Swabe ang tunog ng bagong Motorsiklo na kinuha ng papa ni Tsokoy bilang regalo sa kanyang nalalapit na kaarawan. Honda Wave 100R ang tatak, pinaghalong itim at asul na kulay ang flarings nito, makintab, makinis, malambot ang upuan, malakas ang ilaw at higit sa lahat ay Brand new--- kahit na hulugan. Matagal din n’yang pinapangarap na magkaroon ng isang bagong modelong motorsiklo. Napag-iiwanan na sya ng kanyang mga katropa sa kasikatan, papormahan, gimikan, at impluwensya sa kanilang samahan na binansagang mga anak ng tambutso. Karamihan ng kanyang mga kaibigan ay may sarili ng motorsiklo.
Kung sa yaman at yaman lang ang batayan ng kasikatan ng kanilang samahan ay hindi magpapahuli si Tsokoy. Maituturing na mayaman dahil sa dami ng sasakyan: isang itim na kotseng Honda Civic, tatlong dyip at limang trisykle. Kailangan mo pang tingalain ang mga taong baba’t panaog sa kanilang bahay. Kailangan mo ding labanan ang nakadungaw na sikat ng araw upang maaninag ang taong dumudungaw mula sa tuktok ng terrace. May negosyo ang kanyang ina, samantalang mataas ang posisyon ng kanyang ama sa isang kompanya. Dalawa lang silang magkapatid. Kung sa tutuusin ay mapalad siya dahil nasusunod ang kanyang gusto at mahal na mahal siya ng kanyang magulang. Hindi nga lang sya nakakapagtapos ng High School dahil sa labis na pakikisama at pagmamahal sa tropa.
Dati rati’y parati na lang umiindak ang kanyang pwetan sa upuan kapag rumarampa ang motorsiklo. Madalas makipagbuno ang kanyang mga paa sa sunod-sunod na indayog ng gulong sa saliw ng musika na nagmumula sa tambutso. Kailangan pang makipagpalakasan ng kanyang mga braso sa kapirasong bakal sa dulong bahagi ng upuan upang manatiling nagtatampisaw sa pagasgas ng hangin at serenata nang mga ugong mula sa iba’t ibang sasakyan na kanilang nalalagpasan. Pinaglalaruan lang nila ang kamatayan. Pinagtatawanan lamang nila ang mga kamuntik-muntikanang sakuna. Hinahamon nila si kamatayan ng karera, at kawitin ng karit nito, habang ang kanilang motorsiklo ay matulin na bumubulusok sa hangin. Bilib na bilib sila sa sarili sa angas at husay nilang magpatakbo ng motorsiklo. Walang trapik. Walang balakid. Bawat puwang ay nalulusutan. Animo’y sibat ang kanilang sasakyan, sa bilis sa pagpapaharurot.
Whooooo…liiihhh…haaa! Ang malakas niyang sigaw habang mabilis na humaharurot ang Motorsiklo. Halos mabiak ang kanyang ngalangala sa pakikipagpambuno sa hangin. Maisaboy lamang ang nararamdamang kasiyahan. Para silang nasa tuktok ng alapaap habang tinutugaygay ang maalon na kalsada. Lalo pang nahamon si Eric sa kaliwa’t kanang kurba ng kalsada. Pinaling-paling nya ang manibela sa magkabilang direksyon. Habang sumasabay ang kanilang buong katawan sa patuloy na pag-ugoy ng motorsiklo sa malabitukang manok na daanan. Piniga niya ang silinyador, umingay ang makina, nangigil ang kadena, umaapoy sa ngingit ang spraket at sumisipol nang malakas ang tambutso. Nang pumayapa ang kalsada, malaya sa bitak, lubak at humps. Sandaling nag-stock-up ang manibela. Biglang bumitaw ang kamay ni Eric sa madiin na pagkakahawak at lumiyad kay Tsokoy. Sa simula ay bumilis ang tambol ng kanyang dibdib. Nang di naglaon ay lubos na kaligayahan ang nag-uumapaw; nang mapansin nya na balewala lang sa kanyang kaibigan ang disgrasya. Sabay silang humiram ng lakas nang loob sa hangin.
Araw-araw niyang nililinis ang kanyang bagong sasakyan. Pinakikintab at tinuturing na kabiyak. Kung dati rati ay umaangkas lang sya. Ngayon ay sya na ang inaangkasan ng ilan niyang kaibigan. Sa simula ay marahan ang kanyang takbo. Takot siyang sumingit at umarangkada ng matulin. Kadalasang pumapalo lang ng 40 km/h ang kanyang takbo sa speednometer.
“Ang bagal mo naman! Ano ba ‘yan bisikleta?! Tsokoy, maglakad kanalang! Ang pang-aalaska ng kanyang mga katropa.”
Sasabayan sya ng grupo at biglang haharurot ng napakabilis. Muli na naman siyang maiiwanan. Pipigain nya ng napakadiin ang silinyador upang magalit ang makina at bumilis ang ikot ng gulong at makahabol sa kanyang mga kaibigan. Tuwing susubukan niyang humabol ay nauunahan sya ng takot dahil hindi sya sanay na humarurot sa bagong motor. Iniingatan nya itong huwag magasgasan. Matagal nya itong pinangarap kaya labis nya itong pinag-iingatan. Kapag pumalo na ang bilis sa 80 km/h ay nanginginig ang manibela kaya binawasan nya ang diin sa silinyador.
Hindi sya sanay sa bagong modelo ng motor na walang klats. Madalas kasi niyang ginagamit ang mga motorsiklo na ginagamit na pang-trisykle. Sa isip-isip niya na hindi niya kailangang magmadali dahil mabibigla ang makina. Kailangan nya pa kasing timplahin ang takbo ng motor habang sumasailalim ito sa panimulang pagtakbo. Sa loob-loob niya, kapag pumalo na nang unang isang libong kilometro ay saka nya hahamunin ang tropa at makikipagsabayan sa bilis.
Sa bawat araw na lumilipas ay walang humpay niyang pinatatakbo ang motorsiklo upang makuha ang unang isang daang kilometro sa Trip mileometer. Nang makita nya sa Trip mileometer na pumalo na sa 1000 kilometro ang natakbo ng kanyang bagong motor ay agad nya itong pinapalitan ng langis upang malinis ang makina. Inihinto nya ang motor sa tabi ng kalsada ang tinawag si Joel na isang mekaniko ng motor, agad nitong inasikaso si Tsokoy at pinaluwag ang turnilyo sa ilalim at inilapag ang plastik na galon. Hinugot nya ang turnilyo, bumulwak ang maitim na langis at tumapon sa plastik na galon, nang patak-patak na lang ang lumalabas ay kinuha nito ang maliit na hose at sinalpak sa bunganga ng machine oil gauge. Pinihit nya ang switch at umikot ang bilog na bakal sa kompressor at nagsimulang umingay ang makina. Mabilis na dumaloy ang hangin sa hose at pumasok sa makina, tinaboy nito ang mga nalalabing langis na naiwan sa makina. Kinuha nito ang bagong langis at binuhos sa lalagyan.
Matapos maubos ang isang litrong langis at maisalpak ang oil gauge ng makina ay isinalpak nya ang susi sa ignition switch, pinihit ang susi sa nuetral position. Diniin ang silinyador at sumirit ang sunod-sunod na hangin sa tambutso.
Broom…broom…broom…. inapakan nya ang kambyo sa unahan, pinaandar ang motorsiklo at mabilis na nakabalik sa bahay. Pinarada nya agad ito sa tapat ng kanilang bahay. Tinabig ng kanyang paa ang side stand upang ibalanse ito at huwag bumagsak. Pagkatapos ay tinaggal sa pagkakasalpak ang susi.
Makalipas ang apat na buwan ay mabilis niyang nagamay ang bilis, bigat at balanse ng kanyang motor. Nakakasabay na sya sa kaniyang mga kaibigan, ngunit katulad ng dati ay naiiwan parin sya dahil 100 km/h lang ang tulin nito samantalang 125 km/h ang sa kanyang mga kaibigan. Inipon nya ang perang binibigay ng kanyang ama’t ina.
SINIMULAN NIYANG BIHISAN ITO, una niyang pinalitan ay ang rear shockhabsorber ng lowered na klase at istilong debaso upang pababain ang makina. Sunod ay pinakurbahan nya ang seat cushion upang tumambok ng kaunti ang likurang bahagi at pinalitan ng posh ang balot ng upuan. Makalipas ang ilang araw ay tinaggal nya ang salamin sa magkabilang tagiliran ng manibela, pinalitan ang busina, tinaggal ang silencer ng tambutso, pinalitan ang side stand ng stainless, pinalitan ang main stand ng mas maliit, pinalitan ang gulong ng tubeless, 70x90 ang hulihan at 60x80 ang unahan.
Makalipas ang isang buwan ay binago nya naman ang front shockabsorber at pinakulayan ng kulay ginto, at ang makina nito ay halos humalik sa semento, pinalitan ang mga rims, tinaggal ang rear turnlight, pinalakihan ang karburador, at kinargahan ng racing cap ang makina, pina-underneath ang hulihan, pinaangat nya ang step-not at pinalitan ng stainless. Bumili ng 12 volts/6000 watts na amplifier, dalawang maliit na speakers, inayos ang wyring at may instant sound beat na. Pinakabitan ng neon-lights, para itong Christmas lights sa mahaharot na kinang ng mga ilaw. Pinalagyan ng konbersyon ang kambyo at preno. Higit sa lahat ay pinalagyan nya ng klats at pinalaki ang bunganga ng tambutso na kasya ang maliit na baso.
Lalo siyang napamahal sa kanyang sasakyan. Kung dati’y hindi sya makahabol sa kanyang mga katropa, ngayon madalas s’yang nauuna. Mabilis na kung sumingit, matulin na kung humarurot.
Tsokoy, antayin mo naman kami! Tangna mo masyado kang mayabang! Ang ingay ng motor mo! ang angal ng kanyang tropa at mga taong malalampasan nya.
Kahit pula pa ang ilaw ng stop light ay pinahaharurot nya ang kanyang motor. Agad na sisilbato ang bantay trapiko upang siya’y pigilan at pahintuin. Hindi niya ito papansinin. Lalo siyang haharurot nang napakatulin.
“Habulin mo ako kung gusto mo,” pagyayabang nya sa sarili.
Masyado siyang tiwala sa buga ng kanyang tambutso dahil pangkarera ang set-up nito. Hindi magawang maplakahan ng bantay trapiko ang kanyang sasakyan. Tinaggal kasi ang plate number nito. Sinadya ng kanyang ama na huwag itong ikabit dahil masyado nang nagiging gala si Tsokoy.
“ Motor na lang ba lagi ang aatupagin mo at hindi pag-aaral mo, Tsokoy? Tanong ng ama.
Hindi ito kumikibo at panay ang pindot sa PSP.
“Madalas ka pang nasa kalsada kaysa umuwi ng bahay. Puro katarantaduhan lamang ang alam mong gawin dahil sa kakasama mo sa mga barkada mong lagalag,” bulalas ng kaniyang ama.
Nang hindi na ito makapagtimpi ay hinablot nito ang hawak na PSP at ibinato sa pader. Nagkapiraso-piraso ito ng bumagsak sa sahig. Nag-aapoy sa galit ang kanyang ama sa kanyang kinilos.
“ Ganyan ka naman eh…gusto mong tularan kita. Walang ibang magaling sa’yo kundi ambisyon mo, karangalan at pangalan ng pamilya,” hibik-hinanakit ng anak.
Bago pa tuluyang lumiyab ang galit ng ama ay lumabas na siya ng bahay at pumunta sa kanyang mga katropa. Humapdi ang puso ng kanyang ama sa kanyang inasal. Pakiwal-kiwal na rumaragasa sa kanyang isip sa paghikab ng nakaraan. Naalimpungatan ang kanyang damdamin sa paraan ng pagpapalaki sa kanyang unico hijo. Nanariwa sa kanyang ang mga panahon na hindi sya naglaan ng oras upang pandayin ang pagkatao ng anak at subaybayan ang kanyang pag-aaral. Hindi siya naglaan ng diyalogo upang maisumbulat ng anak ang kanyang kinikimkim na pag-aaklas. Hindi nya ito naigiya sa yakap ng pangaral at namnamin ang mga gintong sandali na sila ay magkaulayaw.
Anong disiplina ang ibinigay ko sa kanya noong maliit pa siya? Paano ko ba siya sinubaybayan ng bata pa siya? Labis ang kanyang paghihinayang sa mga gintong panahon na lumipas na kung saan ay maari nya pang baguhin ang kasalukuyan.
Sa tuwing magtatalo sila ng kanyang ama ay niyaya ni Tsokoy ang kanyang mga katropa na gumala. Kadalasan ay sama-sama silang nagpapatakbo sa mga baybayin ng Muntinlupa upang iparada ang kanilang mga binihisang motorsiklo. Nakakakuliglig sa pandinig ang sabay-sabay na ingay na nagmumula sa kanilang mga tambutso, habang panay ang hagod sa silinyador. Para silang nagparada sa isang prusisyon na ang kanilang motor ang Reyna Elena at sila ang mga konsorte.
“Nandiyan na naman ang mga anak ng tambutso,” palahaw na sigaw ng mga tambay na mga kabataan.
Rinding-rindi ang bawat bahay na kanilang madaanan. Tuwang-tuwa naman silang makitang pinagkakaguluhan ang kanilang mga motor ng mga miyembro ng samahang nag-momotorsiklo. Lubha silang namamangha sa kakaibang porma at istilo ng kanilang mga motorsiklo. Kapag sama-sama silang magbabarkada ay napapasarap sila sa pag-iikot at pagagala. Madalas ay hindi na sya umuuwi ng bahay. Malimit siyang tumuloy sa bahay ng kanyang kaibigan sa Batangas, o di kaya naman ay San Pablo Laguna. Pinupuntahan nila ang nais nilang puntahan hanggat may gasolina. Kung gaano kaangas ang kanilang motor ay ganun din sila kaangas. Natutuhan na rin ni Tsokoy ang mga bisyo ng mga kaibigan, ang manigarilyo, uminom at magpa-cute sa mga chikas. Iba’t ibang chikas na din ang kanyang naisakay sa kanyang sasakyan, macho daw ang kanyang alaga, kaya macho din sya.
Sa pagmomotor nya din nakilala si Joy. Halos hindi nagkakalayo ang kanilang edad. Matanda lang siya ng isang taon dito. Deysi sais sya at kinse anyos naman ang dalaga. Sa bawat galaan ay parati niya itong kasama. Pareho silang may lihim na pag-aaklas sa kanilang mga magulang. Pareho nilang tinutuklas ang kanilang mga sarili sa iba’t ibang kaibigan. Pareho silang naghahanap ng atensyon at karamay na ipinagkait sa kanila habang namumulat silang anino lang ang kanilang katuwang sa pakikibaka sa buhay. Kaya madaling nahulog ang loob nila sa isa’t isa.
Minsan ay naiwan sila ng kanilang tropa sa bahay ng kanilang kaibigan. Matagal silang nakapag-usap ng salirinan. Naungkat ang kanilang mga nakaraan. Naramdaman nila ang ginhawa sa kanilang pakiramdam. Lumaya ang kanilang mga damdamin. Naglakbay ang kanilang diwa. Hanggang nagsanib ang kanilang mga kaluluwa.
Supresang pumunta ang kanyang nobya sa bahay nila, nagtataka ito sa matumal na dalaw ng nobyo sa kanilang bahay.
“Tsokoy! Tsokoy!” tawag ng kanyang kasintahan.
“Bakit ba? Ano bang problema mo?” tanong nito.
“Bakit hindi mo na ako pinupuntahan sa bahay?” malambing na tanong nito.
“E, ano bang pake mo!” sambot niya.
“Tsokoy…buntis ako,” nagmamakaawang pag-amin nito.
“Umalis ka nga sa harap ko at naiirita ako sa pagmumukha mo” pasigaw niyang utos.
Pilit na nagmamakaawa ang kanyang nobya, at panay yakap at kapit sa kanya. Subalit lalo siyang nairita. Binalya niya ito at bumagsak ito sa lupa.
“ Anong tingin mo sa akin patakbuhing tambutso,” panunumbat ng nobya.
“Putek ka! Tumigil ka kung ayaw mong….” Sabay amba ng kamay.
“Sige tuloy mo!” ipinagdikdikan pa nito ang mukha sa kanyang kamay.
“Pagkatapos mo akong pasakayin sa mga kayabangan mo ay iiwan mo na lamang ako,” ang paos nitong sigaw habang umiiyak .
Binalot si Joy ng poot sa oras na iyon. Sabay na naghihimagsik ang kanyang puso’t isipan. Nagdadalamhati sya sa kanyang kalagayan. Nahahabag sya sa sarili at sa inosenteng dugo na nakakanlong sa kanyang sinapupunan. Inuudyukan sya ng poot na lumaban at ibangon ang kanyang dangal sa gitna ng kadiliman upang lumiwanag ang katauhan ng nobyo sa tinatalikurang responsibilidad.
Wasakin mo ang motor! Wasakin mo! Wasakin mo!
Ang dikta ng kanyang saloobin. Ngunit patuloy na nagingibabaw ang kanyang pagmamahal sa kasintahan. Ang kanyang katawan ay nanginginig sa paghikbi, umiiyak habang humaharurot papalayo ang motor ni Tsokoy.
“Tsokoy! Tsokoy lumabas ka diyan!” ang sigaw ng magulang ng kanyang kasintahan.
Tahimik ang bahay at walang kailaw-ilaw. Ngunit nagliliwanag ang madilim na kapaligiran sa bawat hiyaw ng nanay ng nobya ni Tsokoy sa labas ng geyt ng bahay. Isang malakas na tunog ng makina ng sasakyan ang umagaw sa atensyon ng matandang babae. Lumabas sa kotse ang papa ni Tsokoy at tinanong kung sino ang pakay nila. Inanyayahan siya nito na pumasok sa bahay at sa loob mag-usap. Nagkasundo sila na hindi muna magsasama ang dalawang bata, ngunit sasagutin ng pamilya ng lalaki ang gastos sa Ospital sa oras ng panganganak.
Mas pinahalagahan ni Tsokoy ang kanyang sasakyan kaysa sa kanyang magulang at kasintahan. Handa niyang ipaglaban ito sa sinumang magtatangkang umagaw sa kanyang mga kamay. Mahigit isang taon na ang kanyang motor ngunit ayaw itong iparehistro ng kanyang ama upang matakot siyang igala ito ng malayo at maghinay-hinay sa pagpapatakbo. Kung paanong nagbagong-bihis ang kanyang sasakyan ay nagbagong-bihis din ang kaniyang pagkatao. Wala na itong takot, buo ang loob na makipag sabayan sa matutulin na sasakyan sa kalsada. Kahit alanganin ay mag-overtake, sabay mag-bunking pakanan at biglang pipihit sa kaliwa. Biglang babagal ang takbo ng dyip na kanyang siningitan at mariin na tatapakan ang preno.
“Nakuuupppp!.........” hiyaw ng pasahero sa harapan.
“Putangna kang bata ka…malamang malapit-lapit ka sa hukay,” galit na sambit ng driver.
“Kung gusto mong magpakamatay ibangga mo yan sa truck,” sigaw ng isang pasahero.
Tuwing dadaan siya sa kahabaan ng kalye ng Rizal sa Poblacion ay nagmumura ang mga madadaanan niya. Masyado kasing iskandaloso ang tunog ng kanyang tambutso, nakakairita sa tenga. Minsan ay napagkaisahan ng mga kabataan na lagyan ng bato ang kalsada upang makatikim siya ng semplang ng madala. Subalit, bago pa nila mahagis ang mga bato ay mabilis na nakapuga ang kanyang motorsiklo mula sa kanilang masamang balak. Kahit hating gabi ay ginagala niya ang kanyang sasakyan, masyado itong nakakaperwisyo sa mga natutulog.
“Hoy! Gago ka ba, gabing-gabi na nakakabulahaw ka!,” sigaw ng galit na kapitbahay.
Hindi nila magawang maireklamo ito dahil maimpluwensya ang pamilya nito sa kanilang lugar. Kaya palagay ang bata na hindi siya tataluhin ng mga kapitbahay. Pinalaki sya na busog sa mga materyal na bagay, ngunit kulang sa kalinga ng magulang. Madalas kasing abala ang mga ito sa kanilang mga trabaho at hindi nasusubaybayan ang bawat galaw at kilos nito. Kaya ang kanyang mga barkada ang nagsisilbi niyang kanlungan upang mapunan ang balon ng pagmamahal sa kanyang pagkatao. Sa pamamagitan ng pag-momotor ay nakikilala siya ng mga tao. Napapansin at nabibigyan ng atensyon kahit pa na tawaging manhid, mayabang, sutil at walang modo.
“Mayaman kasi, kaya mayabang,” ang himutok ng ilang kabataan.
“Akala mo s’ya ang may-ari ng kalsada,” sambot ng mga trisykle boy.
Minsan ay nagkayayaan ang kanyang mga kaibigan na pumunta sa Macapagal Highway sa Pasay upang lumaban ng karera. Madaling araw na silang umalis at pumunta sa lugar. Pagdating sa Macapagal ay nakursunadahan kaagad ng ilang karerista ang angas ng kanyang motor.
“Tsokoy, hinahamon ka nung isa,” magkano tanong niya.
“P5,000 daw ang lowest,” pasigaw ni Eric.
“Sige call P10,000 kamo,” sagot niya.
Nag-ambag-ambag ang kanyang mga katropa upang makalikom ng sampung libong piso na pamusta. Kapwa nila ipiniwesto ang motor sa gitna ng kalsada. Sunod-sunod ang putok ng tambutso habang pinapainit ang makina. Animo’y naghahamon ang bawat bulalas ng tunog na pumapainlanlang sa katahimikan ng gabi. Sa gitna ng kadiliman tanging ang ingay ng tambutso ang nangingibabaw habang nagsisigawan ang mga miron. Nakatungayngay lamang ang kanilang mga nanlilisik na mata sa kahabaan ng kalsada, nag-aabang at nakikiramdam sa hudyat ng pagsulong. Galit na galit nilang kinakayod ang silinyador, bababa ang gasolina, gagalaw ang makina, sisipol ang tambutso, sisingaw ang hangin, gagalaw ang kadena, iindak ang spraket, sasabay ang rims, sabay na hahalik sa kalsada ang dalawang gulong, at mahinay na sasayaw ang motorsiklo sa saliw na tunog ng tambutso.
“Isa…dalawa…tatlo…” ang hudyat ng karera, sabay baba ng luntiang bandila.
Mabilis na diniin ang kambyo sa primera at humarurot ang motorsilo… segunda…. tirsera ay lalo humahagupit ang hangin sa mukha niya. 60…80..km/p ang palo ng metro sa Trip milometer. Tatapakan nya ang kaapat na kambyo at lalong magwawala sa galit ang makina. Nagbabaga ang tambutso sa pagbubuga ng usok at sunod-sunod ang putok ng mga tunog. 100…110…km/p ang mabilis na palo ng metro. Halos yumayakap ang kanyang mukha sa manibela ng motor at pinapaling ang mukha sa kaliwa at kanan upang iiwas sa malakas na hampas ng hangin. Itutukod nya sa hangin ang kanyang katawan. Susunod naman ang motorsiklo sa pagpaling ng manibela at pagsang-ayon ng gulong sa tinatahak na direksyon. Kapag tuwid na ang kalsada ay hahagurin nya ng napakadiin ang silinyador at itatago ang mukha sa hangin.
Brooom…broooooommm…..broooooooooooooommmm, simbilis ng kidlat na narating niya ang finish line. Panalo sila, isa-isang sumalubong ang kanyang mga barkada at nagtatalon sa tuwa.
“Halimaw ka talaga,” bulalas ng kaniyang kaibigan.
“Hayop, Ang lupet!” ang pagmamalaki ng isa.
“Kambyo mo nga,” sama-samang naglapat ang kanilang mga palad.
“Pare, sa susunod uli, mas mataas ang pusta wala kasing trill yung laban ngayon,” pagyayabang ng kalaban
“Oo ba, basta mag-practice ka pa,” pang-aasar niya.
Umuwi silang masaya. Tumambay muna sila sa isang kanto at pumasok sa vidiyowke bar upang mag-inuman. Bumaha ang alak at pulutan dahil sa kanilang panalo. Umikot ang kanilang kuwentuhan at tudyuhan sa angas ni Tsokoy at pangarap ng kanilang tropa sa hamon ng karera.
Isa-isang binago ng alak ang kanilang anyo at pagkatao. Nagbago ang aura ng kanilang mukha. Nagkaroon ng bagong himig ang tono ng kanilang salita. Sumasayaw ang kanilang mga paningin. Pinalambot ng agua de pataranta ang kanilang tuhod at braso. Nang malagok at masimot ang huling tagay ay isa-isang sumibat ang kanyang mga katropa.
Sabay na umuwi si Tsokoy at Eric. Kung kanina ay matulin ang kanilang biyahe, ngayon ay higit na nagkukumahog ang gulong, kadena, spraket at makina sa pag-indayog sa kalsada. Walang patid ang paghalik ng mga gulong sa sementong kalsada. Lumiko si Eric sa isang kanto at nagbigay nang dalawang busina, hudyat nang pagpapaalam. Limang kilometro pa ang layo ng bahay niya mula sa bahay ng kaibigan. Buo ang kanyang loob.Walang takot. Walang pag-aalinlangan, ni katiting na pangamba ay hindi dumadaloy sa kanyang ugat. Subalit, nagsasayaw ang kanyang paningin sa sobrang kalasingan.
Broooom….brooooooommmm…brooooooooooommmmm…humahagupit, humaharurot sa tulin. Umaangal na ang makina, nais nang sumuko ng tambutso. Nagmamakaawa na huminto saglit at magpahinga upang mahimasmasan ang mainit na pakiramdam ng makina. Humaharibas ng pasuraysuray ang kanyang motorsiklo sa kalsada. Pinahinto ito ng isang malakas na pagsalpok mula sa nag titinikling na nilalang. Lango sa pakikipagbarik, nangangapa at sumusuray-suray sa daan. Biglang naglaho ang sanib ng agua de pataranta sa kanyang katauhan.
Tumalsik siya sa motor, lumagapak ang kanyang katawan sa semento at nagpagulong-gulong. Saglit siyang nawalan ng malay. Ginising ang kanyang diwa ng isang malakas na ungol at gitil ng dugo mula sa kanyang mukha. Hindi siya makagalaw. Parang ipinako ang kanyang mga paa at kamay. Ngunit tanaw niya mula sa kanyang kinalalagyan ang nangingisay na katawan ng matandang lalaki sa gitna ng kalsada. Umuugong sa kanyang pandinig ang malakas na pag-nguyngoy ng kawawang nilalang at wari’y nagmamakaawa at buong tapang na nakikipaglaban sa nalalabing hininga.
Ilang minuto ang lumipas ay nangingibabaw ang dagundong ng sirena ng ambulansiya sa gitna ng kalsada. Mabilis na lumabas ng sasakyan ang mga medical officers. Sumunod na dumating ay mga traffic enforcers. Sinuri silang dalawa. Unang isinakay sa ambulansiya ang matandang lalaki at agad na kinabitan ng oxygen sa ilong. Bago siya isakay sa ambulansiya ay kinabitan siya ng brace sa leeg at mabilis na ipinasok sa sasakyan. Kinarga sa isang truck ang motor, halos madurog ito sa lakas ng pagkakabangga at pagtama sa gutter ng kalsada.
Hindi makagalaw si Tsokoy sa kanyang kinalalagyan. May nakapasak na dextrose. Nakabalot ang kanyang balikat at tuhod ng cast o semento bunga ng malakas na pagkakahampas ng kanyang katawan sa konkretong kalsada. Pakiramdam nya ay para siyang nasa loob ng kabaong dahil sa mga sementong nakabalot sa kanyang balikat at tuhod. Hindi nya magawang maigalaw ang kanyang mga kamay at paa. Labis ang kanyang pagkairita sa mga gumagapang na karayom sa bahagi ng kanyang katawan na nababalutan ng semento.
Ayon sa duktor ay kailangang patagalin ang pagkakalagay ng semento upang manumbalik sa dating anyo ang mga lumihis na buto. Babalik daw ito sa dati kapag nabalutan uli ng mga litid. Minsan ay nais nya ng sumuko at ipaubaya sa may kapal ang kanyang kalagayan. Ngunit pilit siyang umaasa na babalik sa normal ang kanyang kilos upang masilayan ang kalagayan ng matanda. Hindi nya iniisip ang kirot at hapdi ng bawat bali at sugat sa kanyang katawan. Mas mahapdi ang dulot ng kirot na nagmumula sa kanyang puso. Binabagabag ang kanyang isip sa kalagayan ng matandang lalaki na kanyang nabangga. Dumikit sa kanyang utak ang pangyayari nang masilayan ang nagingisay na katawan nito sa gitna ng kalsada, habang bumubulwak ang dugo sa bunganga.
Gabi-gabi siyang napapasigaw sa kalagitnaan ng kaniyang mahimbing na pagkakatulog. Humaharurot sa kanyang alaala ang mga pangyayari. Nag-aapoy ang kanyang konsensiya sa mabilis na pagharurot at buga ng tambutso sa sinapit ng matanda. Umuugong sa kanyang pandinig sa malakas na pag-nguyngoy nito. Hindi niya matanggap ang sitwasyon. Noong isang araw ay nagbubunyi siya sa kasiyahan. Ngayon ay nagdadalamhati siya sa kanyang kalagayan. Kahit isa sa kanyang katropa ay walang dumalaw.
Araw-araw ay tinanong niya sa kanyang ama at ina ang kalagayan ng matandang lalaki.
“Pa, kamusta na po yung matanda,” pag-aalang tanong niya.
“Ayos lang…” ang madalas na tugon ng kanyang mga magulang.
“Ngayon ay alam mo na ang pagkakaiba ng mabilis sa matulin,” himig-sumbat ng ama.
Ang katotohanan ay na-comatose ang matanda at ayon sa duktor ay imposible na mabuhay pa ito. Malaki na ang gastos nila sa Ospital. Naubos na ang naipong pera ng kanyang ama sa Bangko. Ibenenta na nila ang ibang sasakyan upang makaagapay sa gastos sa pang-araw-araw. At mabigyan ng pera ang pamilya ng biktima. Makalipas ang isang buwan ay bumuti na kalagayan ni Tsokoy. Samantalang, tuluyan ng bumigay ang katawan ng matanda dahil sa tindi ng pagkakabangga.
Makalipas ang isang buwan ay nakalabas ng Ospital si Tsokoy, hindi na nagawang mag-reklamo ng pamilya ng biktima dahil mahirap lamang ito at matindi ang pangangailangan sa pera. Binagyan nila ang pamilya ng salapi dahil sa pagpanaw ng kanilang ama.
Nabaon sa utang ang kanyang magulang, at ang ningning ng kanilang bahay ay naglaho dahil sa pangyayari. Parati niyang tinatanong sa kanyang magulang ang kalagayan ng matanda. Ipinagtapat nila ang totoo sa kanya, hindi siya makagalaw, hindi siya makapag salita. Nanginginig ang kanyang kalamnan. Hindi niya matanggap na sa murang edad ay nakapatay siya ng tao dahil sa kapahangasan sa pagpapatakbo ng motorsiklo. Sinisisi niya ang sarili.
Makalipas ang dalawang buwan ay tuluyan ng tinanggal ang semento sa kanyang balikat at tuhod. Ilang araw din siyang nanibago sa pagkakalaya mula sa tanikala ng sakuna. Subalit hanggang ngayon ang kanyang isip ay nanatiling nakagapos sa mapait na karanasan. Patuloy na nakatarak sa kanyang konsensya ang talim ng pagiging palalo. Patuloy na sumasabog ang bulkan ng bangungot sa kanyang pagtulog.
Paika-ika niyang pinuntahan ang garahe. Hinanap ang motorsiklo. Wasak na wasak. Wala na ang kinang nito. Wala na ang angas. Sira na ang makina. Naglaho na ang ingay. Naglaho na ang tambutso. Isang malakas na busina ang nagpahupa sa paggunita ng nakaraan. Alam nya ang pakay ng mga ahente ng motorsiklo. Binuksan niya ang geyt. Kinausap ng ahente ang kanyang ama, pinapirmahan ang mga papeles. Pagkatapos mapirmahan ay isinakay sa truck ang wasak na motorsiklo. Pumayapa ang kanyang isip. Huminahon ang kanyang damdamin. Nagbago ang kulay ng likidong dumdaloy sa kanyang katawan at naging panatag ang buong paligid.
Sa Alaala ng Payatas X
4 years ago
0 comments:
Post a Comment