Inimbitahan ni Boknoy ang mga kababaihan sa kanilang lugar sa isang engrandeng handaan. Mabilis na kumalat ang balita na sa gaganaping handaan ay pipili ang Sultan ng kanyang magiging kabiyak na siyang magiging reyna ng kanilang kaharian. Todo bihis at postura ang ginawa ng bawat kababaihan. Sandamakmak na meky ap ang pinahid nila sa mukha para lang mapansin ng hari.
Ayon sa tagapag-balita o umalohokan, ang mapipiling dilag ay siyang isasayaw ng hari at magiging reyna ng pagtitipon, at magiging lihitimong reyna nang buong kaharian ng Kwek-Kwek. Nagsimulang lumibot ang Sultan, naakit ito sa simpleng ganda at kasuotan ng isang dilag na katulong nang tatlong magkakapatid na babae na kabilang sa Maharlikang pamilya.
"Anong pangalan mo?"
"Estela po."
"Sino ang mga magulang mo?"
"Ah,e, pasensya na po kailangan ko ng umuwi."
Panay ang nguynguyan ng mga kababaihan nang yayain ito ng hari at isayaw sa gitna ng pagtitipon. Pagsumapit ang alas-dose ng gabi ay ihahayag ni Boknoy ang pagpapatibay sa kanyang pinal na desisyon na ang babaeng napili ay kanyang pakakasalan at magiging kabiyak ng kanyang puso. Isang minuto bago sumapit ang takdang oras ay nagmamadaling nagtatakbo ang dalagang kanyang kasayaw. Mabilis itong nakalayo. Lalong umingay ang tsismisan ng mga kababaihan. Pilit itong hinabol ni Boknoy, ngunit mabilis itong nakalayo sa lugar, at mabilis na naglaho sa kanyang paningin.
Napansin nito na naiwan ng babae ang isang kabiyak ng sandalyas.
Kinabukasan ay may natagpuang patay na lalake malapit sa lugar na pinagganapan ng okasyon kagabi. Wakwak ang dibdib nito; umugong ang balita na dinukot ang puso nito ng isang manananggal. Nahirapan ang mga imbestigador na Timawa na makakalap ng saksi upang matukoy ang salarin. Isang daang metro mula sa pinangyarihan ng krimen ay may napansin silang may naiwan na isang marka ng sandalyas sa putikan. Agad na pinakuha ni Boknoy ang napulot na sandalyas at isinukat sa naiwang marka.
Namangha siya at nagulat. Napailing siya at pumalatak nang pumalatak.Agad niyang pinag-utos na hanapin ang babaeng nagmamay-ari ng sapatos. Pinuntahan ng kanyang mga tauhan ang bawat bahay at isinukat ang sandalyas sa bawat kababaihan. Sa buong maghapong pagsusukat at paghahanap ay nais na nilang sumuko. Nang kumagat ang dilim ay nagimbal sila nang makita nila ang kalahating katawan ng isang babae na manananggal, nagmamadali nilang inilabas ang sandalyas at isinukat sa paa nito. Bumilis ang tibok nang kanilang puso at namutla nang kumasya ito sa paa ng manananggal. Nang makumpirma nila na saktong-sakto ang sukat ng paa nito ay pinosasan nila ang paa nito, binitbit at ikinulong.
Bilog ang bagong sulpot na buwan. Sumapit ang ala-una ng gabi, nagulat ang mga pulis na Timawa dahil galit na galit na dumulog sa kanilang tanggapan ang manananggal. Nagsampa ito ng reklamo ng Human Rights Violation at Illegal Detention, dahil premature raw ang ginawang pagpapakulong sa kalahati ng kanyang katawan. Hindi raw siya nakatanggap ng warrant of arrest mula sa husgado. Isa pa, wala raw silang pinanghahawakang prima face evidence at physical evidence, bilang katibayan sa brutal na pagpatay na ibinibintang sa kanya. Isa raw itong panggigipit sa kanya bilang isang manananggal. Kahit ganun raw ang kanyang katangian ay nanatiling hulsam ang kanyang pagiging manananggal, kaya niya raw patunayan ito sa pamamagitan ng mga saksing manananggal.
"Tandaan nyo 'to, hindi lahat ng manananggal ay mamatay tao at hindi lahat ng mamatay tao ay manananggal."
Nag-isip nang malalim ang mga pulis na timawa sa sinabi niya.
"Akin na nga 'yang sandalyas ko baka maipalo ko pa sa inyo ito. Walang galang sa puri ng isang babae. Katawan ko lang ata ang habol n'yo!"
Ganun pa man ay nagpiyansa ito at nagbantang babalik para maghanap ng abogado. Binantaan nito ang mga pulis na Timawa na maghaharap sila sa korte at ipakukulong ang sultan na si Boknoy dahil sa maling paratang at paglabag sa Habeas Corpus at Violence Against Women.
Galit na galit nitong binitbit ang kanyang kalahating katawan, sabay lumipad, at nilisan ang presinto.
0 comments:
Post a Comment