"'Whag po...whag po!"
"Shihihihihihhi....dididididi...."
"Ano na naman 'yan Carla nag-e-emote ka na naman 'dyan. Pinapraktis mo na naman yang karakter mo sa susunod n'yong pagtatanghal sa teatro. Sige na magaling ka na, pang-Oscar, Famas, Academy, Maria Clara, Golden Globe, Pinakbet, Kaldereta, Reyna Elena at Bubble Gang 'yang drama mo. Kahit nga pang Horror Awards pwedeng-pwede ka na."
" (Didididi....) May ma-mamang nakatayo sa tapat ng pintuan. Namumula ang mga mata. Nagbabaga ang mga kamay. Umuusok ang bibig."
"Ano 'yan...Flame of Recca at kanyang mga Dragons. Ikaw talaga lakas na naman ng trip mo. Ilang Boy Bawang na naman ba ang tinira mo at nagkakaganyan ka. Klasmeyt bigyan nyo nga piso 'to para matahimik na sa kanyang kahibangan."
Sabay-sabay na naghagis ng piso ang kanyang mga kaklase.
"Hahahaha....wala namin kaming nakikitang tao sa pintuan. Sa susunod mag-Promil ka na lang. Hindi Gold ah, kundi Promil Platinum...para naman multi-awarded yang acting mo," ang tudyo ng kanyang mga mag-aaral.
Biglang natumba sa kanyang kinauupuan si Carla at nawalan ng malay. Natigilan ang kanyang mga mag-aaral at nataranta ng makita nilang bumagsak ang katawan nito sa semento at ilang beses na nagpagulong-gulong.
"Ay naku! Carla, anong nagyayari sa'yo?"
"Kumuha kayo ng tubig! Bilisan mo Boknoynoy!"
Agad siyang nag-atubili sa pagbili ng mineral water sa Canteen. Hinihingal nya pa itong iniaabot sa besprend ni Carla na si Karen.
"Besprend! Gumising ka at uminom ka muna ng tubig."
Nakahinga sila nang maluwag ng makita nila na nagkakamalay na ito. Subalit, bigla silang nahindik sa sindak ng makita nilang nag-iiba ang aura ng mukha nito, namumula ang mga mata, umuusok ang bibig at parang nagliliyab ang mga kamay. Kinikilabutan sila sa nerbiyos nang masilayang umangat ang katawan nito sa hangin. At patiwarik itong naglakad sa kisame.
"Totoo nga ang sinabi nya kanina na may nakikita syang lalake na nakatayo sa pinto. Tignan n'yo! Hindi ba't sumanib sa kanya ang kaluluwang ligaw!" ang nagtititiling sindak na sambit nilang lahat.
Agad na kumuha ng krus si Boknoynoy at itinapat kay Carla.
"Kung sino ka mang impakto ka layuan mo ang kaklase namin...Titigan mo ng mabuti ang krus na ito! Sa pamamagitan nito ay matutunaw ka!" ang pangigigil na pagbubulyaw ni Boknoynoy.
"Bwahahaha...kanina pa ako nakatitig d'yan. Hindi mo ako matatakot sa hawak mong krus."
"Bakit hindi ka natatakot sa krus, ha!?"
"Bata...sagrado Katoliko din ata ini. Araw-araw ata akong nagrorosaryo, at mahilig din akong mangolekta ng iba't ibang uri ng krus. Ang paborito ko pa nga ay ang krus ng Black Nazarene."
Nanlaki ang mga mata niya siya sa paliwanag ng ligaw na kaluluwa. Bigla niyang naisip na may ipinabaon pala sa kanya ang kanyang nanay na Holywater. Naalala niya na mabisang sandata ito na pantaboy ng mga masasamang espiritu.
"Sige, kapag hindi ka pa lumayas sa katawan ng kaklase ko...Wiwisikan kita ng sagradong tubig at maglalaho ka ng parang bula," panakot nito.
Nagunit bago pa man niya maisaboy ang Holywater ay mabilis na dinalikwat agad ito ng mahabang buhok ng dalagita. Napakunot-noo siya nang harap-harapang lagukin nito ang sagradong tubig sa botelya.
"Swabe! Ang sarap pala ng mineral water n'yo. Sa susunod, 'yung alkaline water naman ang dalhin mo, mas mabuti kasi yun sa katawan. Tinatanggal kasi nito ang mga toxins sa katawan ng tao. Now you know."
Napangiwi silang lahat sa labis na pagtataka. Naging palaisipan tuloy sa kanila kung anong uri ng kaluluwa ang sumanib sa kanilang kamag-aral. Isang solusyon na lang ang kanilang naisip. Sa tingin nila ito na ang pinakamabisa sa lahat ng pangontra. Kumuha sila ng Bawang, dinikdik ito at ipinahid sa katawan ni Carla.
"Ano ba naman kayo, hindi n'yo ba alam na mabaho ang Bawang. Wala naman kayong ka-eti-etiketa sa katawan. Mas masarap ang Bawang kapag ginawang garlic bread."
Sa oras na 'yon ay nawiwindang sila sa kahahanap ng solusyon kung paano mapapalayas ito sa katawan ng kanilang kaklase. Naisip ni Karen na dala niya pala ang kanyang Biblia. Itinapat niya ito kay Carla.
"O, sige aalis lamang ako sa katawan ng inyong kaibigan kung masasagot n'yo ang aking katanungan," hamon ng ligaw na kaluluwa.
"Deal...," ang sabay-sabay na pagtanggap nila sa hamon.
"Sa ilang pirasong pilak ipinagkalulo ni Hudas si Jesus?"
Parang napako ang dila nila sa oras na iyon.
"Ah, 20 pilak."
"Hay naku, ano ba namang kristiyano kayo hindi niyo masagot ang napaka-simpleng tanong ko. Mali! 30 kaya," panglalait sa kanila nito.
"Isa pa. Ilang beses ipinagkalulo ni Pedro si Jesus?"
" Apat!" ang matikas na sabot ni Boknoynoy.
"Noobs. Mali parin!"
"Teka, ako naman ang maghahamon. Kapag natalo kita lilisanin mo ang katawan ni Carla," pagmamalaki ni Boknoynoy.
"Sige ba. Pero kapag natalo kita, ang katawan mo ang kukunin ko at gagamitin ko,"ang pagbabanta ng ligaw na kaluluwa.
"Deal," ang pagtanggap na hamon ni Boknoynoy.
Hinamin niya ito sa larong pinoyhenyo. Kumuha ng panyo si Boknoy at itinali sa noo ni Carla. Iniabot naman sa kanya ni Karen ang kapirasong papel at pentel pen. Sinulatan niya ito. Dinikitan ng scoth type at dinikit sa noo ng sinasanibang kamag-aral.
"Tao ba ito?" tanong ng ligaw na kaluluwa.
"Hindi!" sagot ng mga mag-aaral.
"Gamit sa bahay?"
"Hindi!"
"Nakikika kung saan-saan?"
"Pwede!"
Sobrang nahirapan ang ligaw na kaluluwa na hulaan ang anyong tao, katawa'y kabayo: na ang sagot ay TIKBALANG. Napansin nila na mahina pala ito sa panghuhula ng mga maligno at impakto.
"Dinaya n'yo ako panay kasi Biblia ang binabasa ko. Akala ko kasi patungkol dun ang itatanong n'yo. Wala pa naman akong kahilighilig na pag-aralan ang mga maligno, impakto at kung anu-anong kababalaghan. Di bale sa susunod na paghaharap natin tatalunin na kita. Aalis muna ako para mag-research."
Nanghisay si Carla hanggang sa nawalan ito ng malay. At nang mahimasmasan...humagulgol ito sabay yakap sa kaibigan. Wala na ang mapupulang mata nito at kalmado na ang kapaligiran.
Tuesday, January 19, 2010
SANIB
Posted by Nathan at 7:00 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment