"Ano bang papel ko sa'yo?"
"Tautauhan lang ba ako sa buhay mo?"
"Bahala ka kung ayaw mong makinig...sundin mo ang gusto mo at magpakasaya ka!"
Mainit na naman ang ulo ni Erpat dahil sa tigas ng ulo ni kuya Ariel. Panay kasi ang gala nya kung saang-saang lugar. Parati syang nagmamadali, at para bang sinisilaban ng siling labuyo ang kanyang talampakan sa kakagala. Ayaw nyang tumigil ng bahay nang makalaro kami, at makasama ang aming magulang. Animo'y mauubusan sya ng oras sa paghahagilap ng mga kaibigan at pamamasyal sa iba't ibang tanawin sa kamaynilaan. Pati nga ako ay naaasar na sa kanya, dahil hindi nya ako maturuan sa Math at Science. Sa aming apat, sya pa naman ang magaling sa numero at mangalikot ng kung anu-ano. Si kuya talaga parang hindi kapatid. Mas binibigyan nya pa ng panahon na turuan ang mga batang nakilala nya lang sa bawat kanto. Nagtitiis sya sa mga malalansang amoy nito at pilit na nakikinig sa mga kuwento nila. Pakiramdam ko tuloy parang ibang tao kami sa kanya. Bahala nga sya sa buhay nya.
"San ka na naman pupunta?"
"Aber! Aber! Aber!"
"Gusto mong ipadala ko na ang damit mo dyan sa lansangan!"
Mainit na naman ang ulo ni Ermat. Kakauwi lang kasi ni kuya galing skul ay nagmamadali na namang 'tong nagbihis at lumabas ng bahay at sumama sa mga aadik-adik na kapit-bahay. Sabi ni nanay na baka raw gumagamit na ng droga si kuya. Sabi kasi nila kung sino raw ang madalas mong kasama ay di malayong maging tulad ka rin nila. Napapansin ko kasi na panay-panay ang hingi nya ng pera sa aming magulang. Mag dadahilan na bibili ng pagkain, at may project sa eskwelahan. Kapag binuklat mo naman yung bag nya, ay makikita mo ang mga resibo ng gamot na binili mula sa iba't ibang botika. Lalo tuloy lumakas ang hinala namin na nalululong na sya sa masamang bisyo. Nung minsang mabanggit ni Ate na magpa-Drug Test sya ay bigla syang nagalit, at mariing tumutol. Hindi naman raw sya adik para magpasuri. Kinabahan lalo si Ermat sa kinilos ni kuya. Wala itong nagawa kundi umiyak na lamang sa isang sulok at ipagdasal ang panganay nyang anak na nawa'y malayo ito sa tukso.
"Yan ang napapala mo sa kakasama mo sa mga magnanakaw na 'yon!!"
" E, kung nanatili ka na lamang sa bahay ay nakatulong ka pa sa amin!"
"O, ano! Di ka pa nadala!!"
Sabay na uminit ang ulo ni Erpat at Ermat. Nagliliyab ito sa galit. Kasi ba naman, pati mga tirador ng mga plastic at kable ng kuryente ay binarkada ni kuya. Pati kasi yung nakatabing kable ng kuryente ay binenta nya. Wala na rin kaming magamit na plastic bottle ng mineral water dahil sa kakakuha ni kuya. Sumosobra na talaga sya. Wala na syang pinipili, wala na syang nirerespeto. Hindi na sya marunong matakot. Buo na ang kanyang loob, at higit sa lahat ay tila nakahanda na syang harapin ang kamatayan. Sya pa naman ang inaasahan ni Erpat at Ermat na magtataguyod sa amin at magtatanggol sa oras ng kagipitan. Sya lang ang nag-iisang lalaki sa apat na magkakapatid. Mataas pa naman ang pangarap nila sa kanya. Nagsusumikap nang higit ang aking magulang para sa kanya. Halos di na nga sila natututulog sa kakatrabaho para lamang makaipon para makapagpatuloy sya sa pag-aaral sa kolehiyo. Hindi nga bumibili ng bagong damit si Erpat at Ermat para sa kanyang kinabukasan. Tapos ganito pa ang kanyang igaganti sa kanila. Manhid talaga sya.
" Bakit...Bakit...Bakit???!"
" Bakit ngayon ka lang nagpaliwanag!?"
"Patawadi, hindi namin alam."
Andaya-daya talaga ni kuya Ariel. Lagi nya na lamang kaming ginugulat. Madalas nya kaming binibigla. Kaya pala nagtitiis sya sa mga malalansang amoy ng mga bata sa kalsada at nakikinig sa kanilang mga kuwento, ay para maihanda nya ang sarili sa mga sakit at kirot ng kanyang karamdaman. Pilit nyang inunawa ang mga taong sanay sa hirap dahil madalas nilang maramdaman ang matinding paghihirap. Wala pa daw sa kalingkingan ng kanyang nararanasan ang nararanasan ng mga tao sa looban. Kaya pala sya sumasama sa mga aadik-adik na mga kabataan ay para maintindihan nya ang bagsik ng epekto ng droga sa buhay ng tao. Sinisikap nyang paliwanagan ang kanyang mga kaibigan na mas mapait ang droga na kanyang iniinom araw-araw. Yung palang mga reseta na nakuha ni Ate sa kanyang bag ay gamot para sa kanyang karamdaman. Kaya pala nagtitiis sya na mag-ipon ng mga dyaryo, plastic at tanso ay para makaipon ng pambiling gamot panlaban sa Lukemia.
Kaya pala madalas syang nagmamadali ay nagmamadali na rin ang oras nya. Madalas syang mamasyal upang matanaw ang kayang nya pang tanawin. "Sorry kuya, kung naging makitid ang aking isipan." Hindi ka naman kasi nagsasalita. Parati mo na lang kaming niyayakap ng mahigpit at nilalambing. Parati mo na lang kaming binibigyan ng Rosas kahit hindi naman namin kaarawan. Hinayaan mo pa ang mga batang lansangan, mga adik at mga batang tirador ang magpaliwanag sa amin. Buti pa sila naipadama nila sa'yo ang pag-unawa at pagmamahal. Buti pa sila higit kang nauunawaan. Buti pa sila.
Sunday, October 11, 2009
Buti pa Sila
Posted by Nathan at 8:29 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment