Announcement!
Interrested students may apply to the Office of The Student Affairs
Qualifications of Scholarship
1. Male
2. No Girlfriend
3. With pleasing personality
4. With a GPA of 85
5. With a stipend of P 2,000 monthly
Bigla akong napatunganga sa nakapaskil na papel. Isang sem na lang at graduation na, kaso wala pa akong naipong pera para pambayad sa graduation fee at pambili ng bagong damit. Pa’no na ‘to? May sakit pa naman si Inay, Cancer daw sabi ng doktor.
Bahala na, patapangan lang yan ng apog.
Kinabukasan ay kumuha ako ng application form sa OSA para mapabilang sa mga mapalad na magiging iskolar ng di nagpapakilalang philantropo.
“Napakabait siguro nun at mayaman,” bulong ko sa sarili.
Kaso lang may problema, basag ako sa ikalawa at ikatlong pamantayan.
“Bakit kasi bawal pati kasintahan?” pagsusuri ko sa pamantayan.
Kinausap ko muna ang gf ko para malaman niya ang plano ko.
“Alam mo na ang tama at mali, kung ito ang paraan gawin mo,” paliwanag niya sa akin.
Pero yung ikatlong pamantayan ay hindi ko masagot kung pasado ba ako, sabi ng gf ko oo naman daw, pero alangan parin ako sa sarili ko kasi nanay ko lang at siya ang nagsasabi na guwapo ako. Syempre ipagkakait ba nila sa akin yun, e, para na nila akong sinaksak, kung di nila sasabihin na para sa kanila ay ako ang pinaka guwapong lalaki sa balat ng lupa.
Kasi naman pareho nila akong mahal.
Syempre pa pinili ko ang pinaka cute kong larawan na sa tingin ay pang-modelo ang porma at hitsura, sandamakmak na pag-aayos ang ginawa sa photo shop para palitawin na good looking ako.
Hay, salamat sa hiwaga ng teknolohiya ang kalabaw ay nagiging baka, yung aso nagiging kabayo, yung gagamba nagiging unggoy at yung engkanto nagiging tao.
****
****
****
Ipinasa ko ang lahat na kinakailangang credentials para mapasama ang papel ko sa mga susuriin.
Napasuntok ako sa hangin ng mabasa ko ang pangalan--- yes, yes, yes!
Kaliwa’t kanan ang suntok sa hangin. Pumasok ako sa opisina ng OSA sa gusali CAS para ikonpirm ang aking nabasa.
Binigyan ako ng kapirasong papel at sabi sa akin ay pumunta raw ako bukas ng umaga sa Maceda Hall sa opisina ng presidente ng pamantasan at dun namin makikilala ang taong philantropo na magbibigay sa amin ng scholarship.
Alas diyes ng umaga ay nagtipon-tipon ang lahat na nagbabasakali na maambunan ng grasya. Ilang saglit lang ay dumating ang isang lalaki na maputi. Pinakilala siya sa amin ng presidente, siya raw ay si mapaghimalang philantropo.
Bago niya bitawan ang mga paraan ng pagpili ay naglitanya muna siya ng kanyang mga karanasan bilang isa sa pinaka matagumpay na alumnus ng aming pamantsan. Ipinarada pa niya sa amin ang mahabang listahan ng kanyang tagumpay sa daigdig ng himala.
Makalipas ang 30 minuto ay natapos ang litanya niya, saka niya ipinaliwanag na ang pinaka mahigpit na patakaran na dapat sundin nang kayang magiging iskolar ay huwag makikipagrelasyon sa kahit na kaninong babae.
Kinurot na naman ako ng pagiging kalog ko, uhmm…, “pa’no po kung napamahal na ako sa isang babae?” kalabit na tanong ko sa kanya.
“Hindi ka mapapabilang sa mabibiyayaan ng stipend,” pitik niya naman sa akin.
“Pa’no po kung babaeng aso, kabayo o pato?” pitik-bulag na tanong ko sa kanya.
Biglang binalot nang alingangas ng mga malulutong na halakhak ang buong silid.
‘Anong pangalan mo iho?”
“Tantizm po”
‘Medyo, malikot ang isip mo, baka kailangan mo ng himala,” na bulag-pitik niya naman ako.
Halos madurog ang ngalangala ng mga kasama ko sa katatawa. Pakiramdam ko’y biglang uminit sa loob nang malamig na kwarto dahil mukhang nasagap na nila ang malamig na hangin sa sobrang paglitaw nang kanilang esophagus.
Tumahimik ang paligid at naging seryoso na ang usapan. Galante pala talaga ang estrangherong philantropo na hulog ng langit sa aking pangangailangan. Bukas raw ay isasama niya kami sa kanyang bahay sa Cavite upang kumuha ng pagsusulit at masukat ang laman ng aming utak.
Maaga pa lang ay napansin ko na ang isang Van na pula na nag-aabang sa aming pagsakay. Isa-isa kaming pumasok sa sasakyan at dinala sa bahay ng estraherong philantropo.
Pagdating namin ay may nakahanda ng agahan, marahan naming nilantakan ang bawat lamang tiyan na nakahain sa ibabaw ng mesa. Nang matapos ay pumowesto kami sa isang mahabang mesa at maya-maya ay isa-isang iniaabot sa amin ang test questionnaires, bago ko simulan ay binilang ko muna kung ilan ang mga tanong.
Napalunok ako, parang gustong lumabas ng kinain ko. 600 na tanong sa loob lamang ng dalawang oras, sa sumatotal ay 5 segundo kada tanong. Wow, daig pa namin ang bagsik ng Bar Exam kahit siguro si superman ay manghihina dahil may pipino na nakahain sa mesa.
Humahataw ang aking kamay sa bawat pahina, para ba akong nag-aabang sa LRT na kahit puno na ay magsusumiksik ka parin para lang makarating sa tamang oras nang pagpasok sa eskuwela.
Nangarag ang ingay ng timer, hudyat ng pagtigil ng pluma ng bolpen.
Nag-antay kami ng dalawang oras sa resulta ng aming pagsusulit, pinasyal muna kami ng mayamang philantropo sa kanyang magarang bahay. Ibinida pa nito sa amin ang nakahanay niyang sasakyan, at tinanong kami kung marunong ba kaming mag-drayb, walang sumagot.
Nagtanong ako, “Sir, baka pwede kasama yung drayber sa hihiramin,” napabungisngis ang aking mga kasama.
Tinitigan niya ako ng matagal na parang nag-he-healing session… biglang nagsalita.
“Alam mo Tan natutuwa ako sa’yo, napapasaya mo ako,” pitik niya sa ego ko.
‘Salamat naman po, kasi po mapapasaya mo din ako,” bato-bato pick ko naman sa kanya.
****
****
****
Lumipas ang dalawang oras lumabas na ang resulta ng pagsusulit. Sabi niya dalawa lang raw ang nakapasa si Macho at si Tisoy. Sabi ko na talo ako sa bato-bato pick, gunting siya papel lang ako.
Inabutan niya kami ng tig-dalawang daang piso na pamasahe pauwi. Paalis na ako nang tinawag ako ng estrangherong philantropo.
“Tan, saglit,” anas niya
“Bakit po?”
“Samahan mo muna kami sa Batangas,” yaya niya.
Sumama naman ako.
Ayaw kasing mag-paiwan ni Tisoy kasama ko kasi siya sa Student Government.
Sumakay kami ng kotse, pinaupo niya ako sa unahan katabi ng drayber. Umupo naman sila sa likuran.
Panay ang kuwento niya sa amin kung pa’no siya naging matagumpay, sa kanyang negosyo at nakapundar nang maraming bahay sa ibat ibang sulok ng bansa.
Natapos ang mahigit isang oras na kuwento.
Bumaba siya sa kotse at sinuot ang kanyang abito.
Tumambay kami sa labas ng magarang bahay.
Nagsimula na siyang magdasal. Kinatok niya ang langit na buhusan nang pagpapala ang mga nakiisa sa kanilang pagtitipon. Binuklat niya ng Bibliya at binasa ang isang bersikulo…
"Ay...ay...ayyyyyyyyyy!!"nang biglang nagtilian ang mga tao sa loob ng bahay.
Ang mapaghimalang nilalang ay hinimatay. Binuhat siya ng ilang kalalakihan at iniupo sa isang malapad na upuan. Panay ang paypay ng mga matatandang labis ang pag-aalala sa banal na tao. Habang ang ilang mga kasapi ay natataranta at nababalisa sa pagtanghod sa kanya. Ang iba naman ay tahimik na nagdarasal para sa magandang kalagayan ng pinuno.
Mayamaya ay nagkamalay na ang banal na tao. Natuwa naman ang mga miyembro.
Matapos maipon ang mga regalo at love gift ay agad na nagyaya itong umuwi papunta sa kanyang kondominyum sa Vito Cruz.
Katulad kanina nasa unahan ako nakaupo, sa likod sila pumesto. Paro may napansin akong bago yung harapan ni Tisoy ay tinatakpan ng pulang unan habang nagmimilagro ang mapaghimalang kamay sa tanging yaman ng aking kasama.
Sinubukan kong tanungin si Tisoy kung kamusta na ang pakiramdam ng banal na tao, hindi siya makasagot parang may nakabarang hangin sa kanyang lalamunan.
‘Tan, ok na ang pakiramdam ko,” sagot ng banal na philantropo.
Ah, yun pala ang gamot para manumbalik ang lakas niya. Kilala ko si Tisoy napatol talaga siya sa mga kolereteng Adan sa aming pamantasan.
Maya-maya ay parang kinakapos sa hangin si Tisoy.
“Inaatake ka ba ng hika mo at parang nag-iiba yata ang timpla ng katawan mo,” usisa ko.
Sa pag-kakaalam ko may hika siya, yun kasi ang madalas niyang dahilan sa akin kapag hindi siya nakakarating sa aming pagpupulong.
Makalipas ang isang oras ay narating na namin ang kondominyum ng banal na tao.
Ilang saglit lang ay dumating ang ilang lalaki na artistahin ang dating, humalik muna ito sa pisngi at may ibinulong. Hiningi pala yung stipend nila. Naisip ka liberal pala siya at na-adopt niya ang kultura ng mga lalaki sa gitnang silangan at mga kanluraning bansa sa paraan ng pagbati.
Nag-paalam na ako na umalis, akala niya hahalik ako.
Nagmano na lang ako.
Inabot niya sa akin ang kanyang calling card, tawagan ko raw siya bukas para malaman ko ang resulta.
Iniwan ko sila ni Tisoy, baka kasi manghina uli ang mapaghimalang nilalang.
Si Tisoy lang ang makakatulong sa kanya.
Kinabukasan ay tinawagan ko siya gamit ang pinaparentahang telepono sa tindahan, malapit sa aming bahay.
Inalam ko kung kabilang ba ako sa mabibiyayaan ng grasya.
Sabi niya sa akin, hindi raw ako pumasa sa kanyang pagsusulit.
Ibinaba ko ang telepono at tumingin sa langit.
0 comments:
Post a Comment