BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Tuesday, November 10, 2009

GINTONG DAHON NG PANAHON




"Nanay naman, eh, di ba sabi ko sa 'yo h'wag kang iihi sa higaan mo. Napakahirap atang maglaba ng kumot at kutson. Nakakapagod kayang maglaba maghapon para lamang mapatuyo yung mga ito. Pasaway talaga kayo."

Panay ang reklamo ni Aling Elvie sa kanyang walongpung taong gulang na ina na si Lola Rosing. Bago mamatay ang kanyang ama ay hinabilin sa kanya nito na h'wag pababayaan ang ina. Alam kasi nya na hindi ito iintindihin ng kanyang mga kapatid. Abala ang mga ito sa kanilang trabaho sa Amerika, kaya napilitan silang pabalikin ang ina sa Pilipinas para mas maalagaan. Nakukulitan na ang kanyang mga anak sa ugali ng ina. Naabala ang trabaho nila, dahilan upang mamiligro ang kanilang posisyon sa oipisina. Hindi nila maintindihan ang inaasal nito. Laging nagpapapansin at humihingi ng atensyon. Dahil sa kanyang kakulitan ay naisipan nila na dalhin sya sa tirahan ng mga matatanda upang higit na maalagaan. Nang tumagal ang isang linggo na hindi nya nakikita ang mga ito ay bigla itong nagwala at nagpumilit na lumabas para hanapin sila. Muntik na syang masagasaan ng sasakyan. Buti na lang ay nahatak sya ng isang pinoy na naglalakad sa tabi ng kalsada.

Ibang-iba siya sa mga matatanda sa Tate. Madaling matanggap ng mga tao sa bansang ito na kapag mahina na ang kanilang katawan ay kailangan na silang ihiwalay sa mga pamilyadong anak upang hindi sila maging sagabal sa kaunlaran ng bansa at batang populasyon. Nakasanayan na kasi ng mga kanluraning bansa na ilagak ang mga matatanda sa isang institusyon na kumakalinga sa mga matatanda-- kapalit ng salapi. Mahalaga ang modernisasyon para sa bagong henerasyon. Kailangang kang makasabay sa bilis ng pagbabago, kailangang maging handa sa pagsulpot ng bagong teknolohiya, at higit sa lahat ay kailangan mong paunlarin ang iyong kasanayan sa bawat aspeto ng pagbabago.

Noong kalakasan pa ni Lola Rosing ay ginawaran sya ng plake ng pagkilala bilang natatanging ina ng isang institusyon na kumikilala sa husay at galing ng mga ina. Umani ito ng papuri mula sa iba't ibang sektor ng lipunan, ang sipag at tiyaga ni Lola Rosing na itaguyod ang sampung anak ay labis na hinangaan. Humanga sa kanya ang publiko dahil nabigyan nito nang magandang buhay at kinabukasan ang lahat ng kanyang mga anak na sya lamang ang nagtaguyod sa kanilang pag-aaral. Hindi magkamayaw ang dagundong nang mga palakpak matapos nyang ibahagi ang kanyang buhay sa mga tagapakinig. Karamihan ng mga inang nakapakinig ng kanyang mensahe ay nagkaroon ng lakas ng loob na tularan ang kanyang magandang halimbawa. Para sa mga kababaihan sya isang patron ng ulirang ina.

@@@@

Dalawangpung taon na ang lumipas ng una nyang mahawakan ang plake nang pagkilala sa kanyang pagiging isa sa kinikilalang pinaka-mahusay na ina sa bansa. Bawat gabi ay pinipunsan nya ang plake, niyayakap at kinakausap kung tunay ba ito o isa lamang dekorasyon sa kanyang pagkatao. Madalas syang umiiyak sa tuwing pagmamasdan ang mga larawan na kanyang inipon sa photo album. Lagi nya itong bitbit at madalas na binubuklat. Madalas bumabalik sa kanyang mga ala-ala ang masasayang sandali ng sila ay sama-samang nagpapatakbo ng negosyo. Napapangiti sya sa tuwing lumalakas ang hihip ng hangin. Napapapikit sya at dinadama ang mga sandali na kapit-kamay silang namamasyal sa tabi ng dagat at magkaulayaw na namumulot ng sigay upang gawing pitaka at ibenta sa bayan.

Kinukurot ang kanyang puso kapag nararamdaman nya ang matinding sikat ng araw na humahalik sa kanyang balat. Naiisip kasi nya ang magugulong sandali na hilong talilong sya sa paghahagilap ng pera para makabili ng gamot sa tuwing inaapoy ng lagnat ang kanyang mga anak. Nahihirapan syang huminga sa tuwing papatak ang ulan; na-iisip nya ang mga sandaling pinagsasaluhan nila ang tuyo at tutong na kanin sa kasagsagan ng bagyo. Tinangay pa nga ang bubong ng kanilang bahay na dinaganan lang ng mga pinaglumaan na gulong ng sasakyan at kapirasong pako na hiningi pa sa kapit-bahay. Kumikirot ang kanyang mga kalamnan sa tuwing magugunita nya ang masaya nilang salo-salo sa araw ng pasko.


Malimit syang hindi dalawin ng antok. Malimit syang nagsusulat at kumakanta ng mga lumang awitin na nilikha nya para sa kanyang mga anak. Pinipilit nyang pumainlanlang ang mga himig ng musika sa hangin at aliwin ang gabi nang mga naglahong halakhakan, iyakan at pangako na tila ginuhit sa tubig. Malimit syang nagsisisi kung bakit pinili nya pang mag-aral at manirahan ang kanyang mga anak sa lupaing kanyang tiningala at sinamba na magbibigay sa kanila ng magandang buhay at matatag na kinabukasan. Nagsisisi sya kung bakit hinayaan nyang lamunin ang mga ito ng mga asal at kultura na taliwas sa kanyang nakamulatan at nakasanayan. Nagsisisi sya dahil nakalimutan na nila kung saan sila nagmula.

Kinalimutan na nila ang kanilang sariling wika, inayawan na ang mga pagkaing dati rati'y pinag-aagawan nila sa hapag kainan, at ayaw na nilang lumingon kung saan sila nagmula. Labis ang kanyang pagsisisi at tinalikuran nya ang kanyang sariling bayan, alang-alang sa pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. Iniiyak nya na lamang sa tahimik na sulok ang mga mapapait nakaraan na parang mga tinik na sumusugat sa kanyang puso.

@@@@

Natatakot sya na sumapit ang dilim at maglaho sa kanyang paningin ang silahis ng araw. Ayaw nyang agawin ng dilim ang liwanag. Itinuturing nyang kaaway ang dilim sa loob ng tahanan. Kapag ito'y sasapit ay nabibingi sya sa mga mga mahihiwagang tinig na bumabalot sa buong paligid at pumapalupot sa kanyang puso. Tinig na nagsusumamo sa nakakabatang henerasyon na mahalaga parin sya sa lipunan. Nangangailangan sya ng pagmamahal at pag-aaruga mula sa mga taong inalayan nya ng pagmamahal at binuhusan ng lakas. Nabibingi sya sa bawat panaghoy ng mga matatandang kanyang kaulayaw sa loob ng tahanan.

Tulad nya ay madalas nilang tawagin ang pangalan ng kanilang mga anak. Tulad nya ay binubuklat nito ang mga larawang nagsisilbing saksi sa pagmamahal sa mga anak. Kinakausap nya ito na parang mumunting mga bata na patuloy na naglalaro sa kanyang puso. Ang mga larawang iyon ay nagbibigay ng kulay sa kanyang buhay na patuloy na labanan ang mga pighati na dulot ng katandaan. Madalas ay nakakalimutan na nya kung saan nya inilapag ang mga bagay na gagamitin nya, pero hinding-hindi nya nakakalimutan ang mga maliligayang panahon na nag-umpisang umiyak ang kanyang mga anak, idinuyan sa kanyang braso, inalayan ng sariwang gatas, ang mga hikbi nito na nagsilbing musika sa kanyang pandinig, ang araw na narinig nya itong magsalita nang pabulol, unang araw na narinig niya sa kanilang mga tinig ang salitang "nanay", taon nang sila ay unang naglakad, mga araw na tinuturuan nya itong magsulat at buong giliw na hinahatid sundo sa paaralan.

Habang lumalalim ang gabi ay lalong lumalalim ang pitak sa puso ng mga matatandang inihiwalay sa tunay nilang tahanan. Ang bawat tikatik ng orasan ay tikatik ng kanilang isipan at pagsambulat ng damdamin sa gitna ng dilim. Ang dilim ang nagsisilbi nilang kaaway sa pag-ikot ng daigdig sa bawat araw. Ito ang humuhukay sa nakahimlay na kasaysayan. At nagsisilbing libingan ng kanilang panaghoy.

Namulat sya na hindi nagsisinungaling ang pag-ibig. Ang panaghoy ay hindi namimili ng lipi, kultura at kasarian. Pilit lamang tinatago ng bagong henerasyon at tunay na kahulugan ng pagmamahal. Nasisilaw ang bagong henerasyon sa hitik na hitik na teknolohiya. Iniisip na lang ni Lola Rosing na katawan nya lang ang tumatanda, hindi ang puso nya. Nagbabago ang daluyong ng panahon, pero ang pagmamahal nya ay nananiling sariwa para sa kanyang mga anak. Ang katawan nya ay kakainin ng lupa, ngunit ang kanyang pagmamahal ay maiiwan sa puso't isipan ng kanyang mga anak na tila nakalimot sa halaga ng gintong dahon ng panahon.

0 comments: