Pumunta sa Quiapo si Boknoy at bumili ng pirated disc na DVD tungkol sa astral projection. Pagdating sa bahay ay agad niya itong isinalang at pinanood. Ayon sa guru master, sa pamamagitan daw ng kanyang leksyon ay matutunan ng isang tao na ihiwalay ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan. Dapat daw tandaan ng sinumang magpapakadalubhasa sa hiwaga nito, ay kailangang mag-konsentreyt ng mabuti, 'whag gagalaw, 'whag ididilat ang mga mata, panatilihing kalmado ang isip, at payapa ang pakiramdam.
Sunod-sunod ang binigay nitong intsruksyon. Tumimo sa isipan ni Boknoy ang mga katuruang ito: maging dalubhasa sa pagkontrol ng isipan; imadyinin na ang iyong kaluluwa ay marahang tumatakas sa iyong katawan; tulad na kristal na tubig na walang kulay; palutangin ang diwa upang lumutang papaitaas...na tumatagos ang katawan sa kisame at bubungan.
Pumowesto siya ng upo sa isang malapad na kahoy. Sinubukang papayapain ang isipan at pinakalma ang damdamin. Matindi ang ginawa niyang konsentrasyon. Pansamantala niyang naramdaman ang paglutang ng kanyang katawan...
Isang malakas na pagkalabog ang gumising sa mahimbing na pagkakatulog ni Boknoynoy at Bokneneng.
"Aray ko! Nabali ata ang balakang ko!"
Hinatak pala ni Boknay ang upuan kaya siya nahulog.
"Abay Boknoy, magpatulog ka naman, hindi mo ba napansin na tulog na ang lahat at ikaw na lang ang gising. Nakakabulahaw yang pinapanood mong kabalbalan. Matulog ka na nga!" Nangigigil na sermon ng kanyang asawa.
Pinatay nito ang T.V. at pumasok sa kanilang kuwarto.
KINABUKASAN ay umalis ng bahay ang mag-iina. Pagkakataon niya na masolo ang bahay at maisakatuparan ang naudlot na astral projection. Sinarado niya muna ang pinto, bintana at pinatay ang ilaw. Umupo siya sa ibabaw ng kutson. Ni-relaks ang kanyang katawan, pinayapa ang isip at pinakalma ang damdamin. Sinunod niya ang sinabi ng guru master sa astral projection.
Matagal siya sa gayong posisyon. Lumipas ang ilang oras ay naramdaman niya na dahan-dahang humihiwalay ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan...unti-unti siyang tumataas...lumulutang sa hangin...hanggang sa tumagos ang kanyang katawan sa bubungan. Napansin niya na himbing na himbing sa pagtulog ang kanyang katawang lupa.
Nilakbay niya ang siyudad nang palutang-lutang sa hangin. Pinuntahan niya ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa LOTTO. Nakita niya na pinagplaplanuhan nang apat na kawani nito ang gagawing pandaraya sa susunod na bola. Napansin niya ang ilang numerong nakasulat sa papel.
"Pare, bukas na bukas ay tayaan mo ito. Tiyak na magiging milyonaryo tayong lahat." Utos ng isang matabang lalake.
"Ngayon pa lang ay magdiwang na tayo...yahoooooo...!"
6-10-12-14-21-34 ang mga kombenasyon na numero na tatama sa susunod na bola. Walang sinayang na sandali si Boknoy. Agad siyang bumalik ng bahay at nakita niya ang kanyang katawan na mahimbing pa rin sa pagkakatulog. Ipinosisyon niya ang kanyang kaluluwa katulad ng ayos ng kanyang katawang lupa sa pagkakahiga.
Maya-maya ay nagising ang kanyang katawang lupa. Hingal na hingal siya nang magising. Tinungo niya ang kusina at umiinom nang isang basong tubig. Matapos uminom ay lumabas siya ng bahay at tumaya sa LOTTO.
Hehehe...siguradong yayaman na ako. Malilibot ko rin ang buong mundo at higit sa lahat ay mabibili ko na ang mga gusto ko.
Kinagabihan ay pinanood niya ang bola ng LOTTO. 6-10-12-14-21-34 ang lumabas na mga numero. Nagtatalon si Boknoy sa tuwa. Sa sobrang kagalakan ay ibinalita niya ito kay Boknay at sa kanyang mga anak.
"Matulog na tayo...bukas na bukas ay mayaman na tayo." Ang buo niyang kagalakan.
"Awhooo....awhooooooo......" Nabulahaw siya sa sunod-sunod na pag-alulong ng aso.Bumukas ang kanyang third eye. Napansin niya na may apat na kaluluwang palapit sa kanyang harapan. May bitbit itong sangkatutak na pera. Iniabot nila ito sa kanya at lumutang ang milyong-milyong mga salapi sa loob ng kanyang bahay Pilit niya itong kinukuha. Panay ang dakot niya sa hangin, ngunit kahit isang piraso ay hindi niya madampot.
"Mahahawakan mo lamang 'yan kung mag-astral projection ka. Ikaw kasi ang tumama sa bola ng LOTTO nang mga kaluluwang pagala-gala," paala-ala ng isang kaluluwa.
"Nay, tignan mo si tatay maghapon na 'yang may dinadampot sa hangin. Mukhang napasukan ata ng hangin ang utak at nababaliw na." Pagsusuri ni Boknoynoy.
"Sabi ko na sa'yo nay, hindi totoo yung sinasabi ni tatay kagabi." Segunda ni Bokneneng.
"Dalhin na kaya natin ang tatay mo sa Mental Hospital," utos ni Boknay.
Wednesday, November 4, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment