Sunday, September 27, 2009
Kulay Rosas na Bula
Dinuduyan ng hangin ang buong paligid.
Kinakatok ng mga patak ng ulan ang mga bubungan na yero.
Binabalot nang malamig na simoy ng ulan ang kapaligiran.
Pinagsisigla ang karagatan ng maitim na ulap na nag-aalimpuyo sa papawirin.
Unti-unting tinutulak ng bilog na sagwan ang dambuhalang bakal na palayo nang palayo sa pantalan. Gumuguhit ang pagsagasa nito sa karagatan. Tahimik na sumusulong sa kalsadang tila walang katapusan. Ang panlabas na bahagi nito ay hinihilamusan nang walang patid na patak ng ulan. Tuluyan nang kinumutan ng dilim ang malawak na kristal na kalsada.
Kanina pa napansin ng mga pasahero na hindi balanse ang barko. Nakapalihis ito pakanan at mas lamang ang bigat sa bahaging ito. Pero hindi nila alintana. Tiwala sila sa laki ng barko, sa lapad nito, bilis nito at kakayahan ng mga tripolante ng barko.
Pinalulutang sa hangin ng matabang lalake, na bigotilyo at katamtaman ang taas, ang usok ng sigarilyo sa hangin. Nakatanaw sa malawak na kawalan ang kasama nitong matangkad na lalake, payat, at bilugan ang mukha.
Sabay nilang pinitik pabagsak sa tubig ang sigarilyong nauupos at gumuhit ang munting liwanag sa dilim. Habang tahimik na nakatanghod sa kawalan si Ella na mukhang taong grasa. Nagmumunimuni sa hangin. Patuloy na dumadakdak ang kanyang isipan ang mga guni-guni nang nakaraan. Mariin nitong hinahalikan ang munting manika na dalawang taon niya nang alaga, at ayaw niya itong pahawakan ni kanino man. Lalong ayaw niya itong madampian ng tubig.
Takot si Ella na mabasa ng tubig. Ayaw niyang maligo. Lalo na kung ilulublob sa tubig.
Lumalakas ang pagduyan ng kalsadang kristal sa dambuhalang bakal.Patuloy itong nakikipagpatintero sa maalon na daan. Patuloy itong bumabalanse sa bawat dunggol at atungal nang tampalasang daluyong.
Nasisindak, nangangatal, nagugulumihanan ang bawat pasaherong sakay nang dambuhalang bakal. Kanya-kanyang agawan ng lifejacket. Kanya-kanyang dasal.Kanya-kanyang hiyaw at sigaw sa bawat pagtanghod nang matatayog na alon sa upper-deck ng barko.
Mabilis na ibinuka ng mga tripolante ang liferaft.
Isang malakas na utos ang umalingawngaw sa loob ng barko.
"Abandon Ship! Abandon Ship!" utos ng Kapitan ng barko.
Hinatak ng dalawang lalake si Ella upang isakay sa liferaft, bago pa ito tuluyang tumagilid.
Nagwawala ito at naghuhulagpos sa mahigpit nilang pagkakahawak.
"Hawakan mong mabuti at tatalian ko siya sa kamay at paa nang hindi makapalag," utos ng payat na lalake.
"Bilisan mo bago pa lumubog ang barko!" sigaw ng matabang lalake.
"Lintek na baliw ‘to nagpapasaway pa," asar na sambit ng payat na lalake.
Lalong lumalakas ang buhos ng ulan at palaki nang palaki ang bawat patak. Patuloy naman ang pagsipol ng hangin sa kapaligiran at lalong lumalaki ang alon sa karagatan.
"Abandon Ship! Abandon Ship!" ang lumalakas na atas ng Kapitan.
Litong-litong tumatakbo ang isang batang ina na akap-akap ang sanggol. Balisang-balisa ito sa patuloy na pagpasok ng tubig sa maliit na butas ng barko dulot nang pagsabog ng tangke ng gasolina sa engine deck nito.
Patungo ito sa liferaft na kinaroroonan nila Ella, nang bigla itong nadulas at nabitiwan sa hangin ang kanyang anak.
"Anak ko!" malakas nitong sigaw.
Sinubukan niyang tumayo upang sagipin ang kanyang anak, subalit hindi niya maigalaw ang kanyang paa, dahil sa tindi ng pagtama nito sa bakal.
Wala siyang magawa kundi sundan nang tanaw ang pagsama nito hangin at mabilis na pagbagsak sa tubig. Lumalakas nang lumalakas ang kanyang hagulgol. Nagsusumamo ang kanyang hikbi sa kapaligiran. Humihingi nang awa sa karagatan na huwag itong lambunan ng mga sumasagitsit na alon.
Binabasag ng kanyang pag-iyak ang malakas na sipol ng hangin.
Walang kakurap-kurap na nakawala si Ella sa mahigpit na pagkakahawak ng mga lalake.
"Jasmine....Jasmine!!" sinisigaw niya ito sa hangin.
Mabilis itong tumalon sa dagat... lumangoy papalapit sa kinalalagyan ng sanggol.
Saglit na natulala ang mga tao sa kanyang ginawa. Agad-agad na ibinaba ng mga tripolante ang liferaft at pinuntahan siya. Mabilis ang kanilang pagsagwan at patianod sa maalon na daan.
Parang isda sa bilis ang bawat pitik ng kamay at paa ni Ella sa ibabaw ng tubig. Mabilis nitong nasambot ang katawan ng bata, inangat ang ulo at isinadal sa kanyang balikat.Yakap -yakap ni Ella ang sanggol at tinatawag niyang Jasmine.
Buong galak na nagpasalamat ang paika-ikang ina ng bata. Napaiyak ito sa labis na tuwa.
Bago umalis si Ella ay hinalikan niya ito sa mukha at pumunta sa isang sulok.
Humina ang sipol ng hangin. Humihina ang patak ng ulan. Kumakalma ang dagat.
Sa gitna ng kadiliman ay may nakakasisilaw na liwanag na papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Isa-isang nagtatalunan ang mga pasahero at lumalangoy papalayo sa barko. Walang humpay ang pag-sagwan ng mga tao na sakay ng liferaft.
Huminto ang nakakasilaw na liwanag na dambuhalang bakal.
Isa-isang isinakay sa barko ng Philippine Navy ang mga palutang-lutang na pasahero.
Dahan-dahang tumatagilid ang Ferry Boat.
Patuloy itong tinutulak ng hangin.
Ilang saglit lang ay tuluyan nang humalik ang kanang bahagi nito sa dagat ng Zamboanga Peninsula.
Nanginginig sa ginaw si Ella. Tulala at nakatingin sa malawak na kawalan. Nagmumunimuni sa hangin. Patuloy na dumadakdak ang kanyang isipan sa mga guni-guni nang nakaraan.
Hawak-hawak nito ang manikang nakatali sa kanyang baywang.
Binibihisan.Kinakausap. Niyayakap
Marahang pumapatak ang kanyang luha sa magkabilang mata.
Habang sinasambit ang pangalang Jasmine.
Pilit nitong pinipiga ang tubig na nasipsip ng alagang manika. Patuloy na nanginginig ang kanyang buong kalamnan. Nangangatal ang kanyang labi. Hindi kumukurap ang kanyang mga mata habang nakatanaw sa malawak na karagatan.
Sabay na nanigarilyo ang dalawang lalake na tauhan ng Mental Hospital.
Sila'y naatasan na dalhin si Ella sa Mandaluyong upang suriin at gamutin sa sakit nito sa pag-iisip.
Nagrereklamo na kasi ang mga kapit-bahay ni Ella sa madalas nitong pamamalagi sa dalampasigan at humihiyaw nang buong araw na naglalakad raw si Jasmine sa ibabaw ng dagat.
"Jasmine! Jasmine! Anak lumapit ka dito..."
"Bakit ayaw mong lumapit? Nagtatampo ka parin ba sa akin."
"Marunong nang lumangoy si nanay."
"Halika dali...Tara na lumapit ka na sa akin."
"Tignan mo...Tignan mo!Lumulutang na ako sa tubig."
"Hindi...hindi...ka pinabayaan ni Nanay. Pinilit kong lumangoy para sagipin ka kaso lang tinangay ako ng alon papunta sa pampang!"
"Umalis ka na sa dagat! Umuwi na tayo!"
"Huwag...kang lumayo...huwag mo akong iwan!
"Jasmine...! Jasmine...anak ko!
"Huwag...huwag...mo akong iwan, anak!!"
Matapos manigarilyo ay pinitik nila ang sigarilyong nauupos at nakita ni Ella ang munting liwanag na gumuhit sa dilim.
(Ang mga larawan na nakapaloob ay mula sa internet)
Posted by Nathan at 6:41 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment