ISANG DAGOK, ISANG HAMON: SA KALAYAAN NG PILIPINAS Kalayaan! Kalayaan! Saan ka nga ba nagmula? Mula sa salitang laya na siyang ugat nitong matalinghagang salita. Ito ang laya na puno ng iba’t ibang emosyon mula sa iisang diwa.Ang diwang Pilipino na naglalayong makakalas mula sa mahigpit na tanikala. Tanikalang sumikil sa malayang pagalaw, magpahayag, makisalamuha, matiwasay na pagtratrabaho, pamahalaan ang bansa, linangin ang likas na yaman, pasyalan ang magagandang tanawin, at pagkakakilanlan sa kultura, tradisyon at kasaysayan ng bansa. Kasaysayang sumasariwa sa tunay na katauhan ng dugong Pilipino bilang bansang marangal, may paninindigan, prinsipyo, bayanihan, pangangalaga sa likas na yaman, at paggalang sa dakilang lumikha. Ngunit sa daluyong ng panahon, kalayaang nagbibigay halaga sa bawat indibidwal ay nasan na? Ikaw! Ako! Kapwa ko Pilipino! Nasa puso’t isipan mo na ba ang tunay na kalayaan? Para saan?Para kanino? Ang ipinaglabang kalayaan. Kung ating susuriin ang libro ng kasaysayan, mababatid natin na ang tanyag na Perlas na Silanganan ay buong tapang na nanindigan, nagningas ang damdamin, walang humpay na nakiisa at buong tapang na nakibaka para sa magandang bukas. Mangmang, tamad at walang kakayahan sa sarili. Ganyan tayo itinuring ng mga banyagang nagpasasa sa ating likas na yaman. Naging alipin sa lupang tinubuan. Ginahasa, at walang humpay na inalipusta mula Luzon, Visayas at Mindanao. Nagmistulang pipi, bulag at bingi sa mga aktwal na pangyayari. Walang karapatan, walang kalayaan. Isang dagok , isang hamon sa loob ng mahigit 300 taong pananakop. Niyurakan ang kultura, tinanggalan ng dangal, nilito ang isipan at binaluktot ang kasaysayan. Subalit, sa kabila ng mapait na karanasan nanatiling positibo ang pananaw ng ilang dakilang Pinoy , sila’y tahimik na nakibaka gamit ang papel at pluma na nagsilbing sandata upang gisingin ang nahimlay na kamalayan mula sa bangungot na nilikha ng mga dayuhan. Mula nang paslangin ang GOMBURZA: padre Gomez, Burgos at Zamora, dugong pinoy ay naliwanagan sa tunay na kalagayan ng lipunan; naliwanagan sa tunay na pakay ng mga dayuhan.Para sa pagbubuklod-buklod ng sambayanang Pilipino, La Solidaridad ay isinilang. Samantalang, ang librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo na sinulat ni Dr. Jose Rizal ay naglarawan ng pang-aalipin at pang-aalipusta sa bayang Pilipinas. Binigyang buhay naman ni Juan Luna ang tunay na larawan ng bansa mula pamamahala ng mga kastila sa pamamagitan ng pagpipinta. Ngunit, sa kabila ng kanilang pagsisikap na maimulat at mahikayat ang lahing pinoy na manindigan laban sa mga mananakop ito’y hindi naging sapat upang lubusang makamit ang matagal ng minimithing kalayaan. Ang mga nilimbag na libro at babasahin ay hindi naging tulay upang mapag-isa ang diwang Pilipino. Sa pamamagitan ni Andres Bonifacio at kanyang kilusan na KKK ay nagkaroon ng malawakang organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Bagama’t salat sa armas ay matapang na nakipagsapalaran ang kanyang samahan na labanan ang mga kastila sa pamamagitan ng dahas. Magdiwang at Magdalo ay hindi nagkasundo sa pagbuo ng liderato na mangunguna sa malawakang pakikipaglaban sa mga dayuhan. Gat Abdres Bonifacio ay pinaslang. Emilio Aguinaldo ay hinirang bilang unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Sa gitna ng isang masayang pagdiriwang at pagnamnam ng kalayaan, ito’y muling naglaho sa Perlas ng Silanganan. Dayuhang Kano ay nanghimasok, panandaliang kalayaan ay muling naagaw at pinagkait sa buong kapuluan. Kultura’y muling niyurakan, dangal ay dinungisan, isipa’y kinasangkapan at binaluktot ang kasaysayan. Muli ng na namang inalipusta ang kakayahan ng pinoy sa pamamahala. Pilipinas ay binili na tila ba isang paninda. Likas na yaman ay muling ginahasa, pinagsamantalahan ang birhen na kagubatan, ilog, bundok at karagatan. Wikang Ingles ay pinangalandakang mabisang midyum ng pakikipagtalastasan. Kolonyal na mentalidad ay nangibabaw, mas pinahalagahan at hinangaan ang dugo ni Uncle Sam. Kabayanihan ni Gat Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio ay nakalimutan. Sumiklab ang Ikalawang Digmaaan, Perlas ng Silanganan ay hindi na proteksyunan ng mga nagmamagaling na anak ni Uncle Sam. Hapones ay nanakop, Inang Bayan ay muling nalugmok.Kultura’y muling niyurakan, dangal ay dinungisan, at isipa’y kinasangkapan. Dugong Pinoy muling lumaban, habang ang General ng kanluran ay nagpaasang ang kanyang lahi ay saglit na mawawalay--- agad na babalik upang kalayaan ay makamit. Habang ang Lupang Hinirang ay walang humpay na ginahasa sa loob ng tatlong taon. Kalayaan sa Espanya! Kalayaan kay Uncle Sam! Kalayaan sa kamay ng Hapones! Kalayaan! Kalayaan! Maraming panahon ang lumipas. Maraming buhay ang nasayang. Kalayaan ay pilit na hinahanap sa puso ng Perlas ng Silangan. Pagkatapos ng pananakop ay kamusta na ang bayang punong-puno ng sakit at dusa. Kalayaan para sa kabutihan, kabuhayan at katiwasayan. Sinikap kamtan para sa kaluwagan ng may puot na damdamin at hinanakit dulot ng madilim na nakaraan. Kalayaan na dapat gamitin sa marangal na layunin. Subalit ako’y nagtataka kung kalayaan sa aking bansa ay talagang lubos na. Bakit kung kailan ang mga Espanyol, Amerikano at Hapones ay wala na, lahing Pinoy nililisan ang Perlas ng Silanganan. Dayuhang namumuhunan ay binibigyang karapatan na manaliksik at makinabang sa lupang ipinaglaban, inalayan ng dugo at binuwisan ng maraming buhay. Maging ang Ancestral Domain ng sinaunang mga pinoy ay pilit na kinukuha. Kasalatan sa pagkain ay palasak sa bawat sulok ng bansa, samantalang ang bansa ay pinagpala sa yamang-lupa, dagat, mineral at lakas-paggawa. Pagmamahal ay nasan naba sa tinubuang lupa tila ay naglaho na.Digmaan dito, patayan doon. Katahimikan sa Inang bayan ay naging mailap na. Dugo sa dugo, laman sa laman, tayong nagpanday ng kalayaan ay nahihibang. Paano ba natin mapapanatili na atin ang kalayaan? Paulit-ulit bang magbubuwis ng buhay? Upang maantig ang ating damdamin na tayo’y MALAYA NA. Malayang ituwid ang nadungisang kultura, ibangon ang nasirang dangal, iwaksi ang kolonyal na kaisipan, malayang magpahayag, makisalamuha, matiwasay na makapagtrabaho, pamahalaan ang bansa, linangin ang likas na yaman, pasyalan ang mga kaakit-akit at kahalihalinang tanawin sa bawat sulok ng Pilipinas, at pagkakataong itama ang tunay na diwa ng kasaysayan.
Sa Alaala ng Payatas X
4 years ago
0 comments:
Post a Comment