"Pangalan?"
"Boknoy."
"Tirahan?"
"Bahay po."
"Punyemas!" Ang nanggagalaiting hiyaw ni SPO1 Kotong Harang.
Nakahilerang naka-upo sa puting monoblock na silya ang magkukumpareng Boknoy, Badong, at Bosyong sa loob ng presinto uno. Manghang-mangha ang mga ito nang bigla silang damputin at bitbitin ng mga pulis at pilit na isinakay sa loob ng mobile car.
Nagkakasiyahan silang nag-iinuman sa Pasilyo Bar nang magulantang sila sa isang napakalakas na lagapak ng katawan ng tao sa semento na malapit sa kanilang pwesto. Humandusay na lang ang matandang lalake sa sahig at nangingisay-ngisay pa. Ilang minuto ang lumipas ay dali-daling binitbit ang nakahandusay na manong at isinakay sa ambulansiya at sinugod sa malapit na Ospital.
Parang binuhusan ng isang case na beer ang mga taong nagkakasiyahan at nag-iinuman sa loob ng Bar nang magdatingan na parang mga lawin na may dadambain ang mga pulis na kargado ng armalite, magnum 45 at tangke na nakaabang sa labas.
"Walang kikilos nang pasuraysuray kung ayaw n'yong samain!" hiyaw ni SPO1 Kotong Harang.
Maya-maya ay may lumapit na dalawang pulis na nakasuot ng itim na t-shirt na may nakasulat na SOCO sa lugar na kinabagsakan ni manong. Tila may sinuri ang mga ito sa sahig. Dumukot ng chalk sa bulsa, binilugan nito ang isang tipak ng suka ng tao na nakakalat sa semento. Sunod nitong kinuha ang malapad na dilaw na tali na may nakasulat na POLICE LINE DO NOT CROSS, pinaikutan nito ang lugar na pinangyarihan nang pangingisay ng biktima. Matapos yon ay kumuha ng lapis ang isang pulis na imbestigador at may drinowing sa papel. Sunod nitong minarkahan ang mesa nila Boknoy at nilagyan ng numero at kinunan ng larawan.
"You have the rights to remain silent until proven guilty without any reasonable doubt."
"Boss...chief naman. Ano bang kasalanan namin?"
"Kayo ang pinagbibintangan na nagkalat ng SUKA sa sahig na ikinamatay ng matandang lalake."
"Ows! Di nga."
"Sa korte ka na lang magpaliwanag."
"E,pano nangyari yun...ni hindi pa nga kami nalalasing at nagsusuka."
"Tsk...tsk...tsk...sino bang lasing na umamin na lasing sya. Ang kadalasan lang namang sinasabi ng lasing ay nakainom lang 'to kahit na pasuraysuray sa daan at panay ang kalat ng suka sa kalsada. Antayin n'yo na lang ang resulta ng alcoholic at DNA tests ng laway n'yo. Whag kayong mag-alala, magiging patas naman ang imbestigasyon dahil mag-co-conduct kami ng autopsy sa huling kinain at ininom ng biktima."
"Wala naman talaga kaming kasalanan sir."
Pansamantalang ikinulong sila Boknoy habang inaantay ang resulta ng pagsusuri sa kanilang nainom at laway.
Mabusing sinuri sa laboratoryo ang mga dura at laway nila Boknoy, Badong at Bosyong. Matapos ang mahabang pagsusuri ay lumabas sa pag-aanalisa ng SOCO na hindi nagtugma ang suka nila sa suka na nasa sahig na dahilan nang kinamatay ng manong. Pinalaya ang magkukumpare. Samantalang nakakuha ng lead ang mga alagad ng batas sa katauhan ng tunay na suspect sa pagkamatay ng matanda batay sa CCTV Camera ng Bar. Ayon sa video, nagmula ang suka sa isang lalake na kamukha ni SPO1 Kotong Harang na kasalukuyang nagtatago at kinilala na isang Serial Killer sa pagsusuka sa mga beer house.
Sunday, January 24, 2010
SERIAL KILLER
Posted by Nathan at 7:41 AM 0 comments
Tuesday, January 19, 2010
SANIB
"'Whag po...whag po!"
"Shihihihihihhi....dididididi...."
"Ano na naman 'yan Carla nag-e-emote ka na naman 'dyan. Pinapraktis mo na naman yang karakter mo sa susunod n'yong pagtatanghal sa teatro. Sige na magaling ka na, pang-Oscar, Famas, Academy, Maria Clara, Golden Globe, Pinakbet, Kaldereta, Reyna Elena at Bubble Gang 'yang drama mo. Kahit nga pang Horror Awards pwedeng-pwede ka na."
" (Didididi....) May ma-mamang nakatayo sa tapat ng pintuan. Namumula ang mga mata. Nagbabaga ang mga kamay. Umuusok ang bibig."
"Ano 'yan...Flame of Recca at kanyang mga Dragons. Ikaw talaga lakas na naman ng trip mo. Ilang Boy Bawang na naman ba ang tinira mo at nagkakaganyan ka. Klasmeyt bigyan nyo nga piso 'to para matahimik na sa kanyang kahibangan."
Sabay-sabay na naghagis ng piso ang kanyang mga kaklase.
"Hahahaha....wala namin kaming nakikitang tao sa pintuan. Sa susunod mag-Promil ka na lang. Hindi Gold ah, kundi Promil Platinum...para naman multi-awarded yang acting mo," ang tudyo ng kanyang mga mag-aaral.
Biglang natumba sa kanyang kinauupuan si Carla at nawalan ng malay. Natigilan ang kanyang mga mag-aaral at nataranta ng makita nilang bumagsak ang katawan nito sa semento at ilang beses na nagpagulong-gulong.
"Ay naku! Carla, anong nagyayari sa'yo?"
"Kumuha kayo ng tubig! Bilisan mo Boknoynoy!"
Agad siyang nag-atubili sa pagbili ng mineral water sa Canteen. Hinihingal nya pa itong iniaabot sa besprend ni Carla na si Karen.
"Besprend! Gumising ka at uminom ka muna ng tubig."
Nakahinga sila nang maluwag ng makita nila na nagkakamalay na ito. Subalit, bigla silang nahindik sa sindak ng makita nilang nag-iiba ang aura ng mukha nito, namumula ang mga mata, umuusok ang bibig at parang nagliliyab ang mga kamay. Kinikilabutan sila sa nerbiyos nang masilayang umangat ang katawan nito sa hangin. At patiwarik itong naglakad sa kisame.
"Totoo nga ang sinabi nya kanina na may nakikita syang lalake na nakatayo sa pinto. Tignan n'yo! Hindi ba't sumanib sa kanya ang kaluluwang ligaw!" ang nagtititiling sindak na sambit nilang lahat.
Agad na kumuha ng krus si Boknoynoy at itinapat kay Carla.
"Kung sino ka mang impakto ka layuan mo ang kaklase namin...Titigan mo ng mabuti ang krus na ito! Sa pamamagitan nito ay matutunaw ka!" ang pangigigil na pagbubulyaw ni Boknoynoy.
"Bwahahaha...kanina pa ako nakatitig d'yan. Hindi mo ako matatakot sa hawak mong krus."
"Bakit hindi ka natatakot sa krus, ha!?"
"Bata...sagrado Katoliko din ata ini. Araw-araw ata akong nagrorosaryo, at mahilig din akong mangolekta ng iba't ibang uri ng krus. Ang paborito ko pa nga ay ang krus ng Black Nazarene."
Nanlaki ang mga mata niya siya sa paliwanag ng ligaw na kaluluwa. Bigla niyang naisip na may ipinabaon pala sa kanya ang kanyang nanay na Holywater. Naalala niya na mabisang sandata ito na pantaboy ng mga masasamang espiritu.
"Sige, kapag hindi ka pa lumayas sa katawan ng kaklase ko...Wiwisikan kita ng sagradong tubig at maglalaho ka ng parang bula," panakot nito.
Nagunit bago pa man niya maisaboy ang Holywater ay mabilis na dinalikwat agad ito ng mahabang buhok ng dalagita. Napakunot-noo siya nang harap-harapang lagukin nito ang sagradong tubig sa botelya.
"Swabe! Ang sarap pala ng mineral water n'yo. Sa susunod, 'yung alkaline water naman ang dalhin mo, mas mabuti kasi yun sa katawan. Tinatanggal kasi nito ang mga toxins sa katawan ng tao. Now you know."
Napangiwi silang lahat sa labis na pagtataka. Naging palaisipan tuloy sa kanila kung anong uri ng kaluluwa ang sumanib sa kanilang kamag-aral. Isang solusyon na lang ang kanilang naisip. Sa tingin nila ito na ang pinakamabisa sa lahat ng pangontra. Kumuha sila ng Bawang, dinikdik ito at ipinahid sa katawan ni Carla.
"Ano ba naman kayo, hindi n'yo ba alam na mabaho ang Bawang. Wala naman kayong ka-eti-etiketa sa katawan. Mas masarap ang Bawang kapag ginawang garlic bread."
Sa oras na 'yon ay nawiwindang sila sa kahahanap ng solusyon kung paano mapapalayas ito sa katawan ng kanilang kaklase. Naisip ni Karen na dala niya pala ang kanyang Biblia. Itinapat niya ito kay Carla.
"O, sige aalis lamang ako sa katawan ng inyong kaibigan kung masasagot n'yo ang aking katanungan," hamon ng ligaw na kaluluwa.
"Deal...," ang sabay-sabay na pagtanggap nila sa hamon.
"Sa ilang pirasong pilak ipinagkalulo ni Hudas si Jesus?"
Parang napako ang dila nila sa oras na iyon.
"Ah, 20 pilak."
"Hay naku, ano ba namang kristiyano kayo hindi niyo masagot ang napaka-simpleng tanong ko. Mali! 30 kaya," panglalait sa kanila nito.
"Isa pa. Ilang beses ipinagkalulo ni Pedro si Jesus?"
" Apat!" ang matikas na sabot ni Boknoynoy.
"Noobs. Mali parin!"
"Teka, ako naman ang maghahamon. Kapag natalo kita lilisanin mo ang katawan ni Carla," pagmamalaki ni Boknoynoy.
"Sige ba. Pero kapag natalo kita, ang katawan mo ang kukunin ko at gagamitin ko,"ang pagbabanta ng ligaw na kaluluwa.
"Deal," ang pagtanggap na hamon ni Boknoynoy.
Hinamin niya ito sa larong pinoyhenyo. Kumuha ng panyo si Boknoy at itinali sa noo ni Carla. Iniabot naman sa kanya ni Karen ang kapirasong papel at pentel pen. Sinulatan niya ito. Dinikitan ng scoth type at dinikit sa noo ng sinasanibang kamag-aral.
"Tao ba ito?" tanong ng ligaw na kaluluwa.
"Hindi!" sagot ng mga mag-aaral.
"Gamit sa bahay?"
"Hindi!"
"Nakikika kung saan-saan?"
"Pwede!"
Sobrang nahirapan ang ligaw na kaluluwa na hulaan ang anyong tao, katawa'y kabayo: na ang sagot ay TIKBALANG. Napansin nila na mahina pala ito sa panghuhula ng mga maligno at impakto.
"Dinaya n'yo ako panay kasi Biblia ang binabasa ko. Akala ko kasi patungkol dun ang itatanong n'yo. Wala pa naman akong kahilighilig na pag-aralan ang mga maligno, impakto at kung anu-anong kababalaghan. Di bale sa susunod na paghaharap natin tatalunin na kita. Aalis muna ako para mag-research."
Nanghisay si Carla hanggang sa nawalan ito ng malay. At nang mahimasmasan...humagulgol ito sabay yakap sa kaibigan. Wala na ang mapupulang mata nito at kalmado na ang kapaligiran.
Posted by Nathan at 7:00 PM 0 comments
Sunday, January 17, 2010
PANIS NA ALAK
"Tagay pa!"
"Kampay...kampay!"
Kilala ang Kalye Laklak na pugad ng mga sunog baga. Masyadong talamak raw sa alak ang mga kalalakihan sa kalyeng ito. Sa katunayan ginagawang pangmumog ng mga ito ang Gin, pananghalian ang Redhorse, hapunan ang Matador at pangbanlaw kinabukasan ang Beer. Ang ganitong uri ng tanawin ay masisilayan sa tuwing sasapit ang araw ng sabado at linggo. Makikita mong bumabaha ang alak sa kahabaaan ng kalsada. Ang kondisyong ito ay naging mabigat na suliranin ni Kapitan Boknoy. Masyadong nangangamba ang mga ina ng tahanan na baka kalakihan ng mga bagong sibol ng kabataan ang ganitong uri ng libangan ng mga gurang na kalalakihan. Madalas din ang away ng mga lassenghot, kapag napanis na ang alak na kanilang pinagsasaluhan. Naging popular ang salitang ito dahil napuna ng mga kababaihan na kapag naghalo-halo na ang mga inumin na tinutungga ng mga sunog baga ay panay ang suka ng mga ito at sinasaniban sila ng masamang espiritu.
Dinumog si Boknoy ng mga kababaihan sa Barangay, hinikayat siya ng mga ito na gumawa ng isang programa na kung saan ay malulutas nito ang suliranin na kinakaharap ng kanyang nasasakupan. Pinag-aralan niya ang suhestiyon ng mga higit na nakakaunawa sa lumalalang sitwasyon ng Kalye Laklak . Naisip niya na kung pagbabawalan niyang magtinda ng alak ang mga tindahan sa nasabing lugar ay hihina ang koleksyon ng buwis ng pamahalaanag lungsod na magiging sanhi ng pag-liit ng kanilang budyet. Kapag naganap ito ay hindi niya na maipapatupad ang iba pang mga serbisyong pampubliko para sa kanyang mga kababayan.
Bilang solusyon ay napagpasyahan niya na maari namang mag-inuman at hindi magsara ang mga tindahan ng alak. Hinikayat niya ang kaniyang mga kagawad na aprubahan ang kanyang kautusang pambarangay na sasagot sa suliranin sa lumalaking bilang ng mga sunog baga at paglaganap ng panis na alak sa kanyang nasasakupan. Imbis na matuwa ang mga ito ay puro halakhak lang ang itinugon nila. Suntok sa buwan raw ang kanyang iminumungkahi. Baka magmukha raw Health Center ang Kalye Laklak at magiging sentro raw ng katatawanan ang kanilang barangay. Maya-maya lang ay kaliwa't kanan na ang palitan ng mga kuro-kuro sa pagdedebate. Sa bandang huli ay nanaig din ang kagustuhan ni Boknoy. Pagkatapos maripaso ang kautusang pambarangay bilang lima sa taong kasalukuyan ay agad ipinatawag ang mga sunog baga sa Kalye Laklak. Dahil tumapat sa araw ng linggo ang pagpupulong; lasing na dumalo ang mga kalalakihan. Ipinaliwanag ni Boknoy na simula sa susunod na linggo, ang sinumang hindi gumamit ng droplets kapag nag-iinuman ay pagmumultahin ng P1000. Pinapahintulutan parin naman ang pag-iinuman, subalit kailangan ang bawat isa sa kanila ay gagamit ng droplets. Ipinagbawal na ang paggamit ng baso, pitsel at paglagok ng alak sa bote. Kailangan talaga nilang gumamit ng droplets para masabing lihitimo ang kanilang inuman.
Natuwa naman ang mga kababaihan sa nakitang pagbabago sa kanilang lugar. Subalit ang mga sunog baga ay hindi nasisiyahan sa nagaganapn nilang inuman. Pakiramdam nila ay para silang mga bagong sanggol na umiinom ng vitamins sa kanilang tagayan.Hindi na nga nila matawag na toma ang kanilang kasiyahan dahil bago maubos ang isang bote ng serbesa ay inaabot nang isang oras ang pagsimot nito. Nangangawit na rin ang kanilang kamay at ngalangala sa pagsipsip ng alak sa droplets. At dahil parusa para sa kanila ang ganitong paraan nang pag-iiinom ay gumana ang kanilang imahinasyon kung paano malulutusan ang parusa ni Kapitan. Napagkaisahan ng grupo ng sunog baga na magpagawa ng droplets na kasinglaki ng tsupon para naman maramdaman nila ang amats ng alak. Nang sumapit ang araw ng kanilang hapi-hapi ay may bitbit na tig-iisang droplets na kasinglaki ng tsupon ang mga nag-iinumang kalalakihan. Naganap na naman ang kinatatakutan ng mga kababaihan, maingay na naman ang lugar, at panay ang suka na naman ng kanilang mga asawa. Nang makita ito ni kapitan Boknoy ay napakamot na lang siya sa ulo. Paano nga naman niyan papatawan ng parusa ang mga sunog baga, e droplets parin namin ang gamit nila. Di naman kasi nakasulat sa kanyang kautusan ang laki at haba nito.
Posted by Nathan at 5:53 PM 0 comments
Wednesday, January 13, 2010
PANLILIBAK: SI OSANG TALAGA PANG SHOWTIME
Naging bulong-bulungan at usap-usapan sa bawat paaralan ang komento na ibinigay ni Rosanna Roces O mas kilala bilang Osang, na nabigyan ng pagkakataon na maging hurado ng programang Showtime. Makatwiran ba ang kanyang naging reaksyon bilang hurado ng Showtime? Tama ba ang kanyang naging pahayag? May karapatan ba siyang manlibak ng mga kaguruan?
Ang Showtime ay nagtatanghal upang ipamalas ang angking talento ng mga pinoy sa iba't ibang aspeto. Ito ay isang pagkakataon upang maipamalas ng sinumang lalahok dito na ang isang simpleng tao ay may kakayahang magpasikat sa buong bansa. Upang maging ganap ang paghuhusga, ang naatasang hurado ay binibigyan ng pagkakataon na ipahayag ang kanyang kuro-kuro, hinggil sa ipinakitang gilas ng bawat kalahok. Susuriin niya ang estetika, mekanismo, pagiging malikhain, kasuotan, konsepto, at dynamiko ng presentasyon. Magpapahayag ang hurado upang kilatisin kung pumasa ba sa kanyang panlasa ang istilo ng presentasyon o di kaya naman ay magbigay ng makabuluhang suhestiyon upang magamit ng mga kalahok sa kanilang pakikipagsapalaran sa inaasam na ambisyon. Nang magkamali ang isang kalahok sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa pamilya ni Rizal ay hindi ito pinalagpas ni Osang. Ayon sa kanyang pahayag,
"...murahin mo ang teacher mo. Ako minura ko ang teacher ko nang hindi niya nasagot sa akin ‘yan. Oo, walang hiya yang mga teachers na ‘yan hindi sinasabi ang totoo sa atin. Kaya kayong mga kabataan ‘whag kayong makontento sa mga itinuturo ng libro at mga teachers. Magtatanong po kayo hindi masama iyon...dahil ang mga teachers they were just repeaters. Itinuturo nila kung ano ang naituro sa kanila, hindi na nila itinuturo ang gustong malaman ng mga bata."
Walang masama ng kastiguhin ni Osang ang maling impormasyon na naipahayag ng isang kalahok. Dapat naman talagang winawasto ang isang pagkakamali lalo na't live na pinalalabas ang programang ito. Subalit, ano kaya ang intensyon niya para sabihing dapat MURAHIN ang mga kaguruan? Ibig sabihin ba niya, lahat ng guro sa buong bansa ay guro ng nasabing bata. Hindi man lang niya tinatong ang bata kung nakikinig ba siya noong panahon na nagtuturo ang kanyang guro o nagbabasa ba ito ng libro. Nagbigay siya agad na isang pangkalahatang pahayag na lumilibak sa kakayahan ng mga guro.
Maging ang nakasulat sa libro ay kanyang kinondena. Pero sinabi niya na dapat nagsusuri ang mga kabataan sa internet o di kaya naman ay nagtatanong. Kanino ba dapat magtanong ang isang mag-aral kung walang hiya naman pala ang mga guro? Sa mga hayop ba, bundok, puno at mga tala sa kalangitan. Dapat raw na magsuri ang mga kabataan sa internet para matuto. Ibig sabihin ba nito, hindi na maituturing na karagdagang babasahin ang mga detalyeng makukuha sa mga web sayt. At san ba nagmula ang mahahalagang detalye na nasa web ngayon, hindi ba't mula ito sa mga nalimbag na libro na masusing pinag-aralan ng mga guro. Ang mga guro raw ay repeaters lamang . Itinuturo nila kung ano ang naituro sa kanila. Sang-ayon naman ako rito, pinag-aaralan natin ang mga bagay na napag-aralan na ng ating mga ninuno. Kailan mo ba matutunan ang isang bagay? Sa isang pasadang pagtuturo o pagbabasa; tapos ay gagawa na tayo na sarili nating konklusyon at prinsipyo batay sa ating pagkaunawa. Hindi ba't ang batas na siyensya ay pinagtitibay ng mahabang panahon-batay sa pagsusuri at sandamakmak na pagsusuri.
Natural na ulitin ng guro ang mga impormasyon sa asignatura na kung saan siya nagpakadalubhasa. Maging ang buhay at katha ni Rizal ay paulit-ulit na pinag-aaralan at binibigyan ng bagong bihis. Batay sa makabuluhang interpretasyon ng mga nagdadalubhasa sa kanyang kontribusyon at pagkatao bilang isang bayani ng bansa. Nangangahulugan ba ito na kapag narinig mo na ang katha at buhay ni Rizal sa isang pasada-- ay ayos na? Binabalikan natin ang mga impormasyon upang tumatak sa ating isipan na mas malalim at makabuluhan ang isang konsepto upang magamit natin sa ating susunod na pagsusuri. Maging sa pagpapalaki ng isang anak ay kailangan mong ulit-ulitin ang mga impormasyon na gusto mong maipabatid upang tumimo sa kanyang isipan kung ano ang dapat at hindi dapat.Bawat taon naman kasi ay iba't ibang uri ng mag-aaral ang hinahawakan ng isang guro. Kayat natural na ang naituro sa nakalipas na batch ay dapat mo ring ituro sa susunod na batch. Kapag may mga pagbabagong nagaganap sa bawat asignatura ay inihahain naman ito ng guro sa mga mag-aaral upang higit na mapalawak ang kanilang kaalaman.
Marahil ay tatanggapin ko nang maluwag sa aking kalooban kung ang nagpahayag ay si Mr. Efren Penaflorida. Higit siyang nakakaunawa sa kalagayan ng isang guro. Nagsusumikap siya upang iangat ang antas ng edukasyon sa bansa ng hindi umaasa sa pamahalaan. Maging ang dating sex symbol na si Ms. TeTchie Agbayani ay isa ng guro ngayon. Samakatuwid, sino ba si Osang? Taglay niya ba ang modelong karakter upang manlibak ng guro. Nararanasan niya ba at naiintindihan ang paghihirap ng isang guro? Taklesa na siya kung taklesa. Ngunit ang kanyang nililibak ay isang institusyon na naghahasik ng binhi upang maiangat ang dignidad ng ating bansa. Isang institusyon na hindi nagpapasikat, bagkus ay tumutulong na pasikatin ang mga kabataan. Mga gurong hindi humaharap sa ningning ng kamera. Kinang ng kasikatan. Kundi sa ningning ng bokasyon na magbigay ng sulo ng tagumpay nating lahat.
Posted by Nathan at 2:44 AM 0 comments
Thursday, January 7, 2010
TAMBUTSO
Swabe ang tunog ng bagong Motorsiklo na kinuha ng papa ni Tsokoy bilang regalo sa kanyang nalalapit na kaarawan. Honda Wave 100R ang tatak, pinaghalong itim at asul na kulay ang flarings nito, makintab, makinis, malambot ang upuan, malakas ang ilaw at higit sa lahat ay Brand new--- kahit na hulugan. Matagal din n’yang pinapangarap na magkaroon ng isang bagong modelong motorsiklo. Napag-iiwanan na sya ng kanyang mga katropa sa kasikatan, papormahan, gimikan, at impluwensya sa kanilang samahan na binansagang mga anak ng tambutso. Karamihan ng kanyang mga kaibigan ay may sarili ng motorsiklo.
Kung sa yaman at yaman lang ang batayan ng kasikatan ng kanilang samahan ay hindi magpapahuli si Tsokoy. Maituturing na mayaman dahil sa dami ng sasakyan: isang itim na kotseng Honda Civic, tatlong dyip at limang trisykle. Kailangan mo pang tingalain ang mga taong baba’t panaog sa kanilang bahay. Kailangan mo ding labanan ang nakadungaw na sikat ng araw upang maaninag ang taong dumudungaw mula sa tuktok ng terrace. May negosyo ang kanyang ina, samantalang mataas ang posisyon ng kanyang ama sa isang kompanya. Dalawa lang silang magkapatid. Kung sa tutuusin ay mapalad siya dahil nasusunod ang kanyang gusto at mahal na mahal siya ng kanyang magulang. Hindi nga lang sya nakakapagtapos ng High School dahil sa labis na pakikisama at pagmamahal sa tropa.
Dati rati’y parati na lang umiindak ang kanyang pwetan sa upuan kapag rumarampa ang motorsiklo. Madalas makipagbuno ang kanyang mga paa sa sunod-sunod na indayog ng gulong sa saliw ng musika na nagmumula sa tambutso. Kailangan pang makipagpalakasan ng kanyang mga braso sa kapirasong bakal sa dulong bahagi ng upuan upang manatiling nagtatampisaw sa pagasgas ng hangin at serenata nang mga ugong mula sa iba’t ibang sasakyan na kanilang nalalagpasan. Pinaglalaruan lang nila ang kamatayan. Pinagtatawanan lamang nila ang mga kamuntik-muntikanang sakuna. Hinahamon nila si kamatayan ng karera, at kawitin ng karit nito, habang ang kanilang motorsiklo ay matulin na bumubulusok sa hangin. Bilib na bilib sila sa sarili sa angas at husay nilang magpatakbo ng motorsiklo. Walang trapik. Walang balakid. Bawat puwang ay nalulusutan. Animo’y sibat ang kanilang sasakyan, sa bilis sa pagpapaharurot.
Whooooo…liiihhh…haaa! Ang malakas niyang sigaw habang mabilis na humaharurot ang Motorsiklo. Halos mabiak ang kanyang ngalangala sa pakikipagpambuno sa hangin. Maisaboy lamang ang nararamdamang kasiyahan. Para silang nasa tuktok ng alapaap habang tinutugaygay ang maalon na kalsada. Lalo pang nahamon si Eric sa kaliwa’t kanang kurba ng kalsada. Pinaling-paling nya ang manibela sa magkabilang direksyon. Habang sumasabay ang kanilang buong katawan sa patuloy na pag-ugoy ng motorsiklo sa malabitukang manok na daanan. Piniga niya ang silinyador, umingay ang makina, nangigil ang kadena, umaapoy sa ngingit ang spraket at sumisipol nang malakas ang tambutso. Nang pumayapa ang kalsada, malaya sa bitak, lubak at humps. Sandaling nag-stock-up ang manibela. Biglang bumitaw ang kamay ni Eric sa madiin na pagkakahawak at lumiyad kay Tsokoy. Sa simula ay bumilis ang tambol ng kanyang dibdib. Nang di naglaon ay lubos na kaligayahan ang nag-uumapaw; nang mapansin nya na balewala lang sa kanyang kaibigan ang disgrasya. Sabay silang humiram ng lakas nang loob sa hangin.
Araw-araw niyang nililinis ang kanyang bagong sasakyan. Pinakikintab at tinuturing na kabiyak. Kung dati rati ay umaangkas lang sya. Ngayon ay sya na ang inaangkasan ng ilan niyang kaibigan. Sa simula ay marahan ang kanyang takbo. Takot siyang sumingit at umarangkada ng matulin. Kadalasang pumapalo lang ng 40 km/h ang kanyang takbo sa speednometer.
“Ang bagal mo naman! Ano ba ‘yan bisikleta?! Tsokoy, maglakad kanalang! Ang pang-aalaska ng kanyang mga katropa.”
Sasabayan sya ng grupo at biglang haharurot ng napakabilis. Muli na naman siyang maiiwanan. Pipigain nya ng napakadiin ang silinyador upang magalit ang makina at bumilis ang ikot ng gulong at makahabol sa kanyang mga kaibigan. Tuwing susubukan niyang humabol ay nauunahan sya ng takot dahil hindi sya sanay na humarurot sa bagong motor. Iniingatan nya itong huwag magasgasan. Matagal nya itong pinangarap kaya labis nya itong pinag-iingatan. Kapag pumalo na ang bilis sa 80 km/h ay nanginginig ang manibela kaya binawasan nya ang diin sa silinyador.
Hindi sya sanay sa bagong modelo ng motor na walang klats. Madalas kasi niyang ginagamit ang mga motorsiklo na ginagamit na pang-trisykle. Sa isip-isip niya na hindi niya kailangang magmadali dahil mabibigla ang makina. Kailangan nya pa kasing timplahin ang takbo ng motor habang sumasailalim ito sa panimulang pagtakbo. Sa loob-loob niya, kapag pumalo na nang unang isang libong kilometro ay saka nya hahamunin ang tropa at makikipagsabayan sa bilis.
Sa bawat araw na lumilipas ay walang humpay niyang pinatatakbo ang motorsiklo upang makuha ang unang isang daang kilometro sa Trip mileometer. Nang makita nya sa Trip mileometer na pumalo na sa 1000 kilometro ang natakbo ng kanyang bagong motor ay agad nya itong pinapalitan ng langis upang malinis ang makina. Inihinto nya ang motor sa tabi ng kalsada ang tinawag si Joel na isang mekaniko ng motor, agad nitong inasikaso si Tsokoy at pinaluwag ang turnilyo sa ilalim at inilapag ang plastik na galon. Hinugot nya ang turnilyo, bumulwak ang maitim na langis at tumapon sa plastik na galon, nang patak-patak na lang ang lumalabas ay kinuha nito ang maliit na hose at sinalpak sa bunganga ng machine oil gauge. Pinihit nya ang switch at umikot ang bilog na bakal sa kompressor at nagsimulang umingay ang makina. Mabilis na dumaloy ang hangin sa hose at pumasok sa makina, tinaboy nito ang mga nalalabing langis na naiwan sa makina. Kinuha nito ang bagong langis at binuhos sa lalagyan.
Matapos maubos ang isang litrong langis at maisalpak ang oil gauge ng makina ay isinalpak nya ang susi sa ignition switch, pinihit ang susi sa nuetral position. Diniin ang silinyador at sumirit ang sunod-sunod na hangin sa tambutso.
Broom…broom…broom…. inapakan nya ang kambyo sa unahan, pinaandar ang motorsiklo at mabilis na nakabalik sa bahay. Pinarada nya agad ito sa tapat ng kanilang bahay. Tinabig ng kanyang paa ang side stand upang ibalanse ito at huwag bumagsak. Pagkatapos ay tinaggal sa pagkakasalpak ang susi.
Makalipas ang apat na buwan ay mabilis niyang nagamay ang bilis, bigat at balanse ng kanyang motor. Nakakasabay na sya sa kaniyang mga kaibigan, ngunit katulad ng dati ay naiiwan parin sya dahil 100 km/h lang ang tulin nito samantalang 125 km/h ang sa kanyang mga kaibigan. Inipon nya ang perang binibigay ng kanyang ama’t ina.
SINIMULAN NIYANG BIHISAN ITO, una niyang pinalitan ay ang rear shockhabsorber ng lowered na klase at istilong debaso upang pababain ang makina. Sunod ay pinakurbahan nya ang seat cushion upang tumambok ng kaunti ang likurang bahagi at pinalitan ng posh ang balot ng upuan. Makalipas ang ilang araw ay tinaggal nya ang salamin sa magkabilang tagiliran ng manibela, pinalitan ang busina, tinaggal ang silencer ng tambutso, pinalitan ang side stand ng stainless, pinalitan ang main stand ng mas maliit, pinalitan ang gulong ng tubeless, 70x90 ang hulihan at 60x80 ang unahan.
Makalipas ang isang buwan ay binago nya naman ang front shockabsorber at pinakulayan ng kulay ginto, at ang makina nito ay halos humalik sa semento, pinalitan ang mga rims, tinaggal ang rear turnlight, pinalakihan ang karburador, at kinargahan ng racing cap ang makina, pina-underneath ang hulihan, pinaangat nya ang step-not at pinalitan ng stainless. Bumili ng 12 volts/6000 watts na amplifier, dalawang maliit na speakers, inayos ang wyring at may instant sound beat na. Pinakabitan ng neon-lights, para itong Christmas lights sa mahaharot na kinang ng mga ilaw. Pinalagyan ng konbersyon ang kambyo at preno. Higit sa lahat ay pinalagyan nya ng klats at pinalaki ang bunganga ng tambutso na kasya ang maliit na baso.
Lalo siyang napamahal sa kanyang sasakyan. Kung dati’y hindi sya makahabol sa kanyang mga katropa, ngayon madalas s’yang nauuna. Mabilis na kung sumingit, matulin na kung humarurot.
Tsokoy, antayin mo naman kami! Tangna mo masyado kang mayabang! Ang ingay ng motor mo! ang angal ng kanyang tropa at mga taong malalampasan nya.
Kahit pula pa ang ilaw ng stop light ay pinahaharurot nya ang kanyang motor. Agad na sisilbato ang bantay trapiko upang siya’y pigilan at pahintuin. Hindi niya ito papansinin. Lalo siyang haharurot nang napakatulin.
“Habulin mo ako kung gusto mo,” pagyayabang nya sa sarili.
Masyado siyang tiwala sa buga ng kanyang tambutso dahil pangkarera ang set-up nito. Hindi magawang maplakahan ng bantay trapiko ang kanyang sasakyan. Tinaggal kasi ang plate number nito. Sinadya ng kanyang ama na huwag itong ikabit dahil masyado nang nagiging gala si Tsokoy.
“ Motor na lang ba lagi ang aatupagin mo at hindi pag-aaral mo, Tsokoy? Tanong ng ama.
Hindi ito kumikibo at panay ang pindot sa PSP.
“Madalas ka pang nasa kalsada kaysa umuwi ng bahay. Puro katarantaduhan lamang ang alam mong gawin dahil sa kakasama mo sa mga barkada mong lagalag,” bulalas ng kaniyang ama.
Nang hindi na ito makapagtimpi ay hinablot nito ang hawak na PSP at ibinato sa pader. Nagkapiraso-piraso ito ng bumagsak sa sahig. Nag-aapoy sa galit ang kanyang ama sa kanyang kinilos.
“ Ganyan ka naman eh…gusto mong tularan kita. Walang ibang magaling sa’yo kundi ambisyon mo, karangalan at pangalan ng pamilya,” hibik-hinanakit ng anak.
Bago pa tuluyang lumiyab ang galit ng ama ay lumabas na siya ng bahay at pumunta sa kanyang mga katropa. Humapdi ang puso ng kanyang ama sa kanyang inasal. Pakiwal-kiwal na rumaragasa sa kanyang isip sa paghikab ng nakaraan. Naalimpungatan ang kanyang damdamin sa paraan ng pagpapalaki sa kanyang unico hijo. Nanariwa sa kanyang ang mga panahon na hindi sya naglaan ng oras upang pandayin ang pagkatao ng anak at subaybayan ang kanyang pag-aaral. Hindi siya naglaan ng diyalogo upang maisumbulat ng anak ang kanyang kinikimkim na pag-aaklas. Hindi nya ito naigiya sa yakap ng pangaral at namnamin ang mga gintong sandali na sila ay magkaulayaw.
Anong disiplina ang ibinigay ko sa kanya noong maliit pa siya? Paano ko ba siya sinubaybayan ng bata pa siya? Labis ang kanyang paghihinayang sa mga gintong panahon na lumipas na kung saan ay maari nya pang baguhin ang kasalukuyan.
Sa tuwing magtatalo sila ng kanyang ama ay niyaya ni Tsokoy ang kanyang mga katropa na gumala. Kadalasan ay sama-sama silang nagpapatakbo sa mga baybayin ng Muntinlupa upang iparada ang kanilang mga binihisang motorsiklo. Nakakakuliglig sa pandinig ang sabay-sabay na ingay na nagmumula sa kanilang mga tambutso, habang panay ang hagod sa silinyador. Para silang nagparada sa isang prusisyon na ang kanilang motor ang Reyna Elena at sila ang mga konsorte.
“Nandiyan na naman ang mga anak ng tambutso,” palahaw na sigaw ng mga tambay na mga kabataan.
Rinding-rindi ang bawat bahay na kanilang madaanan. Tuwang-tuwa naman silang makitang pinagkakaguluhan ang kanilang mga motor ng mga miyembro ng samahang nag-momotorsiklo. Lubha silang namamangha sa kakaibang porma at istilo ng kanilang mga motorsiklo. Kapag sama-sama silang magbabarkada ay napapasarap sila sa pag-iikot at pagagala. Madalas ay hindi na sya umuuwi ng bahay. Malimit siyang tumuloy sa bahay ng kanyang kaibigan sa Batangas, o di kaya naman ay San Pablo Laguna. Pinupuntahan nila ang nais nilang puntahan hanggat may gasolina. Kung gaano kaangas ang kanilang motor ay ganun din sila kaangas. Natutuhan na rin ni Tsokoy ang mga bisyo ng mga kaibigan, ang manigarilyo, uminom at magpa-cute sa mga chikas. Iba’t ibang chikas na din ang kanyang naisakay sa kanyang sasakyan, macho daw ang kanyang alaga, kaya macho din sya.
Sa pagmomotor nya din nakilala si Joy. Halos hindi nagkakalayo ang kanilang edad. Matanda lang siya ng isang taon dito. Deysi sais sya at kinse anyos naman ang dalaga. Sa bawat galaan ay parati niya itong kasama. Pareho silang may lihim na pag-aaklas sa kanilang mga magulang. Pareho nilang tinutuklas ang kanilang mga sarili sa iba’t ibang kaibigan. Pareho silang naghahanap ng atensyon at karamay na ipinagkait sa kanila habang namumulat silang anino lang ang kanilang katuwang sa pakikibaka sa buhay. Kaya madaling nahulog ang loob nila sa isa’t isa.
Minsan ay naiwan sila ng kanilang tropa sa bahay ng kanilang kaibigan. Matagal silang nakapag-usap ng salirinan. Naungkat ang kanilang mga nakaraan. Naramdaman nila ang ginhawa sa kanilang pakiramdam. Lumaya ang kanilang mga damdamin. Naglakbay ang kanilang diwa. Hanggang nagsanib ang kanilang mga kaluluwa.
Supresang pumunta ang kanyang nobya sa bahay nila, nagtataka ito sa matumal na dalaw ng nobyo sa kanilang bahay.
“Tsokoy! Tsokoy!” tawag ng kanyang kasintahan.
“Bakit ba? Ano bang problema mo?” tanong nito.
“Bakit hindi mo na ako pinupuntahan sa bahay?” malambing na tanong nito.
“E, ano bang pake mo!” sambot niya.
“Tsokoy…buntis ako,” nagmamakaawang pag-amin nito.
“Umalis ka nga sa harap ko at naiirita ako sa pagmumukha mo” pasigaw niyang utos.
Pilit na nagmamakaawa ang kanyang nobya, at panay yakap at kapit sa kanya. Subalit lalo siyang nairita. Binalya niya ito at bumagsak ito sa lupa.
“ Anong tingin mo sa akin patakbuhing tambutso,” panunumbat ng nobya.
“Putek ka! Tumigil ka kung ayaw mong….” Sabay amba ng kamay.
“Sige tuloy mo!” ipinagdikdikan pa nito ang mukha sa kanyang kamay.
“Pagkatapos mo akong pasakayin sa mga kayabangan mo ay iiwan mo na lamang ako,” ang paos nitong sigaw habang umiiyak .
Binalot si Joy ng poot sa oras na iyon. Sabay na naghihimagsik ang kanyang puso’t isipan. Nagdadalamhati sya sa kanyang kalagayan. Nahahabag sya sa sarili at sa inosenteng dugo na nakakanlong sa kanyang sinapupunan. Inuudyukan sya ng poot na lumaban at ibangon ang kanyang dangal sa gitna ng kadiliman upang lumiwanag ang katauhan ng nobyo sa tinatalikurang responsibilidad.
Wasakin mo ang motor! Wasakin mo! Wasakin mo!
Ang dikta ng kanyang saloobin. Ngunit patuloy na nagingibabaw ang kanyang pagmamahal sa kasintahan. Ang kanyang katawan ay nanginginig sa paghikbi, umiiyak habang humaharurot papalayo ang motor ni Tsokoy.
“Tsokoy! Tsokoy lumabas ka diyan!” ang sigaw ng magulang ng kanyang kasintahan.
Tahimik ang bahay at walang kailaw-ilaw. Ngunit nagliliwanag ang madilim na kapaligiran sa bawat hiyaw ng nanay ng nobya ni Tsokoy sa labas ng geyt ng bahay. Isang malakas na tunog ng makina ng sasakyan ang umagaw sa atensyon ng matandang babae. Lumabas sa kotse ang papa ni Tsokoy at tinanong kung sino ang pakay nila. Inanyayahan siya nito na pumasok sa bahay at sa loob mag-usap. Nagkasundo sila na hindi muna magsasama ang dalawang bata, ngunit sasagutin ng pamilya ng lalaki ang gastos sa Ospital sa oras ng panganganak.
Mas pinahalagahan ni Tsokoy ang kanyang sasakyan kaysa sa kanyang magulang at kasintahan. Handa niyang ipaglaban ito sa sinumang magtatangkang umagaw sa kanyang mga kamay. Mahigit isang taon na ang kanyang motor ngunit ayaw itong iparehistro ng kanyang ama upang matakot siyang igala ito ng malayo at maghinay-hinay sa pagpapatakbo. Kung paanong nagbagong-bihis ang kanyang sasakyan ay nagbagong-bihis din ang kaniyang pagkatao. Wala na itong takot, buo ang loob na makipag sabayan sa matutulin na sasakyan sa kalsada. Kahit alanganin ay mag-overtake, sabay mag-bunking pakanan at biglang pipihit sa kaliwa. Biglang babagal ang takbo ng dyip na kanyang siningitan at mariin na tatapakan ang preno.
“Nakuuupppp!.........” hiyaw ng pasahero sa harapan.
“Putangna kang bata ka…malamang malapit-lapit ka sa hukay,” galit na sambit ng driver.
“Kung gusto mong magpakamatay ibangga mo yan sa truck,” sigaw ng isang pasahero.
Tuwing dadaan siya sa kahabaan ng kalye ng Rizal sa Poblacion ay nagmumura ang mga madadaanan niya. Masyado kasing iskandaloso ang tunog ng kanyang tambutso, nakakairita sa tenga. Minsan ay napagkaisahan ng mga kabataan na lagyan ng bato ang kalsada upang makatikim siya ng semplang ng madala. Subalit, bago pa nila mahagis ang mga bato ay mabilis na nakapuga ang kanyang motorsiklo mula sa kanilang masamang balak. Kahit hating gabi ay ginagala niya ang kanyang sasakyan, masyado itong nakakaperwisyo sa mga natutulog.
“Hoy! Gago ka ba, gabing-gabi na nakakabulahaw ka!,” sigaw ng galit na kapitbahay.
Hindi nila magawang maireklamo ito dahil maimpluwensya ang pamilya nito sa kanilang lugar. Kaya palagay ang bata na hindi siya tataluhin ng mga kapitbahay. Pinalaki sya na busog sa mga materyal na bagay, ngunit kulang sa kalinga ng magulang. Madalas kasing abala ang mga ito sa kanilang mga trabaho at hindi nasusubaybayan ang bawat galaw at kilos nito. Kaya ang kanyang mga barkada ang nagsisilbi niyang kanlungan upang mapunan ang balon ng pagmamahal sa kanyang pagkatao. Sa pamamagitan ng pag-momotor ay nakikilala siya ng mga tao. Napapansin at nabibigyan ng atensyon kahit pa na tawaging manhid, mayabang, sutil at walang modo.
“Mayaman kasi, kaya mayabang,” ang himutok ng ilang kabataan.
“Akala mo s’ya ang may-ari ng kalsada,” sambot ng mga trisykle boy.
Minsan ay nagkayayaan ang kanyang mga kaibigan na pumunta sa Macapagal Highway sa Pasay upang lumaban ng karera. Madaling araw na silang umalis at pumunta sa lugar. Pagdating sa Macapagal ay nakursunadahan kaagad ng ilang karerista ang angas ng kanyang motor.
“Tsokoy, hinahamon ka nung isa,” magkano tanong niya.
“P5,000 daw ang lowest,” pasigaw ni Eric.
“Sige call P10,000 kamo,” sagot niya.
Nag-ambag-ambag ang kanyang mga katropa upang makalikom ng sampung libong piso na pamusta. Kapwa nila ipiniwesto ang motor sa gitna ng kalsada. Sunod-sunod ang putok ng tambutso habang pinapainit ang makina. Animo’y naghahamon ang bawat bulalas ng tunog na pumapainlanlang sa katahimikan ng gabi. Sa gitna ng kadiliman tanging ang ingay ng tambutso ang nangingibabaw habang nagsisigawan ang mga miron. Nakatungayngay lamang ang kanilang mga nanlilisik na mata sa kahabaan ng kalsada, nag-aabang at nakikiramdam sa hudyat ng pagsulong. Galit na galit nilang kinakayod ang silinyador, bababa ang gasolina, gagalaw ang makina, sisipol ang tambutso, sisingaw ang hangin, gagalaw ang kadena, iindak ang spraket, sasabay ang rims, sabay na hahalik sa kalsada ang dalawang gulong, at mahinay na sasayaw ang motorsiklo sa saliw na tunog ng tambutso.
“Isa…dalawa…tatlo…” ang hudyat ng karera, sabay baba ng luntiang bandila.
Mabilis na diniin ang kambyo sa primera at humarurot ang motorsilo… segunda…. tirsera ay lalo humahagupit ang hangin sa mukha niya. 60…80..km/p ang palo ng metro sa Trip milometer. Tatapakan nya ang kaapat na kambyo at lalong magwawala sa galit ang makina. Nagbabaga ang tambutso sa pagbubuga ng usok at sunod-sunod ang putok ng mga tunog. 100…110…km/p ang mabilis na palo ng metro. Halos yumayakap ang kanyang mukha sa manibela ng motor at pinapaling ang mukha sa kaliwa at kanan upang iiwas sa malakas na hampas ng hangin. Itutukod nya sa hangin ang kanyang katawan. Susunod naman ang motorsiklo sa pagpaling ng manibela at pagsang-ayon ng gulong sa tinatahak na direksyon. Kapag tuwid na ang kalsada ay hahagurin nya ng napakadiin ang silinyador at itatago ang mukha sa hangin.
Brooom…broooooommm…..broooooooooooooommmm, simbilis ng kidlat na narating niya ang finish line. Panalo sila, isa-isang sumalubong ang kanyang mga barkada at nagtatalon sa tuwa.
“Halimaw ka talaga,” bulalas ng kaniyang kaibigan.
“Hayop, Ang lupet!” ang pagmamalaki ng isa.
“Kambyo mo nga,” sama-samang naglapat ang kanilang mga palad.
“Pare, sa susunod uli, mas mataas ang pusta wala kasing trill yung laban ngayon,” pagyayabang ng kalaban
“Oo ba, basta mag-practice ka pa,” pang-aasar niya.
Umuwi silang masaya. Tumambay muna sila sa isang kanto at pumasok sa vidiyowke bar upang mag-inuman. Bumaha ang alak at pulutan dahil sa kanilang panalo. Umikot ang kanilang kuwentuhan at tudyuhan sa angas ni Tsokoy at pangarap ng kanilang tropa sa hamon ng karera.
Isa-isang binago ng alak ang kanilang anyo at pagkatao. Nagbago ang aura ng kanilang mukha. Nagkaroon ng bagong himig ang tono ng kanilang salita. Sumasayaw ang kanilang mga paningin. Pinalambot ng agua de pataranta ang kanilang tuhod at braso. Nang malagok at masimot ang huling tagay ay isa-isang sumibat ang kanyang mga katropa.
Sabay na umuwi si Tsokoy at Eric. Kung kanina ay matulin ang kanilang biyahe, ngayon ay higit na nagkukumahog ang gulong, kadena, spraket at makina sa pag-indayog sa kalsada. Walang patid ang paghalik ng mga gulong sa sementong kalsada. Lumiko si Eric sa isang kanto at nagbigay nang dalawang busina, hudyat nang pagpapaalam. Limang kilometro pa ang layo ng bahay niya mula sa bahay ng kaibigan. Buo ang kanyang loob.Walang takot. Walang pag-aalinlangan, ni katiting na pangamba ay hindi dumadaloy sa kanyang ugat. Subalit, nagsasayaw ang kanyang paningin sa sobrang kalasingan.
Broooom….brooooooommmm…brooooooooooommmmm…humahagupit, humaharurot sa tulin. Umaangal na ang makina, nais nang sumuko ng tambutso. Nagmamakaawa na huminto saglit at magpahinga upang mahimasmasan ang mainit na pakiramdam ng makina. Humaharibas ng pasuraysuray ang kanyang motorsiklo sa kalsada. Pinahinto ito ng isang malakas na pagsalpok mula sa nag titinikling na nilalang. Lango sa pakikipagbarik, nangangapa at sumusuray-suray sa daan. Biglang naglaho ang sanib ng agua de pataranta sa kanyang katauhan.
Tumalsik siya sa motor, lumagapak ang kanyang katawan sa semento at nagpagulong-gulong. Saglit siyang nawalan ng malay. Ginising ang kanyang diwa ng isang malakas na ungol at gitil ng dugo mula sa kanyang mukha. Hindi siya makagalaw. Parang ipinako ang kanyang mga paa at kamay. Ngunit tanaw niya mula sa kanyang kinalalagyan ang nangingisay na katawan ng matandang lalaki sa gitna ng kalsada. Umuugong sa kanyang pandinig ang malakas na pag-nguyngoy ng kawawang nilalang at wari’y nagmamakaawa at buong tapang na nakikipaglaban sa nalalabing hininga.
Ilang minuto ang lumipas ay nangingibabaw ang dagundong ng sirena ng ambulansiya sa gitna ng kalsada. Mabilis na lumabas ng sasakyan ang mga medical officers. Sumunod na dumating ay mga traffic enforcers. Sinuri silang dalawa. Unang isinakay sa ambulansiya ang matandang lalaki at agad na kinabitan ng oxygen sa ilong. Bago siya isakay sa ambulansiya ay kinabitan siya ng brace sa leeg at mabilis na ipinasok sa sasakyan. Kinarga sa isang truck ang motor, halos madurog ito sa lakas ng pagkakabangga at pagtama sa gutter ng kalsada.
Hindi makagalaw si Tsokoy sa kanyang kinalalagyan. May nakapasak na dextrose. Nakabalot ang kanyang balikat at tuhod ng cast o semento bunga ng malakas na pagkakahampas ng kanyang katawan sa konkretong kalsada. Pakiramdam nya ay para siyang nasa loob ng kabaong dahil sa mga sementong nakabalot sa kanyang balikat at tuhod. Hindi nya magawang maigalaw ang kanyang mga kamay at paa. Labis ang kanyang pagkairita sa mga gumagapang na karayom sa bahagi ng kanyang katawan na nababalutan ng semento.
Ayon sa duktor ay kailangang patagalin ang pagkakalagay ng semento upang manumbalik sa dating anyo ang mga lumihis na buto. Babalik daw ito sa dati kapag nabalutan uli ng mga litid. Minsan ay nais nya ng sumuko at ipaubaya sa may kapal ang kanyang kalagayan. Ngunit pilit siyang umaasa na babalik sa normal ang kanyang kilos upang masilayan ang kalagayan ng matanda. Hindi nya iniisip ang kirot at hapdi ng bawat bali at sugat sa kanyang katawan. Mas mahapdi ang dulot ng kirot na nagmumula sa kanyang puso. Binabagabag ang kanyang isip sa kalagayan ng matandang lalaki na kanyang nabangga. Dumikit sa kanyang utak ang pangyayari nang masilayan ang nagingisay na katawan nito sa gitna ng kalsada, habang bumubulwak ang dugo sa bunganga.
Gabi-gabi siyang napapasigaw sa kalagitnaan ng kaniyang mahimbing na pagkakatulog. Humaharurot sa kanyang alaala ang mga pangyayari. Nag-aapoy ang kanyang konsensiya sa mabilis na pagharurot at buga ng tambutso sa sinapit ng matanda. Umuugong sa kanyang pandinig sa malakas na pag-nguyngoy nito. Hindi niya matanggap ang sitwasyon. Noong isang araw ay nagbubunyi siya sa kasiyahan. Ngayon ay nagdadalamhati siya sa kanyang kalagayan. Kahit isa sa kanyang katropa ay walang dumalaw.
Araw-araw ay tinanong niya sa kanyang ama at ina ang kalagayan ng matandang lalaki.
“Pa, kamusta na po yung matanda,” pag-aalang tanong niya.
“Ayos lang…” ang madalas na tugon ng kanyang mga magulang.
“Ngayon ay alam mo na ang pagkakaiba ng mabilis sa matulin,” himig-sumbat ng ama.
Ang katotohanan ay na-comatose ang matanda at ayon sa duktor ay imposible na mabuhay pa ito. Malaki na ang gastos nila sa Ospital. Naubos na ang naipong pera ng kanyang ama sa Bangko. Ibenenta na nila ang ibang sasakyan upang makaagapay sa gastos sa pang-araw-araw. At mabigyan ng pera ang pamilya ng biktima. Makalipas ang isang buwan ay bumuti na kalagayan ni Tsokoy. Samantalang, tuluyan ng bumigay ang katawan ng matanda dahil sa tindi ng pagkakabangga.
Makalipas ang isang buwan ay nakalabas ng Ospital si Tsokoy, hindi na nagawang mag-reklamo ng pamilya ng biktima dahil mahirap lamang ito at matindi ang pangangailangan sa pera. Binagyan nila ang pamilya ng salapi dahil sa pagpanaw ng kanilang ama.
Nabaon sa utang ang kanyang magulang, at ang ningning ng kanilang bahay ay naglaho dahil sa pangyayari. Parati niyang tinatanong sa kanyang magulang ang kalagayan ng matanda. Ipinagtapat nila ang totoo sa kanya, hindi siya makagalaw, hindi siya makapag salita. Nanginginig ang kanyang kalamnan. Hindi niya matanggap na sa murang edad ay nakapatay siya ng tao dahil sa kapahangasan sa pagpapatakbo ng motorsiklo. Sinisisi niya ang sarili.
Makalipas ang dalawang buwan ay tuluyan ng tinanggal ang semento sa kanyang balikat at tuhod. Ilang araw din siyang nanibago sa pagkakalaya mula sa tanikala ng sakuna. Subalit hanggang ngayon ang kanyang isip ay nanatiling nakagapos sa mapait na karanasan. Patuloy na nakatarak sa kanyang konsensya ang talim ng pagiging palalo. Patuloy na sumasabog ang bulkan ng bangungot sa kanyang pagtulog.
Paika-ika niyang pinuntahan ang garahe. Hinanap ang motorsiklo. Wasak na wasak. Wala na ang kinang nito. Wala na ang angas. Sira na ang makina. Naglaho na ang ingay. Naglaho na ang tambutso. Isang malakas na busina ang nagpahupa sa paggunita ng nakaraan. Alam nya ang pakay ng mga ahente ng motorsiklo. Binuksan niya ang geyt. Kinausap ng ahente ang kanyang ama, pinapirmahan ang mga papeles. Pagkatapos mapirmahan ay isinakay sa truck ang wasak na motorsiklo. Pumayapa ang kanyang isip. Huminahon ang kanyang damdamin. Nagbago ang kulay ng likidong dumdaloy sa kanyang katawan at naging panatag ang buong paligid.
Posted by Nathan at 5:23 AM 0 comments