indibidwal ay mahalagang organismo ng lipunan. Ang kapangyarihan at kaginhawaan ng pamumuhay ay namamana, ayon sa pinagmulan na angkan. Kung kaya ang kanyang matinding apela ay sa damdamin ng mga mangangalakal: 

Man has almost constant occasion for the help of his brethren, and it is in vain for him to expect it from their benevolence only. He will be more likely to prevail if he can interest their self-love in his favour, and show them that it is for their own advantage to do for him what he requires of them. Whoever offers to another a bargain of any kind, proposes to do this. Give me what I want, and you shall have this which you want, is the meaning of every such offer; and it is the manner that we obtain from one another the far greater part of those good offices which we stand in need of. It is not from the benevolence of the butcher, the brewer, or the baker that we expect our dinner, but from their regard to their own interest. We address ourselves, not to their humanity but to their self-love.


Ang kanyang panawagan ay isinantabi ng mga higanteng kompanya. Ano ba naman ang silbi ng negosyo kung hindi kikita ang isang negosyante? Madalas kong marinig sa karamihang Pilipino na kung may pera lang sila ay mag-nenegosyo sila upang yumaman at umahon sa hirap. Ngunit, ang bansang Pilipinas na napailalim sa matagal na pananakop ng mga dayuhan ay hindi nasanay sa ganitong kaisipan. Kadalasan ay nagiging palaasa ang ating bansa sa mga mayayamang bansa na may malaking impluwensiya sa ating ekonomiya. Kung baga, humihingi tayo nang habag sa dayuhan upang pagtakpan ang kahinaan ng ating pamahalaan. Bunga nito ay nagkakaroon ng pagmamalabis sa konsepto ng walang pakikialam sa hanay ng mga higanteng oil players.

Alam nila na ang pagkontrol sa kanilang kagustuhan ay magdudulot ng mababang kita sa kanilang hanay. Panatag sila na kaya nilang paglaruan ang merkado dahil ang langis ay isang malakas na puwersa sa pagpapataas ng presyo ng mga bilihin. Ang pagbinbin sa suplay nito ay magdudulot ng mababang produksyon at mahinang kita sa sektor ng industriya. Kapag nagpatuloy ang ganitong suliranin, magdudulot ito ng mahinang koleksyon ng buwis. Alam nanam natin na ang buwis ay isang instrumento upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan. Kapag mahina ang koleksyon ng buwis ay hindi maipapatupad ng pamahalaan ang mga proyekto nito. Ito ay magdudulot ng kawalang tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan. Bungsod nito,  maaring maganap ang ligalig sa lipunan (social unrest). Mapapansin na binabalewala ng mga kompanyang ang hustisyang panlipunan (social justice), alam naman nila na naharap sa sunod-sunod na dagok ang ating bansa dulot ng kalamidad. Pero, bakit tila ayaw nilang magpasakop kahit na sa maikling panahon lamang? Hindi ba't ito ay taliwas sa aral ni Smith. Hindi ba puwedeng tignan nila muna ang kapakanan ng mga nasalanta ng kalamidad, bago ang kita. Ang kasalukuyang presyo ng langis ay hindi magpapalubog sa kanilng negosyo. Nais lamang nilang samantalahin ang BER month na kung saan ay mas malakas ang pagkonsumo ng langis. Sa bagay hindi naman maiintindihan ng mga dayuhan ang kulturang Pilipino, kahit pa sabihin na ang mga managers nito ay dugong pinoy. Para sa kanila ang negosyo ay negosyo kahit na maraming naghihingalo.  


Ano ang kaugnayan ng Price Control sa pagkalusaw ng suplay ng langis sa bansa?

Kagabi lang ay nagpakarga ako ng langis. Bago pa makalapit ang dyip sa outlet ay sinigaw na ng isang gasoline boy na ubos na ang kanilang diesel na pangunahing ginagamit sa hanay ng transportasyon sa bansa. Ang sigaw ng drayber ay nag-ho-hoard na naman kayo. Ang binitiwang salita ng isang drayber ay ang tunay na kulay na sistemang Oligopolyo na umiiral sa bansa. Tila ba nagmamalaki ang mga may-ari ng langis na kayang-kaya nilang paralisahin ang indunstriya ng bansa kung hindi pagbibigyan ang kanilang kahilingan. Magmula kasi ng hatawin ang ating bansa ng sunod-sunod na bagyo, at naapektuhan nito ang kabuhayan ng maraming Pilipino sa Luzon, kayat pinag-utos ng pangulo ang mahigpit na monitoring ng mga presyo ng bilihin sa pamamagitan ng Price Control. Kapag ang isang bansa ay nasa ilalim ng state of calamity ay may kapangyarihan ang pangulo ng bansa na ipagbawal ang agarang paggalaw ng presyo sa merkado. Ang kakulangan kasi sa mga pangunahing pangangailangan ay magandang pagkakataon upang samantalahin ng prodyuser na pataasin ang presyo. Ang ganitong konsepto ay nakabatay sa batas ng suplay ar demand. Sa ganito kasing pagkakataon ay napakataas ng demand ng mga mamamayan sa pangunahing produkto. Ang kondisyong ito ay magbibigay ng magandang bentahe sa mga negosyante na kumita ng mas malaki.

Ayon sa Price Act (Republic Act 7581). Price manipulation is declared illegal under this law. There are three acts considered as price manipulation, punishable by imprisonment:

(1) Hoarding, which is the undue accumulation by a person or combination of persons of any basic commodity beyond his or their normal inventory levels or the unreasonable limitation or refusal to dispose of, sell or distribute the stocks of any basic necessity of prime commodity to the general public or the unjustified taking out of any basic necessity or prime commodity from the channels of reproduction, trade, commerce and industry.

(2) Profiteering, which is the sale or offering for sale of any basic necessity or prime commodity at a price grossly in excess of its true worth.

(3) Cartel, which is any combination of or agreement between two or more persons engaged in the production, manufacture, processing, storage, supply, distribution, marketing, sale or disposition of any basic necessity or prime commodity designed to artificially and unreasonably increase or manipulate its price.


Ano ang kaugnayan ng langis sa presyo ng mga bilihin?

Hindi maikakaila na malaki ang kaugnayan ng presyo ng langis sa pamumuhay ng mga Filipino. Ang patuloy na pagtaas ng pamasahe ay nagdudulot ng mabigat na pasanin sa kita ng mga mamamayan. Ang minimum wage ng mga manggagawa ay labis na naapektuhan, dahilan upang sila'y manawagan ng pagtaas ng sahod. Noong nakalipas na buwan ay tumaas singil sa pamasahe ng P0.50 mula sa huling P2 pagtaas nito, dalawang taon na ang nakalipas. Ang kondisyong ito ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, asukal, mantika, tinapay at iba pa. Noong kasagsagan ng rice crisis sa mundo ay pumalo ang presyo ng bigas ng P40-P50 bawat kilo. Nasaksihan natin kung paano naghirap ang ilang mamayang Pilipino na pumila sa NFA rice upang ang kanilang salapi ay makaagapay sa mga pang-araw-araw na gastusin. Napuwersa ang pamahalaan ng mag-angkat tone-toneladang bigas upang ang suplay ng bigas ay maging sapat sa bawat araw na pagkonsumo. Bumalik lamang ang abot-kayang presyo ng bigas nang maging sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Nahihirapan ang mga nanay sa pag-budget ng kita ng kanilang asawa. Bukod sa patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay higit na tumataas ang cost of living sa kalakhang maynila. Hindi sapat ang P385 pesos na minimum wage kada araw, sa kasalukuyan ang bawat pamilya ay kailangang gumastos ng  P600. upang makakain ng masusustansyang pagkain at mabuhay na matiwasay sa bawat araw. Samantalang ang daily cost of living sa buong bansa ay nagkakahalaga ng  P517.60.  Ipinapakita lang ng datos na ito na karamihan sa mga Pilipino ay nabubuhay sa poverty line.  At nagpapatunay lamang na ang kahirapan parin ang pangunahing mabigat na suliranin ng bansa. Kahit na sabihin na gumaganda ang takbo ng GNP at GDP bilang economic indicators. Hanggat hindi nararamdaman ng karamihang Pilipino ang tamang pasahod at seguridad sa kabuhayan ay hindi masasabing may nagaganap na pag-unlad sa bansa.

Tuesday, November 10, 2009

GINTONG DAHON NG PANAHON




"Nanay naman, eh, di ba sabi ko sa 'yo h'wag kang iihi sa higaan mo. Napakahirap atang maglaba ng kumot at kutson. Nakakapagod kayang maglaba maghapon para lamang mapatuyo yung mga ito. Pasaway talaga kayo."

Panay ang reklamo ni Aling Elvie sa kanyang walungpung taong gulang na ina na si Lola Rosing. Bago mamatay ang kanyang ama ay hinabilin sa kanya nito na h'wag pababayaan ang ina. Alam kasi nya na hindi ito iintindihin ng kanyang mga kapatid. Abala ang mga ito sa kanilang trabaho sa Amerika, kaya napilitan silang pabalikin ang ina sa Pilipinas para mas maalagaan. Nakukulitan na ang kanyang mga anak sa ugali ng ina. Naabala ang trabaho nila, dahilan upang mamiligro ang kanilang posisyon sa oipisina. Hindi nila maintindihan ang inaasal nito. Laging nagpapapansin at humihingi ng atensyon. Dahil sa kanyang kakulitan ay naisipan nila na dalhin sya sa tirahan ng mga matatanda upang higit na maalagaan. Nang tumagal ang isang linggo na hindi nya nakikita ang mga ito ay bigla itong nagwala at nagpumilit na lumabas para hanapin sila. Muntik na syang masagasaan ng sasakyan. Buti na lang ay nahatak sya ng isang pinoy na naglalakad sa tabi ng kalsada.

Ibang-iba siya sa mga matatanda sa Tate. Madaling matanggap ng mga tao sa bansang ito na kapag mahina na ang kanilang katawan ay kailangan na silang ihiwalay sa mga pamilyadong anak upang hindi sila maging sagabal sa kaunlaran ng bansa at batang populasyon. Nakasanayan na kasi ng mga kanluraning bansa na ilagak ang mga matatanda sa isang institusyon na kumakalinga sa mga matatanda-- kapalit ng salapi. Mahalaga ang modernisasyon para sa bagong henerasyon. Kailangang kang makasabay sa bilis ng pagbabago, kailangang maging handa sa pagsulpot ng bagong teknolohiya, at higit sa lahat ay kailangan mong paunlarin ang iyong kasanayan sa bawat aspeto ng pagbabago.

Noong kalakasan pa ni Lola Rosing ay ginawaran sya ng plake ng pagkilala bilang natatanging ina ng isang institusyon na kumikilala sa husay at galing ng mga ina. Umani ito ng papuri mula sa iba't ibang sektor ng lipunan, ang sipag at tiyaga ni Lola Rosing na itaguyod ang sampung anak ay labis na hinangaan. Humanga sa kanya ang publiko dahil nabigyan nito nang magandang buhay at kinabukasan ang lahat ng kanyang mga anak na sya lamang ang nagtaguyod sa kanilang pag-aaral. Hindi magkamayaw ang dagundong nang mga palakpak matapos nyang ibahagi ang kanyang buhay sa mga tagapakinig. Karamihan ng mga inang nakapakinig ng kanyang mensahe ay nagkaroon ng lakas ng loob na tularan ang kanyang magandang halimbawa. Para sa mga kababaihan sya isang patron ng ulirang ina.

@@@@

Dalawangpung taon na ang lumipas ng una nyang mahawakan ang plake nang pagkilala sa kanyang pagiging isa sa kinikilalang pinaka-mahusay na ina sa bansa. Bawat gabi ay pinipunsan nya ang plake, niyayakap at kinakausap kung tunay ba ito o isa lamang dekorasyon sa kanyang pagkatao. Madalas syang umiiyak sa tuwing pagmamasdan ang mga larawan na kanyang inipon sa photo album. Lagi nya itong bitbit at madalas na binubuklat. Madalas bumabalik sa kanyang mga ala-ala ang masasayang sandali ng sila ay sama-samang nagpapatakbo ng negosyo. Napapangiti sya sa tuwing lumalakas ang hihip ng hangin. Napapapikit sya at dinadama ang mga sandali na kapit-kamay silang namamasyal sa tabi ng dagat at magkaulayaw na namumulot ng sigay upang gawing pitaka at ibenta sa bayan.

Kinukurot ang kanyang puso kapag nararamdaman nya ang matinding sikat ng araw na humahalik sa kanyang balat. Naiisip kasi nya ang magugulong sandali na hilong talilong sya sa paghahagilap ng pera para makabili ng gamot sa tuwing inaapoy ng lagnat ang kanyang mga anak. Nahihirapan syang huminga sa tuwing papatak ang ulan; na-iisip nya ang mga sandaling pinagsasaluhan nila ang tuyo at tutong na kanin sa kasagsagan ng  bagyo. Tinangay pa nga ang bubong ng kanilang bahay na dinaganan lang ng mga pinaglumaan na gulong ng sasakyan at kapirasong pako na hiningi pa sa kapit-bahay. Kumikirot ang kanyang mga kalamnan sa tuwing magugunita nya ang masaya nilang salo-salo sa araw ng pasko.


Malimit syang hindi dalawin ng antok. Malimit syang nagsusulat at kumakanta ng mga lumang awitin na nilikha nya para sa kanyang mga anak. Pinipilit nyang pumainlanlang ang mga himig ng musika sa hangin at aliwin ang gabi nang mga naglahong halakhakan, iyakan at pangako na tila ginuhit sa tubig. Malimit syang nagsisisi kung bakit pinili nya pang mag-aral at manirahan ang kanyang mga anak sa lupaing kanyang tiningala at sinamba na magbibigay sa kanila ng magandang buhay at matatag na kinabukasan. Nagsisisi sya kung bakit hinayaan nyang lamunin ang mga ito ng mga asal at kultura na taliwas sa kanyang nakamulatan at nakasanayan. Nagsisisi sya dahil nakalimutan na nila kung saan sila nagmula.

Kinalimutan na nila ang kanilang sariling wika, inayawan na ang mga pagkaing dati rati'y pinag-aagawan nila sa hapag kainan, at ayaw na nilang lumingon kung saan sila nagmula.  Labis ang kanyang pagsisisi at tinalikuran nya ang kanyang sariling bayan, alang-alang sa pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. Iniiyak nya na lamang sa tahimik na sulok ang mga mapapait nakaraan na parang mga tinik na sumusugat sa kanyang puso.

@@@@

Natatakot sya na sumapit ang dilim at maglaho sa kanyang paningin ang silahis ng araw. Ayaw nyang agawin ng dilim ang liwanag. Itinuturing nyang kaaway ang dilim sa loob ng tahanan. Kapag ito'y sasapit ay nabibingi sya sa mga mga mahihiwagang tinig na bumabalot sa buong paligid at pumapalupot sa kanyang puso. Tinig na nagsusumamo sa nakakabatang henerasyon na mahalaga parin sya sa lipunan. Nangangailangan sya ng pagmamahal at pag-aaruga mula sa mga taong inalayan nya ng pagmamahal at binuhusan ng lakas. Nabibingi sya sa bawat panaghoy ng mga matatandang kanyang kasama sa loob ng tahanan.

Tulad nya ay madalas nilang tawagin ang pangalan ng kanilang mga anak. Tulad nya ay binubuklat nito ang mga larawang nagsisilbing saksi sa pagmamahal sa mga anak. Kinakausap nya ito na parang mumunting mga bata na patuloy na naglalaro sa kanyang puso. Ang mga larawang iyon ay nagbibigay ng kulay sa kanyang buhay na patuloy na labanan ang mga pighati na dulot ng katandaan. Madalas ay nakakalimutan na nya kung saan nya inilapag ang mga bagay na gagamitin nya, pero hinding-hindi nya nakakalimutan ang mga maliligayang panahon na nag-umpisang umiyak ang kanyang mga anak, dinuyan sa kanyang braso, inalayan ng sariwang gatas, ang mga hikbi nito na nagsilbing musika sa kanyang pandinig, ang araw na narinig nya itong magsalita nang pabulol, unang araw na narinig niya sa kanilang mga tinig ang salitang "nanay", taon nang sila ay unang naglakad, mga araw na tinuturuan nya itong magsulat at buong giliw na hinahatid sundo sa paaralan.

Habang lumalalim ang gabi ay lalong lumalalim ang pitak sa puso ng mga matatandang inihiwalay sa tunay nilang tahanan. Ang bawat tikatik ng orasan ay tikatik ng kanilang isipan at pagsambulat ng damdamin sa gitna ng dilim. Ang dilim ang nagsisilbi nilang kaaway sa pag-ikot ng daigdig sa bawat araw. Ito ang humuhukay sa nakahimlay na kasaysayan. At nagsisilbing libingan ng kanilang panaghoy.

Namulat sya na hindi nagsisinungaling ang pag-ibig. Ang panaghoy ay hindi namimili ng lipi, kultura at kasarian. Pilit lamang tinatago ng bagong henerasyon at tunay na kahulugan ng pagmamahal. Nasisilaw ang bagong henerasyon sa hitik na hitik na teknolohiya. Iniisip na lang ni Lola Rosing na katawan nya lang ang tumatanda, hindi ang puso nya. Nagbabago ang daluyong ng panahon, pero ang pagmamahal nya ay nananiling sariwa para sa kanyang mga anak. Ang katawan nya ay kakainin ng lupa, ngunit ang kanyang pagmamahal ay maiiwan sa puso't isipan ng kanyang mga anak na tila nakalimot sa halaga ng gintong dahon ng panahon.

Friday, November 6, 2009

LUHA






"Pramis...ipako mo man ang puso ko...ipaipit mo man sa mga alimango at ipasagasa sa barko. Ikaw, ikaw lang ang mamahalinl ko...maging sino ka man, maging lobo ka man, kahit katorse ka pa lang, tandaan mo lahat ng ito ay nagsimula sa puso. Dito...dito sa puso ko ay naka-photo shop ang larawan mo. Para itong blog na inaalayan ng hininga ng aking utak, facebook na lagi kang naka-broadcast, twitter na laging kang pinag-uusapan, farmville na laging tinataniman at higit sa lahat....higit sa lahat...lagi 'tong naka-online para lagi kitang makapiling sa oras nang aking paghimbing." Ang mala-alamat na panliligaw ni Bonoynoy kay Analyn na kanyang nililigawan.



Katorse pa lang si Analyn, tipikal na Filipina ang angking ganda nito, kulot ang buhok, mahaba ang bangs, singkit ang mata, makapal ang labi, matangos ang ilong, manipis ang kilay, sobra ng tatlong pulgada ang katawan nito para tawaging seksi, matambok ang pwet at bilugan ang mga binti. Anak ito ni aling Nena na kilalang magbabalot sa kanilang lugar. Nakapwesto ang tindang balot ni Analyn sa kanto ng Bayanan, malapit sa palengke ng Markville. Nakalapag ang mga tindang itlog nito sa isang di-tiklop na lamesita na iniilawan nang isang katamtamang laki na puting kandila. Sa lugar na ito ay nagbunga ang mga pambobola ni Boknonoy para mapa-ibig ang dalaga. Parati niya itong dinadalhan ng choco-choco at stick O para panatilihing sweet ang kanyang pagmamahal sa babaeng tinitibok ng kanyang bituka. Hindi nagtagal ay napa-ibig niya ang dalaga at tuluyang nahulog ang loob nito sa kanya. Lalong naging masigasig siya sa pagdalaw sa kuta ng kanilang pagmamahalan at panay tikim sa balot at penoy na tinda ng kanyang kasintahan.

TATLONG LINGGO nang hindi siya sinipot ni Boknoynoy. Nagdulot ito ng labis na pag-aalala sa dalaga, malimit siyang balisa kapag sumapit  na ang alas-nueve ng gabi, hindi siya mapakali, nalilito, nagugulumihanan, at para siyang mababaliw sa matinding pananabik na makita ang nobyo.

LUMIPAS ANG ISANG BUWAN. Hindi pa rin nagpakita ang nobyo...ni isang text, wala; ni isang tawag, wala. Iyak na lang siya nang iyak. Umiiyak sa pag-iisa, umiiyak umiiyak kay Boknoynoy, umiiyak sa ilang kaibigang nagtatanong at nahahabag. Tanging ang mga balot, penoy at chicharon ang kanyang naging kalakasan upang pahupain ang kirot ng kanyang puso. Naging madalas ang kanyang pag-iyak. Tuwing may bumibili ng kanyang tindang balot at penoy ay hindi niya mapigilan ang pagpatak nang kanyang luha na unti-unting dumudulas sa kanyang pisngi...pababa sa kanyang baba...babagsak sa lamesita at sisipsipin ito ng kahoy.

NATUWA ito nang dinalaw siya ni Boknoynoy. Bumilis ang tibok ng kanyang puso, mabilis ang naging daloy ng kanyang dugo sa kanyang mga ugat at nag-init ang temperatura ng kanyang katawan. Sa oras na iyon ay para siyang nasa alapaap sa labis na pangungulila sa kanyang minamahal.

"Boknoynoy, kamusta ka na? Bakit matagal kang hindi nagpakita?" pag-uusisa nito sa kasintahan.

"Pasensiya na...na-ospital kasi ako dahil sa kakain ko ng balot. Hindi natunaw yung mga balat na dumikit sa aking bituka. 'Yan tuloy nagasgas ito at nagdugo. Buti na lang yung sisiw ay natunaw. Akala ko nga mamatay na ako...pero buti na lang ay nadugtungan pa ang buhay ko para masabi ko sa'yo na...," ang detalyadong paliwanag nito.

"Ano yun..ha?!" ang pagtatakang tanong ni Analyn.

"Sa ora na ito ay pinuputol ko na ang ating ugnayan. Kahit kailan ay hindi na ako kakain ng tinda mong penoy at balot. At higit sa lahat hindi na kita madadalhan ng choco-choco at stick O," ang mariin na pahayag ni Boknoynoy.

Bago pa matapos nito ang kanyang sasabihin ay humagulgol na sa pag-iyak ang dating kasintahan. Matapos masabi ni Boknoynoy ang lahat-lahat ay mabilis nitong nilisan ang lugar. Araw-araw ay nakikita niya ang pagtangis ni Analyn sa harap ng Markville. Napansin nito na dalawa na ang nakatirik na kandila sa ibabaw ng lamesita. Isang matabang kandila at payat na kandila at nagpapaningning sa lugar. Hindi siya nakatiis, bumaba siya ng sasakyan, at pinuntahan si Analyn.

"EHEM...hanggang ngayon ba hindi mo pa rin ako makalimutan? Hindi mo ba matanggap na hindi na kita mahal? Hay, ano ka ba naman Analyn....mahirap bang tanggapin na hindi na kita mahal." Nakapamewang  nitong pagyayabang sa kanya.

"HOY...ang kapal naman ng mukha mo! Para sabihin ko sa'yo, kaya ako umiiyak ay dahil hanggang ngayon ay hindi mo pa rin binabayaran ang mga inutang mong penoy at balot. Natatakot ako na gulpihin ng nanay ko, kaya panay ang pag-iyak ko. O...eto yung listahan! 'Whag kang mag-alala pinabarangay na kita...penoy at balot lang pala ang habol mo. Anong tingin mo sa akin PATO! Ang dapat sa'yo nilulublob sa ITIKAN."

Ang nagliliyab na mga salitang binitiwan ni Analyn. Hindi na nakapalag si Boknoynoy nang damputin siya ng mga barangay tanod. At pilit na pinagbabayad sa kanyang utang.

Wednesday, November 4, 2009

ASTRAL PROJECTION SA LOTTO


Pumunta sa Quiapo si Boknoy at bumili ng pirated disc na DVD tungkol sa astral projection. Pagdating sa bahay ay agad niya itong isinalang at pinanood. Ayon sa guru master, sa pamamagitan daw ng kanyang leksyon ay matutunan ng isang tao na ihiwalay ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan. Dapat daw tandaan ng sinumang magpapakadalubhasa sa hiwaga nito, ay kailangang mag-konsentreyt ng mabuti, 'whag gagalaw, 'whag ididilat ang mga mata, panatilihing kalmado ang isip, at payapa ang pakiramdam.

Sunod-sunod ang binigay nitong intsruksyon. Tumimo sa isipan ni Boknoy ang mga katuruang ito: maging dalubhasa sa pagkontrol ng isipan; imadyinin na ang iyong kaluluwa ay marahang tumatakas sa iyong katawan; tulad na kristal na tubig na walang kulay; palutangin ang diwa upang lumutang papaitaas...na tumatagos ang katawan sa kisame at bubungan.

Pumowesto siya ng upo sa isang malapad na kahoy. Sinubukang papayapain ang isipan at pinakalma ang damdamin. Matindi ang ginawa niyang konsentrasyon. Pansamantala niyang naramdaman ang paglutang ng kanyang katawan...

Isang malakas na pagkalabog ang gumising sa mahimbing na pagkakatulog ni Boknoynoy at Bokneneng.

"Aray ko! Nabali ata ang balakang ko!"

Hinatak pala ni Boknay ang upuan kaya siya nahulog.

"Abay Boknoy, magpatulog ka naman, hindi mo ba napansin na tulog na ang lahat at ikaw na lang ang gising. Nakakabulahaw yang pinapanood mong kabalbalan. Matulog ka na nga!" Nangigigil na sermon ng kanyang asawa.

Pinatay nito ang T.V. at pumasok sa kanilang kuwarto.

KINABUKASAN ay umalis ng bahay ang mag-iina. Pagkakataon niya na masolo ang bahay at maisakatuparan ang naudlot na astral projection. Sinarado niya muna ang pinto, bintana at pinatay ang ilaw. Umupo siya sa ibabaw ng kutson. Ni-relaks ang kanyang katawan, pinayapa ang isip at pinakalma ang damdamin. Sinunod niya ang sinabi ng guru master sa astral projection.

Matagal siya sa gayong posisyon. Lumipas ang ilang oras ay naramdaman niya na dahan-dahang humihiwalay ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan...unti-unti siyang tumataas...lumulutang sa hangin...hanggang sa tumagos ang kanyang katawan sa bubungan. Napansin niya na himbing na himbing sa pagtulog ang kanyang katawang lupa.

Nilakbay niya ang siyudad nang palutang-lutang sa hangin. Pinuntahan niya ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa LOTTO. Nakita niya na pinagplaplanuhan nang apat na kawani nito ang gagawing pandaraya sa susunod na bola. Napansin niya ang ilang numerong nakasulat sa papel.

"Pare, bukas na bukas ay tayaan mo ito. Tiyak na magiging milyonaryo tayong lahat." Utos ng isang matabang lalake.

"Ngayon pa lang ay magdiwang na tayo...yahoooooo...!"

6-10-12-14-21-34 ang mga kombenasyon na numero na tatama sa susunod na bola. Walang sinayang na sandali si Boknoy. Agad siyang bumalik ng bahay at nakita niya ang kanyang katawan na mahimbing pa rin sa pagkakatulog. Ipinosisyon niya ang kanyang kaluluwa katulad ng ayos ng kanyang katawang lupa sa pagkakahiga.

Maya-maya ay nagising ang kanyang katawang lupa. Hingal na hingal siya nang magising. Tinungo niya ang kusina at umiinom nang isang basong tubig. Matapos uminom ay lumabas siya ng bahay at tumaya sa LOTTO.

Hehehe...siguradong yayaman na ako. Malilibot ko rin ang buong mundo at higit sa lahat ay mabibili ko na ang mga gusto ko.

Kinagabihan ay pinanood niya ang bola ng LOTTO. 6-10-12-14-21-34 ang lumabas na mga numero. Nagtatalon si Boknoy sa tuwa. Sa sobrang kagalakan ay ibinalita niya ito kay Boknay at sa kanyang mga anak.

"Matulog na tayo...bukas na bukas ay mayaman na tayo." Ang buo niyang kagalakan.

"Awhooo....awhooooooo......" Nabulahaw siya sa sunod-sunod na pag-alulong ng aso.Bumukas ang kanyang third eye. Napansin niya na may apat na kaluluwang palapit sa kanyang harapan. May bitbit itong sangkatutak na pera. Iniabot nila ito sa kanya at lumutang ang milyong-milyong mga salapi sa loob ng kanyang bahay Pilit niya itong kinukuha. Panay ang dakot niya sa hangin, ngunit kahit isang piraso ay hindi niya madampot.

"Mahahawakan mo lamang 'yan kung mag-astral projection ka. Ikaw kasi ang tumama sa bola ng LOTTO nang mga kaluluwang pagala-gala," paala-ala ng isang kaluluwa.

"Nay, tignan mo si tatay maghapon na 'yang may dinadampot sa hangin. Mukhang napasukan ata ng hangin ang utak at nababaliw na." Pagsusuri ni Boknoynoy.

"Sabi ko na sa'yo nay, hindi totoo yung sinasabi ni tatay kagabi." Segunda ni Bokneneng.

"Dalhin na kaya natin ang tatay mo sa Mental Hospital," utos ni Boknay.

Monday, November 2, 2009

Buhay ba talaga ang Diyos?




Ang liwanag ay repleksyon lamang ng enerhiya ng init. Ang kawalan ng liwanag ay pamamayani ng dilim na kung saan ang lamig ay bumabalot sa kapaligiran at namamayani sa kalikasan. Kung kaya't ang pamamayani ng kasamaan ay kawalan ng pananalig sa Diyos. Nilikha nya ang lahat ng bagay sa mundo. Kasama na rito ang mga nagrebeldeng mga anghel sa pamumuno ni Satanas o kilala bilang demonyo o kalaban ng kabutihan. Nilikha nya ang mga ito ayon sa kanilang katangian. Ngunit, hindi nya tinangal ang free will nito o kalayaan ng diwa. Hinayaan silang magdesisiyon sa pagpili ng masama o mabuti. Kaya nga di tayo nilikha na isang Robot o sunod-sunuran na nilalang. Pinagkalooban tayo ng puso upang madama ang mabuti at di mabuti para sa ikagiginhawa ng ating emosyon.

At isipan naman ay sumusuri sa ating pagpapasya sa pagtanaw ng tama o mali. Ipinoproseso ng ating isipan ang mga bagay na makakabuti para sa atin at isinasantabi nito ang mga pangyayaring di makakatulong sa ating pagkatao. Ang pagsulpot ng kasamaan sa sahig ng mundo ay bunga ng pagsuway sa pamantayang moral. Hindi ginigiit ng maykapal na sundin natin ito; binigyan nya tayo nang buong kalayaan na pumili kung alin sa moral at di moral na pamantayan ang ating isasabuhay. Binigay nya ito bilang kapahayagan nang kanyang kabanalan. Kabanalan na tinataglay natin, at nasa atin parin ang pagpapasya kung ito ay ating paiiralin bilang kanyang kawangis. Ika nga gaano man kasama ang isang tao ay may ipinapakita parin itong kabutihan. Hindi ba't nagpakita ng kabutihan si Adolf Hitler sa mga Alemanya, kahit na pinapatay nya ang mahigit anim na milyong Hudyo. Nakakaramdam parin ng awa ang tinaguriang pinakamasamang tao sa mundo na may pinaka-maitim na budhi. Sa kapangyarihan ng awa, kaya tayo binibigyan ng pagkakataon na magbago at makasama ng dakilang lumikha sa kabilang buhay.

Ito ang bagay na hindi maarok ng siyensya. Nakatuon lang kasi ang kanilang pananaw sa apat na dimensyon ng mundo, at hindi sa multi-dimensyonal na inilaan ng maykapal para sa ating lahat. Namamayani sa siyensya ang teorya ng relatibo, na kung saan ang opinyon mo ay tama para sa'yo at ang opinyon ko ay tama para sa akin. Maging sa sistemang politikal ng ating bansa sa ilalim ng demokrasya ay ginagamit na pamantayan ang kaisipang ito. Kapag 3/4 ng mambabatas ang sumang-ayon para maisabatas ang isang panukalang batas, upang maging pamantayan ng lipunan o norm. Ang tawag dito ay ang paghahari ng Mayorya at pakikiramdam ng Minorya. Subalit ang na-aprubahang batas ay kikilalanin bilang isang Relatibong Mayorya. Mababago lamang ang nilalaman ng isang batas kapag nagbago na ang bumubuo ng Mayorya, at ang Minorya ay sya ng Mayorya. Ang siste kasi ng politika ng bansa ay nakabatay sa tunggalian ng Mayorya at Minorya. Kaya't mapapansin na ang mali ay nagiging tama at ang tama ay nagiging mali depende sa namamayaning politikal party.

Ang kawalan ng tinig ng mga dukha sa lipunan ay kawalan ng liwanag sa tunay na kalagayan ng ating bansa. Pilit na sinasagkaan ang liwanag na magpapamulat at realisasyon ng balanseng pagtingin sa katayuan ng mahirap at mayaman. Kapag ang munting liwanag ay nawalan ng kutitap, namamayani ang tala ng ganid at pananamantala . Ang talang ito ay sasabog sa buong kapuluan, magkakalat ng bubog nang pasakit at dusa. Lalambungan nitong nang kirot ng pamumuhay at titibuin ang puso at isipan ng mga mapagkunwaring pag-aalala. Papalakpak ang puso ng mga higanteng tala sa pagtamo ng kanilang kasaganaan. Habang patuloy ang hikbi ng mga walang muwang na mamamayan na nakulong sa dilim bunga nang di pantay na pamumuhay.

ITUTULOY...

Saturday, October 31, 2009

Ang Sandalyas ng Wak Wak




Inimbitahan ni Boknoy ang mga kababaihan sa kanilang lugar sa isang engrandeng handaan. Mabilis na kumalat ang balita na sa gaganaping handaang iyon ay pipili ang Sultan ng kanyang magiging kabiyak na siyang magiging reyna ng kanilang kaharian. Todo bihis at postura ang ginawa ng bawat kababaihan. Sandamakmak na meky ap ang pinahid nila sa mukha para lang mapansin ng hari.

Ayon sa tagapag-balita o umalohokan, ang mapipiling dilag ay siyang isasayaw ng hari at magiging reyna ng pagtitipon, at nang buong kaharian ng Kwek-Kwek. Nagsimulang lumibot ang Sultan, naakit ito sa simpleng ganda at kasuotan ng isang dilag na katulong nang tatlong magkakapatid na babae na kabilang sa Maharlikang pamilya.

"Anong pangalan mo?"

"Estela po."

"Sino ang mga magulang mo?"

"Ah,e, pasensya na po kailangan ko ng umuwi."

Panay ang nguynguyan ng mga kababaihan nang yayain ito ng hari at isayaw sa gitna ng pagtitipon. Pagsumapit ang alas-dose ng gabi ay ihahayag ni Boknoy ang pagpapatibay sa kanyang pinal na desisyon na ang babaeng napili ay kanyang pakakasalan. Isang minuto bago sumapit ang takdang oras ay nagmamadaling nagtatakbo ang dalagang kanyang kasayaw. Mabilis itong nakalayo. Lalong umingay ang tsismisan ng mga kababaihan. Pilit itong hinabol ni Boknoy, ngunit mabilis itong nakalayo sa lugar at naglaho sa kanyang paningin.

Napansin nito na naiwan ng babae ang isang kabiyak ng sandalyas.

Kinabukasan ay may natagpuang patay na lalake malapit sa lugar na pinagganapan ng okasyon kagabi. Wakwak ang dibdib nito; umugong ang balita na dinukot ang puso nito ng isang manananggal. Nahirapan ang mga imbestigador na Timawa na makakalap ng saksi upang matukoy ang salarin. Isang daang metro mula sa pinangyarihan ng krimen ay may napansin silang may naiwan na isang marka ng sandalyas sa putikan. Agad na pinakuha ni Boknoy ang napulot na sandalyas at isinukat sa naiwang marka.

Namangha siya at nagulat. Napailing siya at pumalatak nang pumalatak.Agad niyang pinag-utos na hanapin ang babaeng nagmamay-ari ng sapatos. Pinuntahan ng kanyang mga tauhan ang bawat bahay at isinukat ang sandalyas. Sa buong maghapong pagsusukat at paghahanap ay nais na nilang sumuko. Nang kumagat ang dilim ay nagimbal sila nang makita nila ang kalahating katawan ng isang babae ng mananaggal, nagmamadali nilang inilabas ang sandalyas at isinukat sa paa nito. Bumilis ang tibok nang kanilang puso at namutla nang kumasya ito sa paa ng manananggal. Nang makumpirma nila na saktong-sakto ang sukat ng paa nito ay pinosasan nila ang paa nito, binitbit at ikinulong.

Bilog ang bagong sulpot na buwan. Sumapit ang ala-una ng gabi, nagulat ang mga pulis na Timawa dahil galit na galit na dumulog sa kanilang tanggapan ang manananggal. Nagsampa ito ng reklamo ng Human Rights Violation at Illegal Detention, dahil premature raw ang ginawang pagpapakulong sa kanyang paa. Hindi raw siya nakatanggap ng warrant of arrest mula sa husgado. Isa pa, wala raw silang pinanghahawakang prima face evidence at physical evidence, bilang katibayan sa brutal na pagpatay na binibintang sa kanya. Isa raw itong panggigipit sa kanya bilang isang mananaggal. Kahit ganun raw ang kanyang katangian ay nanatiling hulsam ang kanyang pagiging mananaggal, kaya niya raw patunayan ito sa pamamagitan ng mga saksing mananaggal.

"Tandaan nyo, hindi lahat ng mananaggal ay mamatay tao at hindi lahat ng mamatay tao ay mananaggal."

Nag-isip nang malalim ang mga pulis na timawa sa sinabi niya.

"Akin na nga 'yang sandalyas ko baka maipalo ko pa sa inyo ito. Walang galang sa puri ng isang babae."

Ganun pa man ay nagpiyansa ito at nagbantang babalik para maghanap ng abogado. Binantaan nito ang mga pulis na Timawa na maghaharap sila sa korte at ipakukulong ang sultan na si Boknoy dahil sa maling paratang at paglabag sa Habeas Corpus.

Galit na galit nitong binitbit ang kanyang katawan, sabay lumipad, at nilisan ang presinto.

ANG TOMADOR NA WHITE LADY








Dumating ang kumpare ni Boknoy na si SPO4 Igmee mula sa pakikipagbakbakan sa kagubatan ng Mindanao. Nagyaya ito ng inuman, kaso lang ay sarado na ang mga kalapit na tindahan malapit sa pansamantalang bahay na tinutuluyan ni Boknoy. Medyo malayu-layo pa ang susunod na tindahan na kanyang pupuntahan.

Kahit na pagod ay napilitan siyang lumabas ng bahay; tinungo niya ang tindahan nila Aling Nena sa kabilang baryo. Matapos niyang maiabot ang bayad ay isinilid niya sa isang supot ang apat na pirasong Grande. Masukal ang daan na kanyang tinatahak pabalik. Ang lupang kalsada ay napapaligiran nang mga matataas na talahib, malalagong mga puno ng mangga at nagtataasang puno ng Acacia. Medyo maliwanag ang paligid mula sa liwanag na namimilog na buwan.

Natigilan si Boknoy sa paglalakad nang masalubong niya ang isang puting babae na hanggang bewang ang buhok, balingkinitan ang katawan, at mas matangkad sa kanya. Nakaharang ito sa kanyang daraanan.

Nanlilisik ang mga mata nito at umuusok ang kanyang kinatatayuan. Bigla siyang nangilabot: nagtayuan ang kanyang mga balahibo sa katawan, nangatal ang kanyang bibig, namutla ang mukha, nanginig ang mga tuhod, umurong ang kanyang dila nang napansin niya na nakalutang ang mga paa nito sa hangin at pasuray-suray na papalapit sa kanyang kinalalagyan.

"Hik...hik...hik...! H'wag kang matakot di naman kita tinatakot. Hindi ka masasaktan kung ibibigay mo sa akin 'yang binili mong alak. Kanina pa kasi kita pinagmamasdan...hik."

"E-e-to na..ku-kunin mo." Ang nabulol na wika ni Boknoy.

Buong laya niya itong iniabot sa nakaputing babae.

"Salamat, hik..."

Iniangat nito ang isang bote ng alak at pinalutang sa hangin. Biglang tumalsik ang takip nito nang ihipan ng babae. Lalong lumakas ang nginig sa katawan ni Boknoy.

Pasuray-suray itong lumayo sa kanya habang tinutungga ang ninenok na alak..."kabilin-bilinan ng lola...hik! H'wag iinom ng serbesa..hik! ito'y di inuming pambata mag-softdrinks ka na lang muna...hik...hik!"

Kumaripas ng takbo si Boknoy nang maglaho sa hangin ang white lady.

Monday, October 26, 2009

ESTRANGHERONG BINTANA




Iniwan ko ang aking palayan sa malawak na kabukiran. Umupo sa tabi ng puno ng mangga at nagpalilim sa tumitinding sikat ng araw. Ninanamnam ko ang mga bawat sandali nang pakikipagniig ng aking paningin sa malawak na kapaligiran na pinakikinang ng kulay gintong mga uhay na palay. Sinipsip nang matinding sikat ng araw ang tubigan ng aking maningning na palayan at unti-unting naglaho ang gilas nito.

Naakit ako sa matabang lupa na nakatiwangwang sa malawak na bukirin. Sagana ito sa patubigan at kayang magpasibol nang magandang binhi ng palay. Walang pag-aatubili kong itinarak ang aking araro na sabik sa basang bukirin, mabilis itong kumapit at binungkal ang masaganang lupa. Matapos mabungkal ay isinandal ko ang aking likuran sa malapad na puno at ninamnam nang aking paningin ang masaganang lupa sa bago kong palayan.

Nagpasintabi ang haring araw sa aking bukirin bago ito ikubli nang mga tabing na ulap.Sumipat ang dilim, nagising ako sa kaliglig na sumusuot sa bintana. Nagdodoble ang aking paningin sa nakatiwangwang na bintana na pinagagalaw nang malakas na hihip ng hangin. Tila nagpapaligsahan ang dalawang bintana sa pagsayaw sa hangin.

Pamilyar sa akin ang unang bintana at matagal ko na siyang katuwang sa pagharap sa malalakas na ungos ng hangin sa masungit na panahon. Magiliw itong kumakaway sa bawat paglapit ng aking yabag sa hagdanan. Subalit, ang ikalawang bintana ay estranghero sa aking balintataw, ngunit mas nahalina ako sa mapang-akit niyang kumpas na naghahatid nang masamyong aroma na nagmumula sa masaganang kabukiran.

Nalunod ang aking katauhan sa masaganang bukirin nang malalagong uhay na nagkukulay ginto sa aking paningin. Sumasayaw ito sa aking harapan at panay ang giling sa ibabaw nang aking araro na pinapurol ng disyerto sa madalang na pagpatak ng ulan.

Umihip ang hanging amihan at dinuyan ako nang halinghingan sa gitna ng kawalan. Kumawala ang hanging habagat na nagmumula sa mahiwagang palayan. Nagpasiklot-siklot ang hangin sa gitna ng bukirin at nagpatianod ang aking diwa sa walang humpay nitong pag-inog sa kapaligiran.

Sumisipol ang hangin. Kumukutitap ang buwan. Nakikipagpatintero ang sinag ng araw.

                                                                    ******
                                                                    ******
                                                                    ******

Nakita kong duguan ang aking anak sa loob ng bahay.

Halos madulas ako sa pulang likido na naglawa sa sahig.

Hindi ko siya halos makilala, niyakap ko siya nang mahigpit.

Mahigpit na mahigpit. Nag-init ang aking mga mata at ayaw sumungaw ng luha.

Nag-rerebolusyon ang aking damdamin, umiinit, at nabilot ng isang malakas na pag-alulong ang sumambulat sa aking kapaligiran. Hindi ko ito mapigilan: sunod-sunod, walang patid, walang kurap, at walang maliw.

"Bakit? Bakit? Bakit?"

Ang katanungang umaalingawngaw sa tuktok nang alitaptap nang namimilog na buwan.

Tila ito binalot ng hangin at inilipad sa pantalan nang pasakit at dusa. Naginginig ang aking kalamnan. Malakas ang pintig ng aking mga ugat. Sumisilakbo ang aking dugo. Humahampas sa dalampasigan ng aking isipan at kumakanlong sa aking damdamin.

May liwanag na kuminang sa sulok. Naghahamon. Nagbabanta.

Inunat nito ang kanyang kamay na napapaligiran ng makapal na balahibo at pinakikinang ng matatalim na kuko. Nanlisik ang aking mga mata, nagbabaga, nag-aapoy at tuluyang lumiyab ang aking katawan.Hindi ko alintana ang paparating na panganib.

Tinutulak ako ng batas nang panaghoy at paghihiganti. Pumasok ako sa kusina at mabilis na hinugot ang isang patalim na nakatarak sa isang lalagyang kahoy.

Matalas, malapad at makinang. Ang sandatang ito ang makakatapat sa kanyang kalapastanganan. Bumilis ang galaw ng aking mga paa, nag-uunahan kung alin ang mauuna. Hahakbang ang kaliwa, mas bibilis ang hakbang ng kanan. Nagpapalit-palitan sa mabilis na paggalaw.

Sabay itong huminto at tumindig sa harapan nang pakinang-kinang na halimaw. Bumabaon ang aking kuko sa aking nakakuyom na palad sa paghawak ng patalim. Iniwasiwas ko ito sa hangin at itinarak sa halimaw. Bigla itong nawala. Mabilis itong nakalundag sa bintana. Parirala kong napagmasdan ang pagkaripas nito sa lupa. May anong puwersa ang bumalot sa aking mga paa, mabilis itong gumalaw, kasing bilis ng halimaw.

Mabilis ang bawat pagpapalitan nang apat nitong paa sa lupa. Habang ang buntot nito ay kaliwa't kanan na kumukumpas sa hangin.

Demonyo ka! Demonyo ka!

Harapin mo ako duwag na halimaw!


Mabilis ang paghinto ng mga yabag nito sa lupa. Humarap ka sa akin, binuka ang bibig. Kuminang ang mga nagsisiksikang matatalim na ngipin na nababahiran ng dugo. Lalong nagpupumiglas ang aking damdamin, itinarak ko ito sa kanyang puso. Parang hangin sa bilis ang kanyang paglundag sa aking likuran. Agad kong pinaling ang aking katawan paharap sa kanya.

Bakit di ma ako labanan?


Hayop ka! Hayop ka!

Muli kong itinarak ang patalim. Sumirit ang kanyang dugo at tumalsik sa aking mukha. Hindi siya gumagalaw, ni hindi lumalaban. Hanggang sa nawalan ng lakas ang aking kamay sa pag-unday.

Hiningal ako, kinakapos ng hangin ang aking lalamunan at gumagaspang ang daluyan nito.

Iniangat niya ang aking nakatungong mukha. Ibininuka ang aking bibig at itinapat sa kanyang puso.

Narinig ko ang tinig ng aking anak.


"Itay! Itay!"


Pinilit kong magsalita sa nalalabi kong tinig.


"Anak ko! Anak ko!"


"Nasan ka? Anak ko!"


"Mahal ka ni itay! mahal na mahal!"


"Itay, mahal ka din ni inay."


"Mahal na mahal."


"Itay, Bakit? Bakit? Bakit?"


"Bakit, mo kami pinabayaan?"


"Bakit mo kami kinalimutan?"


"Sabi mo mahal mo si inay?"


"Sabi mo di mo kami iiwan?"


"Pero nasan ka...? Nasan ka....?"

Unti-unting pumatak ang aking luha, bumilis ang tibok ng aking puso at nasasakal ang aking lalamunan.

Dahan-dahang isinahod ng halimaw ang aking bibig sa tumatagas na dugo. Nalulunod ako. Lunod na lunod. Bumalik ang sigla ng aking katawan. Pinilit kong magpumiglas upang kumalawa sa kanyang matatalim na kuko. Para akong manika na kanyang binuhat at isinandal sa puno ng mangga.

Humingi ako ng saklolo sa mga dahon at mga puno sa paligid. Ngunit tila bulag sila at bingi sa aking malakas na panaghoy. Lumakas ang hihip ng hangin, unti-unting bumabagsak ang mga tuyong dahon, at nangalaglag ang mga bunga sa lupa.

Inumang niya ang kanyang kamay, at itinarak sa aking katawan. Dinukot niya ang aking puso at inialay sa aking asawa na namamahay sa loob ng puno--- matagal na pala itong nakamasid sa aking pagkikipagbuno sa halimaw. Sinambot ito ng aking asawa at ibinaon sa tabi nang kanyang puso.

Tumalon ang pusa.

Nagising ako.

Nakikipaghabulan ang aking baga sa aking lalamunan sa pagsagap nang hangin sa paligid. Habang ang aking balikat ay inuuga nang aking dibdib.

Nasilayan kong umiiyak ang aking anak.

"Itay bakit ka sumisigaw?"


"Wala anak"

Niyakap ko siya nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit at pinupog nang halik.

Matagal ko din siyang hindi nasilayan dahil sa matagal na pamamalaot sa malawak na karagatan na aking sinumpaan.

"Anak, mahal na mahal ka ni itay ha."


"Mahal na mahal din naman kita itay."


Kumuha ako ng tubig sa ref at pinatulog ang aking anak.

Hinaplos ko ang ulo ng aking asawa. Hinalikan ko siya sa pisngi.

Tinitigan ng matagal. Matagal na matagal.

Nanariwa sa akin ang matamis naming pagliligawan.

Naglaho na parang bula ang estrangherong bintana sa tapat ng masaganang lupa.

Binuksan ko ang pamilyar na bintana sa tapat ng nalalantang uhay ng mga palay.


Naramdaman ko ang pagyapos nang sariwang hangin mula sa dati kong palayan at nasilayan ko ang pagbulwak ng tubig mula sa bukal. Muling nanariwa ang masaganang palayan, at pagsayaw ng mga gintong uhay sa bukirin.

Saturday, October 24, 2009

HIMALA




Announcement!

Interrested students may apply to the Office of The Student Affairs

Qualifications of Scholarship
1. Male
2. No Girlfriend
3. With pleasing personality
4. With a GPA of 85
5. With a stipend of P 2,000 monthly

Bigla akong napatunganga sa nakapaskil na papel. Isang sem na lang at graduation na, kaso wala pa akong naipong pera para pambayad sa graduation fee at pambili ng bagong damit. Pa’no na ‘to? May sakit pa naman si Inay, Cancer daw sabi ng doktor.

Bahala na, patapangan lang yan ng apog.

Kinabukasan ay kumuha ako ng application form sa OSA para mapabilang sa mga mapalad na magiging iskolar ng di nagpapakilalang philantropo.

“Napakabait siguro nun at mayaman,” bulong ko sa sarili.

Kaso lang may problema, basag ako sa ikalawa at ikatlong pamantayan.

“Bakit kasi bawal pati kasintahan?” pagsusuri ko sa pamantayan.

Kinausap ko muna ang gf ko para malaman niya ang plano ko.

“Alam mo na ang tama at mali, kung ito ang paraan gawin mo,” paliwanag niya sa akin.

Pero yung ikatlong pamantayan ay hindi ko masagot kung pasado ba ako, sabi ng gf ko oo naman daw, pero alangan parin ako sa sarili ko kasi nanay ko lang at siya ang nagsasabi na guwapo ako. Syempre ipagkakait ba nila sa akin yun, e, para na nila akong sinaksak, kung di nila sasabihin na para sa kanila ay ako ang pinaka guwapong lalaki sa balat ng lupa.

Kasi naman pareho nila akong mahal.

Syempre pa pinili ko ang pinaka cute kong larawan na sa tingin ay pang-modelo ang porma at hitsura, sandamakmak na pag-aayos ang ginawa sa photo shop para palitawin na good looking ako.

Hay, salamat sa hiwaga ng teknolohiya ang kalabaw ay nagiging baka, yung aso nagiging kabayo, yung gagamba nagiging unggoy at yung engkanto nagiging tao.

****
****
****

Ipinasa ko ang lahat na kinakailangang credentials para mapasama ang papel ko sa mga susuriin.

Napasuntok ako sa hangin ng mabasa ko ang pangalan--- yes, yes, yes!

Kaliwa’t kanan ang suntok sa hangin. Pumasok ako sa opisina ng OSA sa gusali CAS para ikonpirm ang aking nabasa.

Binigyan ako ng kapirasong papel at sabi sa akin ay pumunta raw ako bukas ng umaga sa Maceda Hall sa opisina ng presidente ng pamantasan at dun namin makikilala ang taong philantropo na magbibigay sa amin ng scholarship.

Alas diyes ng umaga ay nagtipon-tipon ang lahat na nagbabasakali na maambunan ng grasya. Ilang saglit lang ay dumating ang isang lalaki na maputi. Pinakilala siya sa amin ng presidente, siya raw ay si mapaghimalang philantropo.

Bago niya bitawan ang mga paraan ng pagpili ay naglitanya muna siya ng kanyang mga karanasan bilang isa sa pinaka matagumpay na alumnus ng aming pamantsan. Ipinarada pa niya sa amin ang mahabang listahan ng kanyang tagumpay sa daigdig ng himala.

Makalipas ang 30 minuto ay natapos ang litanya niya, saka niya ipinaliwanag na ang pinaka mahigpit na patakaran na dapat sundin nang kayang magiging iskolar ay huwag makikipagrelasyon sa kahit na kaninong babae.

Kinurot na naman ako ng pagiging kalog ko, uhmm…, “pa’no po kung napamahal na ako sa isang babae?” kalabit na tanong ko sa kanya.

“Hindi ka mapapabilang sa mabibiyayaan ng stipend,” pitik niya naman sa akin.

“Pa’no po kung babaeng aso, kabayo o pato?” pitik-bulag na tanong ko sa kanya.

Biglang binalot nang alingangas ng mga malulutong na halakhak ang buong silid.

‘Anong pangalan mo iho?”

“Tantizm po”

‘Medyo, malikot ang isip mo, baka kailangan mo ng himala,” na bulag-pitik niya naman ako.

Halos madurog ang ngalangala ng mga kasama ko sa katatawa. Pakiramdam ko’y biglang uminit sa loob nang malamig na kwarto dahil mukhang nasagap na nila ang malamig na hangin sa sobrang paglitaw nang kanilang esophagus.

Tumahimik ang paligid at naging seryoso na ang usapan. Galante pala talaga ang estrangherong philantropo na hulog ng langit sa aking pangangailangan. Bukas raw ay isasama niya kami sa kanyang bahay sa Cavite upang kumuha ng pagsusulit at masukat ang laman ng aming utak.

Maaga pa lang ay napansin ko na ang isang Van na pula na nag-aabang sa aming pagsakay. Isa-isa kaming pumasok sa sasakyan at dinala sa bahay ng estraherong philantropo.

Pagdating namin ay may nakahanda ng agahan, marahan naming nilantakan ang bawat lamang tiyan na nakahain sa ibabaw ng mesa. Nang matapos ay pumowesto kami sa isang mahabang mesa at maya-maya ay isa-isang iniaabot sa amin ang test questionnaires, bago ko simulan ay binilang ko muna kung ilan ang mga tanong.

Napalunok ako, parang gustong lumabas ng kinain ko. 600 na tanong sa loob lamang ng dalawang oras, sa sumatotal ay 5 segundo kada tanong. Wow, daig pa namin ang bagsik ng Bar Exam kahit siguro si superman ay manghihina dahil may pipino na nakahain sa mesa.

Humahataw ang aking kamay sa bawat pahina, para ba akong nag-aabang sa LRT na kahit puno na ay magsusumiksik ka parin para lang makarating sa tamang oras nang pagpasok sa eskuwela.

Nangarag ang ingay ng timer, hudyat ng pagtigil ng pluma ng bolpen.

Nag-antay kami ng dalawang oras sa resulta ng aming pagsusulit, pinasyal muna kami ng mayamang philantropo sa kanyang magarang bahay. Ibinida pa nito sa amin ang nakahanay niyang sasakyan, at tinanong kami kung marunong ba kaming mag-drayb, walang sumagot.

Nagtanong ako, “Sir, baka pwede kasama yung drayber sa hihiramin,” napabungisngis ang aking mga kasama.

Tinitigan niya ako ng matagal na parang nag-he-healing session… biglang nagsalita.

“Alam mo Tan natutuwa ako sa’yo, napapasaya mo ako,” pitik niya sa ego ko.

‘Salamat naman po, kasi po mapapasaya mo din ako,” bato-bato pick ko naman sa kanya.

****
****
****

Lumipas ang dalawang oras lumabas na ang resulta ng pagsusulit. Sabi niya dalawa lang raw ang nakapasa si Macho at si Tisoy. Sabi ko na talo ako sa bato-bato pick, gunting siya papel lang ako.

Inabutan niya kami ng tig-dalawang daang piso na pamasahe pauwi. Paalis na ako nang tinawag ako ng estrangherong philantropo.

“Tan, saglit,” anas niya

“Bakit po?”

“Samahan mo muna kami sa Batangas,” yaya niya.

Sumama naman ako.

Ayaw kasing mag-paiwan ni Tisoy kasama ko kasi siya sa Student Government.

Sumakay kami ng kotse, pinaupo niya ako sa unahan katabi ng drayber. Umupo naman sila sa likuran.
Panay ang kuwento niya sa amin kung pa’no siya naging matagumpay, sa kanyang negosyo at nakapundar nang maraming bahay sa ibat ibang sulok ng bansa.

Natapos ang mahigit isang oras na kuwento.

Bumaba siya sa kotse at sinuot ang kanyang abito.

Tumambay kami sa labas ng magarang bahay.

Nagsimula na siyang magdasal. Kinatok niya ang langit na buhusan nang pagpapala ang mga nakiisa sa kanilang pagtitipon. Binuklat niya ng Bibliya at binasa ang isang bersikulo…

"Ay...ay...ayyyyyyyyyy!!"nang biglang nagtilian ang mga tao sa loob ng bahay.


Ang mapaghimalang nilalang ay hinimatay. Binuhat siya ng ilang kalalakihan at iniupo sa isang malapad na upuan. Panay ang paypay ng mga matatandang labis ang pag-aalala sa banal na tao. Habang ang ilang mga kasapi ay natataranta at nababalisa sa pagtanghod sa kanya. Ang iba naman ay tahimik na nagdarasal para sa magandang kalagayan ng pinuno.

Mayamaya ay nagkamalay na ang banal na tao. Natuwa naman ang mga miyembro.

Matapos maipon ang mga regalo at love gift ay agad na nagyaya itong umuwi papunta sa kanyang kondominyum sa Vito Cruz.

Katulad kanina nasa unahan ako nakaupo, sa likod sila pumesto. Paro may napansin akong bago yung harapan ni Tisoy ay tinatakpan ng pulang unan habang nagmimilagro ang mapaghimalang kamay sa tanging yaman ng aking kasama.

Sinubukan kong tanungin si Tisoy kung kamusta na ang pakiramdam ng banal na tao, hindi siya makasagot parang may nakabarang hangin sa kanyang lalamunan.

‘Tan, ok na ang pakiramdam ko,” sagot ng banal na philantropo.

Ah, yun pala ang gamot para manumbalik ang lakas niya. Kilala ko si Tisoy napatol talaga siya sa mga kolereteng Adan sa aming pamantasan.

Maya-maya ay parang kinakapos sa hangin si Tisoy.

“Inaatake ka ba ng hika mo at parang nag-iiba yata ang timpla ng katawan mo,” usisa ko.

Sa pag-kakaalam ko may hika siya, yun kasi ang madalas niyang dahilan sa akin kapag hindi siya nakakarating sa aming pagpupulong.

Makalipas ang isang oras ay narating na namin ang kondominyum ng banal na tao.

Ilang saglit lang ay dumating ang ilang lalaki na artistahin ang dating, humalik muna ito sa pisngi at may ibinulong. Hiningi pala yung stipend nila. Naisip ka liberal pala siya at na-adopt niya ang kultura ng mga lalaki sa gitnang silangan at mga kanluraning bansa sa paraan ng pagbati.

Nag-paalam na ako na umalis, akala niya hahalik ako.

Nagmano na lang ako.

Inabot niya sa akin ang kanyang calling card, tawagan ko raw siya bukas para malaman ko ang resulta.

Iniwan ko sila ni Tisoy, baka kasi manghina uli ang mapaghimalang nilalang.

Si Tisoy lang ang makakatulong sa kanya.

Kinabukasan ay tinawagan ko siya gamit ang pinaparentahang telepono sa tindahan, malapit sa aming bahay.

Inalam ko kung kabilang ba ako sa mabibiyayaan ng grasya.

Sabi niya sa akin, hindi raw ako pumasa sa kanyang pagsusulit.

Ibinaba ko ang telepono at tumingin sa langit.