Ilang oras bago maglipat ng taon ay nag-iiba ang kulay ng kalangitan. Nagbabago ang tunog ng kapaligiran. Nag-iiba ang sigla ng bawat Pilipino. Dumadagsa ang pagkain sa hapag kainan. Umuusok ang mga telepono sa pagbati ng HAPPY NEW YEAR.
Ganito ang aking nakagisnang tradisyon sa pagdiriwang ng bagong taon. Halos wala namang pinagbago sa makulay na okasyong ito. Ang nagbabago lang naman ay ang bilang ng mga taong napuputukan sa pagsalubong ng taon. Dati rati halos hindi ka makalabas sa pintuan ng bahay dahil sa mga dumadagundong na mga putukan na yumayanig sa pandinig. Subalit ngayon ay tila nag-mature na ang karamihan sa atin. Naging matalino ang pinoy sa mga bagay na bibilhin sa pagdiriwang ng mahalagang okasyong ito. Imbes na paputok ay dinadaan na lang sa paghagis ng mga barya at pagkalansing nito sa semento, na hudyat ng pagbaha ng grasya sa pagpasok ng panibagong taon. Sadyang nakakatuwa na masilayan ang pagsulong ng taon; kasabay ng pagsulong ng tao sa bawat hamon ng buhay. Napakahalagang okasyon ang bagong taon dahil binabago nito ang ating pananaw sa panibagong gulong ng buhay. Ang mga regalong araw na hatid ng bagong taon ay awtomatikong iinog na walang pahintulot. Ang tikatik ng oras ay patuloy na iindayog, habang ang gabi't araw ay patuloy na sumisilay. Bakit ba kailangan pa nating magsaya kung dalamhati naman ang dulot ng kasalukuyang taon? Nagsasaya tayo hindi dahil sa magagarang paputok sa kalangitan, o masasarap na pagkain sa hapag kainan. Nagsasaya tayo hindi dahil sa mapapait na karanasan na dumagok sa ating buhay; kundi dahil sa aral na ating natutunan mula sa pait ng nakaraan. Nagsasaya tayo dahil nalampasan natin ang alon ng pagsubok, ang bulkan ng hinagpis, at bagyo ng dalamhati. Sa pamamagitan ng paggalaw ng orasan ay nagbibigyan tayo ng lakas ng loob na muling lumangoy sa batis ng panibagong pag-asa. Pag-asang hatid ng bagong taon na magsisilbing palaisipan sa ating lahat. Ang mahalaga ay, muli tayong susubok at bibigyan ng pagkakataong ituwid ang ating pagkakamali at lalong paghusayan ang produktibong karanasan na hatid ng nakaraang taon.
Higit sa lahat ay nagsasaya tayo dahil ang BAGONG TAON ay biyaya ng DAKILANG MAYKAPAL sa ating lahat. Sa tuwing sasapit ang araw na ito ay hindi ko nakakalimutang pasalamatan ang dakilang lumikha ng aking buhay ang repleksyon ng aking pagkatao. Ang nagbigay sa akin ng talino at kalakasan. Tuwing taon ay laging kong isisusulat sa aking talaarawan na ang lahat ng meron ako ay nagmula sa kanya. Ang bawat paglipas ng araw ay isang regalo mula sa kanya. Mapait man o matamis, ang mahalaga ay may-aral siyang ibinibigay. Aking natutunan sa mga nakalipas na taon na kilangan mong mabasag para ka maging buo. Ganyan ang tao...parati tayong nababasag para maging solido ang ating pagkatao.
Sa Alaala ng Payatas X
4 years ago
0 comments:
Post a Comment