Naging bulong-bulungan at usap-usapan sa bawat paaralan ang komento na ibinigay ni Rosanna Roces O mas kilala bilang Osang, na nabigyan ng pagkakataon na maging hurado ng programang Showtime. Makatwiran ba ang kanyang naging reaksyon bilang hurado ng Showtime? Tama ba ang kanyang naging pahayag? May karapatan ba siyang manlibak ng mga kaguruan?
Ang Showtime ay nagtatanghal upang ipamalas ang angking talento ng mga pinoy sa iba't ibang aspeto. Ito ay isang pagkakataon upang maipamalas ng sinumang lalahok dito na ang isang simpleng tao ay may kakayahang magpasikat sa buong bansa. Upang maging ganap ang paghuhusga, ang naatasang hurado ay binibigyan ng pagkakataon na ipahayag ang kanyang kuro-kuro, hinggil sa ipinakitang gilas ng bawat kalahok. Susuriin niya ang estetika, mekanismo, pagiging malikhain, kasuotan, konsepto, at dynamiko ng presentasyon. Magpapahayag ang hurado upang kilatisin kung pumasa ba sa kanyang panlasa ang istilo ng presentasyon o di kaya naman ay magbigay ng makabuluhang suhestiyon upang magamit ng mga kalahok sa kanilang pakikipagsapalaran sa inaasam na ambisyon. Nang magkamali ang isang kalahok sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa pamilya ni Rizal ay hindi ito pinalagpas ni Osang. Ayon sa kanyang pahayag,
"...murahin mo ang teacher mo. Ako minura ko ang teacher ko nang hindi niya nasagot sa akin ‘yan. Oo, walang hiya yang mga teachers na ‘yan hindi sinasabi ang totoo sa atin. Kaya kayong mga kabataan ‘whag kayong makontento sa mga itinuturo ng libro at mga teachers. Magtatanong po kayo hindi masama iyon...dahil ang mga teachers they were just repeaters. Itinuturo nila kung ano ang naituro sa kanila, hindi na nila itinuturo ang gustong malaman ng mga bata."
Walang masama ng kastiguhin ni Osang ang maling impormasyon na naipahayag ng isang kalahok. Dapat naman talagang winawasto ang isang pagkakamali lalo na't live na pinalalabas ang programang ito. Subalit, ano kaya ang intensyon niya para sabihing dapat MURAHIN ang mga kaguruan? Ibig sabihin ba niya, lahat ng guro sa buong bansa ay guro ng nasabing bata. Hindi man lang niya tinatong ang bata kung nakikinig ba siya noong panahon na nagtuturo ang kanyang guro o nagbabasa ba ito ng libro. Nagbigay siya agad na isang pangkalahatang pahayag na lumilibak sa kakayahan ng mga guro.
Maging ang nakasulat sa libro ay kanyang kinondena. Pero sinabi niya na dapat nagsusuri ang mga kabataan sa internet o di kaya naman ay nagtatanong. Kanino ba dapat magtanong ang isang mag-aral kung walang hiya naman pala ang mga guro? Sa mga hayop ba, bundok, puno at mga tala sa kalangitan. Dapat raw na magsuri ang mga kabataan sa internet para matuto. Ibig sabihin ba nito, hindi na maituturing na karagdagang babasahin ang mga detalyeng makukuha sa mga web sayt. At san ba nagmula ang mahahalagang detalye na nasa web ngayon, hindi ba't mula ito sa mga nalimbag na libro na masusing pinag-aralan ng mga guro. Ang mga guro raw ay repeaters lamang . Itinuturo nila kung ano ang naituro sa kanila. Sang-ayon naman ako rito, pinag-aaralan natin ang mga bagay na napag-aralan na ng ating mga ninuno. Kailan mo ba matutunan ang isang bagay? Sa isang pasadang pagtuturo o pagbabasa; tapos ay gagawa na tayo na sarili nating konklusyon at prinsipyo batay sa ating pagkaunawa. Hindi ba't ang batas na siyensya ay pinagtitibay ng mahabang panahon-batay sa pagsusuri at sandamakmak na pagsusuri.
Natural na ulitin ng guro ang mga impormasyon sa asignatura na kung saan siya nagpakadalubhasa. Maging ang buhay at katha ni Rizal ay paulit-ulit na pinag-aaralan at binibigyan ng bagong bihis. Batay sa makabuluhang interpretasyon ng mga nagdadalubhasa sa kanyang kontribusyon at pagkatao bilang isang bayani ng bansa. Nangangahulugan ba ito na kapag narinig mo na ang katha at buhay ni Rizal sa isang pasada-- ay ayos na? Binabalikan natin ang mga impormasyon upang tumatak sa ating isipan na mas malalim at makabuluhan ang isang konsepto upang magamit natin sa ating susunod na pagsusuri. Maging sa pagpapalaki ng isang anak ay kailangan mong ulit-ulitin ang mga impormasyon na gusto mong maipabatid upang tumimo sa kanyang isipan kung ano ang dapat at hindi dapat.Bawat taon naman kasi ay iba't ibang uri ng mag-aaral ang hinahawakan ng isang guro. Kayat natural na ang naituro sa nakalipas na batch ay dapat mo ring ituro sa susunod na batch. Kapag may mga pagbabagong nagaganap sa bawat asignatura ay inihahain naman ito ng guro sa mga mag-aaral upang higit na mapalawak ang kanilang kaalaman.
Marahil ay tatanggapin ko nang maluwag sa aking kalooban kung ang nagpahayag ay si Mr. Efren Penaflorida. Higit siyang nakakaunawa sa kalagayan ng isang guro. Nagsusumikap siya upang iangat ang antas ng edukasyon sa bansa ng hindi umaasa sa pamahalaan. Maging ang dating sex symbol na si Ms. TeTchie Agbayani ay isa ng guro ngayon. Samakatuwid, sino ba si Osang? Taglay niya ba ang modelong karakter upang manlibak ng guro. Nararanasan niya ba at naiintindihan ang paghihirap ng isang guro? Taklesa na siya kung taklesa. Ngunit ang kanyang nililibak ay isang institusyon na naghahasik ng binhi upang maiangat ang dignidad ng ating bansa. Isang institusyon na hindi nagpapasikat, bagkus ay tumutulong na pasikatin ang mga kabataan. Mga gurong hindi humaharap sa ningning ng kamera. Kinang ng kasikatan. Kundi sa ningning ng bokasyon na magbigay ng sulo ng tagumpay nating lahat.
Sa Alaala ng Payatas X
4 years ago
0 comments:
Post a Comment