Sa loob ng isang buwan ay pikit-manok na nilamay ni Boknoy ang librong "Hipnotismo." Nakapaloob sa librong ito ang tamang pamamaraan ng paggamit nito. Tatalab raw ito kung babanggitin ng tama ang orasyon:
tukneneng ke kianto kuhaha istik tusoksok kwekkwek tomguts tailbug aaluglug.
Sinubukan nya muna ang bisa nito sa isang kulay tsokolateng pusa na nakasalubong nya sa kalsada. Tinitigan niya ito sa mata at sinambit ang orasyon...
tukeneneng ke kianto kuhaha istik tusoksok kwekkwek tomguts tailbug aaluglug! di ito gumalaw at nagmistulang istatwa. Inutusan niya ito na atakihin ang itim na pusa. Mabilis itong lumundag at kinalmot nang kinalmot ang gulat na gulat na itim na pusa.
Meowwwwww....meowwwww!! Ang walang puknat na kanilang hiyawan habang pagulong-gulong...habulan at patalon-talon sa mga bubong ng mga kabahayan.
"Tukneneng tgilgil bati pusatsup!" mabilis na tumahimik ang pusa. Nagulat ang mga nanonood na mga tao sa bigla nilang pananahimik at animoy matalik na magkaibigan na naglalakad at nakaakbay pa ang kulay tsokolateng pusa sa itim na pusa.
"Efektib nga!," sigaw nya sa hangin.
Kinagabihan ay nakita nya si Luningning na matagal nya nang iniibig. Matagal ding nawala sa kanilang lugar ang dalaga at may kumalat na balita na pinatay raw ito at ginahasa. Patay na patay si Boknoy sa karikitan nang nililiyag.
"Tukneneng tibokbok pusooo!" marahang sigaw niya sa orasyon. Huminto si Luningning at sumama sa kanya. Mabilis niya itong dinala sa kanyang ninong na Judge. Hindi pa sinasambit ng Judge ang tanong kung mahal ng babae si Boknoy ay panay na nang sabi nito ng I do. Naganap ang kasal at labis-labis ang kagalakan ni Boknoy. Sa wakas ay natupad na ang kanyang matagal na pangarap.
Sinama niya ito sa kanyang bahay para sa kanilang honeymoon. Pumasok agad sa banyo si Boknoy at naglinis ng katawan. Mabilis ang bawat buhos ng tubig sa kanyang katawan at halos bumula ang kanyang katawan sa sabon. Paglabas nya ng banyo ay nakadungaw sa bintana si Luningning at wala ng saplot sa katawan. Nang masilyan niya ito ay parang nililiyaban ang kanyang buong katawan.
"Handa ka na ba?" Tanong ni Luningning.
"O-Oo," ang buong kagalakan nyang tugon.
Habang kinikiskis nito nang mabilis ang magkabilang palad.
"Simulan na natin 'to!" sigaw ni Boknoy.
Nang iniharap niya ang mukha nito ay nagbago ang anyo ng babae. Naagnas na ang mukha at katawan nito. At dahan-dahang lumulutang sa hangin.
"
Tukneneg impakpakto tagugu sa basu tususk istik gwen barbecue"
Panay ang sigaw ng orasyon ni Boknoy sa hangin ngunit hindi ito tumatalab.
"Tulong! Tulong!"
"Saklolo....!"
Para syang na-hipnotismo sa sobrang takot at hindi niya maigalaw ang kanyang katawan.
0 comments:
Post a Comment