"Tagay pa!"
"Kampay...kampay!"
Kilala ang Kalye Laklak na pugad ng mga sunog baga. Masyadong talamak raw sa alak ang mga kalalakihan sa kalyeng ito. Sa katunayan ginagawang pangmumog ng mga ito ang Gin, pananghalian ang Redhorse, hapunan ang Matador at pangbanlaw kinabukasan ang Beer. Ang ganitong uri ng tanawin ay masisilayan sa tuwing sasapit ang araw ng sabado at linggo. Makikita mong bumabaha ang alak sa kahabaaan ng kalsada. Ang kondisyong ito ay naging mabigat na suliranin ni Kapitan Boknoy. Masyadong nangangamba ang mga ina ng tahanan na baka kalakihan ng mga bagong sibol ng kabataan ang ganitong uri ng libangan ng mga gurang na kalalakihan. Madalas din ang away ng mga lassenghot, kapag napanis na ang alak na kanilang pinagsasaluhan. Naging popular ang salitang ito dahil napuna ng mga kababaihan na kapag naghalo-halo na ang mga inumin na tinutungga ng mga sunog baga ay panay ang suka ng mga ito at sinasaniban sila ng masamang espiritu.
Dinumog si Boknoy ng mga kababaihan sa Barangay, hinikayat siya ng mga ito na gumawa ng isang programa na kung saan ay malulutas nito ang suliranin na kinakaharap ng kanyang nasasakupan. Pinag-aralan niya ang suhestiyon ng mga higit na nakakaunawa sa lumalalang sitwasyon ng Kalye Laklak . Naisip niya na kung pagbabawalan niyang magtinda ng alak ang mga tindahan sa nasabing lugar ay hihina ang koleksyon ng buwis ng pamahalaanag lungsod na magiging sanhi ng pag-liit ng kanilang budyet. Kapag naganap ito ay hindi niya na maipapatupad ang iba pang mga serbisyong pampubliko para sa kanyang mga kababayan.
Bilang solusyon ay napagpasyahan niya na maari namang mag-inuman at hindi magsara ang mga tindahan ng alak. Hinikayat niya ang kaniyang mga kagawad na aprubahan ang kanyang kautusang pambarangay na sasagot sa suliranin sa lumalaking bilang ng mga sunog baga at paglaganap ng panis na alak sa kanyang nasasakupan. Imbis na matuwa ang mga ito ay puro halakhak lang ang itinugon nila. Suntok sa buwan raw ang kanyang iminumungkahi. Baka magmukha raw Health Center ang Kalye Laklak at magiging sentro raw ng katatawanan ang kanilang barangay. Maya-maya lang ay kaliwa't kanan na ang palitan ng mga kuro-kuro sa pagdedebate. Sa bandang huli ay nanaig din ang kagustuhan ni Boknoy. Pagkatapos maripaso ang kautusang pambarangay bilang lima sa taong kasalukuyan ay agad ipinatawag ang mga sunog baga sa Kalye Laklak. Dahil tumapat sa araw ng linggo ang pagpupulong; lasing na dumalo ang mga kalalakihan. Ipinaliwanag ni Boknoy na simula sa susunod na linggo, ang sinumang hindi gumamit ng droplets kapag nag-iinuman ay pagmumultahin ng P1000. Pinapahintulutan parin naman ang pag-iinuman, subalit kailangan ang bawat isa sa kanila ay gagamit ng droplets. Ipinagbawal na ang paggamit ng baso, pitsel at paglagok ng alak sa bote. Kailangan talaga nilang gumamit ng droplets para masabing lihitimo ang kanilang inuman.
Natuwa naman ang mga kababaihan sa nakitang pagbabago sa kanilang lugar. Subalit ang mga sunog baga ay hindi nasisiyahan sa nagaganapn nilang inuman. Pakiramdam nila ay para silang mga bagong sanggol na umiinom ng vitamins sa kanilang tagayan.Hindi na nga nila matawag na toma ang kanilang kasiyahan dahil bago maubos ang isang bote ng serbesa ay inaabot nang isang oras ang pagsimot nito. Nangangawit na rin ang kanilang kamay at ngalangala sa pagsipsip ng alak sa droplets. At dahil parusa para sa kanila ang ganitong paraan nang pag-iiinom ay gumana ang kanilang imahinasyon kung paano malulutusan ang parusa ni Kapitan. Napagkaisahan ng grupo ng sunog baga na magpagawa ng droplets na kasinglaki ng tsupon para naman maramdaman nila ang amats ng alak. Nang sumapit ang araw ng kanilang hapi-hapi ay may bitbit na tig-iisang droplets na kasinglaki ng tsupon ang mga nag-iinumang kalalakihan. Naganap na naman ang kinatatakutan ng mga kababaihan, maingay na naman ang lugar, at panay ang suka na naman ng kanilang mga asawa. Nang makita ito ni kapitan Boknoy ay napakamot na lang siya sa ulo. Paano nga naman niyan papatawan ng parusa ang mga sunog baga, e droplets parin namin ang gamit nila. Di naman kasi nakasulat sa kanyang kautusan ang laki at haba nito.
Sunday, January 17, 2010
PANIS NA ALAK
Posted by Nathan at 5:53 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment