Sa tikatik ng orasan
anyo mo’y sinisipatan
inaalihan ang puso
kong dinuduyan.
Parang tuod sa
maghapong pag-aabang,
masilayan lamang
taglay mong kagandahan.
Saan mang dako kita’y inaabatan,
araw-araw kung puntahan
madaling araw kung lumisan---
maiuwi lamang,
PUSO mo sa aking tahanan
Monday, February 22, 2010
Panliligaw
Posted by Nathan at 3:50 AM 0 comments
Saturday, February 6, 2010
ANG TALENTONG WALANG PAMANTAYAN SA PANAHON NG REALITY SHOW, RAP, EMO AT YOUTUBE
Sa pananaw ng humanismo, pinaniniwalaan na ang tao ang batayan ng lahat ng bagay sa mundo kung kaya't kailangang maipagkaloob sa kanya ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin sa pagpapasya. Naniniwala ang mga humanista na sibilisado ang mga taong nakatuntong ng pag-aaral dahil lumilitaw ito sa kulturang popular.
I REALITY SHOW
Patok na patok sa takilya ang mga palabas na Reality Show. Sinusubaybayan ito nang milyon-milyong manonood na naiintriga sa mga kaganapan, asal nang bawat taong kalahok at aksyon na maaring maganap sa ganitong uri ng palabas. Pinalilitaw sa bawat pangyayari ang natural na galaw at bitaw ng salita; binibigyang kulay pa nito ng mga mararagsang suliranin na lumulutang bunga ng kompetisyon at tunggalian ng kakayahang pang-kaisipan at tatag ng kalooban. Binibigyan ng buhay nang ganitong uri ng palabas ang katatagan at kakayahan ng tao sa hamon na kanyang haharapin, mga posibilidad na maaring maganap: kahandaan sa pagtanggap ng kabiguan at katapangan na harapin ang bangis nang sigalot sa pagitan ng kanyang mga kalahok. Sa pamamagitan ng mga atas at mga pagsubok ay sinusukat ang hangganan ng kakayahang pisikal at mental ng isang tao batay sa kanyang pakikisalamuha sa ibang nilalang na may mataas na karanasan sa pakikisalamuha at disiplina sa sarili.
Nagsimula ang ideya ng tunay na Reality Show noong dekada 70's sa Amerika. Una itong napanood sa palabas sa pamamagitan ng isang dokumentaryo ng An American Family ng Public Broadcasting System. Inilarawan ng dokumentaryong ito ang mga tagong pangyayari sa pamilyang Loud na kung saan ay nahaharap ang pamilya sa paghihiwalay ng mga haligi nito--ang ama at ina ng tahanan. Ngunit, sa panahong iyon ay hindi handa ang mga manonood na tanggapin ang ganitong uri ng mga palabas; mas nawiwili sila sa mga minemorya at scripted na mga galaw at bitaw ng salita ng mga bidang gumaganap sa pelikula. Sumikat lamang ang ganitong uri ng palabas noong dekada 80's sa palabas na COPS. Naunawaan ng mga manonood ang konsepto ng palabas sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga aktuwal na kaganapan ng mga karanasan ng mga pulis at mahalagang papel na kanilang ginagalawan sa lipunan.
Binibigyang hustisya nito ang ordinaryong pangyayari na kinunan ng mga amateur photographers, lokal na pahayagan at paniktik na kamera ng kapulisan. Kinapulutan ito ng aral ng mga manonood, upang higit silang maging mapanuri sa lipunang kanilang ginagalawan.
Lalo pang umigting ang pagsimsim ng mga manonood sa ganitong uri ng palabas ng masilayan nila ang The Real World o ang katumbas ng Pinoy Big Brother sa ating bansa. Namangha ang mga manonood sa istilo ng palabas, pinagsamasama ang dalawampung katao sa loob ng isang bahay. Natunghayan nila ang bawat tagpo sa unscripted na komprontasyon ng mga manonood at tila scripted na mga kaganapan sa loob ng bahay. Subalit, higit na nagningning ang ganitong uri ng palabas noong 1990. Ipinakilala sa publiko ng CBS ang Survivor, humagilap ng mga kalahok mula sa mga ordinaryong tao sa lipunan na gaganap na aktor sa bawat pangyayari at hamon na may kapalit na premyong salapi. Mabilis na naging popular ang palabas na ito sa buong mundo na naging batayan ng iba pang mga bansa na gayahin ang nasabing Reality Show. Umani naman ito ng mga batikos mula sa mga kritiko, bukod sa hindi magastos ang produksyon ng palabas na ito ay tila nawawalan nang popularidad ang mga propesyunal na artista.
Sa pagpasok ng bagong milenyo ay lubusan nang niyakap at sinubaybayan ng mga manonood ang Reality Show. Gumaya narin ang ating lokal na telibisyon sa kaningningan ng ganitong uri ng palabas. Hindi na ata mabiling sa daliri ang mga Reality Show na ipinalabas sa bansa. Tulad ng popular na Pinoy Big Brother at Survivor Philippines. Hindi magkamayaw ang mga nagnanais na maging bahagi ng ganitong uri ng palabas upang makilala, makatulong sa pamilya, sumikat at maabot angmga pangarap. Ilang artista narin ang sumikat mula sa PBB at naging matagumpay na artista sa kasalukuyan. Tulad nila Sam Milby, Gerald Anderson, Kim Chiu, Say Alano, Jayson Gaiza at Uma. Sa katunayan, iba't ibang senaryo at bersyon ng PBB na ang ipinalabas na sinubaybayan ng milyong-milyong Pilipino.
Hindi ba't ang kantang Pinoy Ako ay naging sandigan ng pagkakaisa nating mga Pilipino upang ipagmalaki ang ating kakayahan at angking talino sa buong mundo. Nabuo din sa palabas na ito ang pagtanggap sa pagkatao ni Rustom Padilla bilang isang homosexual at nakilala bilang BB Gandang Hari. Sa bahay ni kuya nya inamin ang tunay nyang pagkatao na labis na pinag-usapan sa bawat tahanan, telebisyon at pahayagan. Sinisikap ng palabas na ito na tuklasin nang higit ang mga taong may angking pisikal na kaanyuan, determinasyon, abilidad at kakayahan na mamayagpag sa sining ng pag-arte at telebisyon.
II RAP at EMO
Ang RAP at EMO ay naging popular na uri ng mga awitin sa kasalukuyan. Binago nito ang nakasanayang mga awitin tulad ng love song, jazz, rock at blues. Ang mga liriko ng mga awiting ito ay may bertud o madyik na humahatak sa kamalayan ng mga bagong sibol na kabataan hinggil sa kanilang sarili at kanilang kakayahan. Ang Rap ay naging sikat sa bawat pasilyo, kanto at kalsada. Simple lang naman kasi ang paraan sa pag-awit. Hindi na kailangan pang mag-aral ng voice lesson, para lang masabing magaling ka sa larangang ito; kadalasan ang paglalarawan ng damdamin ng isang Rapper ang binibigyan ng kulay ng mga nakikinig. Ang mensahe na nakapaloob sa liriko ay siyang pinagbabatayan ng mga tumatangkilik sa awiting ito. Sa katunayan, kahit sino na may kakayanang sumulat ng kanta at mabilis bumigkas ng mga salita, na may kakaibang istilo, ay patok na sa mga Rap-fanatics. Medyo naiirita nga lang ang mga taong hindi nakamulatan ang kakaibang istilo ng awiting ito. Tinuturing nila itong ingay dahil walang-tunog-sentimental ang bitaw ng bawat salita. Tila gumagasgas sa kanilang pandinig ang mga lirikong umaariba sa dulas na walang mintis.
****
Emo.. ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ang kabilinbilinan ni lola at lolo ay para itong serbesa na may amats sa puso. Para naman sa mga bagong hanerasyon, ang awiting ito ay may haplos sa puso at kirot sa isipan. Ang istilo ng awiting ito ay nasa mga bandang pinoy na, kahit noon pa. Nagsimula sa E-heads, Parokya ni Edgar, Rivermaya, at iba pang mga banda. Sila ang nagsisilbing inspirasyon ng mga banda sa kasalukuyan. Tulad ng Kamikazee, Updharma-down, Hale, Calla Lily, 6cycle mind at iba pa. Idagdag mo pa sa listahan ang Underdround e\m/o, tulad ng Typecast, Saydie, Urbandub at marami pang iba. Ang sabi ng iba ang e\m/o ay para sa mga rakistang nagsesentimyento de asukal. Para naman sa ilan, ito na raw ang tunog na malapit sa pulso, kaya inspirasyon ito ng ilan sa pagpapakamatay. Ngunit, kahit magtambling pa ang mga argumento, sa kasalukuyan ang awiting ito ang sikat na tunog sa mga puso ng E\m/O rOckz.
Kadalasan pakiramdam ng mga Emo-fanatics na tanging si Batman lang ang makakaintindi sa kalagayan nila. Itinuring na nilang 6 feet below the ground ang kanilang puso. Para ba itong isda na lumalangoy sa putikan na walang patutunguhan.
Anyways, eto na yung Top 5 Pinaka-sikat na EMO lines mula sa mga suicidal na EMO "dudes" natin:
5.) I am useless... / Wala akong silbi...
- Ito ang unang linyang masasambit mo oras na tumapak ka na sa mundo ng mga mahihilig sa itim... Pakiramdam mo kumbaga, e wala ka nang silbi...ni magsuot ng sapatos na Chuck Taylor, magsuot ng mga t-shirt na may "creepy" na mensahe at skinny jeans, mag-wax ng mahaba mong buhok, magkulay ng mata at kuko, at kumanta ng mga EMO songs, e parang di mo na magawa... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto mo nang mamatay...
Pero sabi nila, ang tawag daw sa mga ganyan e "Posers". Mga mahihilig siguro mag-pose...dapat na daw silang mamatay...lahat daw tayo, dapat ng mamatay...ah, kampon ng kadiliman, layuan mo ako!
4.) Nobody loves me... / Walang nagmamahal sa akin...
- Pag pakiramdam mong wala nang nagmamahal sa iyo at parang feeling mo gusto mong magrebelde, malamang, EMO ka na. Eto yung pakiramdam na parang pinagsakluban ka ng langit, lupa at impyerno...im...im...impyerno...saksak puso, tulo ang dugo... ay, mali, ba't naglalaro na ako dito...ang tanga ko... ang tanga tanga ko...kaya wala nang nagmamahal sa akin...kasi tanga ako...di na nila ako mahaaaaal... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto ko nang mamatay...
Ngayon ko lang napagtanto na ang larong pambata na "Langit-Lupa" e meron pa lang bahid ng pagiging EMO...buti na lang at di na uso ngayon yan, dahil imbes na maghabulan sila sa labas e naghahabulan na lang sila sa mapa ng DotA...
3.) I am a nobody... / Ay want nobody, nobody bat chu...
- Eto yata yung usong kanta ngayon...I want nobody, nobody bat chu...I want nobody nobody bat chu...ermagkanoTVmo...I want nobade-nobade, nobade nobadeh! Ay mali...iba pala yun... Bakit ba usung-uso yang kantang-koreano na yan?! E wala namang maintindihan diyan kundi yung "I want nobody, nobody bat chu"... ugh... Pero sa akin, wala silang pakialam... Wala silang panahon para pakinggan ang isang katulad ko...ang awit ng puso kong napupuno ng kadiliman... Parang di na nila ako nakikita... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto ko nang mamatay...
Kunwari pa yang mga emo na yan...pero sa loob nila e sumasayaw din naman sila ng "kampay-kampay ng hintuturo--turo sa audience/angat ng tuhod--sabay palakpak-turo-palakpak uli" tuwing makikita nila ang mga Koreanang naka-gintong damit...
2.) My life has no meaning / Walang halaga ang buhay ko...
- Pag nararamdaman mong wala nang ibang pupuntahan ang buhay mong sawi...pag pakiramdam mong unti-unti nang sinasakop ng kadiliman ang puso mo... EMO ka na. Parang kulang na lang e may mag-regalo sa iyo ng dictionary para malaman mo ang meaning ng "life"... At kahit anong paliwanag ang sabihin sa iyo ng mga pari, madre, pastor at arsobispo, e tila wala kang maintindihan...o TALAGANG AYAW MONG INTINDIHIN...dahil nagsara na ang utak mo dahil sa dami ng itim sa katawan mo... Nakakalungkot. Nakakaiyak. Gusto mo nang mamatay...
Ngayon ko lang din na-"gets"... EMO rin pala sina Freddie Aguilar at Rey Valera...at lahat ng songwriters na gumamit ng linyang "Walang halaga ang buhay ko..."
1.) I just wanna die... / Gusto ko nang kumandidato...este, gusto ko nang mamatay...
- Eto na ang pinaka-matindi...kumbaga, eto na ang culminating activity ng lahat ng mga demonyo sa utak mo...gusto mo na talagang mamatay! Wala ka nang silbi sa mundo, walang nagmamahal sa iyo, walang pakialam sa iyo ang mga tao, at walang halaga ang buhay mo...So ano pang hinihintay mo? Sakay na! Super Ferry, talagang trip kita (palubugin)! Ay amp, ba't ko ba ginagawang katatawanan ang KAMATAYAN...? Kaming mga EMO, maaaring buhay pa nga kami, pero patay na ang mga puso namin...oo, gusto na naming mamatay...pero nakakatawa lang at HANGGANG NGAYON, e buhay pa rin kami... Drama lang naman talaga 'to... sasabihin lang naming gusto na naming mamatay pero sa totoo lang, natatakot kami sa kinakalawang na blade, mataas na buildings at Boom na Boom/Star City carnival rides. Takot din kaming uminom ng lason, kaya sleeping pills na lang, kaso hindi effective kaya buhay pa rin yung iba... OO! Gusto na naming mamatay! Gustong-gusto!
Kaso pag namatay kami, di na kikita ang Dickies, Tribal at iba pang clothing lines na puro mga EMO ang mga suki! Di na rin sisikat ang Typecast at iba pang emo-bands dahil wala nang makikinig sa kanila! Di na rin kikita ang mga baklang parlorista na naghahawi ng bangs namin at nagkukulay ng kuko namin! Di na kakalat ang fashion statement ng EMO! Pano pa namin mapapalaganap ang kulto namin na sumasamba kay Marilyn Manson? Papano na? Papano na? Kaya ang ituturing na lang naming patay e ang mga puso namin para may palusot... dahil ang totoo niyan, kaming mga EMO, E TAKOT MAMATAY!
(Source of Top 5 Emo Lines:http://pmorada.blogspot.com/2009_09_01_archive.html)
Posted by Nathan at 5:57 AM 0 comments
Sunday, January 24, 2010
SERIAL KILLER
"Pangalan?"
"Boknoy."
"Tirahan?"
"Bahay po."
"Punyemas!" Ang nanggagalaiting hiyaw ni SPO1 Kotong Harang.
Nakahilerang naka-upo sa puting monoblock na silya ang magkukumpareng Boknoy, Badong, at Bosyong sa loob ng presinto uno. Manghang-mangha ang mga ito nang bigla silang damputin at bitbitin ng mga pulis at pilit na isinakay sa loob ng mobile car.
Nagkakasiyahan silang nag-iinuman sa Pasilyo Bar nang magulantang sila sa isang napakalakas na lagapak ng katawan ng tao sa semento na malapit sa kanilang pwesto. Humandusay na lang ang matandang lalake sa sahig at nangingisay-ngisay pa. Ilang minuto ang lumipas ay dali-daling binitbit ang nakahandusay na manong at isinakay sa ambulansiya at sinugod sa malapit na Ospital.
Parang binuhusan ng isang case na beer ang mga taong nagkakasiyahan at nag-iinuman sa loob ng Bar nang magdatingan na parang mga lawin na may dadambain ang mga pulis na kargado ng armalite, magnum 45 at tangke na nakaabang sa labas.
"Walang kikilos nang pasuraysuray kung ayaw n'yong samain!" hiyaw ni SPO1 Kotong Harang.
Maya-maya ay may lumapit na dalawang pulis na nakasuot ng itim na t-shirt na may nakasulat na SOCO sa lugar na kinabagsakan ni manong. Tila may sinuri ang mga ito sa sahig. Dumukot ng chalk sa bulsa, binilugan nito ang isang tipak ng suka ng tao na nakakalat sa semento. Sunod nitong kinuha ang malapad na dilaw na tali na may nakasulat na POLICE LINE DO NOT CROSS, pinaikutan nito ang lugar na pinangyarihan nang pangingisay ng biktima. Matapos yon ay kumuha ng lapis ang isang pulis na imbestigador at may drinowing sa papel. Sunod nitong minarkahan ang mesa nila Boknoy at nilagyan ng numero at kinunan ng larawan.
"You have the rights to remain silent until proven guilty without any reasonable doubt."
"Boss...chief naman. Ano bang kasalanan namin?"
"Kayo ang pinagbibintangan na nagkalat ng SUKA sa sahig na ikinamatay ng matandang lalake."
"Ows! Di nga."
"Sa korte ka na lang magpaliwanag."
"E,pano nangyari yun...ni hindi pa nga kami nalalasing at nagsusuka."
"Tsk...tsk...tsk...sino bang lasing na umamin na lasing sya. Ang kadalasan lang namang sinasabi ng lasing ay nakainom lang 'to kahit na pasuraysuray sa daan at panay ang kalat ng suka sa kalsada. Antayin n'yo na lang ang resulta ng alcoholic at DNA tests ng laway n'yo. Whag kayong mag-alala, magiging patas naman ang imbestigasyon dahil mag-co-conduct kami ng autopsy sa huling kinain at ininom ng biktima."
"Wala naman talaga kaming kasalanan sir."
Pansamantalang ikinulong sila Boknoy habang inaantay ang resulta ng pagsusuri sa kanilang nainom at laway.
Mabusing sinuri sa laboratoryo ang mga dura at laway nila Boknoy, Badong at Bosyong. Matapos ang mahabang pagsusuri ay lumabas sa pag-aanalisa ng SOCO na hindi nagtugma ang suka nila sa suka na nasa sahig na dahilan nang kinamatay ng manong. Pinalaya ang magkukumpare. Samantalang nakakuha ng lead ang mga alagad ng batas sa katauhan ng tunay na suspect sa pagkamatay ng matanda batay sa CCTV Camera ng Bar. Ayon sa video, nagmula ang suka sa isang lalake na kamukha ni SPO1 Kotong Harang na kasalukuyang nagtatago at kinilala na isang Serial Killer sa pagsusuka sa mga beer house.
Posted by Nathan at 7:41 AM 0 comments
Tuesday, January 19, 2010
SANIB
"'Whag po...whag po!"
"Shihihihihihhi....dididididi...."
"Ano na naman 'yan Carla nag-e-emote ka na naman 'dyan. Pinapraktis mo na naman yang karakter mo sa susunod n'yong pagtatanghal sa teatro. Sige na magaling ka na, pang-Oscar, Famas, Academy, Maria Clara, Golden Globe, Pinakbet, Kaldereta, Reyna Elena at Bubble Gang 'yang drama mo. Kahit nga pang Horror Awards pwedeng-pwede ka na."
" (Didididi....) May ma-mamang nakatayo sa tapat ng pintuan. Namumula ang mga mata. Nagbabaga ang mga kamay. Umuusok ang bibig."
"Ano 'yan...Flame of Recca at kanyang mga Dragons. Ikaw talaga lakas na naman ng trip mo. Ilang Boy Bawang na naman ba ang tinira mo at nagkakaganyan ka. Klasmeyt bigyan nyo nga piso 'to para matahimik na sa kanyang kahibangan."
Sabay-sabay na naghagis ng piso ang kanyang mga kaklase.
"Hahahaha....wala namin kaming nakikitang tao sa pintuan. Sa susunod mag-Promil ka na lang. Hindi Gold ah, kundi Promil Platinum...para naman multi-awarded yang acting mo," ang tudyo ng kanyang mga mag-aaral.
Biglang natumba sa kanyang kinauupuan si Carla at nawalan ng malay. Natigilan ang kanyang mga mag-aaral at nataranta ng makita nilang bumagsak ang katawan nito sa semento at ilang beses na nagpagulong-gulong.
"Ay naku! Carla, anong nagyayari sa'yo?"
"Kumuha kayo ng tubig! Bilisan mo Boknoynoy!"
Agad siyang nag-atubili sa pagbili ng mineral water sa Canteen. Hinihingal nya pa itong iniaabot sa besprend ni Carla na si Karen.
"Besprend! Gumising ka at uminom ka muna ng tubig."
Nakahinga sila nang maluwag ng makita nila na nagkakamalay na ito. Subalit, bigla silang nahindik sa sindak ng makita nilang nag-iiba ang aura ng mukha nito, namumula ang mga mata, umuusok ang bibig at parang nagliliyab ang mga kamay. Kinikilabutan sila sa nerbiyos nang masilayang umangat ang katawan nito sa hangin. At patiwarik itong naglakad sa kisame.
"Totoo nga ang sinabi nya kanina na may nakikita syang lalake na nakatayo sa pinto. Tignan n'yo! Hindi ba't sumanib sa kanya ang kaluluwang ligaw!" ang nagtititiling sindak na sambit nilang lahat.
Agad na kumuha ng krus si Boknoynoy at itinapat kay Carla.
"Kung sino ka mang impakto ka layuan mo ang kaklase namin...Titigan mo ng mabuti ang krus na ito! Sa pamamagitan nito ay matutunaw ka!" ang pangigigil na pagbubulyaw ni Boknoynoy.
"Bwahahaha...kanina pa ako nakatitig d'yan. Hindi mo ako matatakot sa hawak mong krus."
"Bakit hindi ka natatakot sa krus, ha!?"
"Bata...sagrado Katoliko din ata ini. Araw-araw ata akong nagrorosaryo, at mahilig din akong mangolekta ng iba't ibang uri ng krus. Ang paborito ko pa nga ay ang krus ng Black Nazarene."
Nanlaki ang mga mata niya siya sa paliwanag ng ligaw na kaluluwa. Bigla niyang naisip na may ipinabaon pala sa kanya ang kanyang nanay na Holywater. Naalala niya na mabisang sandata ito na pantaboy ng mga masasamang espiritu.
"Sige, kapag hindi ka pa lumayas sa katawan ng kaklase ko...Wiwisikan kita ng sagradong tubig at maglalaho ka ng parang bula," panakot nito.
Nagunit bago pa man niya maisaboy ang Holywater ay mabilis na dinalikwat agad ito ng mahabang buhok ng dalagita. Napakunot-noo siya nang harap-harapang lagukin nito ang sagradong tubig sa botelya.
"Swabe! Ang sarap pala ng mineral water n'yo. Sa susunod, 'yung alkaline water naman ang dalhin mo, mas mabuti kasi yun sa katawan. Tinatanggal kasi nito ang mga toxins sa katawan ng tao. Now you know."
Napangiwi silang lahat sa labis na pagtataka. Naging palaisipan tuloy sa kanila kung anong uri ng kaluluwa ang sumanib sa kanilang kamag-aral. Isang solusyon na lang ang kanilang naisip. Sa tingin nila ito na ang pinakamabisa sa lahat ng pangontra. Kumuha sila ng Bawang, dinikdik ito at ipinahid sa katawan ni Carla.
"Ano ba naman kayo, hindi n'yo ba alam na mabaho ang Bawang. Wala naman kayong ka-eti-etiketa sa katawan. Mas masarap ang Bawang kapag ginawang garlic bread."
Sa oras na 'yon ay nawiwindang sila sa kahahanap ng solusyon kung paano mapapalayas ito sa katawan ng kanilang kaklase. Naisip ni Karen na dala niya pala ang kanyang Biblia. Itinapat niya ito kay Carla.
"O, sige aalis lamang ako sa katawan ng inyong kaibigan kung masasagot n'yo ang aking katanungan," hamon ng ligaw na kaluluwa.
"Deal...," ang sabay-sabay na pagtanggap nila sa hamon.
"Sa ilang pirasong pilak ipinagkalulo ni Hudas si Jesus?"
Parang napako ang dila nila sa oras na iyon.
"Ah, 20 pilak."
"Hay naku, ano ba namang kristiyano kayo hindi niyo masagot ang napaka-simpleng tanong ko. Mali! 30 kaya," panglalait sa kanila nito.
"Isa pa. Ilang beses ipinagkalulo ni Pedro si Jesus?"
" Apat!" ang matikas na sabot ni Boknoynoy.
"Noobs. Mali parin!"
"Teka, ako naman ang maghahamon. Kapag natalo kita lilisanin mo ang katawan ni Carla," pagmamalaki ni Boknoynoy.
"Sige ba. Pero kapag natalo kita, ang katawan mo ang kukunin ko at gagamitin ko,"ang pagbabanta ng ligaw na kaluluwa.
"Deal," ang pagtanggap na hamon ni Boknoynoy.
Hinamin niya ito sa larong pinoyhenyo. Kumuha ng panyo si Boknoy at itinali sa noo ni Carla. Iniabot naman sa kanya ni Karen ang kapirasong papel at pentel pen. Sinulatan niya ito. Dinikitan ng scoth type at dinikit sa noo ng sinasanibang kamag-aral.
"Tao ba ito?" tanong ng ligaw na kaluluwa.
"Hindi!" sagot ng mga mag-aaral.
"Gamit sa bahay?"
"Hindi!"
"Nakikika kung saan-saan?"
"Pwede!"
Sobrang nahirapan ang ligaw na kaluluwa na hulaan ang anyong tao, katawa'y kabayo: na ang sagot ay TIKBALANG. Napansin nila na mahina pala ito sa panghuhula ng mga maligno at impakto.
"Dinaya n'yo ako panay kasi Biblia ang binabasa ko. Akala ko kasi patungkol dun ang itatanong n'yo. Wala pa naman akong kahilighilig na pag-aralan ang mga maligno, impakto at kung anu-anong kababalaghan. Di bale sa susunod na paghaharap natin tatalunin na kita. Aalis muna ako para mag-research."
Nanghisay si Carla hanggang sa nawalan ito ng malay. At nang mahimasmasan...humagulgol ito sabay yakap sa kaibigan. Wala na ang mapupulang mata nito at kalmado na ang kapaligiran.
Posted by Nathan at 7:00 PM 0 comments
Sunday, January 17, 2010
PANIS NA ALAK
"Tagay pa!"
"Kampay...kampay!"
Kilala ang Kalye Laklak na pugad ng mga sunog baga. Masyadong talamak raw sa alak ang mga kalalakihan sa kalyeng ito. Sa katunayan ginagawang pangmumog ng mga ito ang Gin, pananghalian ang Redhorse, hapunan ang Matador at pangbanlaw kinabukasan ang Beer. Ang ganitong uri ng tanawin ay masisilayan sa tuwing sasapit ang araw ng sabado at linggo. Makikita mong bumabaha ang alak sa kahabaaan ng kalsada. Ang kondisyong ito ay naging mabigat na suliranin ni Kapitan Boknoy. Masyadong nangangamba ang mga ina ng tahanan na baka kalakihan ng mga bagong sibol ng kabataan ang ganitong uri ng libangan ng mga gurang na kalalakihan. Madalas din ang away ng mga lassenghot, kapag napanis na ang alak na kanilang pinagsasaluhan. Naging popular ang salitang ito dahil napuna ng mga kababaihan na kapag naghalo-halo na ang mga inumin na tinutungga ng mga sunog baga ay panay ang suka ng mga ito at sinasaniban sila ng masamang espiritu.
Dinumog si Boknoy ng mga kababaihan sa Barangay, hinikayat siya ng mga ito na gumawa ng isang programa na kung saan ay malulutas nito ang suliranin na kinakaharap ng kanyang nasasakupan. Pinag-aralan niya ang suhestiyon ng mga higit na nakakaunawa sa lumalalang sitwasyon ng Kalye Laklak . Naisip niya na kung pagbabawalan niyang magtinda ng alak ang mga tindahan sa nasabing lugar ay hihina ang koleksyon ng buwis ng pamahalaanag lungsod na magiging sanhi ng pag-liit ng kanilang budyet. Kapag naganap ito ay hindi niya na maipapatupad ang iba pang mga serbisyong pampubliko para sa kanyang mga kababayan.
Bilang solusyon ay napagpasyahan niya na maari namang mag-inuman at hindi magsara ang mga tindahan ng alak. Hinikayat niya ang kaniyang mga kagawad na aprubahan ang kanyang kautusang pambarangay na sasagot sa suliranin sa lumalaking bilang ng mga sunog baga at paglaganap ng panis na alak sa kanyang nasasakupan. Imbis na matuwa ang mga ito ay puro halakhak lang ang itinugon nila. Suntok sa buwan raw ang kanyang iminumungkahi. Baka magmukha raw Health Center ang Kalye Laklak at magiging sentro raw ng katatawanan ang kanilang barangay. Maya-maya lang ay kaliwa't kanan na ang palitan ng mga kuro-kuro sa pagdedebate. Sa bandang huli ay nanaig din ang kagustuhan ni Boknoy. Pagkatapos maripaso ang kautusang pambarangay bilang lima sa taong kasalukuyan ay agad ipinatawag ang mga sunog baga sa Kalye Laklak. Dahil tumapat sa araw ng linggo ang pagpupulong; lasing na dumalo ang mga kalalakihan. Ipinaliwanag ni Boknoy na simula sa susunod na linggo, ang sinumang hindi gumamit ng droplets kapag nag-iinuman ay pagmumultahin ng P1000. Pinapahintulutan parin naman ang pag-iinuman, subalit kailangan ang bawat isa sa kanila ay gagamit ng droplets. Ipinagbawal na ang paggamit ng baso, pitsel at paglagok ng alak sa bote. Kailangan talaga nilang gumamit ng droplets para masabing lihitimo ang kanilang inuman.
Natuwa naman ang mga kababaihan sa nakitang pagbabago sa kanilang lugar. Subalit ang mga sunog baga ay hindi nasisiyahan sa nagaganapn nilang inuman. Pakiramdam nila ay para silang mga bagong sanggol na umiinom ng vitamins sa kanilang tagayan.Hindi na nga nila matawag na toma ang kanilang kasiyahan dahil bago maubos ang isang bote ng serbesa ay inaabot nang isang oras ang pagsimot nito. Nangangawit na rin ang kanilang kamay at ngalangala sa pagsipsip ng alak sa droplets. At dahil parusa para sa kanila ang ganitong paraan nang pag-iiinom ay gumana ang kanilang imahinasyon kung paano malulutusan ang parusa ni Kapitan. Napagkaisahan ng grupo ng sunog baga na magpagawa ng droplets na kasinglaki ng tsupon para naman maramdaman nila ang amats ng alak. Nang sumapit ang araw ng kanilang hapi-hapi ay may bitbit na tig-iisang droplets na kasinglaki ng tsupon ang mga nag-iinumang kalalakihan. Naganap na naman ang kinatatakutan ng mga kababaihan, maingay na naman ang lugar, at panay ang suka na naman ng kanilang mga asawa. Nang makita ito ni kapitan Boknoy ay napakamot na lang siya sa ulo. Paano nga naman niyan papatawan ng parusa ang mga sunog baga, e droplets parin namin ang gamit nila. Di naman kasi nakasulat sa kanyang kautusan ang laki at haba nito.
Posted by Nathan at 5:53 PM 0 comments
Wednesday, January 13, 2010
PANLILIBAK: SI OSANG TALAGA PANG SHOWTIME
Naging bulong-bulungan at usap-usapan sa bawat paaralan ang komento na ibinigay ni Rosanna Roces O mas kilala bilang Osang, na nabigyan ng pagkakataon na maging hurado ng programang Showtime. Makatwiran ba ang kanyang naging reaksyon bilang hurado ng Showtime? Tama ba ang kanyang naging pahayag? May karapatan ba siyang manlibak ng mga kaguruan?
Ang Showtime ay nagtatanghal upang ipamalas ang angking talento ng mga pinoy sa iba't ibang aspeto. Ito ay isang pagkakataon upang maipamalas ng sinumang lalahok dito na ang isang simpleng tao ay may kakayahang magpasikat sa buong bansa. Upang maging ganap ang paghuhusga, ang naatasang hurado ay binibigyan ng pagkakataon na ipahayag ang kanyang kuro-kuro, hinggil sa ipinakitang gilas ng bawat kalahok. Susuriin niya ang estetika, mekanismo, pagiging malikhain, kasuotan, konsepto, at dynamiko ng presentasyon. Magpapahayag ang hurado upang kilatisin kung pumasa ba sa kanyang panlasa ang istilo ng presentasyon o di kaya naman ay magbigay ng makabuluhang suhestiyon upang magamit ng mga kalahok sa kanilang pakikipagsapalaran sa inaasam na ambisyon. Nang magkamali ang isang kalahok sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa pamilya ni Rizal ay hindi ito pinalagpas ni Osang. Ayon sa kanyang pahayag,
"...murahin mo ang teacher mo. Ako minura ko ang teacher ko nang hindi niya nasagot sa akin ‘yan. Oo, walang hiya yang mga teachers na ‘yan hindi sinasabi ang totoo sa atin. Kaya kayong mga kabataan ‘whag kayong makontento sa mga itinuturo ng libro at mga teachers. Magtatanong po kayo hindi masama iyon...dahil ang mga teachers they were just repeaters. Itinuturo nila kung ano ang naituro sa kanila, hindi na nila itinuturo ang gustong malaman ng mga bata."
Walang masama ng kastiguhin ni Osang ang maling impormasyon na naipahayag ng isang kalahok. Dapat naman talagang winawasto ang isang pagkakamali lalo na't live na pinalalabas ang programang ito. Subalit, ano kaya ang intensyon niya para sabihing dapat MURAHIN ang mga kaguruan? Ibig sabihin ba niya, lahat ng guro sa buong bansa ay guro ng nasabing bata. Hindi man lang niya tinatong ang bata kung nakikinig ba siya noong panahon na nagtuturo ang kanyang guro o nagbabasa ba ito ng libro. Nagbigay siya agad na isang pangkalahatang pahayag na lumilibak sa kakayahan ng mga guro.
Maging ang nakasulat sa libro ay kanyang kinondena. Pero sinabi niya na dapat nagsusuri ang mga kabataan sa internet o di kaya naman ay nagtatanong. Kanino ba dapat magtanong ang isang mag-aral kung walang hiya naman pala ang mga guro? Sa mga hayop ba, bundok, puno at mga tala sa kalangitan. Dapat raw na magsuri ang mga kabataan sa internet para matuto. Ibig sabihin ba nito, hindi na maituturing na karagdagang babasahin ang mga detalyeng makukuha sa mga web sayt. At san ba nagmula ang mahahalagang detalye na nasa web ngayon, hindi ba't mula ito sa mga nalimbag na libro na masusing pinag-aralan ng mga guro. Ang mga guro raw ay repeaters lamang . Itinuturo nila kung ano ang naituro sa kanila. Sang-ayon naman ako rito, pinag-aaralan natin ang mga bagay na napag-aralan na ng ating mga ninuno. Kailan mo ba matutunan ang isang bagay? Sa isang pasadang pagtuturo o pagbabasa; tapos ay gagawa na tayo na sarili nating konklusyon at prinsipyo batay sa ating pagkaunawa. Hindi ba't ang batas na siyensya ay pinagtitibay ng mahabang panahon-batay sa pagsusuri at sandamakmak na pagsusuri.
Natural na ulitin ng guro ang mga impormasyon sa asignatura na kung saan siya nagpakadalubhasa. Maging ang buhay at katha ni Rizal ay paulit-ulit na pinag-aaralan at binibigyan ng bagong bihis. Batay sa makabuluhang interpretasyon ng mga nagdadalubhasa sa kanyang kontribusyon at pagkatao bilang isang bayani ng bansa. Nangangahulugan ba ito na kapag narinig mo na ang katha at buhay ni Rizal sa isang pasada-- ay ayos na? Binabalikan natin ang mga impormasyon upang tumatak sa ating isipan na mas malalim at makabuluhan ang isang konsepto upang magamit natin sa ating susunod na pagsusuri. Maging sa pagpapalaki ng isang anak ay kailangan mong ulit-ulitin ang mga impormasyon na gusto mong maipabatid upang tumimo sa kanyang isipan kung ano ang dapat at hindi dapat.Bawat taon naman kasi ay iba't ibang uri ng mag-aaral ang hinahawakan ng isang guro. Kayat natural na ang naituro sa nakalipas na batch ay dapat mo ring ituro sa susunod na batch. Kapag may mga pagbabagong nagaganap sa bawat asignatura ay inihahain naman ito ng guro sa mga mag-aaral upang higit na mapalawak ang kanilang kaalaman.
Marahil ay tatanggapin ko nang maluwag sa aking kalooban kung ang nagpahayag ay si Mr. Efren Penaflorida. Higit siyang nakakaunawa sa kalagayan ng isang guro. Nagsusumikap siya upang iangat ang antas ng edukasyon sa bansa ng hindi umaasa sa pamahalaan. Maging ang dating sex symbol na si Ms. TeTchie Agbayani ay isa ng guro ngayon. Samakatuwid, sino ba si Osang? Taglay niya ba ang modelong karakter upang manlibak ng guro. Nararanasan niya ba at naiintindihan ang paghihirap ng isang guro? Taklesa na siya kung taklesa. Ngunit ang kanyang nililibak ay isang institusyon na naghahasik ng binhi upang maiangat ang dignidad ng ating bansa. Isang institusyon na hindi nagpapasikat, bagkus ay tumutulong na pasikatin ang mga kabataan. Mga gurong hindi humaharap sa ningning ng kamera. Kinang ng kasikatan. Kundi sa ningning ng bokasyon na magbigay ng sulo ng tagumpay nating lahat.
Posted by Nathan at 2:44 AM 0 comments
Thursday, January 7, 2010
TAMBUTSO
Swabe ang tunog ng bagong Motorsiklo na kinuha ng papa ni Tsokoy bilang regalo sa kanyang nalalapit na kaarawan. Honda Wave 100R ang tatak, pinaghalong itim at asul na kulay ang flarings nito, makintab, makinis, malambot ang upuan, malakas ang ilaw at higit sa lahat ay Brand new--- kahit na hulugan. Matagal din n’yang pinapangarap na magkaroon ng isang bagong modelong motorsiklo. Napag-iiwanan na sya ng kanyang mga katropa sa kasikatan, papormahan, gimikan, at impluwensya sa kanilang samahan na binansagang mga anak ng tambutso. Karamihan ng kanyang mga kaibigan ay may sarili ng motorsiklo.
Kung sa yaman at yaman lang ang batayan ng kasikatan ng kanilang samahan ay hindi magpapahuli si Tsokoy. Maituturing na mayaman dahil sa dami ng sasakyan: isang itim na kotseng Honda Civic, tatlong dyip at limang trisykle. Kailangan mo pang tingalain ang mga taong baba’t panaog sa kanilang bahay. Kailangan mo ding labanan ang nakadungaw na sikat ng araw upang maaninag ang taong dumudungaw mula sa tuktok ng terrace. May negosyo ang kanyang ina, samantalang mataas ang posisyon ng kanyang ama sa isang kompanya. Dalawa lang silang magkapatid. Kung sa tutuusin ay mapalad siya dahil nasusunod ang kanyang gusto at mahal na mahal siya ng kanyang magulang. Hindi nga lang sya nakakapagtapos ng High School dahil sa labis na pakikisama at pagmamahal sa tropa.
Dati rati’y parati na lang umiindak ang kanyang pwetan sa upuan kapag rumarampa ang motorsiklo. Madalas makipagbuno ang kanyang mga paa sa sunod-sunod na indayog ng gulong sa saliw ng musika na nagmumula sa tambutso. Kailangan pang makipagpalakasan ng kanyang mga braso sa kapirasong bakal sa dulong bahagi ng upuan upang manatiling nagtatampisaw sa pagasgas ng hangin at serenata nang mga ugong mula sa iba’t ibang sasakyan na kanilang nalalagpasan. Pinaglalaruan lang nila ang kamatayan. Pinagtatawanan lamang nila ang mga kamuntik-muntikanang sakuna. Hinahamon nila si kamatayan ng karera, at kawitin ng karit nito, habang ang kanilang motorsiklo ay matulin na bumubulusok sa hangin. Bilib na bilib sila sa sarili sa angas at husay nilang magpatakbo ng motorsiklo. Walang trapik. Walang balakid. Bawat puwang ay nalulusutan. Animo’y sibat ang kanilang sasakyan, sa bilis sa pagpapaharurot.
Whooooo…liiihhh…haaa! Ang malakas niyang sigaw habang mabilis na humaharurot ang Motorsiklo. Halos mabiak ang kanyang ngalangala sa pakikipagpambuno sa hangin. Maisaboy lamang ang nararamdamang kasiyahan. Para silang nasa tuktok ng alapaap habang tinutugaygay ang maalon na kalsada. Lalo pang nahamon si Eric sa kaliwa’t kanang kurba ng kalsada. Pinaling-paling nya ang manibela sa magkabilang direksyon. Habang sumasabay ang kanilang buong katawan sa patuloy na pag-ugoy ng motorsiklo sa malabitukang manok na daanan. Piniga niya ang silinyador, umingay ang makina, nangigil ang kadena, umaapoy sa ngingit ang spraket at sumisipol nang malakas ang tambutso. Nang pumayapa ang kalsada, malaya sa bitak, lubak at humps. Sandaling nag-stock-up ang manibela. Biglang bumitaw ang kamay ni Eric sa madiin na pagkakahawak at lumiyad kay Tsokoy. Sa simula ay bumilis ang tambol ng kanyang dibdib. Nang di naglaon ay lubos na kaligayahan ang nag-uumapaw; nang mapansin nya na balewala lang sa kanyang kaibigan ang disgrasya. Sabay silang humiram ng lakas nang loob sa hangin.
Araw-araw niyang nililinis ang kanyang bagong sasakyan. Pinakikintab at tinuturing na kabiyak. Kung dati rati ay umaangkas lang sya. Ngayon ay sya na ang inaangkasan ng ilan niyang kaibigan. Sa simula ay marahan ang kanyang takbo. Takot siyang sumingit at umarangkada ng matulin. Kadalasang pumapalo lang ng 40 km/h ang kanyang takbo sa speednometer.
“Ang bagal mo naman! Ano ba ‘yan bisikleta?! Tsokoy, maglakad kanalang! Ang pang-aalaska ng kanyang mga katropa.”
Sasabayan sya ng grupo at biglang haharurot ng napakabilis. Muli na naman siyang maiiwanan. Pipigain nya ng napakadiin ang silinyador upang magalit ang makina at bumilis ang ikot ng gulong at makahabol sa kanyang mga kaibigan. Tuwing susubukan niyang humabol ay nauunahan sya ng takot dahil hindi sya sanay na humarurot sa bagong motor. Iniingatan nya itong huwag magasgasan. Matagal nya itong pinangarap kaya labis nya itong pinag-iingatan. Kapag pumalo na ang bilis sa 80 km/h ay nanginginig ang manibela kaya binawasan nya ang diin sa silinyador.
Hindi sya sanay sa bagong modelo ng motor na walang klats. Madalas kasi niyang ginagamit ang mga motorsiklo na ginagamit na pang-trisykle. Sa isip-isip niya na hindi niya kailangang magmadali dahil mabibigla ang makina. Kailangan nya pa kasing timplahin ang takbo ng motor habang sumasailalim ito sa panimulang pagtakbo. Sa loob-loob niya, kapag pumalo na nang unang isang libong kilometro ay saka nya hahamunin ang tropa at makikipagsabayan sa bilis.
Sa bawat araw na lumilipas ay walang humpay niyang pinatatakbo ang motorsiklo upang makuha ang unang isang daang kilometro sa Trip mileometer. Nang makita nya sa Trip mileometer na pumalo na sa 1000 kilometro ang natakbo ng kanyang bagong motor ay agad nya itong pinapalitan ng langis upang malinis ang makina. Inihinto nya ang motor sa tabi ng kalsada ang tinawag si Joel na isang mekaniko ng motor, agad nitong inasikaso si Tsokoy at pinaluwag ang turnilyo sa ilalim at inilapag ang plastik na galon. Hinugot nya ang turnilyo, bumulwak ang maitim na langis at tumapon sa plastik na galon, nang patak-patak na lang ang lumalabas ay kinuha nito ang maliit na hose at sinalpak sa bunganga ng machine oil gauge. Pinihit nya ang switch at umikot ang bilog na bakal sa kompressor at nagsimulang umingay ang makina. Mabilis na dumaloy ang hangin sa hose at pumasok sa makina, tinaboy nito ang mga nalalabing langis na naiwan sa makina. Kinuha nito ang bagong langis at binuhos sa lalagyan.
Matapos maubos ang isang litrong langis at maisalpak ang oil gauge ng makina ay isinalpak nya ang susi sa ignition switch, pinihit ang susi sa nuetral position. Diniin ang silinyador at sumirit ang sunod-sunod na hangin sa tambutso.
Broom…broom…broom…. inapakan nya ang kambyo sa unahan, pinaandar ang motorsiklo at mabilis na nakabalik sa bahay. Pinarada nya agad ito sa tapat ng kanilang bahay. Tinabig ng kanyang paa ang side stand upang ibalanse ito at huwag bumagsak. Pagkatapos ay tinaggal sa pagkakasalpak ang susi.
Makalipas ang apat na buwan ay mabilis niyang nagamay ang bilis, bigat at balanse ng kanyang motor. Nakakasabay na sya sa kaniyang mga kaibigan, ngunit katulad ng dati ay naiiwan parin sya dahil 100 km/h lang ang tulin nito samantalang 125 km/h ang sa kanyang mga kaibigan. Inipon nya ang perang binibigay ng kanyang ama’t ina.
SINIMULAN NIYANG BIHISAN ITO, una niyang pinalitan ay ang rear shockhabsorber ng lowered na klase at istilong debaso upang pababain ang makina. Sunod ay pinakurbahan nya ang seat cushion upang tumambok ng kaunti ang likurang bahagi at pinalitan ng posh ang balot ng upuan. Makalipas ang ilang araw ay tinaggal nya ang salamin sa magkabilang tagiliran ng manibela, pinalitan ang busina, tinaggal ang silencer ng tambutso, pinalitan ang side stand ng stainless, pinalitan ang main stand ng mas maliit, pinalitan ang gulong ng tubeless, 70x90 ang hulihan at 60x80 ang unahan.
Makalipas ang isang buwan ay binago nya naman ang front shockabsorber at pinakulayan ng kulay ginto, at ang makina nito ay halos humalik sa semento, pinalitan ang mga rims, tinaggal ang rear turnlight, pinalakihan ang karburador, at kinargahan ng racing cap ang makina, pina-underneath ang hulihan, pinaangat nya ang step-not at pinalitan ng stainless. Bumili ng 12 volts/6000 watts na amplifier, dalawang maliit na speakers, inayos ang wyring at may instant sound beat na. Pinakabitan ng neon-lights, para itong Christmas lights sa mahaharot na kinang ng mga ilaw. Pinalagyan ng konbersyon ang kambyo at preno. Higit sa lahat ay pinalagyan nya ng klats at pinalaki ang bunganga ng tambutso na kasya ang maliit na baso.
Lalo siyang napamahal sa kanyang sasakyan. Kung dati’y hindi sya makahabol sa kanyang mga katropa, ngayon madalas s’yang nauuna. Mabilis na kung sumingit, matulin na kung humarurot.
Tsokoy, antayin mo naman kami! Tangna mo masyado kang mayabang! Ang ingay ng motor mo! ang angal ng kanyang tropa at mga taong malalampasan nya.
Kahit pula pa ang ilaw ng stop light ay pinahaharurot nya ang kanyang motor. Agad na sisilbato ang bantay trapiko upang siya’y pigilan at pahintuin. Hindi niya ito papansinin. Lalo siyang haharurot nang napakatulin.
“Habulin mo ako kung gusto mo,” pagyayabang nya sa sarili.
Masyado siyang tiwala sa buga ng kanyang tambutso dahil pangkarera ang set-up nito. Hindi magawang maplakahan ng bantay trapiko ang kanyang sasakyan. Tinaggal kasi ang plate number nito. Sinadya ng kanyang ama na huwag itong ikabit dahil masyado nang nagiging gala si Tsokoy.
“ Motor na lang ba lagi ang aatupagin mo at hindi pag-aaral mo, Tsokoy? Tanong ng ama.
Hindi ito kumikibo at panay ang pindot sa PSP.
“Madalas ka pang nasa kalsada kaysa umuwi ng bahay. Puro katarantaduhan lamang ang alam mong gawin dahil sa kakasama mo sa mga barkada mong lagalag,” bulalas ng kaniyang ama.
Nang hindi na ito makapagtimpi ay hinablot nito ang hawak na PSP at ibinato sa pader. Nagkapiraso-piraso ito ng bumagsak sa sahig. Nag-aapoy sa galit ang kanyang ama sa kanyang kinilos.
“ Ganyan ka naman eh…gusto mong tularan kita. Walang ibang magaling sa’yo kundi ambisyon mo, karangalan at pangalan ng pamilya,” hibik-hinanakit ng anak.
Bago pa tuluyang lumiyab ang galit ng ama ay lumabas na siya ng bahay at pumunta sa kanyang mga katropa. Humapdi ang puso ng kanyang ama sa kanyang inasal. Pakiwal-kiwal na rumaragasa sa kanyang isip sa paghikab ng nakaraan. Naalimpungatan ang kanyang damdamin sa paraan ng pagpapalaki sa kanyang unico hijo. Nanariwa sa kanyang ang mga panahon na hindi sya naglaan ng oras upang pandayin ang pagkatao ng anak at subaybayan ang kanyang pag-aaral. Hindi siya naglaan ng diyalogo upang maisumbulat ng anak ang kanyang kinikimkim na pag-aaklas. Hindi nya ito naigiya sa yakap ng pangaral at namnamin ang mga gintong sandali na sila ay magkaulayaw.
Anong disiplina ang ibinigay ko sa kanya noong maliit pa siya? Paano ko ba siya sinubaybayan ng bata pa siya? Labis ang kanyang paghihinayang sa mga gintong panahon na lumipas na kung saan ay maari nya pang baguhin ang kasalukuyan.
Sa tuwing magtatalo sila ng kanyang ama ay niyaya ni Tsokoy ang kanyang mga katropa na gumala. Kadalasan ay sama-sama silang nagpapatakbo sa mga baybayin ng Muntinlupa upang iparada ang kanilang mga binihisang motorsiklo. Nakakakuliglig sa pandinig ang sabay-sabay na ingay na nagmumula sa kanilang mga tambutso, habang panay ang hagod sa silinyador. Para silang nagparada sa isang prusisyon na ang kanilang motor ang Reyna Elena at sila ang mga konsorte.
“Nandiyan na naman ang mga anak ng tambutso,” palahaw na sigaw ng mga tambay na mga kabataan.
Rinding-rindi ang bawat bahay na kanilang madaanan. Tuwang-tuwa naman silang makitang pinagkakaguluhan ang kanilang mga motor ng mga miyembro ng samahang nag-momotorsiklo. Lubha silang namamangha sa kakaibang porma at istilo ng kanilang mga motorsiklo. Kapag sama-sama silang magbabarkada ay napapasarap sila sa pag-iikot at pagagala. Madalas ay hindi na sya umuuwi ng bahay. Malimit siyang tumuloy sa bahay ng kanyang kaibigan sa Batangas, o di kaya naman ay San Pablo Laguna. Pinupuntahan nila ang nais nilang puntahan hanggat may gasolina. Kung gaano kaangas ang kanilang motor ay ganun din sila kaangas. Natutuhan na rin ni Tsokoy ang mga bisyo ng mga kaibigan, ang manigarilyo, uminom at magpa-cute sa mga chikas. Iba’t ibang chikas na din ang kanyang naisakay sa kanyang sasakyan, macho daw ang kanyang alaga, kaya macho din sya.
Sa pagmomotor nya din nakilala si Joy. Halos hindi nagkakalayo ang kanilang edad. Matanda lang siya ng isang taon dito. Deysi sais sya at kinse anyos naman ang dalaga. Sa bawat galaan ay parati niya itong kasama. Pareho silang may lihim na pag-aaklas sa kanilang mga magulang. Pareho nilang tinutuklas ang kanilang mga sarili sa iba’t ibang kaibigan. Pareho silang naghahanap ng atensyon at karamay na ipinagkait sa kanila habang namumulat silang anino lang ang kanilang katuwang sa pakikibaka sa buhay. Kaya madaling nahulog ang loob nila sa isa’t isa.
Minsan ay naiwan sila ng kanilang tropa sa bahay ng kanilang kaibigan. Matagal silang nakapag-usap ng salirinan. Naungkat ang kanilang mga nakaraan. Naramdaman nila ang ginhawa sa kanilang pakiramdam. Lumaya ang kanilang mga damdamin. Naglakbay ang kanilang diwa. Hanggang nagsanib ang kanilang mga kaluluwa.
Supresang pumunta ang kanyang nobya sa bahay nila, nagtataka ito sa matumal na dalaw ng nobyo sa kanilang bahay.
“Tsokoy! Tsokoy!” tawag ng kanyang kasintahan.
“Bakit ba? Ano bang problema mo?” tanong nito.
“Bakit hindi mo na ako pinupuntahan sa bahay?” malambing na tanong nito.
“E, ano bang pake mo!” sambot niya.
“Tsokoy…buntis ako,” nagmamakaawang pag-amin nito.
“Umalis ka nga sa harap ko at naiirita ako sa pagmumukha mo” pasigaw niyang utos.
Pilit na nagmamakaawa ang kanyang nobya, at panay yakap at kapit sa kanya. Subalit lalo siyang nairita. Binalya niya ito at bumagsak ito sa lupa.
“ Anong tingin mo sa akin patakbuhing tambutso,” panunumbat ng nobya.
“Putek ka! Tumigil ka kung ayaw mong….” Sabay amba ng kamay.
“Sige tuloy mo!” ipinagdikdikan pa nito ang mukha sa kanyang kamay.
“Pagkatapos mo akong pasakayin sa mga kayabangan mo ay iiwan mo na lamang ako,” ang paos nitong sigaw habang umiiyak .
Binalot si Joy ng poot sa oras na iyon. Sabay na naghihimagsik ang kanyang puso’t isipan. Nagdadalamhati sya sa kanyang kalagayan. Nahahabag sya sa sarili at sa inosenteng dugo na nakakanlong sa kanyang sinapupunan. Inuudyukan sya ng poot na lumaban at ibangon ang kanyang dangal sa gitna ng kadiliman upang lumiwanag ang katauhan ng nobyo sa tinatalikurang responsibilidad.
Wasakin mo ang motor! Wasakin mo! Wasakin mo!
Ang dikta ng kanyang saloobin. Ngunit patuloy na nagingibabaw ang kanyang pagmamahal sa kasintahan. Ang kanyang katawan ay nanginginig sa paghikbi, umiiyak habang humaharurot papalayo ang motor ni Tsokoy.
“Tsokoy! Tsokoy lumabas ka diyan!” ang sigaw ng magulang ng kanyang kasintahan.
Tahimik ang bahay at walang kailaw-ilaw. Ngunit nagliliwanag ang madilim na kapaligiran sa bawat hiyaw ng nanay ng nobya ni Tsokoy sa labas ng geyt ng bahay. Isang malakas na tunog ng makina ng sasakyan ang umagaw sa atensyon ng matandang babae. Lumabas sa kotse ang papa ni Tsokoy at tinanong kung sino ang pakay nila. Inanyayahan siya nito na pumasok sa bahay at sa loob mag-usap. Nagkasundo sila na hindi muna magsasama ang dalawang bata, ngunit sasagutin ng pamilya ng lalaki ang gastos sa Ospital sa oras ng panganganak.
Mas pinahalagahan ni Tsokoy ang kanyang sasakyan kaysa sa kanyang magulang at kasintahan. Handa niyang ipaglaban ito sa sinumang magtatangkang umagaw sa kanyang mga kamay. Mahigit isang taon na ang kanyang motor ngunit ayaw itong iparehistro ng kanyang ama upang matakot siyang igala ito ng malayo at maghinay-hinay sa pagpapatakbo. Kung paanong nagbagong-bihis ang kanyang sasakyan ay nagbagong-bihis din ang kaniyang pagkatao. Wala na itong takot, buo ang loob na makipag sabayan sa matutulin na sasakyan sa kalsada. Kahit alanganin ay mag-overtake, sabay mag-bunking pakanan at biglang pipihit sa kaliwa. Biglang babagal ang takbo ng dyip na kanyang siningitan at mariin na tatapakan ang preno.
“Nakuuupppp!.........” hiyaw ng pasahero sa harapan.
“Putangna kang bata ka…malamang malapit-lapit ka sa hukay,” galit na sambit ng driver.
“Kung gusto mong magpakamatay ibangga mo yan sa truck,” sigaw ng isang pasahero.
Tuwing dadaan siya sa kahabaan ng kalye ng Rizal sa Poblacion ay nagmumura ang mga madadaanan niya. Masyado kasing iskandaloso ang tunog ng kanyang tambutso, nakakairita sa tenga. Minsan ay napagkaisahan ng mga kabataan na lagyan ng bato ang kalsada upang makatikim siya ng semplang ng madala. Subalit, bago pa nila mahagis ang mga bato ay mabilis na nakapuga ang kanyang motorsiklo mula sa kanilang masamang balak. Kahit hating gabi ay ginagala niya ang kanyang sasakyan, masyado itong nakakaperwisyo sa mga natutulog.
“Hoy! Gago ka ba, gabing-gabi na nakakabulahaw ka!,” sigaw ng galit na kapitbahay.
Hindi nila magawang maireklamo ito dahil maimpluwensya ang pamilya nito sa kanilang lugar. Kaya palagay ang bata na hindi siya tataluhin ng mga kapitbahay. Pinalaki sya na busog sa mga materyal na bagay, ngunit kulang sa kalinga ng magulang. Madalas kasing abala ang mga ito sa kanilang mga trabaho at hindi nasusubaybayan ang bawat galaw at kilos nito. Kaya ang kanyang mga barkada ang nagsisilbi niyang kanlungan upang mapunan ang balon ng pagmamahal sa kanyang pagkatao. Sa pamamagitan ng pag-momotor ay nakikilala siya ng mga tao. Napapansin at nabibigyan ng atensyon kahit pa na tawaging manhid, mayabang, sutil at walang modo.
“Mayaman kasi, kaya mayabang,” ang himutok ng ilang kabataan.
“Akala mo s’ya ang may-ari ng kalsada,” sambot ng mga trisykle boy.
Minsan ay nagkayayaan ang kanyang mga kaibigan na pumunta sa Macapagal Highway sa Pasay upang lumaban ng karera. Madaling araw na silang umalis at pumunta sa lugar. Pagdating sa Macapagal ay nakursunadahan kaagad ng ilang karerista ang angas ng kanyang motor.
“Tsokoy, hinahamon ka nung isa,” magkano tanong niya.
“P5,000 daw ang lowest,” pasigaw ni Eric.
“Sige call P10,000 kamo,” sagot niya.
Nag-ambag-ambag ang kanyang mga katropa upang makalikom ng sampung libong piso na pamusta. Kapwa nila ipiniwesto ang motor sa gitna ng kalsada. Sunod-sunod ang putok ng tambutso habang pinapainit ang makina. Animo’y naghahamon ang bawat bulalas ng tunog na pumapainlanlang sa katahimikan ng gabi. Sa gitna ng kadiliman tanging ang ingay ng tambutso ang nangingibabaw habang nagsisigawan ang mga miron. Nakatungayngay lamang ang kanilang mga nanlilisik na mata sa kahabaan ng kalsada, nag-aabang at nakikiramdam sa hudyat ng pagsulong. Galit na galit nilang kinakayod ang silinyador, bababa ang gasolina, gagalaw ang makina, sisipol ang tambutso, sisingaw ang hangin, gagalaw ang kadena, iindak ang spraket, sasabay ang rims, sabay na hahalik sa kalsada ang dalawang gulong, at mahinay na sasayaw ang motorsiklo sa saliw na tunog ng tambutso.
“Isa…dalawa…tatlo…” ang hudyat ng karera, sabay baba ng luntiang bandila.
Mabilis na diniin ang kambyo sa primera at humarurot ang motorsilo… segunda…. tirsera ay lalo humahagupit ang hangin sa mukha niya. 60…80..km/p ang palo ng metro sa Trip milometer. Tatapakan nya ang kaapat na kambyo at lalong magwawala sa galit ang makina. Nagbabaga ang tambutso sa pagbubuga ng usok at sunod-sunod ang putok ng mga tunog. 100…110…km/p ang mabilis na palo ng metro. Halos yumayakap ang kanyang mukha sa manibela ng motor at pinapaling ang mukha sa kaliwa at kanan upang iiwas sa malakas na hampas ng hangin. Itutukod nya sa hangin ang kanyang katawan. Susunod naman ang motorsiklo sa pagpaling ng manibela at pagsang-ayon ng gulong sa tinatahak na direksyon. Kapag tuwid na ang kalsada ay hahagurin nya ng napakadiin ang silinyador at itatago ang mukha sa hangin.
Brooom…broooooommm…..broooooooooooooommmm, simbilis ng kidlat na narating niya ang finish line. Panalo sila, isa-isang sumalubong ang kanyang mga barkada at nagtatalon sa tuwa.
“Halimaw ka talaga,” bulalas ng kaniyang kaibigan.
“Hayop, Ang lupet!” ang pagmamalaki ng isa.
“Kambyo mo nga,” sama-samang naglapat ang kanilang mga palad.
“Pare, sa susunod uli, mas mataas ang pusta wala kasing trill yung laban ngayon,” pagyayabang ng kalaban
“Oo ba, basta mag-practice ka pa,” pang-aasar niya.
Umuwi silang masaya. Tumambay muna sila sa isang kanto at pumasok sa vidiyowke bar upang mag-inuman. Bumaha ang alak at pulutan dahil sa kanilang panalo. Umikot ang kanilang kuwentuhan at tudyuhan sa angas ni Tsokoy at pangarap ng kanilang tropa sa hamon ng karera.
Isa-isang binago ng alak ang kanilang anyo at pagkatao. Nagbago ang aura ng kanilang mukha. Nagkaroon ng bagong himig ang tono ng kanilang salita. Sumasayaw ang kanilang mga paningin. Pinalambot ng agua de pataranta ang kanilang tuhod at braso. Nang malagok at masimot ang huling tagay ay isa-isang sumibat ang kanyang mga katropa.
Sabay na umuwi si Tsokoy at Eric. Kung kanina ay matulin ang kanilang biyahe, ngayon ay higit na nagkukumahog ang gulong, kadena, spraket at makina sa pag-indayog sa kalsada. Walang patid ang paghalik ng mga gulong sa sementong kalsada. Lumiko si Eric sa isang kanto at nagbigay nang dalawang busina, hudyat nang pagpapaalam. Limang kilometro pa ang layo ng bahay niya mula sa bahay ng kaibigan. Buo ang kanyang loob.Walang takot. Walang pag-aalinlangan, ni katiting na pangamba ay hindi dumadaloy sa kanyang ugat. Subalit, nagsasayaw ang kanyang paningin sa sobrang kalasingan.
Broooom….brooooooommmm…brooooooooooommmmm…humahagupit, humaharurot sa tulin. Umaangal na ang makina, nais nang sumuko ng tambutso. Nagmamakaawa na huminto saglit at magpahinga upang mahimasmasan ang mainit na pakiramdam ng makina. Humaharibas ng pasuraysuray ang kanyang motorsiklo sa kalsada. Pinahinto ito ng isang malakas na pagsalpok mula sa nag titinikling na nilalang. Lango sa pakikipagbarik, nangangapa at sumusuray-suray sa daan. Biglang naglaho ang sanib ng agua de pataranta sa kanyang katauhan.
Tumalsik siya sa motor, lumagapak ang kanyang katawan sa semento at nagpagulong-gulong. Saglit siyang nawalan ng malay. Ginising ang kanyang diwa ng isang malakas na ungol at gitil ng dugo mula sa kanyang mukha. Hindi siya makagalaw. Parang ipinako ang kanyang mga paa at kamay. Ngunit tanaw niya mula sa kanyang kinalalagyan ang nangingisay na katawan ng matandang lalaki sa gitna ng kalsada. Umuugong sa kanyang pandinig ang malakas na pag-nguyngoy ng kawawang nilalang at wari’y nagmamakaawa at buong tapang na nakikipaglaban sa nalalabing hininga.
Ilang minuto ang lumipas ay nangingibabaw ang dagundong ng sirena ng ambulansiya sa gitna ng kalsada. Mabilis na lumabas ng sasakyan ang mga medical officers. Sumunod na dumating ay mga traffic enforcers. Sinuri silang dalawa. Unang isinakay sa ambulansiya ang matandang lalaki at agad na kinabitan ng oxygen sa ilong. Bago siya isakay sa ambulansiya ay kinabitan siya ng brace sa leeg at mabilis na ipinasok sa sasakyan. Kinarga sa isang truck ang motor, halos madurog ito sa lakas ng pagkakabangga at pagtama sa gutter ng kalsada.
Hindi makagalaw si Tsokoy sa kanyang kinalalagyan. May nakapasak na dextrose. Nakabalot ang kanyang balikat at tuhod ng cast o semento bunga ng malakas na pagkakahampas ng kanyang katawan sa konkretong kalsada. Pakiramdam nya ay para siyang nasa loob ng kabaong dahil sa mga sementong nakabalot sa kanyang balikat at tuhod. Hindi nya magawang maigalaw ang kanyang mga kamay at paa. Labis ang kanyang pagkairita sa mga gumagapang na karayom sa bahagi ng kanyang katawan na nababalutan ng semento.
Ayon sa duktor ay kailangang patagalin ang pagkakalagay ng semento upang manumbalik sa dating anyo ang mga lumihis na buto. Babalik daw ito sa dati kapag nabalutan uli ng mga litid. Minsan ay nais nya ng sumuko at ipaubaya sa may kapal ang kanyang kalagayan. Ngunit pilit siyang umaasa na babalik sa normal ang kanyang kilos upang masilayan ang kalagayan ng matanda. Hindi nya iniisip ang kirot at hapdi ng bawat bali at sugat sa kanyang katawan. Mas mahapdi ang dulot ng kirot na nagmumula sa kanyang puso. Binabagabag ang kanyang isip sa kalagayan ng matandang lalaki na kanyang nabangga. Dumikit sa kanyang utak ang pangyayari nang masilayan ang nagingisay na katawan nito sa gitna ng kalsada, habang bumubulwak ang dugo sa bunganga.
Gabi-gabi siyang napapasigaw sa kalagitnaan ng kaniyang mahimbing na pagkakatulog. Humaharurot sa kanyang alaala ang mga pangyayari. Nag-aapoy ang kanyang konsensiya sa mabilis na pagharurot at buga ng tambutso sa sinapit ng matanda. Umuugong sa kanyang pandinig sa malakas na pag-nguyngoy nito. Hindi niya matanggap ang sitwasyon. Noong isang araw ay nagbubunyi siya sa kasiyahan. Ngayon ay nagdadalamhati siya sa kanyang kalagayan. Kahit isa sa kanyang katropa ay walang dumalaw.
Araw-araw ay tinanong niya sa kanyang ama at ina ang kalagayan ng matandang lalaki.
“Pa, kamusta na po yung matanda,” pag-aalang tanong niya.
“Ayos lang…” ang madalas na tugon ng kanyang mga magulang.
“Ngayon ay alam mo na ang pagkakaiba ng mabilis sa matulin,” himig-sumbat ng ama.
Ang katotohanan ay na-comatose ang matanda at ayon sa duktor ay imposible na mabuhay pa ito. Malaki na ang gastos nila sa Ospital. Naubos na ang naipong pera ng kanyang ama sa Bangko. Ibenenta na nila ang ibang sasakyan upang makaagapay sa gastos sa pang-araw-araw. At mabigyan ng pera ang pamilya ng biktima. Makalipas ang isang buwan ay bumuti na kalagayan ni Tsokoy. Samantalang, tuluyan ng bumigay ang katawan ng matanda dahil sa tindi ng pagkakabangga.
Makalipas ang isang buwan ay nakalabas ng Ospital si Tsokoy, hindi na nagawang mag-reklamo ng pamilya ng biktima dahil mahirap lamang ito at matindi ang pangangailangan sa pera. Binagyan nila ang pamilya ng salapi dahil sa pagpanaw ng kanilang ama.
Nabaon sa utang ang kanyang magulang, at ang ningning ng kanilang bahay ay naglaho dahil sa pangyayari. Parati niyang tinatanong sa kanyang magulang ang kalagayan ng matanda. Ipinagtapat nila ang totoo sa kanya, hindi siya makagalaw, hindi siya makapag salita. Nanginginig ang kanyang kalamnan. Hindi niya matanggap na sa murang edad ay nakapatay siya ng tao dahil sa kapahangasan sa pagpapatakbo ng motorsiklo. Sinisisi niya ang sarili.
Makalipas ang dalawang buwan ay tuluyan ng tinanggal ang semento sa kanyang balikat at tuhod. Ilang araw din siyang nanibago sa pagkakalaya mula sa tanikala ng sakuna. Subalit hanggang ngayon ang kanyang isip ay nanatiling nakagapos sa mapait na karanasan. Patuloy na nakatarak sa kanyang konsensya ang talim ng pagiging palalo. Patuloy na sumasabog ang bulkan ng bangungot sa kanyang pagtulog.
Paika-ika niyang pinuntahan ang garahe. Hinanap ang motorsiklo. Wasak na wasak. Wala na ang kinang nito. Wala na ang angas. Sira na ang makina. Naglaho na ang ingay. Naglaho na ang tambutso. Isang malakas na busina ang nagpahupa sa paggunita ng nakaraan. Alam nya ang pakay ng mga ahente ng motorsiklo. Binuksan niya ang geyt. Kinausap ng ahente ang kanyang ama, pinapirmahan ang mga papeles. Pagkatapos mapirmahan ay isinakay sa truck ang wasak na motorsiklo. Pumayapa ang kanyang isip. Huminahon ang kanyang damdamin. Nagbago ang kulay ng likidong dumdaloy sa kanyang katawan at naging panatag ang buong paligid.
Posted by Nathan at 5:23 AM 0 comments
Thursday, December 31, 2009
MALIGAYANG BAGONG TAON!!
Ilang oras bago maglipat ng taon ay nag-iiba ang kulay ng kalangitan. Nagbabago ang tunog ng kapaligiran. Nag-iiba ang sigla ng bawat Pilipino. Dumadagsa ang pagkain sa hapag kainan. Umuusok ang mga telepono sa pagbati ng HAPPY NEW YEAR.
Ganito ang aking nakagisnang tradisyon sa pagdiriwang ng bagong taon. Halos wala namang pinagbago sa makulay na okasyong ito. Ang nagbabago lang naman ay ang bilang ng mga taong napuputukan sa pagsalubong ng taon. Dati rati halos hindi ka makalabas sa pintuan ng bahay dahil sa mga dumadagundong na mga putukan na yumayanig sa pandinig. Subalit ngayon ay tila nag-mature na ang karamihan sa atin. Naging matalino ang pinoy sa mga bagay na bibilhin sa pagdiriwang ng mahalagang okasyong ito. Imbes na paputok ay dinadaan na lang sa paghagis ng mga barya at pagkalansing nito sa semento, na hudyat ng pagbaha ng grasya sa pagpasok ng panibagong taon. Sadyang nakakatuwa na masilayan ang pagsulong ng taon; kasabay ng pagsulong ng tao sa bawat hamon ng buhay. Napakahalagang okasyon ang bagong taon dahil binabago nito ang ating pananaw sa panibagong gulong ng buhay. Ang mga regalong araw na hatid ng bagong taon ay awtomatikong iinog na walang pahintulot. Ang tikatik ng oras ay patuloy na iindayog, habang ang gabi't araw ay patuloy na sumisilay. Bakit ba kailangan pa nating magsaya kung dalamhati naman ang dulot ng kasalukuyang taon? Nagsasaya tayo hindi dahil sa magagarang paputok sa kalangitan, o masasarap na pagkain sa hapag kainan. Nagsasaya tayo hindi dahil sa mapapait na karanasan na dumagok sa ating buhay; kundi dahil sa aral na ating natutunan mula sa pait ng nakaraan. Nagsasaya tayo dahil nalampasan natin ang alon ng pagsubok, ang bulkan ng hinagpis, at bagyo ng dalamhati. Sa pamamagitan ng paggalaw ng orasan ay nagbibigyan tayo ng lakas ng loob na muling lumangoy sa batis ng panibagong pag-asa. Pag-asang hatid ng bagong taon na magsisilbing palaisipan sa ating lahat. Ang mahalaga ay, muli tayong susubok at bibigyan ng pagkakataong ituwid ang ating pagkakamali at lalong paghusayan ang produktibong karanasan na hatid ng nakaraang taon.
Higit sa lahat ay nagsasaya tayo dahil ang BAGONG TAON ay biyaya ng DAKILANG MAYKAPAL sa ating lahat. Sa tuwing sasapit ang araw na ito ay hindi ko nakakalimutang pasalamatan ang dakilang lumikha ng aking buhay ang repleksyon ng aking pagkatao. Ang nagbigay sa akin ng talino at kalakasan. Tuwing taon ay laging kong isisusulat sa aking talaarawan na ang lahat ng meron ako ay nagmula sa kanya. Ang bawat paglipas ng araw ay isang regalo mula sa kanya. Mapait man o matamis, ang mahalaga ay may-aral siyang ibinibigay. Aking natutunan sa mga nakalipas na taon na kilangan mong mabasag para ka maging buo. Ganyan ang tao...parati tayong nababasag para maging solido ang ating pagkatao.
Posted by Nathan at 6:50 AM 0 comments
Thursday, December 10, 2009
BULAG NA PAG-BIG
Ganito pala ang nagmamahal, nagkakaroon ng kulay ang iyong buhay. Araw-araw ay gusto mong pumasok sa eskwelahan para makita ang iyong minamahal. Hindi ka makakaramdam nang pagod kahit limang kilometro pa ang inyong nilalakad. AT kahit gaano pa kahaba ang nilalakad n'yo ay parang napakalapit lang. Lahat ay titiisin mo para lang patunayan ang iyong pagmamahal. Ito ang tumatakbo sa isip ni Bokneneng habang naglalakad sila ni Romeo na kanyang kasintahan.
Si Romeo ang kauna-unahang lalaking inibig niya. Pakiramdam niya ngayon ay sa kasintahan umiikot ang kanyang mundo. Kilalang heartrob ang kanyang bf sa campus. Sa katunayan ay maraming mga babae ang nahuhumaling sa gandang lalaki nito. Sino ba naman ang hindi mapapakilig sa kanya. Maraming nagsasabi na kamukha niya si Piolo Pascual. Pero ang pinagtataka ng karamihan ay kung bakit si Bokneneng pa ang pinili niya. Marami namang babae na higit na mas maganda sa kanya. Ang mga pang-iinsultong ito ay pinalalagpas lamang niya upang patunayan sa kasintahan na handa siyang magtiis at magsakripisyo alang-alang sa kanilang pagmamahalan. Madalas naman na sabihin ng kanyang nobyo na kaya sya nagustuhan nito ay dahil sa pagiging matiisin niya.
Araw-araw silang naglalakad ng limang kilometro kapag uuwi ng bahay. Ayaw kasing sumakay ni Romeo, mas gusto nitong maglakad, alay raw niya ito para sa kalikasan. Ito kasi ang paraan ng paglaban niya sa pagbabago ng klima. Laging niyang sinasabi na go for green environment. At kapag kakain sila ay nakikita niya naman ang sweetness ng kasintahan. Kapag umorder sila ng ulam ay binibigay nito ang mga gulay sa kanya, sinasanay daw siya nito na maging vegetarian habang ang masasarap na putahe ay kanyang nilalantakan.
"Ikaw ha...gusto mo talaga akong manatiling seksi ha," biro ni Bokneneg.
"Syempre naman, sa'yo ko ata nakita ang katangiang hinahanap ko sa isang babae," tugon ni Romeo.
"Ilan na nga ba uli ang naging girlfriend mo?" usisi nito.
"Marami rami na rin...pero hindi lahat ay nagtagal. Ewan ko ba hindi nila nakayanan ang mga pagsubok ng aming relasyon. Buti na lang ikaw ay mapagtimpi at matiyaga "
"Mahal, basta para sa'yo ay magtitiis ako. Kahit makapal na ang kalyo ng paa ko sa kakalakad. Pakiramdam ko kasi para akong sumali ng SURVIVOR ng maging nobyo kita..."
Biglang tumayo si Romeo upang pumunta sa C.R. nang maramdaman niyang nag-vibrate ang kanyang selpown, nilapag nito ang kanyang bag sa ibabaw ng mesa. Napansin ni Bokneneng na bukas ang bag nito. Bilang pagmamahal ay inayos niya ang mga gamit ng nobyo. Isang maliit at parihabang bagay na nakabalot sa plastik ang bumagsaksa mesa, nang buklatin nito ang pitaka ni Romeo. Dinampot niya ito at binasa ang nakasulat: TRUST CONDOM. Parang binuhusan siya nang malamig na tubig sa oras na iyon. Napatahimik siya...pilit niyang pinapakalma ang kanyang damdamin sa pauli-ulit na paghinga nang malalim upang bigyan ng pagkakataon ang nobyo na makapagpaliwanag. Naramdaman niya ang paggalaw ng mesa at pag-upo nito sa silya. Napansin nito na hawak ng nobya ang condom sa kanang bahagi ng kamay.
"Oi...bakit tulala ka ha?"
"Alam mo ba kung ano ito?"
"Oo naman, condom ang tawag d'yan."
"Bakit meron ka nito?"
"Ah...sabi kasi intsik nang magpa-fung sui ako na swerte raw ang condom sa pitaka. Kapag meron ka raw nito ay mabilis ang pasok ng pera."
"Ganun ba, eh...bakit tatlo yang nakaipit sa pitaka mo?"
"Ah...eh, alam mo naman na Physics Major ako kaya ginagamit namin 'yan sa pag-experiment at pagpapalobo."
"Hehehe...pasensya ka na ha, dun pala ang gamit nun. Akala ko kasi may balak ka sa akin eh." Gumuhit ang pilyang ngiti sa pisngi ng dalaga at tila kumutitap ang kanyang mga mata.
"Wala ah...alam mo naman na sa simula pa lang ay itinuring na kita na para kong namayapang lola. Kaya mataas ang respeto ko sa'yo."
Lalong napamahal si Bokneneng si binitiwang salita ng kanyang nobyo.
Posted by Nathan at 9:28 PM 1 comments
Monday, December 7, 2009
KATAWAN NI JONAH (Ika-6 na labas)
"Tao po!"
Tok-tok-tok!
"Magandang tanghali po."
Matapos mai-blotter ni Alsaybar ang biglang pagkawala ni Jonah ay bumusita ang dalawang pulis para mag-usisa. Nagkataong namang abala sa pagluluto si Milaran sa kusina. Naliligo naman si Alsaybar at umalis naman ng bahay si Vino. Nang maulinagan niyang tila may kakaibang tinig na nagmumula sa labas ng bahay ay nagsimula siyang maglakad papuntang banyo at nagbakasali na mabosesan ang pinagmumulan ng kakaibang tinig. Napansin niyang panay naman ang paghagalpas ng tubig sa banyo at abala ang kanyang kuya sa paliligo. Nagsimulang maghabulan ang mga daga sa kanyang dibdib, ngunit, sumagi sa kanyang isipan na baka ang taong naghahagilap sa kanila ay ang susi sa pagtunton sa kinalalagyan ng nawawalang kapatid. Sunod niyang tinungo ang pintuan ng bahay. Hindi siya pamilyar sa matigas na boses ng taong pinagmumulan ng tinig. Dahan-dahan niyang hinawi ang kurtina na tumatabon sa salaming bintana. Naaninag niya ang dalawang pulis na nakasuot na asul na uniporme na may stripes na manipis na puting kulay. Pinihit niya ang seradura ng pintuan. Marahan niya itong hinatak papasok.
"Magandang tanghali po. Ako po si SPO1 Quilaton at siya naman si PO4 Peralta. Kayo po ba ang kapatid ni Jonah?"
"O-opo."
"Pwede po ba namin kayong maabala."
"Pwedeng...pwede po."
"May nais lang po kaming itanong tungkol sa pagkawala ng inyong kapatid."
"Ah, tuloy po muna kayo."
"Salamat."
"Ikukuha ko po muna kayo ng maiinom."
"Huwag na hindi naman kami masyadong magtatagal. May nais lang kaming itanong sa'yo. Wala ba kayong alam na kagalit o nakaaway ng inyong kapatid?"
"Wala naman po."
"Meron po siyang masugid na manliligaw o stalker?"
"Ang alam ko po ay maraming nanliligaw sa kanya sa kanilang opisina. Hindi lang nga po ako pamilyar kung sinu-sino sila. Kada nga uuwi siya ay marami syang bitbit na mga regalo mula sa kanyang mga manliligaw. Pero, minsan may nasabi siya sa akin na may misteryosong tao na nagpapadala sa kanya ng Rosas araw-araw. Pinaabot lang daw ito sa guwardiya sa kanilang opisina."
"Ano ba ang pangalan ng opisinang pinapasukan niya?"
"Anahaw Dynamics po, isang call center sa Madrigal Business Park sa Alabang."
"Meron po ba siyang matalik na kaibigan?"
"Si Eson po. Isang bakla na madalas niyang kasama sa mga lakaran."
Nang makapagbihis na si Alsaybar ay nilapitan niya ang mga pulis.
"Magandang tanghali po. Ako po yung nagpa-blotter dun sa nawawala kong kapatid. May resulta na po ba ang inyong imbestigasyon?"
"Sa ngayon ay wala pa kaming makitang mabigat na dahilan kung bakit biglang nawala ang kapatid n'yong babae. Pero hindi naman kami tumitigil sa paghahagilap ng susi sa kanyang pagkawala. Sa ngayon kasi ay hindi natin masasabing patay na siya hanggat hindi pa nakikita ang kanyang bangkay. Marahil ay buhay pa siya ay nasa ibang lugar lang. Pwede rin kasing may iniiwasan lang siyang tao kaya lumayo muna siya."
"Ganun po ba."
"May nasagap po kaming impormasyon mula sa mga matatanda sa inyong lugar na hindi n'yo daw tunay na kapatid si Jonah. Totoo ba ito?"
"Ah...eh, totoo po. Dalawamput limang taon na ang nakakalipas nang matagpuan nila si Jonah sa labas ng pintuan ng aming bahay. Nakalagay ito sa isang kahon at nakabalot ng puting lampin. May sobreng puti na naglalaman ng sulat ang nakaipit sa lampin nito. Nilalaman ng sulat na huwag raw siyang pababayaan at alagaan namin ng mabuti. Kailangan raw niya itong gawin para sa ikabubuti ng bata at ikatatahimik ng kanyang buhay. Ayon sa sulat ay naipit raw sa isang matinding sitwasyon ang kanyang ina. Nag-iwan pa nga ito ng kwintas na krus na yari sa ginto. Napansin ng aking mga magulang na ang pendant na krus sa kwintas ay hugis susi at tila may nakasulat ng ilang numero. Nung primero ay nangangamba ang aking mga magulang . Ngunit nang naglaon ay humupa din ang kanilang mga agam-agam. Dahil nga sabik sa anak na babae ang aming mga magulang ay itinuring nila itong hulog ng langit at katugunan sa kanilang mga panalangin. Bago nila siya pabinyagan ay nag-antay muna sila kung may maghahagilap sa bata sa loob ng anim na buwan. Nang walang nagtangkang maghagilap ay saka isinunod nila ang apelyido ng aming kapatid sa aming pamilya. Mula noon ay naging ganap na Casisdsid na siya. Sa katunayan ay naging tampulan siya ng tukso dito sa aming lugar; parati siyang inaasar ng mga kabataan sa amin ng Singkamas. Madalas nga rin kaming pagtawanan ng aming mga kapitbahay kapag dumidikit kami sa kanya. Paano kasi nagmumukha kaming baluga pagnadikit kami sa kanya. Mestisa kasi siya, samantalang kami ay sunog na mestiso. Ganun pa man ay itinuring namin siyang isang tunay na kapatid. Nagsisikap kaming protektahan siya at ipagtanggol sa mga bastos na tambay sa aming lugar. Iyon kasi ang bilin ng aming magulang bago sila pumanaw. H'wag na h'wag raw kaming magbabago sa pag-aaruga sa kanya. Kaya labis kaming nalungkot ng hindi namin siya nasilayan nitong mga nakalipas na araw. Sana nga at nasa mabuti siyang kalagayan. Bago siya mawala, ay napansin namin na madalas na may nakaparada ng itim na Honda Civic--- ilang metro mula sa labas ng aming bahay. Ayon sa aming mga kapitbahay ay madalas raw na tinatanong ng isang estrangherong babae ang kalagayan ng aming kapatid. Hindi naman raw ito nagpapakilala. Inoobserbahan yata nito ang oras ng pag-uwi ni Jonah.”
“Na plakahan ho ba nila yung sasakyan?”
“Wala ho silang nabanggit sa akin.”
Saglit na nag-isip si SPO1 Quilaton. Hinimay nito ang mga impormasyon na ibinigay ni Alsaybar. May mga nabuo siyang haka-haka: una, batay sa mga palatandaan na nakuha sa kahon ng sanggol pa si Jonah, tulad ng kwintas, pendant na krus na hugis susi at mga numerong nakasulat rito. Sinusubukan niyang iugnay ang mga nasabing detalye sa katauhan ng dalaga. Batay sa kuwento , ay buhay pa ang mga magulang nito. Ang mga bagay na natagpuan sa lalagyan na kahon ay nagpapatibay sa katayuan ng kanyang mga magulang. Malamang ay nagmula ito sa mayamang pamilya. Subalit, malabo pa din ang mga detalye, tulad nang kung bakit kailangang iwanan at ipa-ampon ang bata. Hindi kasi malinaw kung bakit nanganganib ang buhay ng ina ng bata. Ikalawa, marahil ang ina ng bata ay nagtaksil sa asawa at ang bata ay bunga ng isang bawal na relasyon. Nadiskubre siguro ng asawa nito ang ginawa nitong pagtataksil at nais nitong patayin ang bata. Ngunit, ang mabigat na katanungan na wala paring ganap na kasagutan ay ano ang kinalaman ng kotseng itim sa katauhan ng dalaga. Ikatlo, kung buhay pa nga ang kanyang ina ay ito lamang ang nakakaalam kung saan at kanino niya iniwan ang bata. Bakit magiging intiresado ang esrtangherong babae kay Jonah? Ano ang kaugnayan nito sa dalaga? Kung may masamang balak man ito, ay hindi na ito magtatanong sa mga tao na nasa paligid sa lugar ng kanilang komunidad. Hindi kaya natagpuan na ng dalaga ang kanyang ina. At kung natagpuan na niya ito ay bakit naman siya bigla-biglang mawawala ng di nagpapaalam sakanyang mga kapatid na lalake. Kung sabik man siya sa kanyang tunay na magulang ay hindi ito magiging padalos-dalos sa kanyang magiging desisyon.
“Nasabi ng iyong nakababatang kapatid kanina na may lihim na nagbibigay ng Rosas sa iyong kapatid ng walang patid. Meron bang umaakyat ng ligaw sa inyong bahay ?”
“Sa totoo lang po ay walang naglakas-loob na manligaw sa loob ng aming bahay. Kadalasan ay palipad hangin langk, o kaya naman ay ginagawang tulay ng ilang kalalakihan ang aming mga kapitbahay, para magpahayag ng kanilang pagkagusto sa aming kapatid. Maraming nagbibigay sa kanya ng bulaklak. Kadalas ang mga nakasulat sa card ay, “ give me a chance,” “ I like you,” “ I want you to be my future wife,” “ ikaw ang tinitibok ng aking puso,” “ gagawin ko ang lahat para sa’yo, “ “ ikaw ang aking pangarap,” “ ikaw ang dahilan ng pag-ikot ng aking mundo,” “ pa’no na ang buhay ko kung wala ka,” ang lahat ng ito ay nagsimula sa puso” at ang labis na palaisipan sa kanya ay ang isang card na may nakasulat na “ikaw at ako ay pinag-isa ng tadhana…balang araw ay magkakasama rin tayong dalawa.” Gabi-gabi ay pinag-iisipn niya kung sino yung lihim na nilalang na nagbibigay sa kanya ng Rosas at card. Para hindi siya gaanong mag-alala, ay sinasabi ko na lang sa kanya na, baka ‘yon ang tunay niyang ina. Pero kapag binabanggit ko sa kanya ‘yon ay lalo lang tumintindi ang kanyang poot sa kanyang ina. Minsan ay nagtalo kami patungkol dito. Sabi niya kung talagang mahal siya ng nanay niya ay hindi siya nito ipamimigay kahit ano pa ang mangyari. Ginawa raw siya nitong na parang tuta na pwedeng ipamigay kahit kanino. Buti pa nga raw ang aso handang manakmal; maprotektahan lang ang kanilang mga tuta . Habag na habag ako sa kanyang paghihinagpis tuwing naalala niya ang kapabayaan ng kanyang ina.”
“ Sino po ang nag-aabot ng bulaklak sa kanya?”
“Hindi niya rin po i-dinetalye sa amin ang patungkol diyan. Kadalasan ang kanyang pinagsasabihan ng kanyang mga sikreto ay si Eson. Buo kasi ang tiwala niya sa kaibigan niyang ito. Lahat ata ng hinanakit niya ay inihahayag niya sa kanya. “
“Bukod kay Eson ay meron pa bang siyang ibang malapit na kaibigan sa inyong lugar?”
“Si Analyn ho.”
“Saan naming siya pwedeng puntahan?”
“D’yan po sir sa kabilang kanto lang siya nakatira. Madalas n’yo s’yang makita sa tapat ng tindahan sa lugar na iyon. Tuwing gabi kasi ay nagtitinda siya ng ballot.”
Kababa lang ng dyip ni Vino ng mapansin niyang may nakaparadang mobile ng police malapit sa kanilang bahay. Marahan ang bawat hakbang ng kanyang mga paa. Ang kanyang mga yabag ay tila may pag-aalala. Nakaramdam siya ng pagka-asiwa sa oras na iyon. Pasumandali muna siyang huminto. Kinuha niya ang sigarilyo na sa kanyang belt bag. Medyo nahirapan siyang hanapin ito dahil sa mga nakasiksik na mga kompyuter CDs sa lalagyan. Hindi niya alam kung bakit siya pinagpapawisan sa oras na iyon. Inipit niya sa kanyang labi ang pilter ng sigarilyo. Kinapakapa niya muna sa kanang bahagi ng bulsa ng kanyang pantalon ang lighter. Napansin niyang patuloy na nagpapawis ang kanyang mga palad at nanginginig ang kanyang braso sa pagsindi ng sigarilyo. Nagtataka siya sa kakaibang pakiramdam na bumabalot sa kanyang katauhan sa oras na iyon. Huminga muna siya ng malalim, matapos niyang maikalat sa hangin ang unang buga ng usok. Nagtatalo ang kanyang isipan kung agad ba siyang didiretso sa loob ng kanilang bahay o aantayin niya na lamang na lumabas muna ang mga pulis na nag-iimbestiga tungkol sa pagkawala ng kanyang kapatid. Sa kanyang pagkabigla ay napitik niya ang sigarilyo sa kanal, bigla siyang nataranta ng makita niya na papalabas na ng kanilang bahay ang mga pulis. Muli niyang binuksan ang kanyang belt bag at kinuha ang sumbrerong asul; isinuot niya ito sa kanyang ulo. Lumakad nang nakayuko at umikot sa likod ng bahay.
“Babalitaan na lang namin kayo kapag nagkaroon na ng liwanag ang aming pagsisiyasat.”
“Aasahan ho namin yan.”
Sinundan ng tingin ni Alsaybar at Milaran ang mobile ng police na papalayo sa kanilang lugar. Napansin nilang dalawa na patungo si Vino sa likod ng kanilang bahay.
“Psssttt….halika ka nga dito,” kaway ni Alsaybar.
“Ano ang sadya ng mga parak na ‘yon?”
“Humingi lang ng ilang detalye tungkol sa pagkatao ni Jonah,” paliwanag ni Milaran.
“Kamusta naman ang lakad mo?” tanong ni Alsaybar.
“Eto kahit papaano ay kumita naman. Kuripot kasi yung intsik na may ari ng computer shop na in-installan ko ng mga programs. Akala ko nga ay titiba ako ng malaki sa lakad ko, kaso lang binarat ako ng tsinoy na ‘yon. Ang usapan naming ay P500 kada isang PC, humirit ba naman na P3000 lang ang budyet niya. Sayang nga eh.”
“Halika kumain muna tayo ng tanghalian. Kanina pa nga ako nagugutom ,” pagyaya ni Milaran.
Nang tuluyan ng mawala sa paningin ni Vino ang sasakyan ng mga parak ay nakadama siya ng kakaibang ginhawa sa kanyang katawan. Hanggang ngayon ay hindi niya maipaliwanag sa kanyang sarili ang samut saring pangamba tuwing nakakakita siya ng mga parak. Matagal na panahon na naman ang lumipas nang pagtripan siya ng isang lasing na parak, tutukan ng baril nito, kalabitin ang gatilyo, at umalingawngaw ang nakahihindik na putok na mga labindalawang pulagada lamang ang layo sa kanyang tenga. Pansamantalang nawala ang kanyang pandinig dahil sa lakas ng tunog na gumimbal sa kanyang pagkatao. Ang karanasang iyon ay sumiksik sa kanyang isipan na nagdulot ng di maipaliwanag na pangamba. Lalo pang tumindi ang kanyang trauma ng madalas siyang asarin ng kanyang mga barkada na dadamputin siya ng mga parak kapag nagroronda ang mobile ng pulisya sa kanilang lugar.
Posted by Nathan at 3:26 PM 0 comments
