Tula Para Kay Ariel Union
Dati rati...
madalas kitang makita sa apat na sulok ng paaralan
nakikinig, tumitingin, sumasagot, nakikipagkwentuhan
at humahalakhak sa tuwing ako ay nagpapatawa.
Dati rati...
Nakikita kitang nag-aayos ng mga upuan sa klasrum,
nagpapaalala na mag-ingat -- kapag uuwi ng gabi at umuulan;
kasamang nagpipintura ng klasrum habang nakikipagkulitan.
Dati rati...
Naririnig ko sa iyong mga labi ang salitang:"good afternoon sir,"
"kamusta na po kayo," "magaling na po ba kayo," "reunion naman dyan," " di ko kayo makakalimutan," " sana di kayo magbago," at " mahal namin kayo."
Dati rati...
kumikinang ang ngiti sa'yong mga labi,
masigla ang 'yong mga mata,
humahataw sa galaw ang 'yong kamay at paa.
Pero ngayon...
wala nang ngiti sa'yong mga labi,
wala nang sigla sa'yong mga mata,
wala nang galak sa'yong kamay at paa.
Pero ngayon...
nasa kabilang daigdig ka na;
may kinang na ang ngiti sa'yong mga labi;
maginhawa na ang iyong pakiramdam.
Paalam!
Kamusta mo na lang kami kay Bro.!
*******
Ang puso ng guro ay parang malawak na parang. Sa bawat taon ay pipilitin mong pagkasyahin sa'yong puso ang daang-daang mag-aaral na iyong makakasalamuha. Lahat sila ay bibigyan mo nang puwang sa iyong puso't isipan upang ang kanilang mga ala-ala ay syang magiging kong sanggalang sa susunod na hamon ng pagtuturo. Ito'y magsisilbi mong sandata upang maging matiisin at mahalin ang sinumpaang tungkulin. Kahit na ang sahod ay hindi sapat at ang trabaho ay hindi nagtatapos sa apat na sulok ng paaralan. Mabuti pa nga ang ibang empleyado na kapag umuwi ay wala nang iisiping lesson plan, test paper, class records, form-137, cards at lagay ng mga mag-aaral.
Hindi sila masasaktan kapag nakita nila ang mga palaboy sa daan. Iba ang guro, masakit makita na ang iyong mag-aaral ay nasa loob ng rehas ng bakal, at higit sa lahat ay makita mo ang iyong mag-aaral na namayapa na.
Binuksan mo ang iyong puso para sa kanila at nangarap nang isang magandang lipunan para sa kanila. Nangarap na magkikita kayo kapag puti na ang buhok mo at malayo na ang kanilang narating sa buhay. Ang tagpong ito ay dumudurog sa aking puso. Naghihinayang sa murang buhay na inagaw ng tadhana at iginupo ng sakit dahil sa kawalan ng sapat na salapi. Minsan naisip ko kung mayaman lang sana ako...kung mayaman lang sana ako ay natupad ko na ang pangarap ko para sa aking mga mag-aaral. Para sa aking mag-aaral na patuloy na nakikibaka sa hirap ng buhay. Pero wala naman akong magagawa upang bigyang lunas ang kanilang problema. Ang magagawa ko lang ay buksan ang aking puso at kalingahin sila sa oras na sila ay dumaan sa halimuyak ng aking isipan.
Friday, October 9, 2009
Paalam Ariel Union
Posted by Nathan at 8:25 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment