"Hanep sa akting ah, parang pang-tele-nobela. Hoy! Kayong dalawa huwag nga kayong mag-inarte at baka isiksik ko kayo dyan sa basket at gawing balot," ang pagyayabang ni Tagle.
Natigilan ang dalawa sa pag-uusap nang mapansin nila na numumula ang mata nito, at trip mode na naman. Iniwasan na lang nilang magsalita at baka ambahan sila ng suntok. Hinablot nito ang hawak na balot ni Eson. Binasag sa kanyang noo, tinanggal ang kapirasong balat, at kinain. Nanggigigil siya sa galit, pero walang siyang magawa. Pinili na lang niyang manahimik kaysa palalain ang sitwasyon.
"O, ano, bakit natameme kayo! Ang sarap talaga ng balot mo Analyn kasing sarap ni Jonah. Uhmmm...ahhhhh...langhap sarap, parang chicken joy."
"Bwisit ka...bwisit ka! Anong kinalaman mo sa pagkawala ng kaibigan ko?!"
Hindi napigilan ni Analyn na magwala sa sobrang galit sa binitiwang pahayag nito. Dinampot niya ang ilang pirasong balot at ibinato nang ibinato sa mukha ni Tagle. Ginamit nito ang dalawang braso bilang pananggalang sa sunod-sunod na paglipad ng balot sa hangin. Nang maubos na ang balot sa kababato ay buong diin niyang hinawakan ang basket at pinaghahampas sa katawan ng katunggali. Panay-panay ang kanyang atras at salag sa bawat hampas ng basket. Isang malakas na suntok ang bumulaga sa mukha ni Analyn. Bumagsak ang kanyang katawan sa lupa. Nakaramdam siya ng matinding pagkahilo at nakita niya ang ilang bituin na umiikot sa kanyang paligid. Isang malakas na hampas ng kahoy ang nagpaluhod sa maton. Hindi tumigil sa kahahataw si Eson hanggat hindi ito nawawalan ng malay. Napansin ito ng mga tanod na nakatokang rumonda sa gabing 'yon. Nagmamadali nilang pinuntahan ang tindahan na pinagmumulan ng kaguluhan. Bumagal ang kanilang kilos dahil sa umpukan ng mga taong nanonood sa nagaganap na kaguluhan. Hinawi muna nila ang mga tao. Inutusang lumayo, at huwag pagkumpulan ang lugar. Agad na tumawag ang tanod ng sasakyan upang dalhin ang mga sangkot sa kaguluhan. Inalalayan ni Eson si Analyn upang isakay sa barangay patrol. Binigyan muna ng paunang lunas si Tagle ng ilang paramedics. Pagkatapos ay dinala muna ito sa Ospital upang masuri ang mga tinamong sugat sa katawan. Malapatan ng gamot at mai-CT Scan ang ulo at ma-X-Ray ang katawan at mga braso.
"Ano ba ang pinagmulan ng inyong away?" usisa ni Kapitana Malinao.
"Ininsulto kasi niya yung kaibigan namin na si Jonah. Ang sabi niya masarap daw ang balot...kasing sarap ng aming nawawalang kaibigan. Kaya hindi ko napigilan ang sarili ko at pinagbabato ko siya ng balot at pinaghahampas ng basket sa katawan. Pero saglit akong nawalan ng malay ng suntukin niya ako sa mukha."
"Ikaw naman Eson, bakit mo naman hinataw ng kahoy si Tagle?"
"Nang makita kong inupakan niya si Analyn at nawalan ng malay ay dinampot kung yung isang kahoy at hinampas siya sa tuhod at sa iba't ibang bahagi ng katawan hanggang mawalan siya ng malay."
Nang masuri ng duktor na maayos naman ang kalagayan ng maton ay dinala ito sa barangay. Malalaman niya bukas ang resulta ng CT-Scan at X-Ray Nag-aabang sa labas ng barangay hall si Lerin upang antayin ang kanyang mga katropa at sunduin ang matalik na kaibigan na si Tagle. Nakita niya ang paparating na barangay patrol at nasilayan ang kaibigan na tadtad ng gasa sa iba't ibang bahagi ng katawan. Sinalubong niya ito upang alalayang bumaba ng sasakyan. Dumiretso ito sa opisina ni kapitana upang makunan ng salaysay sa nangyaring kaguluhan. Binanggit nito ang mga binitiwang salaysay nina Analyn at Eson. Mariin niyang pinasinungalingan ang mga paratang nila.
"Kapitana, hindi po ako nagsimula ng gulo...sila ho. Lumabas ako ng bahay upang bumuli ng balot. Nang umangal ako kay Analyn na panis na ang balot na tinda niya ay agad siyang nagalit sa akin. Pinapapalitan ko lang naman ang balot na nabili ko. Ang ginanti niya sa pakisuyo ko ay, pinagbabato ako ng balot, at pinaghahampas ng basket. Tapos, naramdaman ko na lang na may matigas na bagay na humampas sa tuhod ko at ibang bahagi ng aking katawan hanggat sa mawalan ako ng malay. Yung baklang Eson na 'yun pala ang humataw sa akin."
"Hindi ata nagtutugma ang inyong mga salaysay."
"Natural pagtatakpan nila yung ginawa nila. Ako na nga yung na-agrabyado. Tignan niyo nga yung ginawa nila sa akin."
"Hoy! Adik na sanggano, napakagaling mong magtahi ng kasinungalingan. Tignan mo itong black eye ko sa mukha ng matauhan ka. Kalalaki mong tao napatol ka sa babae. 'Tong hudas na 'to, babaliktarin mo pa ang kuwento. E, sa pagmumukha mo pa lang ay di kana gagawa ng mabuti."
"Kalma lang ha, mag-si-set ako ng pagdinig sa inyong dalawa. Ipapatawag ko kayo sa lupon upang imbestigahan ang nangyari at kung gusto niyong magsampa ng kaso ay nasa inyo na 'yan."
"Huwag na po kapitana...maabala lang ang aking hanapbuhay at isa pa hindi dapat pinag-aaksayahan ng panahon ang ganyang uri ng nilalang. Mahirap ata makipag-usap sa adik na sangggano."
"Lalo naman ako kapitana, di ako mag-aaksaya ng pera para sa mangkukulam na 'to at baklang bakulaw."
"O, sya, sya, ipangako niyo lang na hindi na ito mauulit."
Una munang lumabas ng barangay hall sina Analyn at Eson. Sinundan sila ng masamang tingin nina Tagle at Lerin. Tila nagbabaga ang mga mata nito sa ngitngit. Pabulong na nag-usap ang dalawa. Napagkasunduan nila na gumanti sa tamang lugar, oras at panahon upang mawala na parang bula ang isa sa kanila. Tinago ni Lerin sa kanyang motorsiklo ang magnum 45. Kinuyom niya ang magkabilang palad. Marahang kinamot ang kanang bahagi ng palad. Muli niyang itong pinaglapat. Kiniskis. Pinaikot. At pinatunog ang mga daliri.
Sa Alaala ng Payatas X
4 years ago
0 comments:
Post a Comment