Ang langis ay ang nagsisilbing dugo ng modernong panahon. Kayat ang pagdaloy nito ay napakahalaga; ngunit, ang pressure nito ay bumubutas ng bulsa at sumasaid ng pitaka.
Gaano ba kahalaga ang langis sa ekonomiya ng bansa?
Ito ang nagbibigay ng ningas sa modernong teknolohiya upang mapabilis ang produksyon ng mga produkto, at matugunan ang matinding pangangailangan ng mga produkto sa pamilihan. Kapag ang puwersa ng demand at suplay ay magkatulad, ito ay magdudulot ng balanseng presyo. Ang stabilisadong presyo ay nagpapakita ng masiglang daloy ng pagkonsumo at nagbibigay ng ginhawa sa mga mamimili. Subalit, dahil salat sa langis ang ating bansa ay patuloy tayong umaasa sa pag-aangkat ng produktong ito na kadalasang nagmumula sa gitnang silangan. Mayroon man tayong MALAPAYA sa Palawan na pinagkukunan ng natural gas at langis upang gawing enerhiya, ngunit hindi naman natin ito direktang pinakikinabangan. Sa tantiya ng SPEX ay nakakalikom sila 12,000 bbl/day at 30 MMSCF/day ng natural gas at langis. Ang plantang ito ay pinangangasiwaan ng Shell Philippines Exploration (SPEX), ang langis na nakukuha mula rito ay inululuwas sa ibang bansa upang dumaan sa purifikasyon ng pagiging langis. Nakikinabang lamang ang pamahalaan sa royalty mula sa kita at buwis na makokolekta na aabot raw sa $8-10b sa loob ng 25 taon magmula nang ito'y madiskubre noong 1992.
Sa bawat araw ang Pilipinas ay kumukunsumo nang 330,000 bariles ng langis. Samakatuwid, marapat lamang na panatilihin ang suplay ng langis sa bawat araw upang magpatuloy ang sigla ng kalakalan, at matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at dumaraming hilig ng bawat mamamayan. Ang kakulangan ng suplay ay magdudulot ng disekilibriyong presyo: sa puntong ito, maaring maging labis ang demand ng produktong petrolyo na magdudulot ng panic buying sa mga mamimili na mag-imbak ng langis bago pa maubos ang suplay. Kailan lang ay ipinahayag ni Energy Secretary Angelito Reyes na sa mga susunod na araw ay hindi na magiging sapat ang suplay ng langis ng bansa. Ang spekulasyong ito ay nagdulot ng labis na pangamba sa sektor ng industriya, lalong-lalo na sa mga drayber ng dyipni na pangunahing tagapagkonsumo ng produktong petrolyo.
Makatotohanan ba ang biglang pagkalusaw ng reserbang ng langis sa bansa?
Ayon sa ulat ng Organization of Petroluem Exporting Countries (OPEC, ang presyo ng krudo sa bawat bariles ay nagkakahalaga ng $76.50, mas mababa sa dati nitong presyo na $6.57. Batay sa OPEC Monthly Report ngayong buwan ng Nobyembre na ang OPEC Reference Basket ay tumaas ng $67.88/b noong October 9, mula $65.75/b noong October 2. Sa ganito ding panahon ay tumaas ang presyo ng krudo ng WTI at Dated Brent ng $71.03/b at $67.69/b. Maging ang Dubai crude ay patuloy sa pagtaas sa presyo na $68.31/b mula sa dati nitong presyo na $66.09/b. Sa taong ito ang World Oil Consupmtion Shares by Main Sector ay nahahati sa:
1. Transportation-46%
2. All other- 35%
3. Industry-10%
4. Residential-6%
5. Agriculture- 3%
Ipinapakita sa pagkakahati ng distribusyon ng pagkonsumo ng langis sa pandaigdigang kalakalan na ang pangunahing pinaggagamitan ng langis ay ang transportasyon, na sindundan ng industriya, residential at agrikultura. Kayat sa tuwing tumataas ang presyo ng langis, ang unang umaangal ay ang sektor ng transportasyon. Araw-araw silang gumagamit at bumibili ng langis bilang bahagi ng kanilang hanapbuhay. Sa katunayan ay hindi sila naniniwala na may kakulangan sa suplay ng langis kaya tumataas ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. Ayon mismo sa Oil Market Report na inilabas ng IEA (International Energy Agency) noong nakaraang taon, nasa 81.9 milyong bariles kada araw (mbd) ang pandaigdigang pangangailangan habang nasa 84.6 mbd ang suplay sa langis noong ikalawang kwarter ng taong 2006. Ayon pa sa kanilang pagtantiya ay nasa 1.3 trilyong bariles ang reserbang langis sa mundo na maaring tumagal pa ng 42 taon kung pagbabatayan ang kasalukuyang antas ng pagkonsumo.
Ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay nakabatay sa impluwensiya ng mga dambuhalang transnational corporations o TNCs sa pangunguna ng Exxon Mobil (US), British Petroleum (UK), Royal Dutch Shell (UK-Netherlands), Chevron Texaco (US) at Total (France) na kontrolado ng US at European Union. Nakakatuwang isipin na pinalalabas ng mga kompanyang ito na may nagaganap na kompetisyon sa kanilang hanay. Panay ang kanilang pag-aanunsyo sa telebisyon sa mga produktong kanilang inilalabas upang hikayatin ang mga mamimili na tangkilikin ang kanilang produkto. Mapapansin sa istilo ng kanilang pag-aanunsyo na ang kompetisyon na kanilang ipinakikita ay malabnaw at puno ng pag-iimbot. Ito ay mararamdaman sa tuwing tumataas ang presyo ng petrolyo. Ang ganitong pamamaraan ay malinaw na isang uri ng kartel, na kung saan ay monopolisado nito ang produksyon, refinery at distribusyon – mula sa oil fields, tankers, barges, depot, refinery, retailers, tank trucks, pati pag-aanunsyo. Ang ganitong uri ng sistematikong pagsasalansan ng kanilang produkto ay nagdudulot nang manipulasyon sa suplay ng langis upang bumulusok paitaas ang presyo sa kanilang mga outlets.
Ang sistemang Oligopolyo na nanalaytay sa kanilang hanay ay malinaw na isang sabwatan. Sabwatan sa ilalim ng sistemang kapitalismo na kung saan ang prinsipyo ng hindi pakikialam ng pamahalaan o Lassez-faire ay namamayani. Kontrolado ng komersyalismo-- maging ang sistemang politikal ng bansa-- walang magawa ang pamahalaan sa tuwing tumataas ang presyo ng langis. Ang ganitong kaganapang pang-ekonomiya ay umiiral sa ilalim ng konsepto ng nakakaubling kamay (invinsible hands ni Adam Smith, ayon sa kanyang librong "An Inquiry into the Nature and Causes of the Wealth of Nation) ay binigyang diin niya ang importansya ng nasabing ideya sa ilalim ng sistemeng kapitalismo...
every individual necessarily labours to render the annual revenue of the society as great as he can. He generally, indeed, neither intends to promote the public interest, nor knows how much he is promoting it. By preferring the support of domestic to that of foreign industry, he intends only his own security; and by directing that industry in such a manner as its produce may be of the greatest value, he intends only his own gain, and he is in this, as in many other cases, led by an invisible hand to promote an end which was no part of his intention. Nor is it always the worse for the society that it was no part of it. By pursuing his own interest he frequently promotes that of the society more effectually than when he really intends to promote it. I have never known much good done by those who affected to trade for the public good.
Kilala si Adam Smith bilang isang relihiyosong tao. Marahil ang kanyang tanging layunin ng kanyang isulat ang nasabing libro ay upang bigyan ng magandang patakarang ekonomiya ang kanyang bansa para sa ikagiginhawa ng mga mamamayan. Ang kanyang kaisipan ay nagkaroon ng mabuting epekto sa mga kanluraning bansa, ngunit ang kaisipang ito ay nagdulot ng hidwaang pang-ekonomiya sa pagitan ng mga manggagawa at may-ari ng kompanya. Binigyan niya ng pansin na ang pagkakaroon ng mababang presyo ng mga produkto sa pamilihan ay makakabuti para sa mga mamimili, subalit ito naman ay nagbigay ng labis na kita sa mga mangangalakal, dahilan upang ang agwat nang katayuang panlipunan ng manggagawa at may-ari ng kompanya ay lumayo nang milya-milya. Lumitaw ang pagiging ganid sa hanay ng mga mangangalakal, mas hinangad nila na kumita ng malaki kaysa magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan, at naisantabi ang pantay na proteksyon ng mga manggagawa. Ang krisis sa lakas-paggawa ay isang pandaigdigang suliranin na kinahaharap ng lipunan o bawat estado.
Binaluktot ng makabagong panahon tunay na diwa ng konsepto ni Smith. Noon pa man ay umapela siya sa makasariling intesyon ng kalakalan na humahantong sa tatsulok na lipunan. Marahil naisip niya na ang merkado ay mabisang instrumento upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan dahil limitado ang pinagkukunang-yaman ng bawat bansa. Nang ma-obserbahan niya na ang monarkiyang sistema ng pamamahala, ay napagtanto niya na hindi ito sapat upang matugunan ang materyal na pangangailangan ng mga taong walang kakayahang bumili ng mga produkto sa presyong idinidikta ng burgis na pamilya. Ipinaunawa niya na ang pagpapalakas ng mga mangangalakal ay magbibigay ng bagong dimensyong panlipunan upang mapabilis ang transaksyon sa pagitan ng mga mamimili at nagtitinda. Maaring umukit sa kanyang balintataw na sa ilalim ng sistemang kapitalismo ay may pagkakataon ang bawat mamamayan na umunlad at paangatin ang kanilang estado sa lipunan. Hindi lingid na ang bansang Inglatera ay namumuhay noon sa ilalim ng pyudalismo. Hinahadlangan ng sistemang ito na ang bawat indibidwal ay mahalagang organismo ng lipunan. Ang kapangyarihan at kaginhawaan ng pamumuhay ay namamana, ayon sa pinagmulan na angkan. Kung kaya ang kanyang matinding apela ay sa damdamin ng mga mangangalakal:
Man has almost constant occasion for the help of his brethren, and it is in vain for him to expect it from their benevolence only. He will be more likely to prevail if he can interest their self-love in his favour, and show them that it is for their own advantage to do for him what he requires of them. Whoever offers to another a bargain of any kind, proposes to do this. Give me what I want, and you shall have this which you want, is the meaning of every such offer; and it is the manner that we obtain from one another the far greater part of those good offices which we stand in need of. It is not from the benevolence of the butcher, the brewer, or the baker that we expect our dinner, but from their regard to their own interest. We address ourselves, not to their humanity but to their self-love.
Ang kanyang panawagan ay isinantabi ng mga higanteng kompanya. Ano ba naman ang silbi ng negosyo kung hindi kikita ang isang negosyante? Madalas kong marinig sa karamihang Pilipino na kung may pera lang sila ay mag-nenegosyo sila upang yumaman at umahon sa hirap. Ngunit, ang bansang Pilipinas na napailalim sa matagal na pananakop ng mga dayuhan ay hindi nasanay sa ganitong kaisipan. Kadalasan ay nagiging palaasa ang ating bansa sa mga mayayamang bansa na may malaking impluwensiya sa ating ekonomiya. Kung baga, humihingi tayo nang habag sa dayuhan upang pagtakpan ang kahinaan ng ating pamahalaan. Bunga nito ay nagkakaroon ng pagmamalabis sa konsepto ng walang pakikialam sa hanay ng mga higanteng oil players.
Alam nila na ang pagkontrol sa kanilang kagustuhan ay magdudulot ng mababang kita sa kanilang hanay. Panatag sila na kaya nilang paglaruan ang merkado dahil ang langis ay isang malakas na puwersa sa pagpapataas ng presyo ng mga bilihin. Ang pagbinbin sa suplay nito ay magdudulot ng mababang produksyon at mahinang kita sa sektor ng industriya. Kapag nagpatuloy ang ganitong suliranin, magdudulot ito ng mahinang koleksyon ng buwis. Alam nanam natin na ang buwis ay isang instrumento upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan. Kapag mahina ang koleksyon ng buwis ay hindi maipapatupad ng pamahalaan ang mga proyekto nito. Ito ay magdudulot ng kawalang tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan. Bungsod nito, maaring maganap ang ligalig sa lipunan (social unrest). Mapapansin na binabalewala ng mga kompanyang ang hustisyang panlipunan (social justice), alam naman nila na naharap sa sunod-sunod na dagok ang ating bansa dulot ng kalamidad. Pero, bakit tila ayaw nilang magpasakop kahit na sa maikling panahon lamang? Hindi ba't ito ay taliwas sa aral ni Smith. Hindi ba puwedeng tignan nila muna ang kapakanan ng mga nasalanta ng kalamidad, bago ang kita. Ang kasalukuyang presyo ng langis ay hindi magpapalubog sa kanilng negosyo. Nais lamang nilang samantalahin ang BER month na kung saan ay mas malakas ang pagkonsumo ng langis. Sa bagay hindi naman maiintindihan ng mga dayuhan ang kulturang Pilipino, kahit pa sabihin na ang mga managers nito ay dugong pinoy. Para sa kanila ang negosyo ay negosyo kahit na maraming naghihingalo.
Ano ang kaugnayan ng Price Control sa pagkalusaw ng suplay ng langis sa bansa?
Kagabi lang ay nagpakarga ako ng langis. Bago pa makalapit ang dyip sa outlet ay sinigaw na ng isang gasoline boy na ubos na ang kanilang diesel na pangunahing ginagamit sa hanay ng transportasyon sa bansa. Ang sigaw ng drayber ay nag-ho-hoard na naman kayo. Ang binitiwang salita ng isang drayber ay ang tunay na kulay na sistemang Oligopolyo na umiiral sa bansa. Tila ba nagmamalaki ang mga may-ari ng langis na kayang-kaya nilang paralisahin ang indunstriya ng bansa kung hindi pagbibigyan ang kanilang kahilingan. Magmula kasi ng hatawin ang ating bansa ng sunod-sunod na bagyo, at naapektuhan nito ang kabuhayan ng maraming Pilipino sa Luzon, kayat pinag-utos ng pangulo ang mahigpit na monitoring ng mga presyo ng bilihin sa pamamagitan ng Price Control. Kapag ang isang bansa ay nasa ilalim ng state of calamity ay may kapangyarihan ang pangulo ng bansa na ipagbawal ang agarang paggalaw ng presyo sa merkado. Ang kakulangan kasi sa mga pangunahing pangangailangan ay magandang pagkakataon upang samantalahin ng prodyuser na pataasin ang presyo. Ang ganitong konsepto ay nakabatay sa batas ng suplay ar demand. Sa ganito kasing pagkakataon ay napakataas ng demand ng mga mamamayan sa pangunahing produkto. Ang kondisyong ito ay magbibigay ng magandang bentahe sa mga negosyante na kumita ng mas malaki.
Ayon sa Price Act (Republic Act 7581). Price manipulation is declared illegal under this law. There are three acts considered as price manipulation, punishable by imprisonment:
(1) Hoarding, which is the undue accumulation by a person or combination of persons of any basic commodity beyond his or their normal inventory levels or the unreasonable limitation or refusal to dispose of, sell or distribute the stocks of any basic necessity of prime commodity to the general public or the unjustified taking out of any basic necessity or prime commodity from the channels of reproduction, trade, commerce and industry.
(2) Profiteering, which is the sale or offering for sale of any basic necessity or prime commodity at a price grossly in excess of its true worth.
(3) Cartel, which is any combination of or agreement between two or more persons engaged in the production, manufacture, processing, storage, supply, distribution, marketing, sale or disposition of any basic necessity or prime commodity designed to artificially and unreasonably increase or manipulate its price.
Ano ang kaugnayan ng langis sa presyo ng mga bilihin?
Nahihirapan ang mga nanay sa pag-budget ng kita ng kanilang asawa. Bukod sa patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay higit na tumataas ang cost of living sa kalakhang maynila. Hindi sapat ang P385 pesos na minimum wage kada araw, sa kasalukuyan ang bawat pamilya ay kailangang gumastos ng P600. upang makakain ng masusustansyang pagkain at mabuhay na matiwasay sa bawat araw. Samantalang ang daily cost of living sa buong bansa ay nagkakahalaga ng P517.60. Ipinapakita lang ng datos na ito na karamihan sa mga Pilipino ay nabubuhay sa poverty line. At nagpapatunay lamang na ang kahirapan parin ang pangunahing mabigat na suliranin ng bansa. Kahit na sabihin na gumaganda ang takbo ng GNP at GDP bilang economic indicators. Hanggat hindi nararamdaman ng karamihang Pilipino ang tamang pasahod at seguridad sa kabuhayan ay hindi masasabing may nagaganap na pag-unlad sa bansa.
0 comments:
Post a Comment