"Pangalan?"
"Boknoy."
"Tirahan?"
"Bahay po."
"Punyemas!" Ang nanggagalaiting hiyaw ni SPO1 Kotong Harang.
Nakahilerang naka-upo sa puting monoblock na silya ang magkukumpareng Boknoy, Badong, at Bosyong sa loob ng presinto uno. Manghang-mangha ang mga ito nang bigla silang damputin at bitbitin ng mga pulis at pilit na isinakay sa loob ng mobile car.
Nagkakasiyahan silang nag-iinuman sa Pasilyo Bar nang magulantang sila sa isang napakalakas na lagapak ng katawan ng tao sa semento na malapit sa kanilang pwesto. Humandusay na lang ang matandang lalake sa sahig at nangingisay-ngisay pa. Ilang minuto ang lumipas ay dali-daling binitbit ang nakahandusay na manong at isinakay sa ambulansiya at sinugod sa malapit na Ospital.
Parang binuhusan ng isang case na beer ang mga taong nagkakasiyahan at nag-iinuman sa loob ng Bar nang magdatingan na parang mga lawin na may dadambain ang mga pulis na kargado ng armalite, magnum 45 at tangke na nakaabang sa labas.
"Walang kikilos nang pasuraysuray kung ayaw n'yong samain!" hiyaw ni SPO1 Kotong Harang.
Maya-maya ay may lumapit na dalawang pulis na nakasuot ng itim na t-shirt na may nakasulat na SOCO sa lugar na kinabagsakan ni manong. Tila may sinuri ang mga ito sa sahig. Dumukot ng chalk sa bulsa, binilugan nito ang isang tipak ng suka ng tao na nakakalat sa semento. Sunod nitong kinuha ang malapad na dilaw na tali na may nakasulat na POLICE LINE DO NOT CROSS, pinaikutan nito ang lugar na pinangyarihan nang pangingisay ng biktima. Matapos yon ay kumuha ng lapis ang isang pulis na imbestigador at may drinowing sa papel. Sunod nitong minarkahan ang mesa nila Boknoy at nilagyan ng numero at kinunan ng larawan.
"You have the rights to remain silent until proven guilty without any reasonable doubt."
"Boss...chief naman. Ano bang kasalanan namin?"
"Kayo ang pinagbibintangan na nagkalat ng SUKA sa sahig na ikinamatay ng matandang lalake."
"Ows! Di nga."
"Sa korte ka na lang magpaliwanag."
"E,pano nangyari yun...ni hindi pa nga kami nalalasing at nagsusuka."
"Tsk...tsk...tsk...sino bang lasing na umamin na lasing sya. Ang kadalasan lang namang sinasabi ng lasing ay nakainom lang 'to kahit na pasuraysuray sa daan at panay ang kalat ng suka sa kalsada. Antayin n'yo na lang ang resulta ng alcoholic at DNA tests ng laway n'yo. Whag kayong mag-alala, magiging patas naman ang imbestigasyon dahil mag-co-conduct kami ng autopsy sa huling kinain at ininom ng biktima."
"Wala naman talaga kaming kasalanan sir."
Pansamantalang ikinulong sila Boknoy habang inaantay ang resulta ng pagsusuri sa kanilang nainom at laway.
Mabusing sinuri sa laboratoryo ang mga dura at laway nila Boknoy, Badong at Bosyong. Matapos ang mahabang pagsusuri ay lumabas sa pag-aanalisa ng SOCO na hindi nagtugma ang suka nila sa suka na nasa sahig na dahilan nang kinamatay ng manong. Pinalaya ang magkukumpare. Samantalang nakakuha ng lead ang mga alagad ng batas sa katauhan ng tunay na suspect sa pagkamatay ng matanda batay sa CCTV Camera ng Bar. Ayon sa video, nagmula ang suka sa isang lalake na kamukha ni SPO1 Kotong Harang na kasalukuyang nagtatago at kinilala na isang Serial Killer sa pagsusuka sa mga beer house.
Sa Alaala ng Payatas X
4 years ago
0 comments:
Post a Comment