Pinagpala ang mayabang umbok ng dibdib ni Jonah. Kung sa pagandahan lang sa katawan ay hindi pahuhuli ang kurba ng kanyang katawan sa mga modelong naglipana sa kamaynilaan, at higit sa lahat namana niya ang mestisahing ganda ng ina, makinis ang balat, balbon ang braso, mahaba ang buhok at matangkad. Lalo pang tumitingkad ang kanyang kagandahan kapag siya ay ngumingiti; lumilitaw ang biloy nito sa kanang bahagi ng pisngi...kasabay ng pagkinang nang mapang-akit nitong mga mata. Madalas kapag siya ay naglalakad sa kalsada, pasilyo at eskinita ay napapalingon ang mga kalalakihan sa angking kariktan ni Jonah. Nagkukumahog ang kanyang mga katrabahong lalake sa kanyang pinapasukang opisina sa panliligaw ng palihim dahil takot ang mga ito sa kanyang mga kapatid na lalake.Minsan habang namamasyal siya sa Mall ay nilapitan siya ng isang baklang talent scout at inalok na sumubok mag-artista, ngunit agad niya itong tinanggihan.
"Naku bespren, kung ako ang inalok ng ganun, hindi ko na yun pakakawalan. Kaso lang yung beauty ko ay kamukha lang ng siko mo," biro sa kanya ni Eson.
"Ewan ko ba, kuntento na ata ako sa pagiging ganito, yung simple lang at ordinaryong tao," paliwanag ni Jonah.
"Gaga ka ba, o, yung utak mo ay nakadikit sa talampakan mo. Hoy! lahat ata ng babae ay nangangarap na maging maganda tulad mo, yung ala Cinderella na pagkakaguluhan ng mga kalalakihan...maging ng prinsepe, tikbalang, engkanto, nuno sa pulso at hari ng kalawakan." Ang paglalarawan ng kanyang kaibigan habang minimwestra ang mga galaw ni Cinderella.
Si Eson ay nasa katawang lalake, pero pusong babae. Magkaklase silang dalawa sa kolehiyo. Pareho silang nagtapos ng kursong Business Management. Ito ang kanyang tagapagtanggol sa mga kaklase nilang babae na naninira sa kanya. Ito rin ang kumikilatis sa mga lalakeng nagnanais pumorma sa kanya no'ng nag-aaral pa sila. Lalong tumibay ang kanilang pagkakaibigan ng mamatay ang mga magulang ni Eson sa isang aksidente. Tinulungan siya nito sa kanyang pag-aaral at mga riserts na kailangang tapusin upang di siya bumagsak sa kanilang mga subjekt.
" Ay naku! Bespren, ala singko pasado na pala, paalam na sa'yo. Kitakits nalang tayo sa Lunes." Sabay halik sa pisngi ng kaibigan at nagmamadaling lumabas sa loob ng opisina.
Paglabas pa lang siya sa pintuan ng gusali ay nakaabang na ang mga masugid niyang manliligaw. Nag-uunahan ang mga ito na maihatid siya. Kanya-kanyang bitbit ng regalo ang mga ito para ibigay sa kanya. Merong nag-abot ng rosas, chocolate, pabango, damit, relo, singsing at mamahaling selfon. Pakiramdam tuloy niya na araw-araw ay birthday niya. Napilitan siyang tanggapin ang mga regalo para makauwi na siya ng bahay, at nag dahilan na lang siya na nag-aantay na sa kanya ang kanyang mga kapatid sa kabilang kanto. Nagmamadali siyang umuwi ng bahay upang maiwasan ang mga sunog baga niyang kapitbahay na madalas mag-inuman kapag kagat ng dilim.
Tuwing dinadalaw siya ng pagkabagot ay pumumunta siya sa lilim ng puno ng Mangga sa likod ng kanilang bahay na malapit sa tabing ilog. Dito siya nagpapalipas hanggang kumagat ang dilim upang namnamin ang malamig na simoy ng hangin na humahampas sa kanyang katawan. Sa ganitong paraan ay nakakalimutan niya ang kanyang mga alalahanin at suliranin sa buhay. Malimit kasi siyang kina-iingitan ng mga kababaihan sa kanilang lugar. Pakiramdam kasi ng mga ito ay inaagaw niya ang lahat ng mga kalalakihan na nahuhumaling sa angkin niyang kagandahan. Nandiyang siraan siya na ginagatasan niya lang ang kanyang mga manliligaw. Ginagamit niya raw ang kanyang ganda upang ma-promote sa trabaho.
Kahit noong nag-aaral pa siya sa hay-iskul ay madalas siyang awayin ng kanyang mga kaklase at ibang mga babaeng mag-aaral sa kanilang paaralan. Kesyo makapal daw ang kanyang mukha at malanding babae. Mang-aagaw daw siya ng boyfriend ng iba; kahit hindi naman totoo. Pinakikitaan niya lang ng magandang pakikitungo ang mga kalalakihan para hindi siya bastusin at pagbalakan ng masama.
Madalas iniisip niya kung mapalad ba siyang talaga at nabigyan siya ng kakaibang ganda at halina sa mga kalalakihan. Huminga siya ng malalim, pinikit niya ang kanyang mga mata at dinama ang malamig na samyo ng hangin; waring unti-unting nahuhugot ang tinik sa kanyang puso sa patuloy na pagaspas ng hangin sa paligid.
Panay ang kinang ng mga tala sa kalawakan.Patuloy na nagliliwanang ang paligid mula sa liwanag na nagmumula sa buwan. Ang kinang ng mga tala, at liwanag ng buwan ay nagdudulot nang pagsayaw ng bunton ng mga puting ulap sa alapaap, at nagpapasirit sa malamig na hangin sa tahimik na kapaligiran. Ang paglalim ng gabi ay siya ring paglaho ng kinang ng mga tala, pagtakas ng dilim at pansamantalang pamamaalam ng buwan.
1 comments:
ahem..
tlgang..
kmi ang tauhan...
hahah....
kala ko mgtitinda nman ako ng tinapa..heheh
joke lng..
korny ko..
hahah
my maisan ksi kmi eh/...
Post a Comment