BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Tuesday, October 6, 2009

Ang Itlog at Manok bow!




Ang akin ay akin, ang sa'yo ay para sa'yo. Magiging akin lang ang sa'yo kung papasukin mo ito. Magiging sa'yo lang ang sa akin kung papasukin mo rin. Kaya't ang paggalang ng sa'yo at sa akin ay para rin sa atin.

Madalas pagtalunan kung alin ba raw ang nauna ITLOG ba o MANOK. Ang sagot ko depende sa manok kung ang manok ay inahin, malamang may kakayahan itong mangitlog. Kapag ito'y nangitlog pwede mo nang gawing kepsilog, tapsilog at kapsilog (pandesal, kape at itlog), malasado, binate, pinasakan, at kung gusto mong nang mabilisang luto ay ilaga lang ang itlog. Pero kung ang manok ay tandang ay wala itong kakayahang mangitlog, depende na lang siguro kung ito ay hermaphrodite o may dalawang kasarian. Hindi rin naman mangingitlog mag-isa ang inahing manok kung walang tandang. Kaya magmumula muna ang itlog sa tandang sa pamamagitan ng pakikipagtalik:ang mga itlog nya ay lilimliman nang itlog ng inahing manok hanggang sa maging isang ganap na itlog, na pagnabiyak ay sisiw, na paglaki ay manok, at maaring mangitlog depende pa rin sa kasarian. Bastat tandaan hindi maaring mangitlog ang bagay na wala pang buhay. Kaya hindi pwedeng mauna ang itlog dahil wala pa itong buhay. Ang itlog ay ang pormasyon ng buhay, ngunit hindi pa ito nagiging ganap na buhay hanggat hindi pa lumalabas ang sisiw. Nakakakita na ba tayo ng itlog na nagitlog ng itlog o itlog na nagitlog ng manok. Kaya't sipatin natin ang halaga ng itlog at manok sa ating buhay.

Malaki ang pakinabang ng manok. Noong hindi pa uso ang relo, ang tilaok ng manok ang ginagamit ng ating mga ninuno bilang orasan. Ang pagtilaok nito sa madaling araw ay hudyat na nang pagbangon para maghanda sa pagkalat ng sinag ng araw. Ang tilaok din ng manok ay ginamit ni Kristo bilang hudyat nang pagkakaila ni San Pedro bilang kanyang disipulo. Tatlong beses tumilaok ang manok at maikatlong beses din nyang ipinagkalulo ang panginoon. Nang marinig nya ang pagtilaok ng manok ay nagalit sya sa sarili dahil sa kanyang karuwagan na aminin ang katotohanan. Kaya nga na uso ang manok ni San Pedro. At dahil sa paniniwala ng mga kastila sa kakayahan ng manok ay itinuro nila sa mga sinaunang Pilipino ang larong sabong.

Masyado namang nawili ang ating mga ninuno sa larong ito na hanggang ngayon ay kinababaliwan nang mga sabongero. Limpak-limpak na salapi ang mapapanalunan sa sabong, depende kung magandang klase ang manok at sagana sa bitamina at tamang pagpapakain. Para humusay ito sa pagkikig at maitarak ang tare sa tamang posisyon sa kalaban, ay kailangang sanayin ito sa pamamagitan ng sparing.Bago paman sumikat ang boxing at makilala si Pacquio ay una munang sumikat sa bawat barangay ang mga manok.

Lowdiyes! Lowdiyes! Ito ang madalas kong marinig bago maganap ang sabong, at pagkatapos ng sabong ay kanya-kanyang karipas ng takbo ang mga usi, meron at sabongero, may mga pulis kasi na paparating. Ang ibig sabihin raw ng lowdiyes ay hindi dapat bababa sa diyes centavos ang pusta para malaki-laki ang hahamigin nang mananalo. Malaki pa kasi ang value ng diyes nung panahong iyon.Kwento nga sa akin ng nanay ko nung 1960's raw ay marami ka nang mabibili sa diyes sentimos. Hindi tulad ngayon ay ginagamit na lang itong pabigat sa bulsa o hinahagis sa wishing well, para matupad ang wish sa tubig.

Ang larong ito ay dinala rin ng mga pinoy sa ibang bansa, nagsasabong sila sa mga tagong lugar. Kwento sa akin ng kaibigan ko na galing Saudi, kapag wala silang makitang manok ay nilalagyan nila ng tare ang Pato. Grabe!! Napabungisngis talaga ako sa katatawa. Hindi ko kasi ma-isip kung paano tatarian ang Pato at pagsasabungin ito. Windang na windang ako nang marinig ko ang kwento nya, may ganung effort pa ang ilang kababayan natin na adik na adik sa sugal. Kahit mabilanggo pa o maputulan ng daliri ay ayos lang basta makapag-sabong lang.

Ilang sikat na personalidad rin naman ang nakilala sa sabong na patuloy na nahuhumaling sa palakasan ng mga manok. Hindi ba't si Ramon Revilla ay gumawa pa ng batas tungkol dito para maiwasan ang panggogoyo ng ilang tusong sabongero. Kilala rin sa Pacquiao na nahuhumaling sa sabong.

Kinabaliwan rin ito ng mga tiyuhin ko, madalas pa nga nilang hinihimas ang manok kaysa sa kanilang mga asawa, kaya madalas kong marinig na pinag-aawayan nila ay ang manok. Nang magselos ang tiyahin ko dahil sa mga manok na alaga ng tiyuhin ko ay pinagkakatay nya ito. Umuwi ang tiyuhin ko mula sa pagsasabong, gutom na gutom, at pagod na pagod, sabay higop sa mainit na sabaw ng tinolang manok. Matapos kumain ay agad nyang hinagilap ang kanyang manok, matapos mahilo sa kakahanap ay saka pa lamang nagtanong sa asawa nya. Masuka-suka ito sa galit dahil yung dalawang talisayin nyang alaga ay inulam nila sa hapunan. Syempre wala na syang magawa kundi ingatan ang natitira nyang talisayin.

Madalas din mabanggit ang manok kapag naghihirap ang isang tao. Sikat na sakit ang kasabihang, "isang kahig, isang tuka, ganyan kaming mga dukha..." Kailangan pa raw kumahig nang kumahig ng mga dukha para lang may makain sa hapag kainan. Kapag naman paindap-indap ang tulog ng isang tao dahil sa pag-aalala o di kaya naman ay sa trabaho ay tinatawag itong tulog manok. Karamihan ng drayber ng R.E. Taxi sa amin ay nagsasabi na kapag gabi sila bumabyahe ay tulog manok sila, para makabawi nang lakas sa bawat bakanteng oras.

Yung lolo kong ambularyo ay mahilig mag-alay ng manok. Nang madalas akong lagnatin dahil may nakikita akong anino na naglalakad at naririnig na kaluskos sa bubungan namin ay lumuwas pa ito ng probinsya para sa mahal nyang apo. Tuwang-tuwa naman ako kasi love ako ng lolo ko, kahit hindi ko sya maintindihan dahil bisaya ang kanyang salita. Ilang bayong din ang dala nito na ang laman ay manok. Gagamitin nya pala ito sa pag-papalayas ng mga maligno na nahuhumaling sa aking pagiging kyut (wala nang aapila). Nag-orasyon muna sya at parang dinadasalan ang manok. Pagkatapos magdasal ay ginilitan ito at iwinisik ang dugo sa apat na sulok ng bahay upang lumayas raw yung mga maligno. Nang maubos na ang dugo ng manok ay ibinaon nya ito sa aming bahay para maging proteksyon laban sa mga engkanto at maligno.Kaso lang nilagtan parin ako, kaya pala ako nakakakita nang kung ano-ano at nakakarinig nang mahihiwagang kaluskos ay dahil kinukumbulsyon ako sa sobrang taas ng lagnat dahil sa sakit ko na broncho.

Matagal-tagal rin bago nalaman ng magulang ko ang sakit ko. Kung saan-saan pa nila kasi ako dinala, una dinala yung poon ng birheng Maria sa aming bahay at panay ang dasal sa akin. Ang natandaan ko nalang ay laging ubos ang inihandang nilupak at palitaw ng nanay ko pagkatapos ng mahabang pagdarasal. Sunod nila akong dinala sa Born Again sa may Amoranto, litong-lito ako sa dami ng mga matatandang nakapalibot sa akin at kung ano-ano ang binibigkas nila. "Devil come out in the name of Jesus!" sigaw nung isang galit na galit na babae.

"Shirabasyasyasyang......lolalolalola...basyangsyangsyang....lalala." Halos mapatid ang litid nito sa kakadasal nang hindi ko maintindihang mga salita, habang tumatalsik-talsik pa ang laway. Hay-iskul na ako ng malaman ko na speaking of tongues pala ang tawag dun sa mga kinarambolang mga salita. Abay, bigla akong nagulat nang hatakin ako at itaas ng isang Manong na animo'y si Atlas ang dating. Halos malula naman ako sa pagbuhat nya, hala, lalong lumakas ang sigaw nila. Sabay-sabay na silang nagsasalita ng alien na salita.

Tuwing eleksyon ay madalas marininig ang salitang manok. May manok ang administrasyon at oposisyon. May lilitaw din na iba't ibang manok mula sa ibang partido o samahan. Kapag sasapit ang pampanguluhang eleksyon ay sangkatutak na manok ang lilitaw sa lansangan--- at magpapa-kyut sa mga botante. May manok sa sasayaw, kakanta, magpapatawa, tatawid sa bukid, lulusong sa baha, magpapa-retoke ng mukha at tiyan, at higit sa lahat ay mamimili ng boto. Ito yung uri ng manok na mahirap awatin sa pakikipag-sabong. Titilaok ito nang napakalas para mangako sa taong bayan na sya ang pang-derbe na makakalutas sa problema ng bansa.


Teka bakit ba madalas pagtalunan ng mga taong walang magawa ang ebolusyon ng itlog at manok. Kapag pumunta ka naman sa Pampangga hindi naman nila ito tatawaging itlog kundi 'ebon'at kung kakain ka naman sa mga center point (turo-turo)ay tatawagin itong kwek-kwek o tukneneng na pinagulong sa harinang at hinaluan nang kulay orange na food color. Kapag mahina raw ang tuhod ay bumili lang ng balot na isa ring itlog na mula sa itik. Ang pagkain raw ng balot ay pampasigla ng tuhod lalo na sa mga lalaking nanlalambot sa loob ng kumot. Hindi mo nga kailangan pang bumili ng mga energy booster para to keep you going. Dati rin ata kaming nagtitinda ng balot at penoy.

Mahirap malaman kung alin ang penoy at balot kapag hilaw pa ito kasi pareho ang kulay nila at tunog kapag inalog-alog. Kailangan mo pang pumunta sa madilim na lugar at pailawan ito para malaman kung may sisiw, para malaman kung alin ang balot at penoy.

Syempre para hindi ka mawindang sa kaka-alog ay kailangan mo itong guhitan nang itim na pentel pen para malaman ng mga bumibili na penoy yung binili nila. Kasi kapag nagkamali ka ng bigay ay malulugi ka, mas mahal ata ang presyo ng penoy sa balot. Kung sawa ka na sa balot ay pwede rin namang bumili ng itlog na maalat. Bakit pa kasi pinaalat pa ang itlog na ito, eh kinulayan na naman ito ng pula. Di ba't ang pulang kulay ay sagisag ng katapangan, kaya siguro nila kinulayan para palatandaan na matapang ang itlog na pula sa alat. Mas magiging masarap ang kain mo kung sasamahan mo ito ng kamatis, para maiwasan ang sakit sa bato.

Bago dumating ang mga kastila ay ginagamit na ang itlog. Mababait nga ang isang tribo sa Mindanao kasi takot sila sa itlog, kaya ayaw nilang gumawa ng masama. Takot sila kasing mamatay at makita yung mukha nila sa loob ng itlog. Kapag gumawa kasi ng masama ang isang tao sa tribo ay tatawagin ang Babaylan o yung pari nila at mag-oorasyon ito ng itatapat sa liwanag ang itlog habang ginagawala sa mukha ng mga pinagbibintangan sa krimen. Kapag nangingig ang kamay ng Babaylan at tumapat sa'yo ay siguradong guilty ka. Kapag hindi ka namatay sa oras na iyon ay ipapakagat sa mga antik at pulang langgam hanggang sa umamin ka sa ginawa mong kasalanan.

Nakakawindang siguro nung panahon na iyon, parang yun yung lie detector test nila na huwag i-deny o don't make a lie kung hindi mamaga ang katawan mo sa kagat ng langgam. Ang resulta ang babait ng mga ninuno natin, nasaksihan kasi nila yung isang lalaki na biglang namatay nang tapatan ng itlog. Hindi pa kasi uso no'n ang kaalaman sa atake sa puso. Inatake ata yung mama kaya na tigok, yun natakot tuloy yung mga nakakita kaya kumalat sa lugar yung tsismis. Dumami tuloy yung mga umalohokan nung oras na iyon. Sa ngayon, patuloy pa ring ginagamit ang itlog sa mga probinsya para malaman kung napaglaruan ka ng maligno o engkanto.

Madalas ding gamitin ang itlog pangontra sa ulan. Sabi ng mga matatanda para hindi raw umulan kapag may mahalagang okasyon ay mag-alay raw ng itlog. Sigurado raw na mapipigil nito ang ulan. Bakit nga kaya hindi tayo sabay-sabay na nag-alay ng itlog nung dumating si Ondoy? Kung sabay-sabay lang siguro tayong nag-alay ng itlog ay baka natakot si Ondoy sa dami nang makikita nyang itlog ay baka lumihis ito ng direksyon.

Napaisip din ako nung maliit ako. Sabi kasi ng tiyuhin ko ay kaya nyang ipasok ang itog sa bote ng softdrinks na hindi nababasag. Medyo sumakit din yung utak ko sa kakaisip kong paano gagawin yun. Ilang itlog din ang nabasag ko para lamang magtagumpay. Ginawa ko pa yung sinabi ni Thomas Edison: "Genuis is one percent percent inspiration, ninety-nine percent perspiration." Tagaktak nga ang pawis ko sa kakaisip kung paano ko gawin yun, sa bandang huli ay sumuko din ako at hindi ko nagamit yung pilosopiya ni Edison. Paano naman kasi nagalit sa akin yung nanay ko, dahil inubos ko raw yung nakatabing itlog sa kakapasok sa bote.

Ang resulta, napuno yung bote ng sabaw ng itlog at ginawa naming scrambled egg. Sa gutom ko ay naparami ang kain ko at parang na-scrambled din ang tiyan ko. Panay tuloy ang pag-upo ko sa trono, habang umiire at pigil na pigil ang hangin. Nang dumating yung tiyuhin ko ay ipinakita nya sa akin na naipasok nya yung itlog sa bote. Asar na asar ako, paano ba naman isang itlog lang yung ginamit nya, ako mahigit isang dosena, pero wala paring napala. Nung hinawakan ko yung itlog ang lambot, huli na nang malaman ko na binabad pala yun sa gas.

Sunod naman na ipinagawa nya sa akin na ibato ko raw yung itlog sa banig na hindi mababasag yung itlog. Syempre bata pa ako at malikot talaga ang isip ko. Kabibili lang ng nanay ko ng isang dosenang itlog sa Balintawak. Kumuha ako ng isa at ibinato ko sa banig...nabasag. Naku nagkalat pa yung sabaw sa banig. Kumuha agad ako ng basahan at pinunasan, nilagyan ko pa ng sabon para hindi lumansa. Malinis na sana ang aking plano kaso biglang dumating si Nanay, yun binalot tuloy sa akin yung banig. Wala tuloy akong matulugan nung sumapit na ang gabi. Asar na asar ako sa tiyuhin ko, pakiramdam ko natraydor ako.

Kinabukasan dumating sya may dala na namang itlog. Tinawag nya yung ilang pinsan ko at inangat yung banig. Aruy! Napasigaw ako.."eh,di mo namang sinabi na iaangat yung banig." Nilaga ata yung itlog kaya hindi nabasag. Usapan lang daw namin ay hindi mababasag yung itlog. Ako naman ang naghamon, hindi ko ginamit ang itlog, ramdam ko kasi na sanay na sya sa itlog at isa pa kung tuksuhin sya sa amin ay mukhang itlog pugo. Maliit kasi yung ulo nya, kaya mukha raw syang itlog ng pugo. Pinagawa ko sa kanya na ilagay mo sa likido ang asin nang hindi matutunaw ng ilang araw. Kinuha nya yung asin sa bahay. Kumuha nang isang sandok na asin, ilang minuto ang lumipas... ito'y natunaw. Naubos yung asin namin, hindi nya parin nagawa yung hamon ko. E, di panalo ako sa aming pinoyhenyo.

Nang magluto na ang kuya ko wala syang magamit na asin, yung ulam tuloy namin na sarsyadong isdang matabang ang lasa. Kinabukasan pinakita ko sa kanya kung paano gawin yun. Kumuha ako ng gas at inilagay ko sa bote sabay nilagay yung asin. Lumipas ang ilang araw hindi natunaw, huwag mo lang ngang aalugin. Ang premyo ko itlog ng pugo.

Hay, ang itlog at manok nga naman kapag dumulas sa lalamunan at sumirko-sirko sa tiyan hahamakin ang lahat makapag-Jollibee lamang. Iba na ata ang tawag ng mga bagong sibol na kabataan sa manok. Kapag may sabaw tinolang manok, kapag prinito friedchicken, at kapag nasa Jollibee chicken joy. Sya nga pala, kinaa-aliwan rin ang itlog sa mga parlor games. Nandiyan na maglaro ng salong itlog, at babasagin ang itlog sa pamamagitan ng talong na nakasabit pa sa bewang ng babae o di kaya naman ng lalake.

Napakalaki talaga ng pakinabang sa itlog at manok sa buhay ng tao. Kaya hindi dapat pang pagtalunan kung alin ang nauna sa itlog at manok.

2 comments:

jhemvhoy said...

sir... un manok rin simbolo ng tubig libreng 2big..

---^_^---

Nathan said...

Mahilig ngang mamigay ng libreng tubig ang manok ni San Pedro sa ating lugar. Kaso ngayon sobra-sobra ang tubig, kaya binaha tayo.