BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Saturday, October 31, 2009

Ang Sandalyas ng Wak Wak




Inimbitahan ni Boknoy ang mga kababaihan sa kanilang lugar sa isang engrandeng handaan. Mabilis na kumalat ang balita na sa gaganaping handaan ay pipili ang Sultan ng kanyang magiging kabiyak na siyang magiging reyna ng kanilang kaharian. Todo bihis at postura ang ginawa ng bawat kababaihan. Sandamakmak na meky ap ang pinahid nila sa mukha para lang mapansin ng hari.

Ayon sa tagapag-balita o umalohokan, ang mapipiling dilag ay siyang isasayaw ng hari at magiging reyna ng pagtitipon, at magiging lihitimong reyna nang buong kaharian ng Kwek-Kwek. Nagsimulang lumibot ang Sultan, naakit ito sa simpleng ganda at kasuotan ng isang dilag na katulong nang tatlong magkakapatid na babae na kabilang sa Maharlikang pamilya.

"Anong pangalan mo?"

"Estela po."

"Sino ang mga magulang mo?"

"Ah,e, pasensya na po kailangan ko ng umuwi."

Panay ang nguynguyan ng mga kababaihan nang yayain ito ng hari at isayaw sa gitna ng pagtitipon. Pagsumapit ang alas-dose ng gabi ay ihahayag ni Boknoy ang pagpapatibay sa kanyang pinal na desisyon na ang babaeng napili ay kanyang pakakasalan at magiging kabiyak ng kanyang puso. Isang minuto bago sumapit ang takdang oras ay nagmamadaling nagtatakbo ang dalagang kanyang kasayaw. Mabilis itong nakalayo. Lalong umingay ang tsismisan ng mga kababaihan. Pilit itong hinabol ni Boknoy, ngunit mabilis itong nakalayo sa lugar, at mabilis na naglaho sa kanyang paningin.

Napansin nito na naiwan ng babae ang isang kabiyak ng sandalyas.

Kinabukasan ay may natagpuang patay na lalake malapit sa lugar na pinagganapan ng okasyon kagabi. Wakwak ang dibdib nito; umugong ang balita na dinukot ang puso nito ng isang manananggal. Nahirapan ang mga imbestigador na Timawa na makakalap ng saksi upang matukoy ang salarin. Isang daang metro mula sa pinangyarihan ng krimen ay may napansin silang may naiwan na isang marka ng sandalyas sa putikan. Agad na pinakuha ni Boknoy ang napulot na sandalyas at isinukat sa naiwang marka.

Namangha siya at nagulat. Napailing siya at pumalatak nang pumalatak.Agad niyang pinag-utos na hanapin ang babaeng nagmamay-ari ng sapatos. Pinuntahan ng kanyang mga tauhan ang bawat bahay at isinukat ang sandalyas sa bawat kababaihan. Sa buong maghapong pagsusukat at paghahanap ay nais na nilang sumuko. Nang kumagat ang dilim ay nagimbal sila nang makita nila ang kalahating katawan ng isang babae na manananggal, nagmamadali nilang inilabas ang sandalyas at isinukat sa paa nito. Bumilis ang tibok nang kanilang puso at namutla nang kumasya ito sa paa ng manananggal. Nang makumpirma nila na saktong-sakto ang sukat ng paa nito ay pinosasan nila ang paa nito, binitbit at ikinulong.

Bilog ang bagong sulpot na buwan. Sumapit ang ala-una ng gabi, nagulat ang mga pulis na Timawa dahil galit na galit na dumulog sa kanilang tanggapan ang manananggal. Nagsampa ito ng reklamo ng Human Rights Violation at Illegal Detention, dahil premature raw ang ginawang pagpapakulong sa kalahati ng kanyang katawan. Hindi raw siya nakatanggap ng warrant of arrest mula sa husgado. Isa pa, wala raw silang pinanghahawakang prima face evidence at physical evidence, bilang katibayan sa brutal na pagpatay na ibinibintang sa kanya. Isa raw itong panggigipit sa kanya bilang isang manananggal. Kahit ganun raw ang kanyang katangian ay nanatiling hulsam ang kanyang pagiging manananggal, kaya niya raw patunayan ito sa pamamagitan ng mga saksing manananggal.

"Tandaan nyo 'to, hindi lahat ng manananggal ay mamatay tao at hindi lahat ng mamatay tao ay manananggal."

Nag-isip nang malalim ang mga pulis na timawa sa sinabi niya.

"Akin na nga 'yang sandalyas ko baka maipalo ko pa sa inyo ito. Walang galang sa puri ng isang babae. Katawan ko lang ata ang habol n'yo!"

Ganun pa man ay nagpiyansa ito at nagbantang babalik para maghanap ng abogado. Binantaan nito ang mga pulis na Timawa na maghaharap sila sa korte at ipakukulong ang sultan na si Boknoy dahil sa maling paratang at paglabag sa Habeas Corpus at Violence Against Women.

Galit na galit nitong binitbit ang kanyang kalahating katawan, sabay lumipad, at nilisan ang presinto.

ANG TOMADOR NA WHITE LADY








Dumating ang kumpare ni Boknoy na si SPO4 bantay Salakay mula sa pakikipagbakbakan sa kagubatan ng Mindanao. Nagyaya ito ng inuman, kaso lang ay sarado na ang mga kalapit na tindahan malapit sa pansamantalang bahay na tinutuluyan ni Boknoy. Medyo malayu-layo pa ang susunod na tindahan na kanyang pupuntahan.

Kahit na pagod ay napilitan siyang lumabas ng bahay; tinungo niya ang tindahan nila Aling Nena na nasa kabilang baryo. Matapos niyang maiabot ang bayad ay isinilid niya sa isang supot ang apat na pirasong Grande. Masukal ang daan na kanyang tinatahak pabalik. Ang lupang kalsada ay napapaligiran nang mga matataas na talahib, malalagong mga puno ng mangga at nagtataasang puno ng Acacia. Medyo maliwanag ang paligid mula sa liwanag na namimilog na buwan.

Natigilan si Boknoy sa paglalakad nang masalubong niya ang isang puting babae na hanggang bewang ang buhok, balingkinitan ang katawan, at mas matangkad sa kanya. Nakaharang ito sa kanyang daraanan.

Nanlilisik ang mga mata nito at umuusok ang kanyang kinalalagyan. Bigla siyang nangilabot: nagtayuan ang kanyang mga balahibo sa katawan, nangatal ang kanyang bibig, namutla ang mukha, nanginig ang mga tuhod, umurong ang kanyang dila nang napansin niya na nakalutang ang mga paa nito sa hangin at pasuraysuray na papalapit sa kanyang kinatatayuan.

"Hik...hik...hik...! H'wag kang matakot di naman kita tinatakot. Hindi ka masasaktan kung ibibigay mo sa akin 'yang binili mong alak. Kanina pa kasi kita sinusubaybayan at pinagmamasdan...hik."

"E-e-to na..ku-kunin mo." Ang nabulol na wika ni Boknoy.

Buong laya niya itong iniabot sa nakaputing babae.

"Salamat, hik..."

Pinaangat nito ang isang bote ng alak at pinalutang-lutang sa hangin gamit ang mga nanlilisik nitong mga mata. Biglang tumalsik ang takip nito nang ihipan ng Whitelady. Lalong lumakas ang nginig sa katawan ni Boknoy.

Pasuraysuray itong lumayo sa kanya habang tinutungga ang ninenok na alak..."kabilin-bilinan ng lola...hik! H'wag iinom ng serbesa..hik! ito'y di inuming pambata mag-softdrinks ka na lang muna...hik...hik!"

Kumaripas ng takbo si Boknoy nang maglaho sa hangin ang white lady.

Monday, October 26, 2009

ESTRANGHERONG BINTANA




Iniwan ko ang aking palayan sa malawak na kabukiran. Umupo sa tabi ng puno ng mangga at nagpalilim sa tumitinding sikat ng araw. Ninanamnam ko ang mga bawat sandali nang pakikipagniig ng aking paningin sa malawak na kapaligiran na pinakikinang ng kulay gintong mga uhay na palay. Sinipsip nang matinding sikat ng araw ang tubigan ng aking maningning na palayan at unti-unting naglaho ang gilas nito.

Naakit ako sa matabang lupa na nakatiwangwang sa malawak na bukirin. Sagana ito sa patubigan at kayang magpasibol nang magandang binhi ng palay. Walang pag-aatubili kong itinarak ang aking araro na sabik sa basang bukirin, mabilis itong kumapit at binungkal ang masaganang lupa. Matapos mabungkal ay isinandal ko ang aking likuran sa malapad na puno at ninamnam nang aking paningin ang masaganang lupa sa bago kong palayan.

Nagpasintabi ang haring araw sa aking bukirin bago ito ikubli nang mga tabing na ulap.Sumipat ang dilim, nagising ako sa kaliglig na sumusuot sa bintana. Nagdodoble ang aking paningin sa nakatiwangwang na bintana na pinagagalaw nang malakas na hihip ng hangin. Tila nagpapaligsahan ang dalawang bintana sa pagsayaw sa hangin.

Pamilyar sa akin ang unang bintana at matagal ko na siyang katuwang sa pagharap sa malalakas na ungos ng hangin sa masungit na panahon. Magiliw itong kumakaway sa bawat paglapit ng aking yabag sa hagdanan. Subalit, ang ikalawang bintana ay estranghero sa aking balintataw, ngunit mas nahalina ako sa mapang-akit niyang kumpas na naghahatid nang masamyong aroma na nagmumula sa masaganang kabukiran.

Nalunod ang aking katauhan sa masaganang bukirin nang malalagong uhay na nagkukulay ginto sa aking paningin. Sumasayaw ito sa aking harapan at panay ang giling sa ibabaw nang aking araro na pinapurol ng disyerto sa madalang na pagpatak ng ulan.

Umihip ang hanging amihan at dinuyan ako nang halinghingan sa gitna ng kawalan. Kumawala ang hanging habagat na nagmumula sa mahiwagang palayan. Nagpasiklot-siklot ang hangin sa gitna ng bukirin at nagpatianod ang aking diwa sa walang humpay nitong pag-inog sa kapaligiran.

Sumisipol ang hangin. Kumukutitap ang buwan. Nakikipagpatintero ang sinag ng araw.

                                                                    ******
                                                                    ******
                                                                    ******

Nakita kong duguan ang aking anak sa loob ng bahay.

Halos madulas ako sa pulang likido na naglawa sa sahig.

Hindi ko siya halos makilala, niyakap ko siya nang mahigpit.

Mahigpit na mahigpit. Nag-init ang aking mga mata at ayaw sumungaw ng luha.

Nag-rerebolusyon ang aking damdamin, umiinit, at nabilot ng isang malakas na pag-alulong ang sumambulat sa aking kapaligiran. Hindi ko ito mapigilan: sunod-sunod, walang patid, walang kurap, at walang maliw.

"Bakit? Bakit? Bakit?"

Ang katanungang umaalingawngaw sa tuktok nang alitaptap nang namimilog na buwan.

Tila ito binalot ng hangin at inilipad sa pantalan nang pasakit at dusa. Naginginig ang aking kalamnan. Malakas ang pintig ng aking mga ugat. Sumisilakbo ang aking dugo. Humahampas sa dalampasigan ng aking isipan at kumakanlong sa aking damdamin.

May liwanag na kuminang sa sulok. Naghahamon. Nagbabanta.

Inunat nito ang kanyang kamay na napapaligiran ng makapal na balahibo at pinakikinang ng matatalim na kuko. Nanlisik ang aking mga mata, nagbabaga, nag-aapoy at tuluyang lumiyab ang aking katawan.Hindi ko alintana ang paparating na panganib.

Tinutulak ako ng batas nang panaghoy at paghihiganti. Pumasok ako sa kusina at mabilis na hinugot ang isang patalim na nakatarak sa isang lalagyang kahoy.

Matalas, malapad at makinang. Ang sandatang ito ang makakatapat sa kanyang kalapastanganan. Bumilis ang galaw ng aking mga paa, nag-uunahan kung alin ang mauuna. Hahakbang ang kaliwa, mas bibilis ang hakbang ng kanan. Nagpapalit-palitan sa mabilis na paggalaw.

Sabay itong huminto at tumindig sa harapan nang pakinang-kinang na halimaw. Bumabaon ang aking kuko sa aking nakakuyom na palad sa paghawak ng patalim. Iniwasiwas ko ito sa hangin at itinarak sa halimaw. Bigla itong nawala. Mabilis itong nakalundag sa bintana. Parirala kong napagmasdan ang pagkaripas nito sa lupa. May anong puwersa ang bumalot sa aking mga paa, mabilis itong gumalaw, kasing bilis ng halimaw.

Mabilis ang bawat pagpapalitan nang apat nitong paa sa lupa. Habang ang buntot nito ay kaliwa't kanan na kumukumpas sa hangin.

Demonyo ka! Demonyo ka!

Harapin mo ako duwag na halimaw!


Mabilis ang paghinto ng mga yabag nito sa lupa. Humarap ka sa akin, binuka ang bibig. Kuminang ang mga nagsisiksikang matatalim na ngipin na nababahiran ng dugo. Lalong nagpupumiglas ang aking damdamin, itinarak ko ito sa kanyang puso. Parang hangin sa bilis ang kanyang paglundag sa aking likuran. Agad kong pinaling ang aking katawan paharap sa kanya.

Bakit di ma ako labanan?


Hayop ka! Hayop ka!

Muli kong itinarak ang patalim. Sumirit ang kanyang dugo at tumalsik sa aking mukha. Hindi siya gumagalaw, ni hindi lumalaban. Hanggang sa nawalan ng lakas ang aking kamay sa pag-unday.

Hiningal ako, kinakapos ng hangin ang aking lalamunan at gumagaspang ang daluyan nito.

Iniangat niya ang aking nakatungong mukha. Ibininuka ang aking bibig at itinapat sa kanyang puso.

Narinig ko ang tinig ng aking anak.


"Itay! Itay!"


Pinilit kong magsalita sa nalalabi kong tinig.


"Anak ko! Anak ko!"


"Nasan ka? Anak ko!"


"Mahal ka ni itay! mahal na mahal!"


"Itay, mahal ka din ni inay."


"Mahal na mahal."


"Itay, Bakit? Bakit? Bakit?"


"Bakit, mo kami pinabayaan?"


"Bakit mo kami kinalimutan?"


"Sabi mo mahal mo si inay?"


"Sabi mo di mo kami iiwan?"


"Pero nasan ka...? Nasan ka....?"

Unti-unting pumatak ang aking luha, bumilis ang tibok ng aking puso at nasasakal ang aking lalamunan.

Dahan-dahang isinahod ng halimaw ang aking bibig sa tumatagas na dugo. Nalulunod ako. Lunod na lunod. Bumalik ang sigla ng aking katawan. Pinilit kong magpumiglas upang kumalawa sa kanyang matatalim na kuko. Para akong manika na kanyang binuhat at isinandal sa puno ng mangga.

Humingi ako ng saklolo sa mga dahon at mga puno sa paligid. Ngunit tila bulag sila at bingi sa aking malakas na panaghoy. Lumakas ang hihip ng hangin, unti-unting bumabagsak ang mga tuyong dahon, at nangalaglag ang mga bunga sa lupa.

Inumang niya ang kanyang kamay, at itinarak sa aking katawan. Dinukot niya ang aking puso at inialay sa aking asawa na namamahay sa loob ng puno--- matagal na pala itong nakamasid sa aking pagkikipagbuno sa halimaw. Sinambot ito ng aking asawa at ibinaon sa tabi nang kanyang puso.

Tumalon ang pusa.

Nagising ako.

Nakikipaghabulan ang aking baga sa aking lalamunan sa pagsagap nang hangin sa paligid. Habang ang aking balikat ay inuuga nang aking dibdib.

Nasilayan kong umiiyak ang aking anak.

"Itay bakit ka sumisigaw?"


"Wala anak"

Niyakap ko siya nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit at pinupog nang halik.

Matagal ko din siyang hindi nasilayan dahil sa matagal na pamamalaot sa malawak na karagatan na aking sinumpaan.

"Anak, mahal na mahal ka ni itay ha."


"Mahal na mahal din naman kita itay."


Kumuha ako ng tubig sa ref at pinatulog ang aking anak.

Hinaplos ko ang ulo ng aking asawa. Hinalikan ko siya sa pisngi.

Tinitigan ng matagal. Matagal na matagal.

Nanariwa sa akin ang matamis naming pagliligawan.

Naglaho na parang bula ang estrangherong bintana sa tapat ng masaganang lupa.

Binuksan ko ang pamilyar na bintana sa tapat ng nalalantang uhay ng mga palay.


Naramdaman ko ang pagyapos nang sariwang hangin mula sa dati kong palayan at nasilayan ko ang pagbulwak ng tubig mula sa bukal. Muling nanariwa ang masaganang palayan, at pagsayaw ng mga gintong uhay sa bukirin.

Saturday, October 24, 2009

HIMALA




Announcement!

Interrested students may apply to the Office of The Student Affairs

Qualifications of Scholarship
1. Male
2. No Girlfriend
3. With pleasing personality
4. With a GPA of 85
5. With a stipend of P 2,000 monthly

Bigla akong napatunganga sa nakapaskil na papel. Isang sem na lang at graduation na, kaso wala pa akong naipong pera para pambayad sa graduation fee at pambili ng bagong damit. Pa’no na ‘to? May sakit pa naman si Inay, Cancer daw sabi ng doktor.

Bahala na, patapangan lang yan ng apog.

Kinabukasan ay kumuha ako ng application form sa OSA para mapabilang sa mga mapalad na magiging iskolar ng di nagpapakilalang philantropo.

“Napakabait siguro nun at mayaman,” bulong ko sa sarili.

Kaso lang may problema, basag ako sa ikalawa at ikatlong pamantayan.

“Bakit kasi bawal pati kasintahan?” pagsusuri ko sa pamantayan.

Kinausap ko muna ang gf ko para malaman niya ang plano ko.

“Alam mo na ang tama at mali, kung ito ang paraan gawin mo,” paliwanag niya sa akin.

Pero yung ikatlong pamantayan ay hindi ko masagot kung pasado ba ako, sabi ng gf ko oo naman daw, pero alangan parin ako sa sarili ko kasi nanay ko lang at siya ang nagsasabi na guwapo ako. Syempre ipagkakait ba nila sa akin yun, e, para na nila akong sinaksak, kung di nila sasabihin na para sa kanila ay ako ang pinaka guwapong lalaki sa balat ng lupa.

Kasi naman pareho nila akong mahal.

Syempre pa pinili ko ang pinaka cute kong larawan na sa tingin ay pang-modelo ang porma at hitsura, sandamakmak na pag-aayos ang ginawa sa photo shop para palitawin na good looking ako.

Hay, salamat sa hiwaga ng teknolohiya ang kalabaw ay nagiging baka, yung aso nagiging kabayo, yung gagamba nagiging unggoy at yung engkanto nagiging tao.

****
****
****

Ipinasa ko ang lahat na kinakailangang credentials para mapasama ang papel ko sa mga susuriin.

Napasuntok ako sa hangin ng mabasa ko ang pangalan--- yes, yes, yes!

Kaliwa’t kanan ang suntok sa hangin. Pumasok ako sa opisina ng OSA sa gusali CAS para ikonpirm ang aking nabasa.

Binigyan ako ng kapirasong papel at sabi sa akin ay pumunta raw ako bukas ng umaga sa Maceda Hall sa opisina ng presidente ng pamantasan at dun namin makikilala ang taong philantropo na magbibigay sa amin ng scholarship.

Alas diyes ng umaga ay nagtipon-tipon ang lahat na nagbabasakali na maambunan ng grasya. Ilang saglit lang ay dumating ang isang lalaki na maputi. Pinakilala siya sa amin ng presidente, siya raw ay si mapaghimalang philantropo.

Bago niya bitawan ang mga paraan ng pagpili ay naglitanya muna siya ng kanyang mga karanasan bilang isa sa pinaka matagumpay na alumnus ng aming pamantsan. Ipinarada pa niya sa amin ang mahabang listahan ng kanyang tagumpay sa daigdig ng himala.

Makalipas ang 30 minuto ay natapos ang litanya niya, saka niya ipinaliwanag na ang pinaka mahigpit na patakaran na dapat sundin nang kayang magiging iskolar ay huwag makikipagrelasyon sa kahit na kaninong babae.

Kinurot na naman ako ng pagiging kalog ko, uhmm…, “pa’no po kung napamahal na ako sa isang babae?” kalabit na tanong ko sa kanya.

“Hindi ka mapapabilang sa mabibiyayaan ng stipend,” pitik niya naman sa akin.

“Pa’no po kung babaeng aso, kabayo o pato?” pitik-bulag na tanong ko sa kanya.

Biglang binalot nang alingangas ng mga malulutong na halakhak ang buong silid.

‘Anong pangalan mo iho?”

“Tantizm po”

‘Medyo, malikot ang isip mo, baka kailangan mo ng himala,” na bulag-pitik niya naman ako.

Halos madurog ang ngalangala ng mga kasama ko sa katatawa. Pakiramdam ko’y biglang uminit sa loob nang malamig na kwarto dahil mukhang nasagap na nila ang malamig na hangin sa sobrang paglitaw nang kanilang esophagus.

Tumahimik ang paligid at naging seryoso na ang usapan. Galante pala talaga ang estrangherong philantropo na hulog ng langit sa aking pangangailangan. Bukas raw ay isasama niya kami sa kanyang bahay sa Cavite upang kumuha ng pagsusulit at masukat ang laman ng aming utak.

Maaga pa lang ay napansin ko na ang isang Van na pula na nag-aabang sa aming pagsakay. Isa-isa kaming pumasok sa sasakyan at dinala sa bahay ng estraherong philantropo.

Pagdating namin ay may nakahanda ng agahan, marahan naming nilantakan ang bawat lamang tiyan na nakahain sa ibabaw ng mesa. Nang matapos ay pumowesto kami sa isang mahabang mesa at maya-maya ay isa-isang iniaabot sa amin ang test questionnaires, bago ko simulan ay binilang ko muna kung ilan ang mga tanong.

Napalunok ako, parang gustong lumabas ng kinain ko. 600 na tanong sa loob lamang ng dalawang oras, sa sumatotal ay 5 segundo kada tanong. Wow, daig pa namin ang bagsik ng Bar Exam kahit siguro si superman ay manghihina dahil may pipino na nakahain sa mesa.

Humahataw ang aking kamay sa bawat pahina, para ba akong nag-aabang sa LRT na kahit puno na ay magsusumiksik ka parin para lang makarating sa tamang oras nang pagpasok sa eskuwela.

Nangarag ang ingay ng timer, hudyat ng pagtigil ng pluma ng bolpen.

Nag-antay kami ng dalawang oras sa resulta ng aming pagsusulit, pinasyal muna kami ng mayamang philantropo sa kanyang magarang bahay. Ibinida pa nito sa amin ang nakahanay niyang sasakyan, at tinanong kami kung marunong ba kaming mag-drayb, walang sumagot.

Nagtanong ako, “Sir, baka pwede kasama yung drayber sa hihiramin,” napabungisngis ang aking mga kasama.

Tinitigan niya ako ng matagal na parang nag-he-healing session… biglang nagsalita.

“Alam mo Tan natutuwa ako sa’yo, napapasaya mo ako,” pitik niya sa ego ko.

‘Salamat naman po, kasi po mapapasaya mo din ako,” bato-bato pick ko naman sa kanya.

****
****
****

Lumipas ang dalawang oras lumabas na ang resulta ng pagsusulit. Sabi niya dalawa lang raw ang nakapasa si Macho at si Tisoy. Sabi ko na talo ako sa bato-bato pick, gunting siya papel lang ako.

Inabutan niya kami ng tig-dalawang daang piso na pamasahe pauwi. Paalis na ako nang tinawag ako ng estrangherong philantropo.

“Tan, saglit,” anas niya

“Bakit po?”

“Samahan mo muna kami sa Batangas,” yaya niya.

Sumama naman ako.

Ayaw kasing mag-paiwan ni Tisoy kasama ko kasi siya sa Student Government.

Sumakay kami ng kotse, pinaupo niya ako sa unahan katabi ng drayber. Umupo naman sila sa likuran.
Panay ang kuwento niya sa amin kung pa’no siya naging matagumpay, sa kanyang negosyo at nakapundar nang maraming bahay sa ibat ibang sulok ng bansa.

Natapos ang mahigit isang oras na kuwento.

Bumaba siya sa kotse at sinuot ang kanyang abito.

Tumambay kami sa labas ng magarang bahay.

Nagsimula na siyang magdasal. Kinatok niya ang langit na buhusan nang pagpapala ang mga nakiisa sa kanilang pagtitipon. Binuklat niya ng Bibliya at binasa ang isang bersikulo…

"Ay...ay...ayyyyyyyyyy!!"nang biglang nagtilian ang mga tao sa loob ng bahay.


Ang mapaghimalang nilalang ay hinimatay. Binuhat siya ng ilang kalalakihan at iniupo sa isang malapad na upuan. Panay ang paypay ng mga matatandang labis ang pag-aalala sa banal na tao. Habang ang ilang mga kasapi ay natataranta at nababalisa sa pagtanghod sa kanya. Ang iba naman ay tahimik na nagdarasal para sa magandang kalagayan ng pinuno.

Mayamaya ay nagkamalay na ang banal na tao. Natuwa naman ang mga miyembro.

Matapos maipon ang mga regalo at love gift ay agad na nagyaya itong umuwi papunta sa kanyang kondominyum sa Vito Cruz.

Katulad kanina nasa unahan ako nakaupo, sa likod sila pumesto. Paro may napansin akong bago yung harapan ni Tisoy ay tinatakpan ng pulang unan habang nagmimilagro ang mapaghimalang kamay sa tanging yaman ng aking kasama.

Sinubukan kong tanungin si Tisoy kung kamusta na ang pakiramdam ng banal na tao, hindi siya makasagot parang may nakabarang hangin sa kanyang lalamunan.

‘Tan, ok na ang pakiramdam ko,” sagot ng banal na philantropo.

Ah, yun pala ang gamot para manumbalik ang lakas niya. Kilala ko si Tisoy napatol talaga siya sa mga kolereteng Adan sa aming pamantasan.

Maya-maya ay parang kinakapos sa hangin si Tisoy.

“Inaatake ka ba ng hika mo at parang nag-iiba yata ang timpla ng katawan mo,” usisa ko.

Sa pag-kakaalam ko may hika siya, yun kasi ang madalas niyang dahilan sa akin kapag hindi siya nakakarating sa aming pagpupulong.

Makalipas ang isang oras ay narating na namin ang kondominyum ng banal na tao.

Ilang saglit lang ay dumating ang ilang lalaki na artistahin ang dating, humalik muna ito sa pisngi at may ibinulong. Hiningi pala yung stipend nila. Naisip ka liberal pala siya at na-adopt niya ang kultura ng mga lalaki sa gitnang silangan at mga kanluraning bansa sa paraan ng pagbati.

Nag-paalam na ako na umalis, akala niya hahalik ako.

Nagmano na lang ako.

Inabot niya sa akin ang kanyang calling card, tawagan ko raw siya bukas para malaman ko ang resulta.

Iniwan ko sila ni Tisoy, baka kasi manghina uli ang mapaghimalang nilalang.

Si Tisoy lang ang makakatulong sa kanya.

Kinabukasan ay tinawagan ko siya gamit ang pinaparentahang telepono sa tindahan, malapit sa aming bahay.

Inalam ko kung kabilang ba ako sa mabibiyayaan ng grasya.

Sabi niya sa akin, hindi raw ako pumasa sa kanyang pagsusulit.

Ibinaba ko ang telepono at tumingin sa langit.

Friday, October 23, 2009

Cara Y Cruz: Ang Kalansing ng Tatlong Bente Singko

Webfetti.com


Madalas ang kaskas ng tatlong bente singko. Panay-panay ang lagapak ng tatlong bente singko. Sunod-sunod ang kalansing ng tatlong bente singko

Tatlong bentes singko lang ang kailangan sa larong Cara Y Cruz. Kapag hinagis ang barya nang hindi gaanong kataasan ay dalawa lamang ang maaring maging resulta kundi cara ay cruz. Ang laging titira ay ang magpapakara at sisigaw naman yung lalaban ng cruz. Ihahagis ang barya depende sa resulta ng tatlong bente singko. Kapag hindi parin nakukuha ang tamang bagsak ng cara o cruz ay magpapatuloy ang magpapakara sa paghagis ng barya. Ito ata ang pimakamaingay na sugal bukod sa Madyong. Sa Madyong kasi ay saglit na karambola ng mga dice tapos tatahimik na pero ang cara y cruz ay walang humpay ang tunog nito sa semento hanggat hindi nagkakasabay-sabay ang labas ng mukha ng cara o cruz. Minsan ay nilalagyan pa nang palatandaan na pentel pen ng mga tumatapat sa krus. Bukod kasi sa ingay ng mga tunog ng barya ay maingay din yung mga nag-side bets. May sisigaw ng piso sa kara na ang ibig sabihin ay P100 ang pusta sa mangangara, kapag dos naman ay P200, tres P300...pinaiikli lang nila yung tawag sa salapi.

Sa larong ito ay hindi maiiwasan ang onsehan kaya may hahawak ng taya na tinatawag na Poly. Hahawakan nito ang pusta ng maka-cara at maka-cruz pero makakakuha sya ng porsyento. Kapag naman parating kara ang lumalabas sa bawat hagis ay mag-roll lang ang cara hanggang makuha ang ikatlong cara bago makapag-release ang magpapakara.

Bakit maraming nalululong sa sugal na ito? Bakit tatlong bente singko pa ang napili nila sa sugal na ito? Gaano ba katalamak ang sugal na ito? Ano ang repleksyon ng sugal na ito sa lipunan? Bakit mahirap sugpuin ang sugal na ito?

Isa sa malaking problema na kinakaharap ng bawat paaralan sa kasalukuyan ay ang larong kara o krus ng mga mag-aaral. Naging krusada ng aming paaralan ang pagsugpo nito. Tinitignan ng mga kabataan sa kasalukyan na isa lamang itong libangan dahil hindi naman kalakihan ang pusta kung ikukumpara mo sa ibang sugal. Subalit ang nakakaalarma ay ang walang pakundangan ang pagsakop ng sugal na ito sa loob ng klasrum. Masyadong matatalino ang mga batang naglalaro nito, naglalagay sila ng look out para hindi mahuli ang mga naglalaro. Simpleng kumpulan ang kanilang gagawin at magpupustahan sa abot kaya ng kanilang baon.

Kinahuhumalingan ito ng mga kabataan dahil madaling intindihin ang laro. Hindi mo na kailangan pang humawak ng baraha at intindihin ang mga simbolo, numero at patakaran ng paglalaro sa pagsusugal gamit ang baraha. Simple lang naman ang gagawin, pipili ka lang ng cara o tao at cruz, yung kabaligtaran ng tao. Hindi rin nakakainip ang sugal na ito, dahil sa ingay ng barya, at pag-asam sa susunod na mangyayari sa pagbagsak ng tatlong barya sa semento. Madaling mahuli ang pandarayang gingawa sa larong ito, di tulad ng baraha ay kailangang mabilis ang iyong mata sa pagtingin nang pagbabalasa ng baraha at maging mapanuri ka rin sa mga taong nakapaligid na marahil ay kasabwat ng bangka.

Maaring ganapin ang sugal na ito sa mga tagong sulok na mahirap mapasok ng mga pulis. Hindi mo kailangan nang magarang lugar para lamang sa larong ito. Basta may semento o malapad na bato ay talo-talo na ang mga parokyano nito. At higit sa lahat ay madaling maitakbo ang ebidensya, dahil handy sa bulsa at mabilis na maipapasa sa ibang tao na nakapaligid. Mabilis din ang pagkilos sa pagtakbo para hindi maabutan ng mga alagad ng batas. Hindi tulad ng ibang sugal na kailangan pa nang malaking pwesto para lamang makapaglaro at mahihirapan din sila na tumakas kapag nasakote agad ang lugar ng sugalan.

Magaang kasi ang tatlong bente singko at mas matalbog kumpara sa ibang barya. Upang higit na mas maganda ang kalansing at ikot nito ay kadalasan na kinakaskas pa ang gilid nito, para hindi raw sumala sa paghagis. Mas magiging payak raw ang bagsak nito sa semento kapag tinanggal ang pabilog na umbok sa gilid ng barya. Madali pang dakmain ang baryang ito sa bawat hagis.

Karamihan sa mga tumatangkilik ng sugal na ito ay ang mga mahihirap. Wala kasi silang sapat na salapi para pumunta sa Casino. Nahihirapan silang intindihin ang larong Madyong. Nababagalan sila sa ikot ng baraha kaya sa barya sila umaasa. Barya-barya lang naman daw ang kanilang pera kaya hindi matatawag na sugal ito, kung ikukumpara sa mga naglalaro sa Casino. Masyadong kumplikado rin ang Lotto dahil marami ang tumataya nito. Kumpara sa cara o cruz ay 50/50 ang tsansa na mananalo, samantalang sa Lotto ay mahirap malaman kung ilang porsyento ang tsansa ng iyong panalo.

Ika nga ang buhay ay parang BENTE SINGKO. Sa kasalukuyang presyo ng mga bilihin ay mahirap makabili ng isang produkto na ang halaga ay bente singko. Pasalamat ako at naabutan ko pa ang halaga ng baryang ito, nakakabili pa ako ng ilang piraso ng puto seko sa halagang bente singko at, nung una akong sumakay sa dyip ang bayad lang ay dalawang bente singko, makakapag-byahe ka na nang ilang kilometro. Saan mo nga naman isisiksik ang tatlong bente singko kung puro cards at cash ang ginagamit sa transaksyon ng pamilihan. Dati rati pwede kang makatawag sa telepono gamit ang tatlong bente singko. Gumawa pa nga ng kanta si Dindong Avanzado sa halaga ng tatlong bente singko. Ayon sa kanyang awitin na tatlong bente singko lang ang kailangan upang makausap ang kanyang minamahal nang kahit sandali lang. Pinipilit pa nga nya yung ale na palitan yung pera nya ng barya para muling makatawag sa kasintahan nya. Pero ngayon, hindi mo na magagamit ang baryang ito sa pagtawag sa telepono o selfon. Kapag nanghingi nga ang bata ng pera, hindi bente singko ang hihingin kundi piso o kaya limang piso. Kahit sa kanilang murang edad ay makikita mo na hirap silang makabili ng kahit anong pagkain sa tindahan gamit ang bente singko.


Sa mga labis na nangangailangan, ang bente singko ay NAPAKAHALAGA. Sa mga namamalimos sa kalsada ng kamaynilaan, ang bentsingko ay katumbas ng isang kasagutan sa kumakalam na sikmura. Sa isang pasaherong tatay na may 7.75 sa bulsa, ang kapalit ng bentsingko ay ang yakap ng mga anak na pampahupa sa nakakapagod na trabaho sa buong maghapon. Sa nakukulangan, ang bentsingko ay buhay. Buhay para sa mga taong umaasa sa habag nang ibang tao at habag nang tadhana. Ang baryang ito ay repleksyon ng kahirapan sa bansa. Kahirapan na matagal nang impit na sigaw ng mga naghihikahos na pamilya.

NGUNIT ang kalansing ng tatlong bente singko sa larong cara cruz ay pagpapakita nang kamangmangan ng ilang matanda at kabataan sa halaga ng salapi. Ang barya ay hindi ginawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang maging instrumento ng sugal saan mang sulok ng bansa. Ika nga ang bawat sentemo ay syang bubuo ng isang daan. Ang bawat sentemo ay buhay ng daloy ng salapi sa ekonomiya ng ating bansa. Kaya marapat lang na pahalagahan natin ang bawat barya na dadaan sa ating palad. Ang pagpapahalaga sa barya ay pagpapahalaga sa kinabukasan ng bansa. Hayaan nating magwaldas ng milyon-milyon at libo-libong salapi ang mga mayayamang walang magawa sa kanilang pera. Dahil darating ang araw na maghahagilap sila ng barya at muli nilang iipunin ang mga bente singkong nagkalat sa kalsada para makabili ng pagkain.

Kaya bilang mag-aaral ay bigyan natin ng halaga ang pag-iipon sa barya at hayaan ang kalansing ng tatlong bente singko ay magtulak sa atin sa pagtamo ng ating munting pangarap. At tuluyang makahon sa kahon ng kahirapan ang Perlas ng Silanganan.

Wednesday, October 21, 2009

Guhit ng Palad

Webfetti.com



Tuwing maghihiwalay ang taon ay nag-aagawan ang mga istasyon ng telebisyo na ma-interview si Boknoy sa kanyang magiging prediksyon sa darating na taon. Dati rati ay hindi sya pinapansin ng midya sa tuwing magbibigay sya ng babala sa mga magaganap na sakuna sa bansa.

Hinulaan nya na babagsak ang World Trade Center sa Amerika, magkakaroon ng Tsunami sa Indian Ocean, lilindol sa Haiti, magkukudeta sa Oakwood, kakain ng mahal na putahe ang pangulo ng bansa, may bahay sa Amerika ang anak ng pangulo at mag-aaway si Ping at Erap.

Sa labas ng simbahan ng Quiapo nakapwesto ang manghuhulang si Boknoy. Nag-uunahan sa pila ang mga sumasampalataya sa kanyang kapangyarihan.

" Gusto ko pong malaman ang aking kapalaran sa hinaharap," hiling ng matandang lalaki na kinakapos ng hiniga.

"Ah, e, ayon sa guhit ng iyong palad ay malamang hindi na kayo magtatagal," ang prediksyon ni Boknoy. Ilang metro pa lang ang layo nito ay bigla itong nahimatay, agad itong ipinasok sa simbahan at minisahan.

"Gusto ko pong malaman ang aking kapalaran sa hinaharap,' hiling ng binatilyong lango sa droga.

"Ayon sa guhit ng iyong palad ay katatapos mo lang mag-drugs, at malalagyan ng posas ang iyong mga kamay,"

"Peace men...peace!" Ang bangag na senyas ng kamay nito.

Dinampot ito ng pulis at sinakay sa mobile.

" Gusto ko pong malaman ang aking kapalaran sa hinaharap," hiling ng dalaga na tadtad ng tsikinini sa leeg.

"Ayon sa tsikinini mo, ah...este, guhit ng iyong palad ay malamang mabubuntis ka."

Bumili ito ng mga halamang gamot na pamparegla sa labas ng simbahan.

"Gusto ko pong malaman ang gulong ng palad ng aking asawa," hiling ng mama.

" Nasan sya, ba't di mo kasama? tanong nito sa kliyente.

Napanganga si Boknoy at nagmunimuni.

"Huwag po kayong mag-aalala, eto po, dala-dala ko." May kinuha ito sa bag at nilapag ang dalawang putol na kamay sa mesa.

Biglang nanigas ang bagang ni Boknoy at di sya makagalaw sa takot.

Sumubsob naman ang mukha ng mga taong kanina'y nakapila sa pagkaripas ng takbo.

Monday, October 19, 2009

Brip






Mainit ang ulo ni Boknoy ng umuwi sa bahay. Kumukulo ang dugo nito sa sobrang galit. Galit na galit ito sa alagang kalabaw na tinamad magbungkal ng lupa sa bukid. Kaya't na pwersa sya na magmukhang kalabaw sa pag-aararo habang ang kanyang alagang Kalabaw ay abala sa panliligaw sa naligaw na Baka sa palayan.

Bago pa sumapit ang takip silim ay umuwi na ito ng bahay...

Sinalubong ito ni Boknay upang halikan.

"Huwag ka ngang haharang-harang sa pintuan na aasiwa ako sa mukha mo!" sigaw nito sa asawa.

Natulala si Boknay. Nag-init ang kanyang ulo. Nagulat 'to sa biglang kalabit ni Boknoynoy at nanghihingi ng piso pambili ng choco-choco. Sa asar nya ay piningot nya ito at pinalo ng tsinelas sa pwet.

"Kakakain mo lang...piso na naman. Mukha ka talagang piso!" bulyaw nya sa anak.

Nag-init ang ulo ni Boknoynoy sa biglang sulpot ng alagang asong si Bogart na tuwang-tuwang nakikipaghabulan sa kanya. Sa init ng kanyang ulo ay nasipa nya ito at piningot sa tenga.

Umiyak ang asong si Bogart at pumunta sa isang sulok, nang magulat ito sa biglang talon ng pusa na abala sa pagnenenok ng isda. Uminit ang ulo nito at mabilis nitong dinambahan ang pusa at kinagat sa buntot.

Matulin na nakatakbo ang pusa at sumuot sa ilalim ng papag. Uminit ang ulo nito, at nagulat, sa biglang sulpot ng daga na nagtatangkang magnenok ng pritong isda sa kusina. Hinabol ito ng pusa at tinalunan sabay kinalmot nang kinalmot.

Matulin na nakatakas ang daga at sumuot sa aparador. Sa asar nito ay binutas nito ang ang brip ni Boknoy.

Kinabukasan ay natagpuan ang patay na daga sa loob ng aparador habang kagat-kagat ang brip ni Boknoy.

KAHON




Welcome to the grand reunion of Boknoy clan

Nagkalat ang mga tarpaulin sa bawat kanto ng Barangay Balon Bato ang streamer nang salo-salo ng angkan ng mga Boknoy.


Mahigit sampung taon na ang nakakalipas nang huling maganap ang reunion ng kanilang angkan. Nakasanayan na ng bawat miyembro ng angkan na magdala ng kanya-kanyang bitbit ng pagkain sa gaganaping pagsasalo.

"Uy, Boknoy hanep naman ang outfit natin ngayon ah! Pormang Michael Jackson, bitin ang pantalon, may suot na isang pirasong gwantes, itim na sombrero at itim na jacket," puna ng tiyuhin nyang si Dugal.

Pumila sya para magpatala sa ini-ambag na kontribusyon ng bawat pamilya. Saglit syang natigilan sa pagsulat ng mabasa nya ang ambag ng mga kamag-anak:

Isang kalderong pritong salagubang, salaginto at alimasag.
Litsong baboy, baka at litsong kawali. Isang batyang pansit,
spaghetti at kanton. Isang bilaong kakanin, kalamay, puto,
biko, suman. Isang sakong bangus, tilapya, lapu-lapu, matangbaka,
alumahan, at talakitok. Drum-drum na juice at isang truk ng alak na
ginagamit ng mga bombero.

Lunod na lunod sya sa kanyang mga nabasa. Simple lang ang kanyang sinulat sa papel---KAHON.


Gulong-gulo ang kanyang tiyahin sa kanyang isinulat.

"Kahon! Anong gagawin namin dyan?" manghang-manghang tanong ng kanyang tiyahin.

"Basta...sopresa 'yan. Kakailanganin nyo 'yan mamaya," taas no'ng pagmamalaki nito.

Halos madurog ang mga kutsara, tinidor at plato sa maya't mayang balik sa mga hinandang pagkain ng kanyang mga kamag-anak. Sabik na sabik sila sa ambag ni Boknoy sa loob ng KAHON.

Matapos malantakan ang lahat ng pagkain ay inilabas ni Boknoy ang kanyang ambag. Pakanta-kanta pa sya ng ...Babalik ka rin...habang ipinamimigay ang bawat tableta ng IMODUIOM para sa masisiba nyang kamag-anak na naghihingalo ang bahay-gilingan.

Thursday, October 15, 2009

SuperBoknonoy



Madalas ang pagsasayaw ng mag-asawang Boknoy at Boknay sa Obando Bulacan. Magtirik ng kandila sa simbahan ng Baclaran. Magdasal nang paluhod sa loob ng simbahan ng Quiapo. Patambling-tambling sa Groto tuwing mahal na araw.

Sa tagal ng kanilang paghihintay na mag-karoon ng anak ay dininig din ng maykapal ang kanilang panalangin.

Boknoynoy ang ipinangalan nila sa kanilang unico hijo.

Moreno, mataba, kulot ang buhok, malaki ang mata, malapad ang ilong, malaki ang noo at makapal ang nguso nito.

Mag-iisang taon na si Boknoynoy at napansin nilang bibo ito at mabilis matuto. Abala ang mag-asawa sa panonood ng Darna nang hindi nila namalayan na dumulas mula sa bulsa ni Boknoy ang piso.

"Darna!" sigaw ni Boknoynoy.

Nagulat sila nang biglang makapagsalita ito ng tuwid sa unang pagkakataon.

Plak-plak-plak-plak-plak....

Humahagalapak ang palakpak ng mag-asawa sa galak.

"Boknay, bata pa lang ang ating anak ay may pangarap na. Siguro gusto nyang maging superhero paglaki nya," galak na galak na pagmamalaki ni Boknoy.

"Hehehe...oo nga kita mo tumitirik pa ang mata," pagmamalaki naman ni Boknay.

Plak-plak-plak-plak-plak....

Muli na namang humahagalapak ang palakpak ng mag-asawa sa galak.

Napatunganga sila at nataranta nang tumirik ng husto ang mata nito at kinakapos sa paghinga.

Nagmamadali nila itong sinugod sa Ospital.

Matapos ang pagsusuri ay ipinaliwanag ng duktor na nakalunok ng piso ang kanilang anak. Iniabot nito kay Boknoy ang nakuhang piso mula sa lalamunan ng anak.

"Kinakabahan ako," pangamba ni Boknoy.

"Bakit naman?" pagtatakang tanong ni Boknay.

"Hindi ata normal na bata si Boknoynoy, baka isang syang superhero. Kabata-bata pa eh, lumulunok na ng piso"

"Sira ulo ka talaga! Ang tawag dyan katangahan."

Kinutusan nang kinutusan ni Boknay si Boknoy dahil sa sobrang asar.

Hubad na Larawan



Nasa kalagitnaan nang pagkukusot ng damit si Boknoy sa sandamakmak nyang labahan nang makapa nya sa bulsa ng pantalon ng kanyang anak ang isang hubad na larawan. Bigla syang napatayo at animo'y nagliyab ang kanyang katawan sa galit na parang isang superhero sa Dragon Ball Z.

Nagmamadali ang bawat yabag ng kanyang mga paa papasok sa kwarto ni Bokneneng. Nagulantang ito sa isang malakas na kalabog ng pinto.

Blag!

"Anong kahihiyan itong dinulot mo sa marangal na pangalan ng aking angkan na matagal kong inalagaan."

"Ano bang kahihiyan 'yon itay?"

Ipinakita nito sa anak ang hubad niyang larawan habang gigil na gigil na nakamasid sa anak.

"Hindi ba kahihiyan ito," pasigaw na himutok ng ama.

Nilambing-lambing nito ang ama. Pinunasan ang pawis, hinilot ang likuran at niyakap-yakap.

"Kasi naman itay, mula nang maging tao ako ay tatlong damit pa lang ang napasuot nyo sa akin. Parati na lang ang mga maluluwag na panty ni nanay na may zipper at damit na kasing laki ng elepante ang sinusuot ko. Tapos wala pa akong masuot, kasi ang bagal nyong maglaba."

Biglang natauhan si Boknoy at kinuha ang magazine na nasa ibabaw ng kama ni Bokneneg at marahang binuklat.

"Swerte ka at yung kutis ko ang minana mo kaya maganda ang kuha mo sa larawan," pagyayabang nito sa anak.

Paglipat nya sa kabilang pahina ay bigla syang nahimatay nang makita ang hubad na larawan ng asawa na naka-post rin sa magazine.

Sunday, October 11, 2009

Buti pa Sila






"Ano bang papel ko sa'yo?"

"Tautauhan lang ba ako sa buhay mo?"

"Bahala ka kung ayaw mong makinig...sundin mo ang gusto mo at magpakasaya ka!"

Mainit na naman ang ulo ni Erpat dahil sa tigas ng ulo ni kuya Ariel. Panay kasi ang gala nya kung saang-saang lugar. Parati syang nagmamadali, at para bang sinisilaban ng siling labuyo ang kanyang talampakan sa kakagala. Ayaw nyang tumigil ng bahay nang makalaro kami, at makasama ang aming magulang. Animo'y mauubusan sya ng oras sa paghahagilap ng mga kaibigan at pamamasyal sa iba't ibang tanawin sa kamaynilaan. Pati nga ako ay naaasar na sa kanya, dahil hindi nya ako maturuan sa Math at Science. Sa aming apat, sya pa naman ang magaling sa numero at mangalikot ng kung anu-ano. Si kuya talaga parang hindi kapatid. Mas binibigyan nya pa ng panahon na turuan ang mga batang nakilala nya lang sa bawat kanto. Nagtitiis sya sa mga malalansang amoy nito at pilit na nakikinig sa mga kuwento nila. Pakiramdam ko tuloy parang ibang tao kami sa kanya. Bahala nga sya sa buhay nya.



"San ka na naman pupunta?"

"Aber! Aber! Aber!"

"Gusto mong ipadala ko na ang damit mo dyan sa lansangan!"

Mainit na naman ang ulo ni Ermat. Kakauwi lang kasi ni kuya galing skul ay nagmamadali na namang 'tong nagbihis at lumabas ng bahay at sumama sa mga aadik-adik na kapit-bahay. Sabi ni nanay na baka raw gumagamit na ng droga si kuya. Sabi kasi nila kung sino raw ang madalas mong kasama ay di malayong maging tulad ka rin nila. Napapansin ko kasi na panay-panay ang hingi nya ng pera sa aming magulang. Mag dadahilan na bibili ng pagkain, at may project sa eskwelahan. Kapag binuklat mo naman yung bag nya, ay makikita mo ang mga resibo ng gamot na binili mula sa iba't ibang botika. Lalo tuloy lumakas ang hinala namin na nalululong na sya sa masamang bisyo. Nung minsang mabanggit ni Ate na magpa-Drug Test sya ay bigla syang nagalit, at mariing tumutol. Hindi naman raw sya adik para magpasuri. Kinabahan lalo si Ermat sa kinilos ni kuya. Wala itong nagawa kundi umiyak na lamang sa isang sulok at ipagdasal ang panganay nyang anak na nawa'y malayo ito sa tukso.



"Yan ang napapala mo sa kakasama mo sa mga magnanakaw na 'yon!!"

" E, kung nanatili ka na lamang sa bahay ay nakatulong ka pa sa amin!"

"O, ano! Di ka pa nadala!!"



Sabay na uminit ang ulo ni Erpat at Ermat. Nagliliyab ito sa galit. Kasi ba naman, pati mga tirador ng mga plastic at kable ng kuryente ay binarkada ni kuya. Pati kasi yung nakatabing kable ng kuryente ay binenta nya. Wala na rin kaming magamit na plastic bottle ng mineral water dahil sa kakakuha ni kuya. Sumosobra na talaga sya. Wala na syang pinipili, wala na syang nirerespeto. Hindi na sya marunong matakot. Buo na ang kanyang loob, at higit sa lahat ay tila nakahanda na syang harapin ang kamatayan. Sya pa naman ang inaasahan ni Erpat at Ermat na magtataguyod sa amin at magtatanggol sa oras ng kagipitan. Sya lang ang nag-iisang lalaki sa apat na magkakapatid. Mataas pa naman ang pangarap nila sa kanya. Nagsusumikap nang higit ang aking magulang para sa kanya. Halos di na nga sila natututulog sa kakatrabaho para lamang makaipon para makapagpatuloy sya sa pag-aaral sa kolehiyo. Hindi nga bumibili ng bagong damit si Erpat at Ermat para sa kanyang kinabukasan. Tapos ganito pa ang kanyang igaganti sa kanila. Manhid talaga sya.



" Bakit...Bakit...Bakit???!"

" Bakit ngayon ka lang nagpaliwanag!?"

"Patawadi, hindi namin alam."



Andaya-daya talaga ni kuya Ariel. Lagi nya na lamang kaming ginugulat. Madalas nya kaming binibigla. Kaya pala nagtitiis sya sa mga malalansang amoy ng mga bata sa kalsada at nakikinig sa kanilang mga kuwento, ay para maihanda nya ang sarili sa mga sakit at kirot ng kanyang karamdaman. Pilit nyang inunawa ang mga taong sanay sa hirap dahil madalas nilang maramdaman ang matinding paghihirap. Wala pa daw sa kalingkingan ng kanyang nararanasan ang nararanasan ng mga tao sa looban. Kaya pala sya sumasama sa mga aadik-adik na mga kabataan ay para maintindihan nya ang bagsik ng epekto ng droga sa buhay ng tao. Sinisikap nyang paliwanagan ang kanyang mga kaibigan na mas mapait ang droga na kanyang iniinom araw-araw. Yung palang mga reseta na nakuha ni Ate sa kanyang bag ay gamot para sa kanyang karamdaman. Kaya pala nagtitiis sya na mag-ipon ng mga dyaryo, plastic at tanso ay para makaipon ng pambiling gamot panlaban sa Lukemia.



Kaya pala madalas syang nagmamadali ay nagmamadali na rin ang oras nya. Madalas syang mamasyal upang matanaw ang kayang nya pang tanawin. "Sorry kuya, kung naging makitid ang aking isipan." Hindi ka naman kasi nagsasalita. Parati mo na lang kaming niyayakap ng mahigpit at nilalambing. Parati mo na lang kaming binibigyan ng Rosas kahit hindi naman namin kaarawan. Hinayaan mo pa ang mga batang lansangan, mga adik at mga batang tirador ang magpaliwanag sa amin. Buti pa sila naipadama nila sa'yo ang pag-unawa at pagmamahal. Buti pa sila higit kang nauunawaan. Buti pa sila.

Friday, October 9, 2009

Paalam Ariel Union






Tula Para Kay Ariel Union


Dati rati...
madalas kitang makita sa apat na sulok ng paaralan
nakikinig, tumitingin, sumasagot, nakikipagkwentuhan
at humahalakhak sa tuwing ako ay nagpapatawa.

Dati rati...
Nakikita kitang nag-aayos ng mga upuan sa klasrum,
nagpapaalala na mag-ingat -- kapag uuwi ng gabi at umuulan;
kasamang nagpipintura ng klasrum habang nakikipagkulitan.

Dati rati...
Naririnig ko sa iyong mga labi ang salitang:"good afternoon sir,"
"kamusta na po kayo," "magaling na po ba kayo," "reunion naman dyan," " di ko kayo makakalimutan," " sana di kayo magbago," at " mahal namin kayo."

Dati rati...
kumikinang ang ngiti sa'yong mga labi,
masigla ang 'yong mga mata,
humahataw sa galaw ang 'yong kamay at paa.

Pero ngayon...
wala nang ngiti sa'yong mga labi,
wala nang sigla sa'yong mga mata,
wala nang galak sa'yong kamay at paa.

Pero ngayon...
nasa kabilang daigdig ka na;
may kinang na ang ngiti sa'yong mga labi;
maginhawa na ang iyong pakiramdam.

Paalam!
Kamusta mo na lang kami kay Bro.!

*******

Ang puso ng guro ay parang malawak na parang. Sa bawat taon ay pipilitin mong pagkasyahin sa'yong puso ang daang-daang mag-aaral na iyong makakasalamuha. Lahat sila ay bibigyan mo nang puwang sa iyong puso't isipan upang ang kanilang mga ala-ala ay syang magiging kong sanggalang sa susunod na hamon ng pagtuturo. Ito'y magsisilbi mong sandata upang maging matiisin at mahalin ang sinumpaang tungkulin. Kahit na ang sahod ay hindi sapat at ang trabaho ay hindi nagtatapos sa apat na sulok ng paaralan. Mabuti pa nga ang ibang empleyado na kapag umuwi ay wala nang iisiping lesson plan, test paper, class records, form-137, cards at lagay ng mga mag-aaral.

Hindi sila masasaktan kapag nakita nila ang mga palaboy sa daan. Iba ang guro, masakit makita na ang iyong mag-aaral ay nasa loob ng rehas ng bakal, at higit sa lahat ay makita mo ang iyong mag-aaral na namayapa na.

Binuksan mo ang iyong puso para sa kanila at nangarap nang isang magandang lipunan para sa kanila. Nangarap na magkikita kayo kapag puti na ang buhok mo at malayo na ang kanilang narating sa buhay. Ang tagpong ito ay dumudurog sa aking puso. Naghihinayang sa murang buhay na inagaw ng tadhana at iginupo ng sakit dahil sa kawalan ng sapat na salapi. Minsan naisip ko kung mayaman lang sana ako...kung mayaman lang sana ako ay natupad ko na ang pangarap ko para sa aking mga mag-aaral. Para sa aking mag-aaral na patuloy na nakikibaka sa hirap ng buhay. Pero wala naman akong magagawa upang bigyang lunas ang kanilang problema. Ang magagawa ko lang ay buksan ang aking puso at kalingahin sila sa oras na sila ay dumaan sa halimuyak ng aking isipan.

Tuesday, October 6, 2009

Ang Itlog at Manok bow!




Ang akin ay akin, ang sa'yo ay para sa'yo. Magiging akin lang ang sa'yo kung papasukin mo ito. Magiging sa'yo lang ang sa akin kung papasukin mo rin. Kaya't ang paggalang ng sa'yo at sa akin ay para rin sa atin.

Madalas pagtalunan kung alin ba raw ang nauna ITLOG ba o MANOK. Ang sagot ko depende sa manok kung ang manok ay inahin, malamang may kakayahan itong mangitlog. Kapag ito'y nangitlog pwede mo nang gawing kepsilog, tapsilog at kapsilog (pandesal, kape at itlog), malasado, binate, pinasakan, at kung gusto mong nang mabilisang luto ay ilaga lang ang itlog. Pero kung ang manok ay tandang ay wala itong kakayahang mangitlog, depende na lang siguro kung ito ay hermaphrodite o may dalawang kasarian. Hindi rin naman mangingitlog mag-isa ang inahing manok kung walang tandang. Kaya magmumula muna ang itlog sa tandang sa pamamagitan ng pakikipagtalik:ang mga itlog nya ay lilimliman nang itlog ng inahing manok hanggang sa maging isang ganap na itlog, na pagnabiyak ay sisiw, na paglaki ay manok, at maaring mangitlog depende pa rin sa kasarian. Bastat tandaan hindi maaring mangitlog ang bagay na wala pang buhay. Kaya hindi pwedeng mauna ang itlog dahil wala pa itong buhay. Ang itlog ay ang pormasyon ng buhay, ngunit hindi pa ito nagiging ganap na buhay hanggat hindi pa lumalabas ang sisiw. Nakakakita na ba tayo ng itlog na nagitlog ng itlog o itlog na nagitlog ng manok. Kaya't sipatin natin ang halaga ng itlog at manok sa ating buhay.

Malaki ang pakinabang ng manok. Noong hindi pa uso ang relo, ang tilaok ng manok ang ginagamit ng ating mga ninuno bilang orasan. Ang pagtilaok nito sa madaling araw ay hudyat na nang pagbangon para maghanda sa pagkalat ng sinag ng araw. Ang tilaok din ng manok ay ginamit ni Kristo bilang hudyat nang pagkakaila ni San Pedro bilang kanyang disipulo. Tatlong beses tumilaok ang manok at maikatlong beses din nyang ipinagkalulo ang panginoon. Nang marinig nya ang pagtilaok ng manok ay nagalit sya sa sarili dahil sa kanyang karuwagan na aminin ang katotohanan. Kaya nga na uso ang manok ni San Pedro. At dahil sa paniniwala ng mga kastila sa kakayahan ng manok ay itinuro nila sa mga sinaunang Pilipino ang larong sabong.

Masyado namang nawili ang ating mga ninuno sa larong ito na hanggang ngayon ay kinababaliwan nang mga sabongero. Limpak-limpak na salapi ang mapapanalunan sa sabong, depende kung magandang klase ang manok at sagana sa bitamina at tamang pagpapakain. Para humusay ito sa pagkikig at maitarak ang tare sa tamang posisyon sa kalaban, ay kailangang sanayin ito sa pamamagitan ng sparing.Bago paman sumikat ang boxing at makilala si Pacquio ay una munang sumikat sa bawat barangay ang mga manok.

Lowdiyes! Lowdiyes! Ito ang madalas kong marinig bago maganap ang sabong, at pagkatapos ng sabong ay kanya-kanyang karipas ng takbo ang mga usi, meron at sabongero, may mga pulis kasi na paparating. Ang ibig sabihin raw ng lowdiyes ay hindi dapat bababa sa diyes centavos ang pusta para malaki-laki ang hahamigin nang mananalo. Malaki pa kasi ang value ng diyes nung panahong iyon.Kwento nga sa akin ng nanay ko nung 1960's raw ay marami ka nang mabibili sa diyes sentimos. Hindi tulad ngayon ay ginagamit na lang itong pabigat sa bulsa o hinahagis sa wishing well, para matupad ang wish sa tubig.

Ang larong ito ay dinala rin ng mga pinoy sa ibang bansa, nagsasabong sila sa mga tagong lugar. Kwento sa akin ng kaibigan ko na galing Saudi, kapag wala silang makitang manok ay nilalagyan nila ng tare ang Pato. Grabe!! Napabungisngis talaga ako sa katatawa. Hindi ko kasi ma-isip kung paano tatarian ang Pato at pagsasabungin ito. Windang na windang ako nang marinig ko ang kwento nya, may ganung effort pa ang ilang kababayan natin na adik na adik sa sugal. Kahit mabilanggo pa o maputulan ng daliri ay ayos lang basta makapag-sabong lang.

Ilang sikat na personalidad rin naman ang nakilala sa sabong na patuloy na nahuhumaling sa palakasan ng mga manok. Hindi ba't si Ramon Revilla ay gumawa pa ng batas tungkol dito para maiwasan ang panggogoyo ng ilang tusong sabongero. Kilala rin sa Pacquiao na nahuhumaling sa sabong.

Kinabaliwan rin ito ng mga tiyuhin ko, madalas pa nga nilang hinihimas ang manok kaysa sa kanilang mga asawa, kaya madalas kong marinig na pinag-aawayan nila ay ang manok. Nang magselos ang tiyahin ko dahil sa mga manok na alaga ng tiyuhin ko ay pinagkakatay nya ito. Umuwi ang tiyuhin ko mula sa pagsasabong, gutom na gutom, at pagod na pagod, sabay higop sa mainit na sabaw ng tinolang manok. Matapos kumain ay agad nyang hinagilap ang kanyang manok, matapos mahilo sa kakahanap ay saka pa lamang nagtanong sa asawa nya. Masuka-suka ito sa galit dahil yung dalawang talisayin nyang alaga ay inulam nila sa hapunan. Syempre wala na syang magawa kundi ingatan ang natitira nyang talisayin.

Madalas din mabanggit ang manok kapag naghihirap ang isang tao. Sikat na sakit ang kasabihang, "isang kahig, isang tuka, ganyan kaming mga dukha..." Kailangan pa raw kumahig nang kumahig ng mga dukha para lang may makain sa hapag kainan. Kapag naman paindap-indap ang tulog ng isang tao dahil sa pag-aalala o di kaya naman ay sa trabaho ay tinatawag itong tulog manok. Karamihan ng drayber ng R.E. Taxi sa amin ay nagsasabi na kapag gabi sila bumabyahe ay tulog manok sila, para makabawi nang lakas sa bawat bakanteng oras.

Yung lolo kong ambularyo ay mahilig mag-alay ng manok. Nang madalas akong lagnatin dahil may nakikita akong anino na naglalakad at naririnig na kaluskos sa bubungan namin ay lumuwas pa ito ng probinsya para sa mahal nyang apo. Tuwang-tuwa naman ako kasi love ako ng lolo ko, kahit hindi ko sya maintindihan dahil bisaya ang kanyang salita. Ilang bayong din ang dala nito na ang laman ay manok. Gagamitin nya pala ito sa pag-papalayas ng mga maligno na nahuhumaling sa aking pagiging kyut (wala nang aapila). Nag-orasyon muna sya at parang dinadasalan ang manok. Pagkatapos magdasal ay ginilitan ito at iwinisik ang dugo sa apat na sulok ng bahay upang lumayas raw yung mga maligno. Nang maubos na ang dugo ng manok ay ibinaon nya ito sa aming bahay para maging proteksyon laban sa mga engkanto at maligno.Kaso lang nilagtan parin ako, kaya pala ako nakakakita nang kung ano-ano at nakakarinig nang mahihiwagang kaluskos ay dahil kinukumbulsyon ako sa sobrang taas ng lagnat dahil sa sakit ko na broncho.

Matagal-tagal rin bago nalaman ng magulang ko ang sakit ko. Kung saan-saan pa nila kasi ako dinala, una dinala yung poon ng birheng Maria sa aming bahay at panay ang dasal sa akin. Ang natandaan ko nalang ay laging ubos ang inihandang nilupak at palitaw ng nanay ko pagkatapos ng mahabang pagdarasal. Sunod nila akong dinala sa Born Again sa may Amoranto, litong-lito ako sa dami ng mga matatandang nakapalibot sa akin at kung ano-ano ang binibigkas nila. "Devil come out in the name of Jesus!" sigaw nung isang galit na galit na babae.

"Shirabasyasyasyang......lolalolalola...basyangsyangsyang....lalala." Halos mapatid ang litid nito sa kakadasal nang hindi ko maintindihang mga salita, habang tumatalsik-talsik pa ang laway. Hay-iskul na ako ng malaman ko na speaking of tongues pala ang tawag dun sa mga kinarambolang mga salita. Abay, bigla akong nagulat nang hatakin ako at itaas ng isang Manong na animo'y si Atlas ang dating. Halos malula naman ako sa pagbuhat nya, hala, lalong lumakas ang sigaw nila. Sabay-sabay na silang nagsasalita ng alien na salita.

Tuwing eleksyon ay madalas marininig ang salitang manok. May manok ang administrasyon at oposisyon. May lilitaw din na iba't ibang manok mula sa ibang partido o samahan. Kapag sasapit ang pampanguluhang eleksyon ay sangkatutak na manok ang lilitaw sa lansangan--- at magpapa-kyut sa mga botante. May manok sa sasayaw, kakanta, magpapatawa, tatawid sa bukid, lulusong sa baha, magpapa-retoke ng mukha at tiyan, at higit sa lahat ay mamimili ng boto. Ito yung uri ng manok na mahirap awatin sa pakikipag-sabong. Titilaok ito nang napakalas para mangako sa taong bayan na sya ang pang-derbe na makakalutas sa problema ng bansa.


Teka bakit ba madalas pagtalunan ng mga taong walang magawa ang ebolusyon ng itlog at manok. Kapag pumunta ka naman sa Pampangga hindi naman nila ito tatawaging itlog kundi 'ebon'at kung kakain ka naman sa mga center point (turo-turo)ay tatawagin itong kwek-kwek o tukneneng na pinagulong sa harinang at hinaluan nang kulay orange na food color. Kapag mahina raw ang tuhod ay bumili lang ng balot na isa ring itlog na mula sa itik. Ang pagkain raw ng balot ay pampasigla ng tuhod lalo na sa mga lalaking nanlalambot sa loob ng kumot. Hindi mo nga kailangan pang bumili ng mga energy booster para to keep you going. Dati rin ata kaming nagtitinda ng balot at penoy.

Mahirap malaman kung alin ang penoy at balot kapag hilaw pa ito kasi pareho ang kulay nila at tunog kapag inalog-alog. Kailangan mo pang pumunta sa madilim na lugar at pailawan ito para malaman kung may sisiw, para malaman kung alin ang balot at penoy.

Syempre para hindi ka mawindang sa kaka-alog ay kailangan mo itong guhitan nang itim na pentel pen para malaman ng mga bumibili na penoy yung binili nila. Kasi kapag nagkamali ka ng bigay ay malulugi ka, mas mahal ata ang presyo ng penoy sa balot. Kung sawa ka na sa balot ay pwede rin namang bumili ng itlog na maalat. Bakit pa kasi pinaalat pa ang itlog na ito, eh kinulayan na naman ito ng pula. Di ba't ang pulang kulay ay sagisag ng katapangan, kaya siguro nila kinulayan para palatandaan na matapang ang itlog na pula sa alat. Mas magiging masarap ang kain mo kung sasamahan mo ito ng kamatis, para maiwasan ang sakit sa bato.

Bago dumating ang mga kastila ay ginagamit na ang itlog. Mababait nga ang isang tribo sa Mindanao kasi takot sila sa itlog, kaya ayaw nilang gumawa ng masama. Takot sila kasing mamatay at makita yung mukha nila sa loob ng itlog. Kapag gumawa kasi ng masama ang isang tao sa tribo ay tatawagin ang Babaylan o yung pari nila at mag-oorasyon ito ng itatapat sa liwanag ang itlog habang ginagawala sa mukha ng mga pinagbibintangan sa krimen. Kapag nangingig ang kamay ng Babaylan at tumapat sa'yo ay siguradong guilty ka. Kapag hindi ka namatay sa oras na iyon ay ipapakagat sa mga antik at pulang langgam hanggang sa umamin ka sa ginawa mong kasalanan.

Nakakawindang siguro nung panahon na iyon, parang yun yung lie detector test nila na huwag i-deny o don't make a lie kung hindi mamaga ang katawan mo sa kagat ng langgam. Ang resulta ang babait ng mga ninuno natin, nasaksihan kasi nila yung isang lalaki na biglang namatay nang tapatan ng itlog. Hindi pa kasi uso no'n ang kaalaman sa atake sa puso. Inatake ata yung mama kaya na tigok, yun natakot tuloy yung mga nakakita kaya kumalat sa lugar yung tsismis. Dumami tuloy yung mga umalohokan nung oras na iyon. Sa ngayon, patuloy pa ring ginagamit ang itlog sa mga probinsya para malaman kung napaglaruan ka ng maligno o engkanto.

Madalas ding gamitin ang itlog pangontra sa ulan. Sabi ng mga matatanda para hindi raw umulan kapag may mahalagang okasyon ay mag-alay raw ng itlog. Sigurado raw na mapipigil nito ang ulan. Bakit nga kaya hindi tayo sabay-sabay na nag-alay ng itlog nung dumating si Ondoy? Kung sabay-sabay lang siguro tayong nag-alay ng itlog ay baka natakot si Ondoy sa dami nang makikita nyang itlog ay baka lumihis ito ng direksyon.

Napaisip din ako nung maliit ako. Sabi kasi ng tiyuhin ko ay kaya nyang ipasok ang itog sa bote ng softdrinks na hindi nababasag. Medyo sumakit din yung utak ko sa kakaisip kong paano gagawin yun. Ilang itlog din ang nabasag ko para lamang magtagumpay. Ginawa ko pa yung sinabi ni Thomas Edison: "Genuis is one percent percent inspiration, ninety-nine percent perspiration." Tagaktak nga ang pawis ko sa kakaisip kung paano ko gawin yun, sa bandang huli ay sumuko din ako at hindi ko nagamit yung pilosopiya ni Edison. Paano naman kasi nagalit sa akin yung nanay ko, dahil inubos ko raw yung nakatabing itlog sa kakapasok sa bote.

Ang resulta, napuno yung bote ng sabaw ng itlog at ginawa naming scrambled egg. Sa gutom ko ay naparami ang kain ko at parang na-scrambled din ang tiyan ko. Panay tuloy ang pag-upo ko sa trono, habang umiire at pigil na pigil ang hangin. Nang dumating yung tiyuhin ko ay ipinakita nya sa akin na naipasok nya yung itlog sa bote. Asar na asar ako, paano ba naman isang itlog lang yung ginamit nya, ako mahigit isang dosena, pero wala paring napala. Nung hinawakan ko yung itlog ang lambot, huli na nang malaman ko na binabad pala yun sa gas.

Sunod naman na ipinagawa nya sa akin na ibato ko raw yung itlog sa banig na hindi mababasag yung itlog. Syempre bata pa ako at malikot talaga ang isip ko. Kabibili lang ng nanay ko ng isang dosenang itlog sa Balintawak. Kumuha ako ng isa at ibinato ko sa banig...nabasag. Naku nagkalat pa yung sabaw sa banig. Kumuha agad ako ng basahan at pinunasan, nilagyan ko pa ng sabon para hindi lumansa. Malinis na sana ang aking plano kaso biglang dumating si Nanay, yun binalot tuloy sa akin yung banig. Wala tuloy akong matulugan nung sumapit na ang gabi. Asar na asar ako sa tiyuhin ko, pakiramdam ko natraydor ako.

Kinabukasan dumating sya may dala na namang itlog. Tinawag nya yung ilang pinsan ko at inangat yung banig. Aruy! Napasigaw ako.."eh,di mo namang sinabi na iaangat yung banig." Nilaga ata yung itlog kaya hindi nabasag. Usapan lang daw namin ay hindi mababasag yung itlog. Ako naman ang naghamon, hindi ko ginamit ang itlog, ramdam ko kasi na sanay na sya sa itlog at isa pa kung tuksuhin sya sa amin ay mukhang itlog pugo. Maliit kasi yung ulo nya, kaya mukha raw syang itlog ng pugo. Pinagawa ko sa kanya na ilagay mo sa likido ang asin nang hindi matutunaw ng ilang araw. Kinuha nya yung asin sa bahay. Kumuha nang isang sandok na asin, ilang minuto ang lumipas... ito'y natunaw. Naubos yung asin namin, hindi nya parin nagawa yung hamon ko. E, di panalo ako sa aming pinoyhenyo.

Nang magluto na ang kuya ko wala syang magamit na asin, yung ulam tuloy namin na sarsyadong isdang matabang ang lasa. Kinabukasan pinakita ko sa kanya kung paano gawin yun. Kumuha ako ng gas at inilagay ko sa bote sabay nilagay yung asin. Lumipas ang ilang araw hindi natunaw, huwag mo lang ngang aalugin. Ang premyo ko itlog ng pugo.

Hay, ang itlog at manok nga naman kapag dumulas sa lalamunan at sumirko-sirko sa tiyan hahamakin ang lahat makapag-Jollibee lamang. Iba na ata ang tawag ng mga bagong sibol na kabataan sa manok. Kapag may sabaw tinolang manok, kapag prinito friedchicken, at kapag nasa Jollibee chicken joy. Sya nga pala, kinaa-aliwan rin ang itlog sa mga parlor games. Nandiyan na maglaro ng salong itlog, at babasagin ang itlog sa pamamagitan ng talong na nakasabit pa sa bewang ng babae o di kaya naman ng lalake.

Napakalaki talaga ng pakinabang sa itlog at manok sa buhay ng tao. Kaya hindi dapat pang pagtalunan kung alin ang nauna sa itlog at manok.

Sunday, October 4, 2009

IN MY LIFE




"Bastos ka...bastos ka talaga! Lumabas din ang tunay mong ugali. Nakatira tayo sa iisang bubong, araw-araw tayong magkasama at sabay tayong kumakain pero inilihim mo sa akin ang kalagayan ni Mark! Para kang...pwet ng baso!" -Ms. Vilma Santos

I had to fly to the moon and back para maitawid ko ‘yung eksena na ‘yun with Ate Vi. Buti na lang nangibabaw ‘yung puso ni Noel (Lloydie’s character) over sa kaba na nararamdaman ni John Lloyd. Kahit papaano naka-deliver ako. Marami pang eksena na halos ganun ‘yung naramdaman ko nung gagawin na namin. Hindi madali na gumanap sa ganitong role na sila ang kasama mo. Bukod sa honor na makasama sila sa pelikula meron ding challenge na maka-deliver na nang mabuti. Sana magustuhan ng mga tao,” John Lloyd admitted.

More than getting acting tips from Vilma, John Lloyd also said that there is still so much that any actor can learn from working with the Star for All Seasons. “Pagmamasdan ko lang si Ate Vi sa set, walangka-effort-effort. Madami na akong natutunan sa kanya. Si Ate Vi mas masarap panoorin sa labas ng camera. Kapag napanood mo sa pelikula si Ate Vi maa-amaze ka talaga pero kapag walang camera mas marami kang makikitang magandang bagay sa kanya. Makikita mo ‘yung pagaasikaso niya sa lahat ng tao, mula sa aming co-actors niya, sa direktor, sa crew, sa lahat. Masarap ‘yung mga pagkaing dinadala niya kaya akala namin plano niya talagang patabain kami lahat, ha ha ha! Mas importante sa akin ‘yung mga bagay na natutunan ko kay Ate Vi bilang isang tunay na tao. Sa tingin ko ‘yun ang mga magpapatagal sa akin bilang artista.”

http://www.abs-cbn.com/Feature/Article/4715/John-Lloyd-Cruz-regards-
In-My-Life-as-a-milestone-in-his-career.aspx

Nadala ako sa linyang binitawan ni Ms. Vilma Santos sa bago niyang pelikula na In my life. Grabe ang akting ng beteranang aktres. Astig naman ang drama ni John Lloyd. Isang hamon naman ang papel na ginampanan ni Lius Manzano.

Ang istorya ay umikot sa pagkatao, pagiging ina at pangarap ni Sherly na isang Librarian sa isang eskwelahan. Librarian na nalipasan na ng modernong panahon at nanatiling nakapako sa Old School na kaalaman. Ginamit na lunan (setting) ang paaralan dahil dito unang nagaganap at naisasakatuparan ang pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. Ang paaralan ay linangan ng kaalaman upang ang bawat mag-aaral ay maging handa sa kasalukuyang hamon ng tadhana. At dahil ang pagbabago (change) ay ang permanenteng bagay sa mundo ay kailangang sumabay ang bawat indibidwal. Dahil nabuhay si Sherly sa panahon na hindi pa uso ang kompyuter, DVD, MP3, IPOD, at Internet ay nangangapa sa takbo ng panahon. Nangangapa sa pagbabago ng kultura ng mga kabataan.

Bilang single mom, naging matatag sya sa bawat hamon ng buhay upang bigyan ng pangarap ang kanyang tatlong anak. Pangarap na sumakal sa kalayaan ng kanyang mga anak na magkaroon ng sariling desisyon at makadama ng pagmamahal  mula sa ina.

Bihirang makita sa mga pelikula ni Ms. V ang pagpapatawa. Talaga namang napahalakhak ako sa loob ng sinehan sa bawat kilos at bato nang linya ng bawat karakter na gumanap sa In My Life. Ito ay uri ng Comedy Drama na pelikula na kung saan ay bihirang gampanan ng Star for All Season. Pramis, mamamaga ang iyong esophagus sa kakatawa, tapos biglang mapipigil ang iyong tawa at babasagin ang puso mo sa mga madamdaming tagpo, kailangan mong pigilin ang pagpatak ng iyong luha para hindi naman dyahe sa mga nonood. Para kang isang baliw sa loob ng sinehan dahil sa pabago-bagong tagpo na nagaganap sa bawat eksena.

Hindi ko na pahahabain pa ang Film Review. Baka kasi maging spoiler ito sa nais pang manood. Hindi ka magsisisi matapos mong panoorin ang In my life. Hands-up talaga ako sa mga artistang gumanap. Swabe ang kanilang kombinasyon. Kaya ang masasabi ko ay Nobody, nobody like you...clap!clap!clap!

Saturday, October 3, 2009

Nauntog na Pagtibok

I
Nagniningning ang puso ng dilag
sa haginit ng pluma at pagdakdak ng tinta
sa puting papel,
mula sa sigaw ng damdamin ng binata
na nakadungaw sa pusong
nagsisimulang
tumibok.

II.
Inaliw
ng harmonika ng gitara ang puso ng dilag
sa mga letrang umaalimpapayaw
sa durungawang bintana.
Sa bawat pitik at kalabit ng mga daliri
sa kuwerdas na umiindak
sa damdaming humahagibis
sa
pagtibok.

III
Nasilaw
ang puso ng dilag sa matatamis
na mga salita
na dumulas sa dila ng binata
at kumiwal sa batis ng pag-ibig
na rumagasasa alimbukad
na diwa at isipan.

IV

Hanggang....
tuluyang naglaho ang halayhay
ng pag-ibig na sumalpok
sa bundok ng diwa
nang higit pa
sa tibok
ng puso.

San Boknoy





Naitalaga si Boknoy na pumalit kay San Pedro nang pansamantala itong nag-leave para mag-outing sa ibang planeta.

Tok-tok-tok!

"Pasok," utos ni San Boknoy.

"Pangalan?"

"Magdalena po."

"Trabaho?"

" G.R.O po."

" Sige tuloy."

Tok-tok-tok!

"Pasok!" utos ni  San Boknoy.

"Pangalan?"

" Gloria po."

" Trabaho?"

" Tongkressman po."

" Ay ine, hindi nakasulat ang pangalan mo sa aklat ng buhay," paalala ni San Boknoy.

" E, bakit yung G.R.O. nakapasok sa loob, tapos ako hindi pwede," pagkukumpara nito.

" Kasi naman marami pa syang mapapasayang lalake sa loob. Kapag pinapasok kita baka maubos ang pera nila," katwiran ni San Boknoy.

" Ganun ba!" asar na sambit nito.

Dumiretso sya agad sa impyerno.

Tok-tok-tok!

" Pasok lang nang pasok," utos ng tusong ahas.

" Pangalan?"

"Ping"

"Trabaho?"

"Robocop"

"Tuloy ka," utos ng tusong ahas.

Tok-tok-tok!

"Pasok lang nang pasok," utos ng tusong ahas.

"Pangalan?"

"Gloria"

"Trabaho?"

"Tongkressman"

"Pasensya na hindi pa nakasulat ang pangalan mo sa itim na aklat," paliwanag ng tusong ahas.

"Putek naman, pati ba naman dito hindi ako tanggap. E, kilala ko yung unang pumasok. Hindi naman nagkakalayo yung kulay ng budhi namin," nanggagalaiting reklamo nito.

"Pasensya na malakas kasi ang sugal sa loob ng impyerno, kaya kailangan namin ng Pulis para may mag-re-raid."