Marahil ay ang nasa isip niya ay panonoorin niya akong ubusin ang isang basong tubig na nagmamadali at hinihingal dahil sa sobrang uhaw. Bigla siyang napangiwi nang ipinanghugas ko ang tubig sa mansanas, sabay tunog ng malutong na kagat at alok sa tindera kung gusto niya. Napatawa siya sa akin at umiling-iling. "Salamat sa tubig ha, gutom na kasi ako." Medyo nauga ng kaunti yung utak niya, namangha ata sa ginawa ko (hindi niya lang siguro akalain na gagawin ko lang na panghugas yung tubig). Naramdaman kong gumagaan na ang pakiramdam ko. Lumalamig na ang temperatura ng aking katawan. Nahahawi na ang mga salasalabat na baging sa aking isipan.
Hindi ko talaga kayang pigilin ang gutom, hindi sapat ang mga prutas para pahupain ang nagwawala kong bahay-gilingan. Kaya't muli kong ipinarada ang aking motorsiklo sa Tropical Hut sa tapat ng palengke. Agad akong umorder at wala pang 15 limang minuto ay naubos ko na ang Burger Steak at extra rice. Lubusan nang pumayapa ang aking pakiramdam. Ngunit malabo parin ang direksyon na aking tatahakin. Mahigit 30 minuto rin akong nagmuni-muni, matapos ang mahabang pag-aanalisa ay muli kong pinatakbo ang sasakyan at tinahak ko ang kalsada ng Alabang-Zapote Road. Ramdam ko ang sagitsit nang lamig sa aking kalamnan. Pinatatayo nito ang aking balahibo at pinahahalikupkip ang aking bagang. Bigla akong pinara ng pulis.
"Pulis ka ba?"
"Mukha ba sir?...este, hindi po sir," Medyo nag-ala pinoyhenyo pa ako.
"Anak ng @@###### ina ka!" mura niya sa akin.
Pakiramdam ko ay medyo nahirapan siya sa tanong ko.
"Iparada mo yan at ihelera mo dito."
"Nakaparada na at nakahilera na po sir chief," hirit ko.
"Abay, tinamaan ka ng magaling. Lisensiya mo...dali."
"Bakit wala kang helmet?"
"Taga-Muntinlupa ka pala, Ba't wala kang suot ng helmet?
Medyo nahiya ako at napakamot. Aminado akong mali ako at nilakasan ko na lang ang loob ko sa mga oras na iyon. Nakahanda naman akong magpahuli at mahuli, makapag-gala lang. Nag-lecture muna sa akin ang pulis. Tapos ay tinanong niya kung saan ako nakatira at alam ko ba raw yung Barangay _____?, yung Ospital ni _____? at yung kalsada na papasok sa kanila. "Opo," sagot ko. Naungkat yung mga kamag-anak na si ganito, ganire at ganoon.
Inakbayan niya ako, "puntahan mo ako bukas nang maaga at mag-inuman tayo, bibili ako ng Baka pang pulutan." Iniwan ko sa kanya yung cute kong I.D., hindi niya na kinuha yung lisensiya ko at di na rin ako tinikitan. Mariin niyang binilin sa akin na huwag ko raw siyang babalewalain. "Bukas ha, sir!"
Bago ko siya iniwan ay isang matikas na saludo muna ang ginawad ko sa kanya. At gumanti naman siya. Nakadama ako ng kaunting saya pagkatapos nang masalimuot na panyayaring iyon. Prinoblema ko tuloy kung makakatagal ba ako sa kanya sa inuman. Kaya nang makakita ako ng isang KTV Bar sa Las Pinas ay huminto ako at umorder nang tatlong piraso ng San Miguel Pilsen, inaliw ko ang sarili ko sa mga kanta ng mga lasenghot na mga kabataan. Lumipas ang tatlong oras ay nakaubos ako ng apat bote, naramdaman ko na medyo kumakapal na ang mukha ko at nakaramdam na ako ng kaunting hilo.
Medyo malakas na ang tama sa akin ng alak at sapat na practice para sa paghaharap namin ng Pulis bukas. Sa totoo lang ay galit ako sa alak...masakit kasi sa ulo ang hangover. At ito ang kinabaliwan ng aking ama. Nung kabataan ko ay madalas ang sabi sa akin ng doktor ay uminom raw ako ng beer at haluan ng isang itlog upang maging normal ang dugo ko. Anemic kasi akong tao, mahirap ang sakit na ito, madalas kang mahilo, mahina ang pakiramdam at nilalagnat ng walang dahilan. Matagal kong nilabanan ang ganitong karamdaman hanggang sa masalinan ako ng dugo. Akala ko nga ay kukunin na ako ni Bro. pero hindi pa pala.
Kapag dinalaw ako nang pagkabagot ay bigla nahihiligan ko ang pag-inom ng mag-isa. Ayaw ko kasi ng may kasama, mas gusto ko mag-solo at mag-isip nang malalim. Lumalabas kasi yung mga imahe sa aking isipan kapag nakainom ako. Madalas kong marinig sa mga kaibigan kong manunulat na hayaan raw lumaya ang mga demonyo sa aming isipan. Ayon nga kay Edgardo Reyes, demonyo raw ang pagsusulat, may mga oras na gigisingin ka nito sa kalagitnaan ng gabi. Mahirap pigilan ang mga imahinasyon na naglalaro sa isipan ng isang manunulat, kung baga sa utot ay kailangan mo itong pasingawin para hindi sumama ang iyong pakiramdam.
ALAK raw ang kahinaan ng mga manunulat. Nakakapagsulat ng mga magagandang dibuho sina Hunter Thompson, Raymond Chandler, John Cheever, O. Henry, Tennessee Wiliams, Dylan Thomas, Dorothy Parker, Edgar Allan Poe, Truman Capote, Jack Kerouac, William Faulkner, Charles Bukowski, F. Scott Fitzgerald, James Joyce at Ernest Hemingway kapag lango sa alak. Lumalabas ang kanilang pagiging malikhain kapag nasa impluwensiya ng alak. Kasama na rin diyan ang iba pang mahuhusay na manunulat tulad nina:Upton Sinclair, Mark Twain, Emily Dickinson, Nathaniel Hawthorn, Henry D. Thoreau, Zane Gray, Ralph Waldo Emerson, Robert Frost, Tom Wolfe, at Flannery O'Connor.
Hindi naman ako tulad nila na araw-araw umiinom. Social Drinker ako, umiinom kapag maisipan lang. Minsan sa loob ng anim na buwan ay hindi nasasayaran ang aking labi ng alak. Hindi ako mahilig sa hard at lalong ayaw ko ng Red Horse o Colt 45. Tama na sa aking si San Miguel Beer at San Mig Light. Puro kasi yung anghel sa Beer, sa Gin naman ay pinaghalong Anghel at Demonyo kaya marami ang nagwawala kapag nasaniban na.
Madaling araw na ako nakauwi ng bahay, siniguro ko muna na wala na yung Mobile Car para hindi na naman ako masita at maamoy na nakainom. Pag-uwi ko ng bahay ay mabilis na bumukas ang pintuan nang kinatok ko ito ng tatlong beses. Binihisan ako ng asawa ko at pinatulog. Hindi naman siya galit sa akin, kasi naman bihira lang akong lumabas ng bahay (kapag tinopak lang talaga). Masarap ang aking tulog. bigla akong nagising sa liwanag na nagmumula sa bintana. Ginusot ko muna ang aking mata, alas nuebe na pala. Hirap akong tumayo, medyo masama ang aking pakiramdam at may parang may mabigat na bagay na dumadagan sa ulo ko. Nilutuan niya ako ng paborito kong ulam sa umaga ang scrambled egg at kape na walang asukal (para mahimasmasan ako). Habang kumakain ay ikinuwento ko sa kanila ang aking karanasan kagabi, at nag-paalam na muling lalabas ng bahay para makipag-inuman sa Pulis na nakilala ko kagabi. Kailangan ko kasi siyang siputin nasa kanya ata yung I.D. ko. Matapos kumain ay naligo muna ako para mawala yung hangover.
Gumaan ang pakiramdam ko. Tanghali na nang marating ko ang bahay ng Pulis. Angkas ko ang asawa ko, baka raw kasi kamag-anak nila iyon. Nang marating ang bahay ng Pulis ay agad akong sinalubong ng ilang lalake at inabisuhan na antayin daw si chief dahil nagpa-check-up lang saglit. Hmmmm...mukhang pinaghandaan niya talaga ako, napansin ko yung baka na nilalaga ng mga mama at mesa na nakahanda.
Tinanong agad ako ng pulis kung anong alak ba ang iniinom ko. Nang maramdaman ko na hard ang kanyang nais bilhin ay agad kong inabot ang P400 at humirit na kung pwede ay San Mig na lang. Agad naman siyang umayon at nagpabili sa mga makakainuman namin na mga mama. Mabait naman sila sa akin at panay ang tanong kung ano ba raw ang gusto kong kainin at ipabili. Bigla akong natawa sa sinabi niya:
"Oi...huwag kayong masasanay na uminom nito dahil mahal 'to."
"Kaya pala masarap eh," sabat ng isang lalake.
Lalo pa akong humalagapak sa halakhak ng sabihin ng isang lalake na:
"Brod, alam mo kapag Spo1 pa ang pulis ay pulis ito, dahil hindi pa ito nalalamon ng sistema. Pero kapag naging Spo2 na ito ay pulis na natuto, natuto sa pangongotong. Kapag naging Spo3 na ay pulis na laging humihirit sa pangongotong. At kapag naging Spo4 na ay puro kotong na ito."
Bago sa akin yung mga bansag na 'yon kaya sobra akong natuwa. Hindi naman lahat ng pulis na kaibigan ko ay tulad ng sinabi niya. May kilala akong mga pulis na tapat pa rin sa kanilang serbisyo.
Alas tres ng hapon ng maubos ang alak at mabilis na nagpaalam ako kay sarhento. Bumilib din ako sa kanya dahil kahit na inamin niya sa akin na babaero siya ay hindi niya pinababayaan ang kanyang mga anak. Pagdating naman sa trabaho ay alam niya kung saan siya lulugar. Kaya ang aming pagkikita ay tulad ng isang helmet na susuklob sa aming kaisipan bilang bagong katropa.
0 comments:
Post a Comment