Napahinto ako sa aking pagbibigay ng kape at tinapay, nasilayan ko ang mga naglalakihang tangke at mahahabang truck na punong-puno ng mga sundalo. Abot tanaw ko sa malayo ang dalawang asul na Bus na hinarang sa tapat ng kalsada sa Toll Gate ng Balintawak papuntang Edsa. Tumigil sa pagsulong ang mga ‘di pangkaraniwang mga sasakyan sa bukana ng toll gate. Nang nagpumilit ang mga sundalo na ito ay tanggalin, biglang lumiyab ang Bus mula sa gasolinang dala ng ilang matatanda at kabataan. Tinupok ito ng apoy. Habang umuugong ang mga busina ng mga sasakyan at nakikisabay sa malakas na sigaw ng “Cory…!Cory…!Cory…!”
Sa mga oras na ‘yon ay nag-iiba ang kulay ng mga tao sa kalsada. Lahat sila ay naninilaw habang sumisigaw ng pagbabago. Pagkalipas ng ilang oras ay naglaho ang mahabang pili ng mga sasakyan. Ilang araw din kaming naghabulan at namasyal sa tahimik at malawak na kalsada ng Expressway.
Dalawang araw ang lumipas, wala parin si Inay at Itay. Sabi nila ay saglit lang silang mawawala upang dumalo sa kursilyo at magtitirik ng kandila.
Linis, hugas, luto, at laba ang madalas na pagkaabalahan ni kuya. Nagpapaligo sa dalawa kong kapatid at magliligpit ng higaan. Pagkalipas ng ilang araw ay umuwi si Inay na may mahabang ngiti. Hatinggabi namang umuwi si Inay at Itay at kanyang mga kasama.
“Tagumpay! Tagumpay!” ang kanyang pasalubong sa amin.
“Malaya na tayo…malaya na tayo!!” ang bulong niya kay ina.
“Malaya na ang mga bata…malaya na silang makapagsalita paglaki nila,” ang pahabol na sambot ni Itay.
0 comments:
Post a Comment