Dose anyos pa lang noon si kuya. Subalit taimtim siyang kinausap ni Inay.
“Alagaan mo ang iyong mga kapatid, ipaghanda mo sila ng pagkain at huwag mong iwawaglit ang iyong mga mata sa kanilang mga paa,” bilin ni Inay.
Masipag sa mga gawaing bahay ang aking kuya. Siya ang nagpapahele sa aking mga batang kapatid. Naghuhugas ng pinggan, naglilinis ng bahay, at nagluluto ng pagkain upang ihanda sa hapag kainan. Parati akong pinagagalitan ni kuya at Inay. Tamad daw ako at hindi tumutulong sa mga gawaing bahay. Puro lang daw ako dahilan na masakit ang tiyan pagkatapos kumain. Pupunta sa kubeta na may bitbit na komiks at magtatagal ng tatlumpung minuto.
Naalimpungatan ako sa malakas na sigaw ng aking kaibigan na si Amil. Niyaya niya ako na pumunta sa tabi ng North Luzon Expressway . Sumuot kami sa bakod upang masdan ang mahabang pila ng mga sasakyan na malakas na bumubusina at sumisigaw ng “Cory…! Cory…! Cory…!”
Kahit na musmos pa lamang n’on ay nadama ko na ang tuwa ng mga pasahero sa kanilang mga mukha. Lumulukso sa kasiyahan ang kanilang puso. Bawat isa ay parang magkakapatid. Nagkakamayan, yakapan at nagdadamayan. Inakyat ko ang isang Bus upang magbigay ng kape at tinapay na bigay sa akin ni Aling Teyang. Isa-isa kong inabot sa mga pasahero ang baso--- sabay takal ng kape sa bote at buhos ng mainit na tubig ni Aling Teyang.
0 comments:
Post a Comment