(Sa aking mga tagasubaybay panandalian ko munang ihihinto ang Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy upang bigyan ng luksang parangal ang dating pangulong Corazon Aquino sa pamamagitan ng maikling kwento batay sa aking tunay na buhay)
“Anak malapit na! Anak malapit na!,” ang palahaw na bulalas ni Itay habang inaayos ang mga kahoy na upuan sa labas ng bahay. Maya-maya ay isa-isang nagdatingan ang ilang kabataan sa aming lugar at kanyang mga kasamahan sa trabaho. Akala ko ay may inuman at handaan, ngunit ni isang serbesa at pulutan ay ‘di ko nasilayan. Nilapag ng matabang lalaki ang pisara sa harapan ng mga upuan, makapangyarihan ang boses nito habang nagsasalita sa harapan. Gumuhit ito ng tatsulok, hinati-hati ito sa ilang palapag at nilagyan ng mga pangalan. Pagkatapos n’yang magsalita ay napuno ng puting guhit at letra ang pisara. Nang matapos ang pagtitipon ay naglabas ito ng tikler at bolpen. Isa-isang nilang inukit ang kanilang mga pangalan sa maliit na pirasong papel. Nang matapos maiukit ang huling pangalan ay kapit-bisig silang nanalangin at malakas na sumigaw ng mabuhay ang KMU.
Obrero si Itay sa isang pabrika sa pagawaan ng tela sa likod ng simbahan ng Iglesia ni Kristo sa Balintawak. Hindi siya nakatapos ng elementary dahil maaga siyang nilunok ng dagat upang mamalakaya sa karagatan ng Romblon. Maaga siyang namulat na makipagsapalaran at harapin ang hamon ng buhay. Sinuong niya ang dambuhalang alon at matinding kahirapan sa probinsya. Sinisid niya ang karagatan ng kalungkutan at paghihinagpis sa isla ng Boracay bilang boy ng isang mayamang pulitiko.
Nag-aalab ang mga mata ni Inay at Itay. Pabulong silang nag-usap sa isang lihim na suliranin. Dali-daling kinuha ni Itay ang bag, tiniklop ang ilang pirasong damit at sinuksok sa loob ng bag. Habang abala naman si Inay sa pagluluto at pagtatakal ng kanin at pagsalansan ng isda sa baunan. Isa-isa nila kaming hinalikan sa noo at kinumutan. Lumabas sila ng bahay at tahimik na kinausap ang aming kapitbahay. Tango lang ng tango, habang ang mga mata’y nag-aalon sa pangamba. Mahigpit silang nagyakap. Sabay na nagsambit na: “Malapit na! Malapit na!”
0 comments:
Post a Comment