Umuwi akong may baon na ngiti,
Inaantay ang mariing yakap at halik.
Nilibot ang bahay upang ika'y masilayan
Sa loob ng kuwarto ika'y aking nasumpungan.
Nakabalot ng puting kumot at nangangatal
Sinisigaw sa hangin ang aking pangalan.
Nilapat ko yaring kamay sa'yong katawan,
Puso ko'y napapaso sa alab mong taglay.
Hagabhab ang init sa'yong mga mata,
Isip ko'y nagkakandirit sa pag-aalala
Pumitas ng pildoras sa kahon ng pag-asa,
Umaasa sa taglay nitong hiwaga.
Sa lilim ng buwan ay may nagmamalasakit,
Sa tuktok ng sampayan ay aking sinungkit.
Binasa't ginahasa nang may pagkukunyapit,
Binanyusan ang katawang nag-uukyabit,
Piniga't tiniklop ng ikatlong ulit,
Nilapa't inalay nang naghihinakit.
Marahang humupa ang alab mong taglay
Habang puso ko'y nag-aalab nang walang atubali.
Tulog manok sa buong gabing pagtatanod,
Tuwing apat na oras mata ko'y tumitilaok.
Pasiklot-siklot sa tabi mo aking irog,
Hudyat ng simula nang panibagong ritwal.
Wednesday, August 26, 2009
LAGNAT
Posted by Nathan at 7:27 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment