Kasingnipis ng balat ng yema
ang kaluluwa ng mga bata.
Pagala-gala sila
ngayong labasan ng opisina
tinatawid ang mesi-mesitang tumpok
ng mga taong nagpaparaos
ng oras at bagot.
Isang liham, maingat na nakasobre
ang kanilang pasaporte
papasok sa daungan
ng aking katiwasayan.
Ang kanilang alok:
isang maliit na supot,
kuyum-kuyom ang talulot
ng pinaghalong asukal na pula
at malapot na kondensada.
Kasinggaspang ng asukal
ang garalgal
sa kanilang lalamunan. Kasinlagkit
ng kondensada
ang kanilang pangungunyapit
sa laylayan ng konsensya
ganitong kailangan nila
ng pambaon
kinabukasan sa eskuwela.
Hinahawi ng mga bata
ang tagus-tagusang kurtina,
de-kolor na tabing
sa pagitan ng aking mata
at sa daigdig nilang waring
sangkurot lamang na yema.
Narinig kong inuusisa
ng babae sa katabing mesa
kung lagda ba ng kurot
ang tulduk-tuldok na asul at pula,
kasindilim ng balot ng yema
at di maikubli-kubli
ng brasong namamaga
ng isa sa mga bata.
Narinig kong inuusisa
ng babae sa katabing mesa
kung kaanu-ano nila
iyong isang lola,
kanina pa nakamasid sa sulok,
bakit pareho silang hinampas sa batok?
Kinabukasan sa opisina
binaon ko ang biniling yema.
Pagsubo na pagsubo ng isa, kumbakit
tila kaybilis kumapit ng pait
sa lasa ng umaga.
Wednesday, August 26, 2009
YEMA (by: Allanjohn Andres: Filipino Writers.Com)
Posted by Nathan at 7:27 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment