Iniwan ko ang aking palayan sa malawak na kabukiran. Umupo sa tabi ng puno ng mangga at nagpalilim sa tumitinding sikat ng araw. Ninanamnam ko ang mga bawat sandali nang pakikipagniig ng aking paningin sa malawak na kapaligiran na pinakikinang ng kulay gintong mga uhay na palay. Sinipsip nang matinding sikat ng araw ang tubigan ng aking maningning na palayan at unti-unting naglaho ang gilas nito.
Naakit ako sa matabang lupa na nakatiwangwang sa malawak na bukirin. Sagana ito sa patubigan at kayang magpasibol nang magandang binhi ng palay. Walang pag-aatubili kong itinarak ang aking araro na sabik sa basang bukirin, mabilis itong kumapit at binungkal ang masaganang lupa. Matapos mabungkal ay isinandal ko ang aking likuran sa malapad na puno at ninamnam nang aking paningin ang masaganang lupa sa bago kong palayan.
Nagpasintabi ang haring araw sa aking bukirin bago ito ikubli nang mga tabing na ulap.Sumipat ang dilim, nagising ako sa kaliglig na sumusuot sa bintana. Nagdodoble ang aking paningin sa nakatiwangwang na bintana na pinagagalaw nang malakas na hihip ng hangin. Tila nagpapaligsahan ang dalawang bintana sa pagsayaw sa hangin.
Pamilyar sa akin ang unang bintana at matagal ko na siyang katuwang sa pagharap sa malalakas na ungos ng hangin sa masungit na panahon. Magiliw itong kumakaway sa bawat paglapit ng aking yabag sa hagdanan. Subalit, ang ikalawang bintana ay estranghero sa aking balintataw, ngunit mas nahalina ako sa mapang-akit niyang kumpas na naghahatid nang masamyong aroma na nagmumula sa masaganang kabukiran.
Nalunod ang aking katauhan sa masaganang bukirin nang malalagong uhay na nagkukulay ginto sa aking paningin. Sumasayaw ito sa aking harapan at panay ang giling sa ibabaw nang aking araro na pinapurol ng disyerto sa madalang na pagpatak ng ulan.
Umihip ang hanging amihan at dinuyan ako nang halinghingan sa gitna ng kawalan. Kumawala ang hanging habagat na nagmumula sa mahiwagang palayan. Nagpasiklot-siklot ang hangin sa gitna ng bukirin at nagpatianod ang aking diwa sa walang humpay nitong pag-inog sa kapaligiran.
Sumisipol ang hangin. Kumukutitap ang buwan. Nakikipagpatintero ang sinag ng araw.
******
******
******
Nakita kong duguan ang aking anak sa loob ng bahay.
Halos madulas ako sa pulang likido na naglawa sa sahig.
Hindi ko siya halos makilala, niyakap ko siya nang mahigpit.
Mahigpit na mahigpit. Nag-init ang aking mga mata at ayaw sumungaw ng luha.
Nag-rerebolusyon ang aking damdamin, umiinit, at nabilot ng isang malakas na pag-alulong ang sumambulat sa aking kapaligiran. Hindi ko ito mapigilan: sunod-sunod, walang patid, walang kurap, at walang maliw.
"Bakit? Bakit? Bakit?"
Ang katanungang umaalingawngaw sa tuktok nang alitaptap nang namimilog na buwan.
Tila ito binalot ng hangin at inilipad sa pantalan nang pasakit at dusa. Naginginig ang aking kalamnan. Malakas ang pintig ng aking mga ugat. Sumisilakbo ang aking dugo. Humahampas sa dalampasigan ng aking isipan at kumakanlong sa aking damdamin.
May liwanag na kuminang sa sulok. Naghahamon. Nagbabanta.
Inunat nito ang kanyang kamay na napapaligiran ng makapal na balahibo at pinakikinang ng matatalim na kuko. Nanlisik ang aking mga mata, nagbabaga, nag-aapoy at tuluyang lumiyab ang aking katawan.Hindi ko alintana ang paparating na panganib.
Tinutulak ako ng batas nang panaghoy at paghihiganti. Pumasok ako sa kusina at mabilis na hinugot ang isang patalim na nakatarak sa isang lalagyang kahoy.
Matalas, malapad at makinang. Ang sandatang ito ang makakatapat sa kanyang kalapastanganan. Bumilis ang galaw ng aking mga paa, nag-uunahan kung alin ang mauuna. Hahakbang ang kaliwa, mas bibilis ang hakbang ng kanan. Nagpapalit-palitan sa mabilis na paggalaw.
Sabay itong huminto at tumindig sa harapan nang pakinang-kinang na halimaw. Bumabaon ang aking kuko sa aking nakakuyom na palad sa paghawak ng patalim. Iniwasiwas ko ito sa hangin at itinarak sa halimaw. Bigla itong nawala. Mabilis itong nakalundag sa bintana. Parirala kong napagmasdan ang pagkaripas nito sa lupa. May anong puwersa ang bumalot sa aking mga paa, mabilis itong gumalaw, kasing bilis ng halimaw.
Mabilis ang bawat pagpapalitan nang apat nitong paa sa lupa. Habang ang buntot nito ay kaliwa't kanan na kumukumpas sa hangin.
Demonyo ka! Demonyo ka!
Harapin mo ako duwag na halimaw!
Mabilis ang paghinto ng mga yabag nito sa lupa. Humarap ka sa akin, binuka ang bibig. Kuminang ang mga nagsisiksikang matatalim na ngipin na nababahiran ng dugo. Lalong nagpupumiglas ang aking damdamin, itinarak ko ito sa kanyang puso. Parang hangin sa bilis ang kanyang paglundag sa aking likuran. Agad kong pinaling ang aking katawan paharap sa kanya.
Bakit di ma ako labanan?
Hayop ka! Hayop ka!
Muli kong itinarak ang patalim. Sumirit ang kanyang dugo at tumalsik sa aking mukha. Hindi siya gumagalaw, ni hindi lumalaban. Hanggang sa nawalan ng lakas ang aking kamay sa pag-unday.
Hiningal ako, kinakapos ng hangin ang aking lalamunan at gumagaspang ang daluyan nito.
Iniangat niya ang aking nakatungong mukha. Ibininuka ang aking bibig at itinapat sa kanyang puso.
Narinig ko ang tinig ng aking anak.
"Itay! Itay!"
Pinilit kong magsalita sa nalalabi kong tinig.
"Anak ko! Anak ko!"
"Nasan ka? Anak ko!"
"Mahal ka ni itay! mahal na mahal!"
"Itay, mahal ka din ni inay."
"Mahal na mahal."
"Itay, Bakit? Bakit? Bakit?"
"Bakit, mo kami pinabayaan?"
"Bakit mo kami kinalimutan?"
"Sabi mo mahal mo si inay?"
"Sabi mo di mo kami iiwan?"
"Pero nasan ka...? Nasan ka....?"
Unti-unting pumatak ang aking luha, bumilis ang tibok ng aking puso at nasasakal ang aking lalamunan.
Dahan-dahang isinahod ng halimaw ang aking bibig sa tumatagas na dugo. Nalulunod ako. Lunod na lunod. Bumalik ang sigla ng aking katawan. Pinilit kong magpumiglas upang kumalawa sa kanyang matatalim na kuko. Para akong manika na kanyang binuhat at isinandal sa puno ng mangga.
Humingi ako ng saklolo sa mga dahon at mga puno sa paligid. Ngunit tila bulag sila at bingi sa aking malakas na panaghoy. Lumakas ang hihip ng hangin, unti-unting bumabagsak ang mga tuyong dahon, at nangalaglag ang mga bunga sa lupa.
Inumang niya ang kanyang kamay, at itinarak sa aking katawan. Dinukot niya ang aking puso at inialay sa aking asawa na namamahay sa loob ng puno--- matagal na pala itong nakamasid sa aking pagkikipagbuno sa halimaw. Sinambot ito ng aking asawa at ibinaon sa tabi nang kanyang puso.
Tumalon ang pusa.
Nagising ako.
Nakikipaghabulan ang aking baga sa aking lalamunan sa pagsagap nang hangin sa paligid. Habang ang aking balikat ay inuuga nang aking dibdib.
Nasilayan kong umiiyak ang aking anak.
"Itay bakit ka sumisigaw?"
"Wala anak"
Niyakap ko siya nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit at pinupog nang halik.
Matagal ko din siyang hindi nasilayan dahil sa matagal na pamamalaot sa malawak na karagatan na aking sinumpaan.
"Anak, mahal na mahal ka ni itay ha."
"Mahal na mahal din naman kita itay."
Kumuha ako ng tubig sa ref at pinatulog ang aking anak.
Hinaplos ko ang ulo ng aking asawa. Hinalikan ko siya sa pisngi.
Tinitigan ng matagal. Matagal na matagal.
Nanariwa sa akin ang matamis naming pagliligawan.
Naglaho na parang bula ang estrangherong bintana sa tapat ng masaganang lupa.
Binuksan ko ang pamilyar na bintana sa tapat ng nalalantang uhay ng mga palay.
Naramdaman ko ang pagyapos nang sariwang hangin mula sa dati kong palayan at nasilayan ko ang pagbulwak ng tubig mula sa bukal. Muling nanariwa ang masaganang palayan, at pagsayaw ng mga gintong uhay sa bukirin.
0 comments:
Post a Comment