Kung ang tubig ay lagpas tanaw. Saan ka tatanaw?
Kulay kristal na tanaw
Ika nga ang tubig ay buhay. Halos lahat ng bagay na may buhay ay nangangailangan ng tubig. Ito ang nagbibigay ng kulay sa kasaysayan ng mundo. Ayon kay kumpareng Wikipedia.org: ang tubig ay walang lasa, walang amoy, at walang kulay na sustansya sa kanyang dalisay na anyo, at mahalaga para sa kilalang anyo ng buhay. Iturin ang pinaka universal na panunaw o solbent. Sagana ang daigdig sa tubig na matatagpuan sa lahat ng lugar at makikita sa iba't ibang anyo nito: ang yelo (buong anyo), singaw (water vapor), at likido (ang anyong dumadaloy). Matatagpuan ang karamihan ng tubig sa mga karagatan at mga suklob ng yelong polar (ice cap), ngunit matatagpuan din ito kahit na sa alapaap, tubig ulan at ilog. Sa katawan ng tao, may 7 libra ng tubig sa bawat 10 librang bigat ng katawan.
Napakahalaga ng tubig sa anumang larangan ng mundo. At tanging ang Earth lang ang syang biniyayaan ng likidong ito. Kung pagmamasdan mo ang globo, 3/4 na bahagi nito ay binubuo ng tubig, at 70 porsyento ng ating katawan ay binubuo ng tubig. Ayon naman kay kumpareng Wikipilino.org: nagsisimula tayong mauhaw sa pagbabawas ng 1% lang ng body fluids, at maari tayong mamatay kung aabot ng 10%.
Bawat kabihasnan ay umusbong malapit sa ilog. Ang lugar na ito ang nagsilbing biyaya ng mga sinaunang sibilisasyon. Binigyan nila ito ng malaking pagpapahalaga at labis na pangangalaga dahil dito nagmumula ang kanilang kabuhayan. Kahit na sa modernong panahon natin ngayon ay karamihan sa mga mamamayan ng bawat bansa sa daigdig ay umaasa sa anyong tubig. Marami paring Pilipino ang mangingisda at umaasa sa biyaya ng tubig. Ngunit kung paanong ang tubig ay katuwang natin sa pag-unlad. Ito naman ay ang pinakamapanganib na elemento ng mundo. Ayon sa naratib ng Bibliya ay ginunaw nang Diyos ang mga sinaunang tao sa pamamagitan ng tubig. Noong 2004 ay nahindik ang mundo dahil sa pagyanig na naganap sa Indian Ocean na nagdulot ng paggalaw ng tubig na tinawag na Tsunami. Ang pangyayaring ito ay gumimbal sa sansinukob na sa isang iglap lang ay maaring maglaho ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng tao. Ito ay kumitil ng 230,000 katao sa isang kisap mata at sumira ng mahigit $7 bilyong dolyar na mga ari-arian. Bunga nito ay nagpulong ang bawat lider sa bansa at nabuo ang Disaster Risks Management Task.
Ang bansang Pilipinas ay napapaligiran ng yamang-tubig. Ito ang nagsisilbi nating kalasag sa kahirapan! Nagsisilbing kanlungan sa pighati at pagdurusa! Nagsisilbing kaulayaw sa pagkabagot sa takbo ng araw. Kaaliwan ng bawat pamilya laban sa matalim na sinag ng araw.
Subalit, bakit tila naging mabagsik ang kalikasan? Gaano ba tayo kahanda sa hambalos ng inang kalikasan.
Palihis na Tanaw
Ang bagsik ng isang bagyo ay hindi kayang sukatin ng modernong teknonohiya. Kahit na ang modernong bansa tulad ng Amerika ay hindi nakaligtas sa hagupit ni Bagyong Katrina, sinargo nito ang mga kabahayan sa katihan ng New Orleans at Florida. Tumangis ang mga Amerikano nang maranasan nila ang natural na trahedya na sumira nang maraming kabahayan at nagwasak sa katanyagan ng bansang ito na labanan ang anumang trahedya. Nagulantang ang pamahalaan ng Estados Unidos sa bagsik ng kalikasan. Upang panatilihin ang matsong imahe ng bansang ito ay sinisi nila ang pagbabago ng panahon, na kung bakit nila naranasan ang malaking pinsala dulot ng bagyong Katrina. Hindi nila sinisi ang kanilang kapangahasan sa pakikialam sa kalikasan, ang paglikha nang mga mapaminsalang kemikal sa kapaligiran at pagpapasabog ng bombang nukleyar sa karagatan ng Pasipiko. Sa halip ay pinagsikapan nilang bigyan ng siyentipikong paliwanag ang bagsik ng kalikasan.
Tinawag nila itong Climate Change, hindi ba't napakagandang pakinggan ang salitang Pagbabago ng Klima. Para bang peste ang pagbabago ng klima, salot ito, isa itong delubyo. Tampalasan ito sa modernong mundo, lalong lalo na sa bansang kinikilalang Pulis Pangkalawakan na kayang tugunan ang suliranin ng bawat bansa. Suliranin ng kalikasan at suliranin sa kalawakan. Hindi ba't sa mga pelikulang science fiction ay laging bida ang bansang ito sa paglutas ng suliranin ng mundo, na para bang sila lang ang may kakayahan, responsibilidad, at talino na malunasan ang suliranin ng mundo. Sila ang sentro ng kagalingan sa pagsusuri ng anumang pagbabago na nagaganap sa mundo. May kakayahan silang pigilan ang pagbagsak ng kometa sa kalawakan sa pamamagitan ng pagpapasabog ng bombang nukleyar. Kayang nilang pigilan ang pag-init ng inner core ng mundo sa pelikulang The Core. Kaya nilang pigilin ang pagsabog ng bulkan sa pelikulang The Vulcano.
Nang hinamon ng Estados Unidos ang bawat bansa sa daigdig na pangunahan ang isang pagbabagong pangkapaligiran ay agad na tumugon ang ating bansa sa hamong ito. Kahit na ang mga mapaminsalang produkto ng bansang ito ay patuloy na kinakalakal sa ating merkado. Sumang-ayon din ang pamahalaan na pagtibayin ang JAPEPA na kung saan ang waste products ng bansang Hapon ay sa atin itatapon. Sa madaling salita ay ayos lang na gawing tambakan ng basura ang bansa kapalit ng trabaho ng mga Pilipino sa bansang ito. Basta may maipasok na dolyar sa ating bansa, ay tanggap lang nang tanggap at tapon lang nang tapon. Kaya't nagkalat ang mga Ukay-Ukay sa pamilihan, ang mga second hand na gamit mula sa Japan, at mga murang produkto mula sa bansang ito na ibenebenta sa mga Malls. Wala na kasi silang matambakan kaya sa bansa natin ito dinadala. Iba ang kultura ng mga Hapon, hindi sila magbebenta ng murang produkto lalo na't maganda ang kalidad ng kanilang pagkakagawa. Kilala ata sila pagdating sa kalidad ng produkto kaya't hindi sila basta-basta magbebenta ng murang produkto sa murang halaga. Kapag sila ay nagbenta ng murang halaga ay malamang na may depekto ito o di kaya naman ay hindi nakapasa sa pamantayan ng kalidad.
Nakakatawa lang dahil ang bansang hapon at U.S. ang tagapagtaguyod ng Climate Change. Pinagtibay ang Kyoto Protocol noong 2002 sa pamamagitan ng paglagda ng mahigit 150 kinatatawan ng bawat bansa sa mundo. Layon nito bawasan ang pagbubuga ng green house gas emissions sa taong 2008-2012 ng 8%, at 30% sa 2020. Ayon sa ulat ng Intergovermental Panel on Climate Change (IPCC), na sa siglong ito ay malamang na tumaas ng 1.8-4.0 degrees Celsius hanggang 6.4 degrees Celsius ang temperatura ng sahig ng mundo. Tataas ang tubig sa dagat ng 18 hanggang 59 cm na magiging sanhi ng panganib sa mga dalampasigan at maliliit na isla sa bansa. Sino kaya ang lumilikha ng sasakyan na nagbubunga ng mapanganib na gas sa kalikasan? Hindi ba ang mga Amerikano at Hapon. Anong bansa ba ang unang gumamit ng weapon of mass destruction? Hind ba't ang U.S. Sa kasalukuyan ay nakapag-testing na ang bansang ito ng 1,054 na bomba atomika mula 1945-1990. Ito ay nagdudulot ng radiodine fallout, na kapag kumalat sa hangin ay mapanganib sa kalusugan ng tao.
Tumagal bago maratipikahan ang Kyoto Protocol dahil ang mga mayayamang bansa ay hindi sang-ayon sa ilang polisiya na nakasaad dito. Hindi muna sila pumayag na i-recall ang kanilang mga produkto na nagtataglay ng CFC at ilan pang nakakalasong kemikal. Pinatagal muna nila ng ilang taon bago sumang-ayon, nang tinamaan na sila ng natural na kalamidad. Pinaubos muna nila sa merkado ang kanilang mga produkto saka nagsabi na let us go for Climate Change. Ibinenta muna nila sa mahihirap na bansa ang kanilang produkto saka nakipag-apir sa Kyoto.
Sa ginanap na pagpupulong ng UN Bali Climate Change Conference from the Alliance of Small Island States (AOSIS) ay hinimok nila ang mga bansang kalahok na gumawa nang aksyon upang labanan ang bagsik dulot ng Climate Change, kung hindi ay mabubura sa mapa ng mundo ang kanilang mga isla. Kawawa nga naman yung maliit na isla kapag biglang natunaw ang yelo sa North Pole at South Pole. Kapag tumaas nga naman ang tubig ay matatakpan ang kanilang tanaw at tuluyang maglalaho ang kanilang tanaw.
Nakakahindik na Tanaw
Ang Talumpati ni Gloria sa SONA nitong July:
As a country in the path of typhoons and in the Pacific Rim of Fire, we must be prepared as the latest technology permits to anticipate natural calamities when that is possible; to extend immediate and effective relief when it is not; the mapping of flood-and-landslide-prone areas is almost complete. Early warning, forecasting and monitoring systems have been improved, with weather-tracking facilities in Subic, Tagaytay, Mactan, Mindanao, Pampanga.
We have worked on flood control infrastructure like those for Pinatubo, Agno, Laoag, and Abucay, which will pump the run off waters from Quezon City and Tondo flooding Sampaloc. This will help relieve hundreds of hectares in this old city of its age-old woe.
Patuloy naman yung sa CAMANAVA, dagdag sa Pinatubo, Iloilo, Pasig- Marikina, Bicol River Basin, at saka river basin ng Mindanao.
Ang naganap na baha sa kamaynilaan dulot ng Bagyong Ondoy ay hindi na bago sa ating paningin. Madalas natin itong mapanood sa telebisyon sa tuwing mananalanta ang bagyo sa kabisayaan at ibang bansa. Ilang awitin na ba ang kinanta tungkol sa kapaligiran, at ilang artikulo na ba ang nasulat tungkol sa kalikasan. Dapat nga ay eksperto na tayo sa mga kaganapang ito dahil sa madalas salantahin ang Pilipinas ng bagyo--- nandiyan ang pagbaha at pagguho ng mga bundok. Ang mga ganitong uri ng senaryo ay tila lamang natural na kalamidad, na makakaapekto sa mga lugar o probinsya na malapit sa Karagatang Pasipiko na kung saan namumuo ang mga bagyo.Subalit, ang maranasan ito ay higit na nakakapangilabot. At parang binangungot ng gising ang mga tao sa lungsod.
Batay sa talumpati ng pangulong Gloria Arroyo ay alam nya na maaring maganap ang isang malaking sakuna na dulot ng bagyo dahil ang ating bansa ay daanan ng bagyo, at anumang oras ay mananalasa ito sa bawat kabahayaan. Tumpak ang pagbanggit ng salitang "Ring of Fire" at sentro ng kalamidad ang Pilipinas. Madalas na iulat ng Philippine Atmospheric Geographical and Astronomical Services (PAG-ASA) na nagmumuo ang Bagyo sa Karagatang Pasipiko, pinagmumulan ito ng maraming bagyo at lindol. Hindi bababa sa 20-30 bagyo ang dumaraan sa bansa sa pagitan ng buwan ng Hunyo at Nobyembre. Kung titignan natin ang kasaysayan ng bagyo na matinding humagupit sa bansa ay marahil ay naiwasan natin ang malalaking sakuna dulot ng bagyo:
1.URING (Thelma/November 2-7, 1991)
Speed: 095 kph
Place: Tacloban
Total Deaths: 5,101-8,000+
Total Damage in Billion Peso: 1.045
2.ROSING (Angela/October 30-November 4, 1995)
Speed:260 kph
Place:Virac Radar
Total Deaths: 936
Total Damage in Billion Peso: 10.829
3.NITANG (Ike/August 31-September 4, 1984)
Speed:220 kph
Place:Surigao
Total Deaths: 1,363-3,000
Total Damage in Billion Peso: 4.100
4.RUPING (Mike/November 10-14, 1990)
Speed:220 kph
Place:Cebu
Total Deaths:748
Total Damage in Billion Peso: 10.846
5.SENING (Joan/October 11-15, 1970)
Speed:275 kph
Place:Virac
Total Deaths:768
Total Damage in Billion Peso: 1.890
http://www.typhoon2000.ph/stats/WorstPhilippineTyphoons.htm.
Tama naman ang pangulo na dapat maging handa ang pamahalaan at bawat mamamayan sa ganitong sitwasyon. Ang suliraning ito ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan. Ito ay collective social responsibility nang bawat mamamayan ng bansa. Isang responsibilidad sa ilalim ng kulturang bayanihan. Ang ating pagiging mulat, sensitibo at partisipasyon sa mga makalikasang programa ay makakatulong upang maging handa ang bawat isa sa ganitong sitwasyon. Batay sa kanyang ulat ay nagsikap ang pamahalaan na pandayin ang mga lugar na madalas dalawin ng baha. Pinagsisikapan ng pamahalaan na patibayin ang mga flood control infrastructure. Napakaganda ng ulat ng pangulo nung July. Nais ko nga syang saluduhan dahil sa kanyang pagpupunyagi na malunasan ang nilulumot na suliranin ng bansa sa baha.
Sa totoolang hanga ako sa kanya. Positibo lagi ang kanyang pananaw sa paglutas ng problema. Naalala ko tuloy ng tumatakbo pa lamang syang bise-presidente ng bansa at nakasama ko sya na kumain ng ginatan sa opisina ng pangulo ng pamantasan ng PNU. Isang bangko lang ang aming pagitan nang tanungin namin sya kung paano ba malulutas ang suliranin ng Asian Financial Crisis noong 1999. Simple lang ang sagot nya sabi nya ay para itong virus at walang gamot sa virus kaya kusa na lang itong maglalaho batay sa economic fundamentals ng bansa. Tumagal pa ang aming pag-uusap ng samahan ko syang bumisita sa bawat klasrum ng paaralan. Hanga ako sa husay nya sa pagsusuri pagdating sa ekonomiya. Anupa't nagpakadalubhasa sya sa larangan ng ekonomiya kung hindi nya masasagot ang aking mga katanungan.
Nakakalungkot nga lang at nagbago sya at nakalimutan nya ang realidad. Dati rin kasi syang aktibista, subalit nalasing sa kapangyarihan. Kung ginamit nya na lang sana ang $20,000 na salo-salo sa Amerika di sin sana ay nakatulong ito sa pandagdag sa rubberboat na gagamitin sa pagsagip ng buhay ng mga nasalanta ng bagyo. Kung hindi lang sana sub-standard ang mga materyales na ginagamit sa pagpapagawa ng dike bilang pananggalang sa baha ay di sin sana ay hindi naging malubha ang sitwasyon ng baha sa kamaynilaan. Kung yug biniling bahay ni Mikey sa Amerika ay itinulong na lang sa flood control di sin sana ay pasasalamatan pa sya ng mga mamamayan. Sya nga pala nakunan daw sya ng larawan na namimili sa Rustan's ng alak, ilang kilometro lang ang layo sa Katipunan habang nanalasa ang bagyong Ondoy.
Ilang araw na yung baha pero hindi ko sya nakikita na sumusuong sa baha. Buti pa yung nanay nya kahit 4'11 lang ang taas ay hindi takot sumuong sa baha kahit na lagpas tao ang tubig.
Sa totoo lang hindi biro maging pangulo ng bansa. Lalo na kung laging may baha. Mahirap kumilos, mahirap gumalaw at higit na mahirap mangampanya ngayong nalalapit na ang halalan. Kailangang bumaha ng boto para di sya bahain ng mga kaso.
Baluktot na Tanaw
Malayo na nga ang narating nang pagbabago sa kamaynilaan. Naging sementado na ang bawat kalsada. Nagtataasan na ang mga gusali. Napatag ng ang mga kabundukan sa probinsya ng Rizal at Antipolo bunga nang pagbibihis ng lungsod sa modernong panahon. Pinutol na ang mga puno sa kabundukan upang bigyan nang puwang ang mabilis na daluyong ng ekonomiya sa bawat lungsod. Ilang Golf Courses na rin ang naipatayo upang hikayatin ang mga mayayamang negosyante at mga dayuhan na maglaro ng Golf. Mahal ata ang pagpapamiyembro sa pagtatangkilik ng larong ito. Kung hindi ako nagkakamali ay mura na ang P500, 000.
Maganda nga namang tignan ang magandang landscape ng lupa at damuhan para hampasin ang maliit na bola at ipasok sa maliit na butas. Patok na patok ngayon ang magagarang kabahayan sa tuktok ng kabundukan. Kapag pumunta ka sa Palace in the Sky sa Tagaytay ay mapapansin mo ang ilang magagarang kabahayan ni hinulma ng mga real estate developer. Maganda nga namang pagmasdan ang mga tanawin kapag ikaw ay nasa mataas na lugar. Abot tanaw mo ang bawat kabahayan na nagkalat sa kapatagan. Mabibighani ka sa mga kutitap ng ilaw sa gabi habang pinagmamasdan ang mga kabahayan.
Ang ganitong uri ng architectural development ay kinahuhumalingan ng mga taong may kakayahan na bumuli ng bahay sa tuktok ng bundok. Sampung taon na ang nakakalipas ng masilayan ko ang ginagawang pagkalbo sa kabundukan ng Antipolo. Magugulat ka kung paano ang modernong teknolohiya ay may kakayahan na patagin ang isang matikas na bundok na kanlungan ng mga iba't ibang uri ng hayop. Namigay kami ng mga gamit na libro sa isang liblib na lugar sa Antipolo na pinangangasiwaan ng isang matandang babae sa tulong ng misyonero mula sa Germany. Noong panahong iyon ay masyado akong nawili na pagmasdan ang malawak na larang ng lugar at mayayabang na bundok dahil sa ganda nitong taglay. Isinumbong ko noon sa hangin sa lugar na 'yon na pagsisisihan ng lungsod ang kapangahasan nito na pakialam ang sagradong kalikasan.
Para sa akin ay sagrado ang kabundukan. Sagrado ito dahil ito ang nagsisilbi nating pananggalang sa hagupit ng bagyo. Ang kalikasan mismo ang humulma nito upang protektahan ang mga tao sa kapatagan. Hindi ba't mayaman sa kabundukan ang Pilipinas. Dinisensyo ng kalikasan ang mga kabundukan upang pananggalang sa malalakas na bagyo. Bago pa man makarating ang bagyo sa kapatagan ay pinahihina na ang bagsik at hagupit nito ng mga kabundukan. Binabasag nito ang malakas na taglay na hangin sa pamamagitan nang pakikipagbuno muna sa mga nakahanay na kabundukan.
Nang maging miyembro ako ng Boy Scout ay parati kaming pinagdadala ng halaman upang tamnan ang likod at gilid ng aming paaralan. Kailangan raw na sa murang edad ay mamulat kami sa pagpapahalaga sa kapaligiran at pangangalaga sa kalikasan. Ang pagtatanim ng puno ay makakatulong sa ecosystem ng bansa. Sa ganitong paraan ay naikintal sa aking isipan ang pagmamahal sa kalikasan. Humulma ito sa aking pagkatao na mahalin ang kapaligiran at maakit sa angking ganda ng ating kalikasan, kaya't malimit akong mamasyal sa magagandang tanawin ng bansa. Noong 90's ay madalas kaming mamasyal sa Cavite, nung panahon iyon ay gandang-ganda ako sa malawak na luntiang kapaligiran. Nagunit makalipas ang sampung taon ay dumami ang mga subdivisions sa lugar, naakit ang mga tao na bumili ng bahay dahil nagsisiksikan na ang mga tao sa kamaynilaan. Ang pagdami ng mga industriya ng bansa ay nagdulot ng industriyalisasyon at malawak na komersyalisasyon. Naglaho ang mga magagandang tanawin at kaakit-akit na mga puno, napalitan ito ng mga matatayog na gusali, nakakalasong kemikal sa mga ilog, at maitim na usok mula sa mga pabrika.
Lalo pang nagsulputan sa bansa ang mga multinasyonal na kompanya dahil sa agos ng globalisasyon. Nakatulong naman ang industriyalisasyon at globalisasyon sa pagbibigay ng trabaho sa bansa at pagpapa-unlad ng imprastraktura sa bawat lugar. Patuloy paring ang pagtatanim ng mga puno ng mga mag-aaral. Subalit, ang kanilang pagsusumikap ay hindi sapat upang ibalik ang sigla ng kapaligaran at alagaan ang kalikasan. Higit na pangangalaga ng mga industriya sa kalikasan ang mamayani sa bansa. Kadalasan kasi ay pinakikinabangan lang ng mga mamumuhunang dayuhan ang ating bansa sa pamamagitan ng pagkalbo sa kagubatan at pagwasak sa kabundukan dulot ng mina. Ilang walang malay na kabataan na ba ang namatay dulot nang mapaminsalang large-scale mining sa kalikasan: Lafayette sa isla ng Rapu-Rapu, Albay,Lepanto sa Benguet, Marcopper sa Marinduque, Rio Tuba, at Siocon.
Para kay Karl Marx, dalawa ang pakahulugan ng kalikasan. Una, ang kalikasan ng tao bilang organismong nangangailangan ng pagkain, damit, bahay at kung anu-ano pang kulang sa maralita sa bansa para mabuhay. Ikalawa, ang mundo kasama na ang likas na mga pangyayaring pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng mga tao. Ang kailangan, aniya, ay isang lipunang inorganisa para harapin ang kalikasang ito pabor sa buhay.
Ang Pasig Noon
Pasig Ngayon
Nagsusumikap ang Sagip sa Pasig Movement na muling buhayin ang sigla ng ilog sa pamamagitan ng papiso-pisong kontribusyon ay liliwanag muli ang tubig sa Pasig at muli itong titirhan ng mga isda. Malimit kong marinig na ang dahilan raw ng pagkalason ng ilog ay dahil sa walang humpay na pagtapon ng mga basura at pagpapatianod ng mga dumi ng tao, ng mga taong nakatira sa gilid nito. Kaya nga sila tinangal dun upang magtagumpay ang mga NGO's at pamahalaan sa pagbuhay ng Ilog Pasig. Ngunit, kung ating titignan ang malaking dahilan ng pagkalason ng Ilog Pasig, ay dahil na rin sa mga pabrikang walang humpay na nagtatapon ng maruruming kemikal sa ilog. Kung babagtasin mo ang kahabaan ng ilog ay manlulumo ka sa malalaking tubo na mula sa malalaking pabrika na may pinakamalaking kontribusyon sa pagpatay sa ilog.
Madalas kong marinig ang corporate social responsibility at collaborative social responsibility. Madalas makita sa mga commercials ng mga multinasyonal na kompanya sa bansa na tumutulong sila sa mahihirap. katulad ng Nestle na sinusuportahan nila ang mga magsasaka ng kape sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga produkto. Tulong ng Milo sa larangan ng palakasan. Pagkain ng noodles para sa pagbubuklod ng pamilya. Pag-inom ng alak para sabihing tunay kang lalaki. Paminsan-minsang nag-oorganisa ang mga malalaking kompanya ng mga programa para sa kalikasan.
Ngunit minsan taliwas ang mga infomercials sa tunay na kalagayan ng kapaligiran. Dati ay may pabrika ng papel sa San Pedro Laguna na walang habas kung magtapon ng kanilang waste products sa kanal na dumadaloy sa Laguna de Bay. Makikita mo na nag-iiba ang kulay ng lawa dahil sa nakakalasong kemikal mula sa pabrika. Kahit nakikita na ito ng mga opisyal ng pamahalaan ay hindi nila ito aaksyunan hanggat walang reklamo na naperperwisyo ang mga mamamayan. Bago nga umalis ang Nestle sa Muntinlupa ay dumaan muna ito sa mahabang proseso ng pagpirma ng mga mamamayan bago tuluyang magising ang pamahalaan na nakakaapekto ito sa kalusugan ng tao. Kadalasan ang mga ipinapakitang corporate social responsibility at collaborative social responsiblity ay palingharap lang. Nais lamang nilang bigyan ng promosyon ang kanilang produkto at hindi ang tunay na diwa at pagsasalingdiwa nang responsibilidad.
Agham na pagtanaw
Sadyang tuso si Ondoy...maulap sa lahat ng bagyo na nagdaan. Noong 1951 pa ng huling bahain ang kamaynilaan sa pagbagsak ng tubig ulan na may sukat na 351 mm. Inakala lang ng PAG-ASA na isang ordinaryong bagyo lang si Ondoy na makikiraan sa ating bansa tapos ay pupunta na sa ibang lugar. Ang ahensyang ito ay nawindang sa malakas na buhos ng tubig ulan, at ayon sa ulat nila ay umabot ng 410.6 mm ang sukat ng patak ng ulan na tumagal ng siyam na oras at katumbas raw ng isang buwan ng pag-ulan sa bansa.
Sa pagmomonitor kasi nila nung malayo pa ang bagyo sa ating bansa ay kulay green pa ang kulay ng ulap ayon sa kanilang kinakalawang na satellite. Kapag green daw ang ulap ay ang patak ng ulan ay 15 mm lang, pink 70 mm, at yung red na ulap ang bumalot sa kalangitan ng metro manila na kung saan ay nagpamigay ng tubig sa kalakhang maynila ay katumbas ata ng buong lawa ng Laguna de Bay.
Sa susunod daw ay masusukat na nila ang bigat ng tubig sa ulap kapag dumating na ang bagong Doppler Radar na gagamitin ng PAG-ASA na nagkakahalaga ng 2.9 bilyon. Kung yung mga infomercials sana ng mga politiko ay ginamit sa pagsasa-ayos ng pasilidad ng pamahalaan ay din sin sana ay nalimitahan ang bagsik ni Ondoy.
Kaya siguro umatras si mister padyak ay naramdaman nya mahihirapan sya sa pagpadyak sa baha, kaya si Noynoy na lang ang pinatakbo kasi marunong atang lumangoy ito. Hay, napakalaki ng ginastos ng mga kawani ng pamahalaan sa pagpapa-gwapo sa harap ng telebisyon para ibida ang kanilang mga sarili sa sambayanan na may nagawa sila. Ikinagalit nga ito ni Sen. Miriam Santiago at ipinaimbistigahan ang milyon-milyong piso na nilustay raw ng mga political aspirants sa paggamit ng pondo ng pamahalaan para lamang sabihing visible sila sa public service.
Balik-Tanaw
Mabilis tayong makalimot sa nakaraan. Kung ikukumpara mo ang kaalaman natin ngayon sa kalikasan ay wala itong binatbat sa kaalaman ng mga sinaunang Pilipino. Karamihan sa bahay noon ay hindi nakasayad sa lupa. Alam kasi nila binabaha ang ating bansa. Mas pinaburan pa natin ang istilo ng bahay ng mga Kastilaloy.
Nakatira nga malapit sa Ilog ang mga sinaunang Pilipino ngunit hindi ito dikit na dikit sa ilog. Malayo ito ng ilang metro. Ginagalang nila ang ilog, sapa, lawa, bundok at bulkan. Sa tuwing sasabog ang bulkan ay iniisip nila na may nagawa silang di maganda sa kapaligiran kaya nagagalit si Bathala. Nag-aalay pa sila sa kapaligiran bilang pasasalamat sa magandang ani at magandang panahon. Nagdidiwang pa sila sa masaganang ani para kay Bathala. Napakataas ng respeto ng mga sinaunang Pilipino sa kalikasan dahil dito sila umaasa sa araw-araw, kaya nila ito sinasamba.
Ang pangyayaring naganap sa ating bansa ay isang pagkatok sa ating hinahangin na isipan na marapat lang na bigyan natin ng pansin ang kalikasan at mahalin natin ito. Pinakikinabangan ata natin ito, dito tayo umaasa at patuloy na aasa. Huwag nating sisihin si Ondoy: sya ay isa lamang sa natural na kalamidad na namumuo, tapos mamasyal sa bansa at aalis ng walang paalam. Isa lang sya sa mga libo-libong bagyong nanalanta sa ating kapaligiran. Wala syang sala, tayo ang may sala. Inosente sya, tayo ang guilty. Wala syang muwang, tayo ang may muwang. Ang alam nya lang gawin ay magpaikot-ikot dahil sa paghatak ng hanging amihan at habagat. Hindi mapanganib ang mata ng bagyo, mas mapanganib ang mata ng tao. Hindi sya nakatira sa siyudad, tayo ang nakatira sa siyudad. Hindi sya nagkakalat, tayo ang nagkakalat. Hindi nya kinakalbo ang kapaligiran, tayo ang kumakalbo sa kapaligiran. Walang syang kakayanan na patagin ang bundok, tayo ang may kakayanan na patagin ang bundok
At higit sa lahat wala syang kinalaman sa Climate Change, tayo ang nagpapalala sa kapaligaran at nagpapalakas nang hagupit ng bagyo. Samakatuwid, kapag ang tubig ay lagpas tanaw, marapat lamang na sa sarili muna natin magmula ang malalim na pagtanaw. Nang sa ganun ay gumanda ang ating tanaw sa hinaharap at kasalukuyan.
0 comments:
Post a Comment