Nagningning ang kislap ng mga mata ng mga kababaihan nang kumalat ang balita sa kanilang lugar na sumama raw si Jonah sa isang matandang mayaman na negosyante na malapit nang matigok.
" Aber! Kita n'yo, eh, di lumabas din ang totoo!"
"Akala mo kung sinong di makabasag pinggan, eh, malandi naman pala!"
"Salot talaga yan sa lugar natin."
"Buti nga at nawala na 'yon dito."
Ang walang patid na pagdadakdak ng mga tsismosang kababaihan sa kanilang lugar. Bigla sila napahinto sa pag-uusap ng makalanghap sila ng isang masangsang na amoy. Kanya-kanya silang takip ng ilong at nilisan ang kuta ng kanilang tsismisan.
Mag-iisang linggo na ang lumipas ay walang tawag o text na natanggap ang mga kapatid ni Jonah na si Alsaybar na panganay sa apat na magkakapatid, si Vino na siyang sumunod kay Alsaybar, at Milaran na sinundan ni Jonah. Hindi mapakali ang mga ito sa kakahanap sa unica hijang kapatid. Pumunta si Alsaybar sa opisina nito at kinausap si Eson.
"Nag-paalam ba sa'yo si Jonah kung saan siya pupunta?"
"Hindi. Akala ko nga maysakit siya eh. Alam mo naman yang kapatid mo kapag may sakit ay hindi naman pinapaalam sa amin. Madalas nga din siyang itanong sa akin ng Boss namin. Wala ba siyang sinabi kung saan siya pumunta?"
"Ilang beses ko na ngang tinatawagan ang selfon niya pero laging out of coverage area." Bumilis ang tibok nang kanyang puso. Sa oras na 'yon ay nakaramdam siya nang matinding pangamba at takot sa kalagayan ng kapatid. Matapos ang kanilang pag-uusap ay umuwi na siya ng bahay at patuloy na kumalap ng impormasyon na makakapagturo sa kalagayan ng kapatid.
Kalahating bahagi ng buwan lamang ang gumagabay sa pagkalat ng dilim. Pilit nilang nilalabanan ang antok, ngunit ginupo sila nito dulot ng matinding pagod sa ilang araw na paghahagilap at pag-iisip. Sa kalagitnaan ng mahimbing na tulog ni Vino ay nanaginip siya na nakita niya si Jonah na nalulunod sa ilog at humihingi ng saklolo. Nang tumalon na siya para ito'y sagipin, ay nagulat siya---biglang naging kulay dugo ang ilog, at parang usok na naglaho ang katawan ng kanyang kapatid.
Kaliwa't kanan naman ang pagpaling ng ulo ni Milaran, kakaiba ang kanyang panaginip sa gabing iyon. Nakita niya sa likod ng mangga ang dalawang asong ulol na naglalaway at nag-aagawan sa iisang buto. Halos madurog ang buto sa talim ng ngipin ng mga aso. Hindi nila ito nilubayan hangga't di nasisiid ang munting buto na natira.
Unti-unting tumatakas ang dilim. Sinalubong ng mga hamog ang mga sinag ng liwanag na marahang gumagapang sa kapaligiran.
Bago pa sumikat ang araw ay nakapaghanda na ng pagkain si Vino. Maya-maya ay nagising na ang dalawa niyang kapatid. Nagsipilyo muna ang mga ito at naghilamos. Matapos ang umagang ritwal ay sama-sama silang nag-agahan. Habang kumakain ay naikwento ni Vino ang kanyang panaginip. Sumunod namang isinalaysay ni Milaran ang kanyang nakakatakot na panaginip. Nag-isip ng malalim si Alsaybar at pinag-ugnay-ugnay ang mga pangitain sa panaginip.
"Di kaya nagpapahiwatig sa atin si Jonah at may gustong sabihin?" Pagsusuri ni Alsaybar.
"Palagay ko nga," ang sabay na wika ng dalawa.
Mabilis nilang tinungo ang ilog. Nasanggi ni Vino ang isang drum na bakal na nakalubog sa tubig. Akala nito ay isa lamang itong malaking adobe. Hanggang leeg niya ang tubig at napapaligiran ito ng mga palutang-lutang na water lilies sa ilog. Ang gilid nito ay napapaligiran ng mga matataas na talahib na lalong nagpapahirap sa kanilang paghahanap sa bangkay ng nawawalang kapatid. Ilang metro ang layo mula sa kinalalagyan ni Vino ay nakita niya ang kanilang kapitbahay na sina Tagle at Lerin na namimingwit ng isda. Dinudukot ni Lerin ang mga nakatabing bulate sa loob ng lata upang isalpak sa sima, saglit nitong binitiwan ang ang hawak na bulate at muling ipinasok sa lata nang napansin niya ang ilang buhol sa pisi. Habang si Tagle ay nakikiramdam sa paggalaw nang palutang na plastik na palatandaan na may kumagat na isda sa sima. Nahihiwagahan siya sa kinikilos ng dalawa, hindi ito makatingin ng maayos sa kanya at tila pabulong na nag-usap ang dalawa.
Umahon siya upang kausapin sila, bago pa siya makasampa sa lupa ay mabilis nitong iniahon ang kanilang pisi, kahit konti pa lamang ang nahuhuling isda. Parang may kinakatakutan ang dalawa. Mabilis ang lakad ng mga yabag nito sa lupa papalayo sa ilog. Nagkaroon siya ng kakaibang kutob. Kilalang barumbado sa kanilang lugar ang dalawa. Si Tagle ay kilalang durugista sa kanilang barangay at nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot. Samantalang si Lerin ay kilalang siga at mahilig mag-trip ng mga babae; lalo na kapag bagong salta sa kanilang lugar. Madalas maipa-barangay ang dalawa dahil sa dami ng nagrereklamo sa kanila. Payat na payat na si Tagle, lubog na ang pisngi nito dahil sa kakagamit ng ipinagbabawal na gamot. Kabaligtaran naman ang katawan ni Lerin sa katawan ni Tagle. Mataba ito, bilugan ang pangangatawan, malaki ang tiyan at mahaba ang buhok.
Bago bumalot ang takipsilim sa buong kapaligiran ay inimbitahan sa barangay ang dalawa dahil sa reklamo ni Vino.
"May alam ba kayo sa pagkawala ni Jonah?" Tanong ni kapitana Malinao.
"Naku kapitana, sa dinami-dami ng mga nagreklamo sa amin dito, kahit isa ay wala naman silang napatunayan sa kanilang pinagbibintang," katwiran ni Lerin at Tagle.
"Eh, bakit niyo iniiwasan ang mga kapatid na lalaki ni Jonah?"
"Naks...iniiwasan daw! Ang labo mo naman bro...masyado ka namang TH o tamang hinala sa amin.Ikaw ba si Big Brother....hahaha! Nagkataon lang nang nakita niya kami sa ilog ay balak na naming umuwi dahil nahihirapan kaming manghuli ng isda ngayong araw na ito. Kaninang umaga pa nga kami nanghuhuli, pero dalawang tilapya pa lang ang nahuhuli namin para ulamin namin ngayong hapon."
Kahit anong piga ang gawin sa dalawa ay wala silang makuhang impormasyon na mag-uugnay na may kinalaman sila sa pagkawala ni Jonah.
1 comments:
hmm..
nkakatawa, baligtad yung description kay lerin at tagle..
heheh...
ksma pa si eson..
bestfriend dw?!
Post a Comment