Ang liwanag ay repleksyon lamang ng enerhiya ng init. Ang kawalan ng liwanag ay pamamayani ng dilim na kung saan ang lamig ay bumabalot sa kapaligiran at namamayani sa kalikasan. Kung kaya't ang pamamayani ng kasamaan ay kawalan ng pananalig sa Diyos. Nilikha nya ang lahat ng bagay sa mundo. Kasama na rito ang mga nagrebeldeng mga anghel sa pamumuno ni Satanas o kilala bilang demonyo o kalaban ng kabutihan. Nilikha nya ang mga ito ayon sa kanilang katangian. Ngunit, hindi nya tinangal ang free will nito o kalayaan ng diwa. Hinayaan silang magdesisiyon sa pagpili ng masama o mabuti. Kaya nga di tayo nilikha na isang Robot o sunod-sunuran na nilalang. Pinagkalooban tayo ng puso upang madama ang mabuti at di mabuti para sa ikagiginhawa ng ating emosyon.
At isipan naman ay sumusuri sa ating pagpapasya sa pagtanaw ng tama o mali. Ipinoproseso ng ating isipan ang mga bagay na makakabuti para sa atin at isinasantabi nito ang mga pangyayaring di makakatulong sa ating pagkatao. Ang pagsulpot ng kasamaan sa sahig ng mundo ay bunga ng pagsuway sa pamantayang moral. Hindi ginigiit ng maykapal na sundin natin ito; binigyan nya tayo nang buong kalayaan na pumili kung alin sa moral at di moral na pamantayan ang ating isasabuhay. Binigay nya ito bilang kapahayagan nang kanyang kabanalan. Kabanalan na tinataglay natin, at nasa atin parin ang pagpapasya kung ito ay ating paiiralin bilang kanyang kawangis. Ika nga gaano man kasama ang isang tao ay may ipinapakita parin itong kabutihan. Hindi ba't nagpakita ng kabutihan si Adolf Hitler sa mga Alemanya, kahit na pinapatay nya ang mahigit anim na milyong Hudyo. Nakakaramdam parin ng awa ang tinaguriang pinakamasamang tao sa mundo na may pinaka-maitim na budhi. Sa kapangyarihan ng awa, kaya tayo binibigyan ng pagkakataon na magbago at makasama ng dakilang lumikha sa kabilang buhay.
Ito ang bagay na hindi maarok ng siyensya. Nakatuon lang kasi ang kanilang pananaw sa apat na dimensyon ng mundo, at hindi sa multi-dimensyonal na inilaan ng maykapal para sa ating lahat. Namamayani sa siyensya ang teorya ng relatibo, na kung saan ang opinyon mo ay tama para sa'yo at ang opinyon ko ay tama para sa akin. Maging sa sistemang politikal ng ating bansa sa ilalim ng demokrasya ay ginagamit na pamantayan ang kaisipang ito. Kapag 3/4 ng mambabatas ang sumang-ayon para maisabatas ang isang panukalang batas, upang maging pamantayan ng lipunan o norm. Ang tawag dito ay ang paghahari ng Mayorya at pakikiramdam ng Minorya. Subalit ang na-aprubahang batas ay kikilalanin bilang isang Relatibong Mayorya. Mababago lamang ang nilalaman ng isang batas kapag nagbago na ang bumubuo ng Mayorya, at ang Minorya ay sya ng Mayorya. Ang siste kasi ng politika ng bansa ay nakabatay sa tunggalian ng Mayorya at Minorya. Kaya't mapapansin na ang mali ay nagiging tama at ang tama ay nagiging mali depende sa namamayaning politikal party.
Ang kawalan ng tinig ng mga dukha sa lipunan ay kawalan ng liwanag sa tunay na kalagayan ng ating bansa. Pilit na sinasagkaan ang liwanag na magpapamulat at realisasyon ng balanseng pagtingin sa katayuan ng mahirap at mayaman. Kapag ang munting liwanag ay nawalan ng kutitap, namamayani ang tala ng ganid at pananamantala . Ang talang ito ay sasabog sa buong kapuluan, magkakalat ng bubog nang pasakit at dusa. Lalambungan nitong nang kirot ng pamumuhay at titibuin ang puso at isipan ng mga mapagkunwaring pag-aalala. Papalakpak ang puso ng mga higanteng tala sa pagtamo ng kanilang kasaganaan. Habang patuloy ang hikbi ng mga walang muwang na mamamayan na nakulong sa dilim bunga nang di pantay na pamumuhay.
ITUTULOY...
Sa Alaala ng Payatas X
4 years ago
1 comments:
ganda nung video...
Post a Comment