Masama ang loob ni Vino nang lisanin niya ang Barangay Hall. Lalong kumulo ang kanyang dugo ng masilayan niya ang dalawa na nagbubungisngisan at kapit tukong nagtatatalon sa kalsada papalayo sa kanyang kinatatayuan. Pinakalma niya ang kanyang sarili: huminga ng malalim...sumipol-sipol, kinuha ang isang stik ng sigarilyo, sinindihan at hinithit. Panandalian siyang huminto sa isang kanto. Bumili ng isang bote ng Beer. Hindi niya namalayan ang mabilis na paglipas ng oras. Tumingin siya sa kanyang relo...alas nueve na pala ng gabi ang wika ng kanyang isipan. Naramdaman niya na bumibigat na ang kanyang pakiramdam at nagdadalawang anyo ang kanyang paningin. Buong tatag niyang tinungga ang kahulihulihang patak nang pang-isang dosenang bote ng beer na kanyang nainom sa oras na iyon. Marahan niyang hinakbang ang kanyang mga paa, napuna niyang tila nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod, at nagsasangasanga sa kanyang paningin ang kalsada. Pilit niyang pinatatatag ang kanyang katawan, sa bawat hakbang ng kanyang mga paa. Mabagal ang bawat galaw ng kanyang mga paa at para itong nakikipagpatintero. Tuluyang lumambot ang kanyang tuhod nang bumangga ang kanyang katawan sa nakatiwawang na bakal na drum sa labas ng kanilang bahay. Sumubsob ang kanyang katawan sa lupa.
"Anak ng pitong kabayong kalabaw na halimaw! Sino ba ang sumuwag sa akin...hik?!
Nakita ni Eson na paggapang na tumatayo si Vino. Agad niya itong nilapitan at inalalayan na tumayo. Medyo nahirapan siyang akayin ito, dahil sa bigat ng katawan ni Vino. Hinawakan niya ito sa tagiliran at inabresete ang isang kamay sa kanyang balikat, upang maitimbang ang bigat ng katawan nito. Habang inaalalayan niya ito papasok sa bahay ay panay ang patutsyada nito sa kanyang pagkatao.
"Hoy! Baklang bakulaw...hik! Alam mo bang mahal na mahal ko si Jonah. Kahit di namin siya kadugo...hik! May lihim akong pagtingin sa kanya...kaso lang pinipigilan ko ang sarili ko dahil ang alam ng tao ay kapatid namin siya. Hik...hik...alam mo- sa lahat ng bakla na kilala ko ikaw ang bobo. Ang bobo mo kahit no'ng nag-aaral pa kayo! Hik...hik...akalain mo bang siya pa ang gumagawa ng mga takdang aralin mo."
Parang sibat na tumutusok sa puso ni Enson ang mga mapapait na katagang binitiwan ni Vino. Bago pa man maibulgar nito ang lihim na pagkatao ni Jonah, ay naipagtapat na sa kanya ito noon ng kanyang bespren. Sanay na siyang tinatawag na baklang bakulaw, bobo, at baklang bobonic. Tinitiis niya ang lahat ng ito bilang pagtanaw ng utang na loob sa nag-iisang kaibigan. Maya-maya lang ay inalalayan siya nina Alsaybar at Milaran na ihiga ito sa papag. Nang maihiga na si Vino ay nagmamadaling tinungo niya ang kusina at kumuha ng maligamgam na tubig at pinunasan ang kamay, batok, at mukha nito. Habang binabanyusan nito ang amoy alak na katawan ay panay naman ang sambit nito sa pangalan ng kapatid na babae.
"Kapatid ko..mahal na mahal kita kung alam mo lang. Hinding-hindi ako makakapayag na agawin ka sa akin ng iba!"
Naglalaro sa isipan ni Enson ang mga imahinasyon mula sa mga salitang binitiwan ni nito. Nagtataka siya kung bakit sa lahat ng mga lalakeng kapatid, ay ito ang labis na apektado, at nagpahayag ng kanyang lihim na pagtingin. Nang tuluyan nang itong makatulog ay lumabas ito ng bahay at tumambay sa tindahan. Nakita niya si Analyn na nagtitinda ng balot. Isa ito sa mga kaulayawang dila ng kanyang bespren.
"Ganda, mainit pa ba yang balot mo, ha."
"Oo naman, kaya nitong patatagin ang tuhod mo para kang maging isang matigas na lalake--hindi lalakwe."
"Hahaha...bruha ka talaga, pagbilhan mo nga ako ng isa."
"Teka...alam mo para kang balot..."
"Bakit?"
"Kasi...sa tuwing nakikita kita, nag-iinit ang pakiramdam ko."
"Ajejeje...impaktita ka talaga noh...sa lahat talaga ng babae na nakilala ko ikaw ang pinaka..."
"Anong pinaka?"
"Pinaka mukhang bading sa lahat ng babae....sa totoo lang pwede kang pang miss gay, at take note, may future ka. Now you know...hahaha."
"Grrrhhh...o, eto na yung balot, kainin mo ng buong-buo para sumingaw yang kabaklaan mo."
"Sabihin mo, baka kapag nilunok ko 'to ay magsilang ako ng bagong binhi ni Eva. Sige ka, dadami ang maganda sa mundo."
"Oi...maiba naman tayo, alam mo nalulungkot ako sa biglang pagkawala ni Jonah."
"Ako nga rin eh, bespren ko pa naman siya."
"Alam mo,itong mga nakalipas na araw ay hindi ako mapalagay. Kapag matutulog na ako ay nakikita ko ang mukha niya na nagsusumamo sa akin. Ramdam ko na may gusto siyang ipahiwatig. Lagi kong napapanaginipan ang tubig na humihiyaw."
"Talaga, buti pa sa'yo nagpaparamdam siya pero sa akin, kahit paruparo ay di dumadalaw."
"Talaga bang sumama siya sa isang mayamang lalake, o may masamang nangyari sa kanya?"
Biglang natigilan si Enson sa tanong ni Analyn. Hindi siya makakibo. Isang patak ng luha ang umagos mula sa kanyang mata- ang naging tugon nito sa misteryong pagkawala ng kanyang pinakamatalik na kaibigan.
Monday, November 23, 2009
KATAWAN NI JONAH (Ikatlong Labas)
Posted by Nathan at 6:28 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment