BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Wednesday, November 25, 2009

KATAWAN NI JONAH (Ika-5 labas)

Matapos maihatid ni Lerin si Tagle sa kanilang bahay ay agad itong umuwi upang magbihis at linisin ang baril. Matagal na panahon na rin nang huli niyang itong linisin at nadampian ng langis. Binuksan niya ang compartment ng motorsiklo at kinuha revolver. Inilapag niya ito sa ibabaw ng lamesita. Umupo siya sa kahoy na upuan. Yumuko siya, at sinipat ang kinalalagyan ng isang pulgadang paint brush. Nang makita niya ito ay inilapag niya rin ito sa mesa. Pagkatapos ay hinanda ang ilang pirasong basahan: may maliit na kasing laki lang ng pamunas ng salamin sa mata, at basahan na koton na karaniwang ginagamit ng mga dyipney driver. Kinuha niya ang isang butas na galon na plastik at inilapag sa ibabaw. Hinablot niya naman mula sa kanyang tabi ang isang litro ng galon na plastik na puno ng diesel. Binuksan niya ito. Binuhos ang kalahati sa isang plastik na galon. Dinampot niya ang baril. Pinindot niya ang punlo; napansin niya na medyo matigas na ang pag-ikot ng cylinder. Binaklas niya ang cylinder at pinunasan ng maliit na basahan. Marahan niyang pinaikot ang basahan sa bawat butas nito upang masaiid ang mga nakakubling dumi na nagpapatigas sa pag-ikot nito. Binabad niya muna ang ilang bahagi sa diesel upang matanggal ang mga kalawang at palambutin ang mga tumigas na dumi. Pagkalipas ng isang oras ay tinggal niya sa pagkakababad ang ilang bahagi ng baril. Kinuha niya ang paint brush upang saiirin ang mga bahagi na di kayang madampian ng basahan. Nang matapos ang kanyang ritwal sa paglilinis ng kanyang revolver ay marahan niya itong pinunasan. Natigilan siya ng makita niya ang kanyang pitaka sa lapag, dinampot niya ito at binuksan. Hinugot niya ang isang larawan ng babae. Iniangat niya ito ng lagpas sa kanyang ulo at itinapat sa ilaw. Hinalikan niya ang larawan. Kinausap niya ito na para niyang kaulayaw.

"Di ba hindi naman ako mahirap mahalin? Ikaw kasi, pinahihirapan mo pa ako. Iniinsulto mo ang aking pagkatao. Madalas akong nagpapapansin sa'yo, pero ni konting lingon ay ayaw mo akong tapunan. Hindi naman nalalayo ang kulay ko sa kulay mo. Isang galong glutathione lang ang katapat nito ay mahihigitan kuna ang kulay mo. Kaya naman kitang ipagtanggol kahit kanino. Hindi mo lang kasi alam ang karakas ko . Nakahanda naman akong isugal ang buhay ko para lang proteksyonan ka. Hay...kung di ka lang sana naging mailap ay araw-araw mong masisilayan ang makulay na mundo. Magbubuhay prisesa ka sa piling ko. Ikaw ang magiging reyna ng ating magiging supling at ang lugar na ito ang ating kaharian...hahaha."

Dinukot niya mula sa kanyang bulsa ang limang piraso ng bala. Nilapag niya ang apat na piraso sa mesa. Pag-angat ng kanyang kamay ay tangan-tangan niya ang isang pirasong bala. Iniangat niya ito sa tapat ng kanyang mga mata, inihipan at ginawang pamatong sa larawan. Naagaw ang kanyang atensyon sa sunod-sunod na pagtahol ng kanyang aso na si Moymoy. Nakapuwesto ito sa labas ng pintuan ng kanyang bodega na tatlong metro lang ang sukat. Nagtatalo ang ingay ng tahol ng aso at isang matinis na tunog ng bakal.

Ting! Ting! Ting!

Napansin niya na nagpapapansin na naman ang kanyang diwata sa loob ng bodega. Hehehe...akala niya siguro ay mahahabag ako sa kanyang mga pagsusumamo. Sayang naman ang pinaghirapan ko kung pakakawalan ko siya at ibalik sa kanyang pinagmulan. Matagal ko itong inantay ang pagkakataong ito na masolo siya at makita araw-araw.

Kinuha nito ang susi na nakalapag sa ibabaw ng sirang repridyeretor. Kumuha muna ito ng plato sa tauban, nagsandok ng kanin at ulam. Binuksan nito ang pridyeder at kinuha ang isang pirasong bote ng mineral water. Inilapag muna ito sa ibabaw ng mga nakasalansang kahoy. Pinasok niya ang susi sa kandado at hinugot ang mahabang kadenang bakal sa magkabilang bilog na bakal. Tinulak niya ang pintuan. Nakita niya ang nakakaawang nilalang na nakagapos ang kamay, ngunit may hawak na bato na kanyang pinampupukpok sa kandado. Hirap na hirap itong igalaw ang kanyang mga paa dahil may nakaposas na bilog na bakal na nakatali sa poste ng kahoy. Nakapanlulumo ang kalagayan nito. Madungis ang balbon na katawan nito. Madilim ang kinalalagyang lugar. Madumi ang paligid. Napakatinis ng himig nang tinig nito at nagpupumiglas na makawala. Araw-araw ay wala itong ginawa kundi hatawin ang bakal at pilit nitong kinakalas ang kadena sa kanyang mga paa. Alam niya na gutom na gutom na ito. Inilapag niya ang plato sa lapag, binuksan niya muna ang mineral water matapos ay sunod na inilapag kasama ng tatlong piraso ng saging. Kahit na nakatali ang mga kamay nito ay pilit nitong hinablot ang plato at inubos ang pagkain. Nang maubos nitong inumin ang tubig ay ibinato nito kay Lerin ang botelya. Tumama ito sa mukha niya. Imbis na maasar ay tinawanan lamang nito ang nakakaawang nilalang. Humalakhak siya sa katatawa.

"Hahaha! Sa tuwing nakikita kita sa ganyang kalagayan ay lalo akong natutuwa sa'yo. Hindi talaga ako nagkamali na dukutin ka. Alam ko na sa bawat araw na makakasama kita ay magiging maligaya ang paglipas ng bawat araw. Come baby...come! Kailan mo ba akong matutunang mahalin. Sa tingin ko ay kikita ako ng malaki sa'yo. Ibibigay kita sa mga parokyano kong porendyer ay tiyak na tiba-tiba ang kikitain ko. Kapag naging mahinahon kana at marunong nang sumunod sa mga pinag-uutos ko ay masisilayan mo ang daigdig na iyong pinagmulan. Kita mo yang mga balahibo mo sa katawan, napakalambot, ang sarap hawakan. Patutunayan ko sa mga porendyer na swabe ang lahi mo at tiyak na pararamihin nila ang tulad mo sa mundo. Sabi nila ang isang katulad mo ang pinagmulan ng lahi ni Eva. Dapat lang ngang magpatuloy ito para sa aking ikagiginhawa...whahaha..."

Nanlilisik ang mata ng kawawang nilalang habang pinagmamasdan ang taong nagpapahirap sa kanyang kalagayan. Wala siyang magawa upang iligtas ang kanyang sarili mula sa masalimuot na kalagayan.

Tuesday, November 24, 2009

KATAWAN NI JONAH (Ikaapat na Labas)

"Hanep sa akting ah, parang pang-tele-nobela. Hoy! Kayong dalawa huwag nga kayong mag-inarte at baka isiksik ko kayo dyan sa basket at gawing balot," ang pagyayabang ni Tagle.

Natigilan ang dalawa sa pag-uusap nang mapansin nila na numumula ang mata nito, at trip mode na naman. Iniwasan na lang nilang magsalita at baka ambahan sila ng suntok. Hinablot nito ang hawak na balot ni Eson. Binasag sa kanyang noo, tinanggal ang kapirasong balat, at kinain. Nanggigigil siya sa galit, pero walang siyang magawa. Pinili na lang niyang manahimik kaysa palalain ang sitwasyon.

"O, ano, bakit natameme kayo! Ang sarap talaga ng balot mo Analyn kasing sarap ni Jonah. Uhmmm...ahhhhh...langhap sarap, parang chicken joy."

"Bwisit ka...bwisit ka! Anong kinalaman mo sa pagkawala ng kaibigan ko?!"

Hindi napigilan ni Analyn na magwala sa sobrang galit sa binitiwang pahayag nito. Dinampot niya ang ilang pirasong balot at ibinato nang ibinato sa mukha ni Tagle. Ginamit nito ang dalawang braso bilang pananggalang sa sunod-sunod na paglipad ng balot sa hangin. Nang maubos na ang balot sa kababato ay buong diin niyang hinawakan ang basket at pinaghahampas sa katawan ng katunggali. Panay-panay ang kanyang atras at salag sa bawat hampas ng basket. Isang malakas na suntok ang bumulaga sa mukha ni Analyn. Bumagsak ang kanyang katawan sa lupa. Nakaramdam siya ng matinding pagkahilo at nakita niya ang ilang bituin na umiikot sa kanyang paligid. Isang malakas na hampas ng kahoy ang nagpaluhod sa maton. Hindi tumigil sa kahahataw si Eson hanggat hindi ito nawawalan ng malay. Napansin ito ng mga tanod na nakatokang rumonda sa gabing 'yon. Nagmamadali nilang pinuntahan ang tindahan na pinagmumulan ng kaguluhan. Bumagal ang kanilang kilos dahil sa umpukan ng mga taong nanonood sa nagaganap na kaguluhan. Hinawi muna nila ang mga tao. Inutusang lumayo, at huwag pagkumpulan ang lugar. Agad na tumawag ang tanod ng sasakyan upang dalhin ang mga sangkot sa kaguluhan. Inalalayan ni Eson si Analyn upang isakay sa barangay patrol. Binigyan muna ng paunang lunas si Tagle ng ilang paramedics. Pagkatapos ay dinala muna ito sa Ospital upang masuri ang mga tinamong sugat sa katawan. Malapatan ng gamot at mai-CT Scan ang ulo at ma-X-Ray ang katawan at mga braso.

"Ano ba ang pinagmulan ng inyong away?" usisa ni Kapitana Malinao.

"Ininsulto kasi niya yung kaibigan namin na si Jonah. Ang sabi niya masarap daw ang balot...kasing sarap ng aming nawawalang kaibigan. Kaya hindi ko napigilan ang sarili ko at pinagbabato ko siya ng balot at pinaghahampas ng basket sa katawan. Pero saglit akong nawalan ng malay ng suntukin niya ako sa mukha."

"Ikaw naman Eson, bakit mo naman hinataw ng kahoy si Tagle?"

"Nang makita kong inupakan niya si Analyn at nawalan ng malay ay dinampot kung yung isang kahoy at hinampas siya sa tuhod at sa iba't ibang bahagi ng katawan hanggang mawalan siya ng malay."

Nang masuri ng duktor na maayos naman ang kalagayan ng maton ay dinala ito sa barangay. Malalaman niya bukas ang resulta ng CT-Scan at X-Ray Nag-aabang sa labas ng barangay hall si Lerin upang antayin ang kanyang mga katropa at sunduin ang matalik na kaibigan na si Tagle. Nakita niya ang paparating na barangay patrol at nasilayan ang kaibigan na tadtad ng gasa sa iba't ibang bahagi ng katawan. Sinalubong niya ito upang alalayang bumaba ng sasakyan. Dumiretso ito sa opisina ni kapitana upang makunan ng salaysay sa nangyaring kaguluhan. Binanggit nito ang mga binitiwang salaysay nina Analyn at Eson. Mariin niyang pinasinungalingan ang mga paratang nila.

"Kapitana, hindi po ako nagsimula ng gulo...sila ho. Lumabas ako ng bahay upang bumuli ng balot. Nang umangal ako kay Analyn na panis na ang balot na tinda niya ay agad siyang nagalit sa akin. Pinapapalitan ko lang naman ang balot na nabili ko. Ang ginanti niya sa pakisuyo ko ay, pinagbabato ako ng balot, at pinaghahampas ng basket. Tapos, naramdaman ko na lang na may matigas na bagay na humampas sa tuhod ko at ibang bahagi ng aking katawan hanggat sa mawalan ako ng malay. Yung baklang Eson na 'yun pala ang humataw sa akin."

"Hindi ata nagtutugma ang inyong mga salaysay."

"Natural pagtatakpan nila yung ginawa nila. Ako na nga yung na-agrabyado. Tignan niyo nga yung ginawa nila sa akin."

"Hoy! Adik na sanggano, napakagaling mong magtahi ng kasinungalingan. Tignan mo itong black eye ko sa mukha ng matauhan ka. Kalalaki mong tao napatol ka sa babae. 'Tong hudas na 'to, babaliktarin mo pa ang kuwento. E, sa pagmumukha mo pa lang ay di kana gagawa ng mabuti."

"Kalma lang ha, mag-si-set ako ng pagdinig sa inyong dalawa. Ipapatawag ko kayo sa lupon upang imbestigahan ang nangyari at kung gusto niyong magsampa ng kaso ay nasa inyo na 'yan."

"Huwag na po kapitana...maabala lang ang aking hanapbuhay at isa pa hindi dapat pinag-aaksayahan ng panahon ang ganyang uri ng nilalang. Mahirap ata makipag-usap sa adik na sangggano."

"Lalo naman ako kapitana, di ako mag-aaksaya ng pera para sa mangkukulam na 'to at baklang bakulaw."

"O, sya, sya, ipangako niyo lang na hindi na ito mauulit."

Una munang lumabas ng barangay hall sina Analyn at Eson. Sinundan sila ng masamang tingin nina Tagle at Lerin. Tila nagbabaga ang mga mata nito sa ngitngit. Pabulong na nag-usap ang dalawa. Napagkasunduan nila na gumanti sa tamang lugar, oras at panahon upang mawala na parang bula ang isa sa kanila. Tinago ni Lerin sa kanyang motorsiklo ang magnum 45. Kinuyom niya ang magkabilang palad. Marahang kinamot ang kanang bahagi ng palad. Muli niyang itong pinaglapat. Kiniskis. Pinaikot. At pinatunog ang mga daliri.

Monday, November 23, 2009

KATAWAN NI JONAH (Ikatlong Labas)

Masama ang loob ni Vino nang lisanin niya ang Barangay Hall. Lalong kumulo ang kanyang dugo ng masilayan niya ang dalawa na nagbubungisngisan at kapit tukong nagtatatalon sa kalsada papalayo sa kanyang kinatatayuan. Pinakalma niya ang kanyang sarili: huminga ng malalim...sumipol-sipol, kinuha ang isang stik ng sigarilyo, sinindihan at hinithit. Panandalian siyang huminto sa isang kanto. Bumili ng isang bote ng Beer. Hindi niya namalayan ang mabilis na paglipas ng oras. Tumingin siya sa kanyang relo...alas nueve na pala ng gabi ang wika ng kanyang isipan. Naramdaman niya na bumibigat na ang kanyang pakiramdam at nagdadalawang anyo ang kanyang paningin. Buong tatag niyang tinungga ang kahulihulihang patak nang pang-isang dosenang bote ng beer na kanyang nainom sa oras na iyon. Marahan niyang hinakbang ang kanyang mga paa, napuna niyang tila nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod, at nagsasangasanga sa kanyang paningin ang kalsada. Pilit niyang pinatatatag ang kanyang katawan, sa bawat hakbang ng kanyang mga paa. Mabagal ang bawat galaw ng kanyang mga paa at para itong nakikipagpatintero. Tuluyang lumambot ang kanyang tuhod nang bumangga ang kanyang katawan sa nakatiwawang na bakal na drum sa labas ng kanilang bahay. Sumubsob ang kanyang katawan sa lupa.

"Anak ng pitong kabayong kalabaw na halimaw! Sino ba ang sumuwag sa akin...hik?!

Nakita ni Eson na paggapang na tumatayo si Vino. Agad niya itong nilapitan at inalalayan na tumayo. Medyo nahirapan siyang akayin ito, dahil sa bigat ng katawan ni Vino. Hinawakan niya ito sa tagiliran at inabresete ang isang kamay sa kanyang balikat, upang maitimbang ang bigat ng katawan nito. Habang inaalalayan niya ito papasok sa bahay ay panay ang patutsyada nito sa kanyang pagkatao.

"Hoy! Baklang bakulaw...hik! Alam mo bang mahal na mahal ko si Jonah. Kahit di namin siya kadugo...hik! May lihim akong pagtingin sa kanya...kaso lang pinipigilan ko ang sarili ko dahil ang alam ng tao ay kapatid namin siya. Hik...hik...alam mo- sa lahat ng bakla na kilala ko ikaw ang bobo. Ang bobo mo kahit no'ng nag-aaral pa kayo! Hik...hik...akalain mo bang siya pa ang gumagawa ng mga takdang aralin mo."

Parang sibat na tumutusok sa puso ni Enson ang mga mapapait na katagang binitiwan ni Vino. Bago pa man maibulgar nito ang lihim na pagkatao ni Jonah, ay naipagtapat na sa kanya ito noon ng kanyang bespren. Sanay na siyang tinatawag na baklang bakulaw, bobo, at baklang bobonic. Tinitiis niya ang lahat ng ito bilang pagtanaw ng utang na loob sa nag-iisang kaibigan. Maya-maya lang ay inalalayan siya nina Alsaybar at Milaran na ihiga ito sa papag. Nang maihiga na si Vino ay nagmamadaling tinungo niya ang kusina at kumuha ng maligamgam na tubig at pinunasan ang kamay, batok, at mukha nito. Habang binabanyusan nito ang amoy alak na katawan ay panay naman ang sambit nito sa pangalan ng kapatid na babae.

"Kapatid ko..mahal na mahal kita kung alam mo lang. Hinding-hindi ako makakapayag na agawin ka sa akin ng iba!"

Naglalaro sa isipan ni Enson ang mga imahinasyon mula sa mga salitang binitiwan ni nito. Nagtataka siya kung bakit sa lahat ng mga lalakeng kapatid, ay ito ang labis na apektado, at nagpahayag ng kanyang lihim na pagtingin. Nang tuluyan nang itong makatulog ay lumabas ito ng bahay at tumambay sa tindahan. Nakita niya si Analyn na nagtitinda ng balot. Isa ito sa mga kaulayawang dila ng kanyang bespren.

"Ganda, mainit pa ba yang balot mo, ha."

"Oo naman, kaya nitong patatagin ang tuhod mo para kang maging isang matigas na lalake--hindi lalakwe."

"Hahaha...bruha ka talaga, pagbilhan mo nga ako ng isa."

"Teka...alam mo para kang balot..."

"Bakit?"

"Kasi...sa tuwing nakikita kita, nag-iinit ang pakiramdam ko."

"Ajejeje...impaktita ka talaga noh...sa lahat talaga ng babae na nakilala ko ikaw ang pinaka..."

"Anong pinaka?"

"Pinaka mukhang bading sa lahat ng babae....sa totoo lang pwede kang pang miss gay, at take note, may future ka. Now you know...hahaha."

"Grrrhhh...o, eto na yung balot, kainin mo ng buong-buo para sumingaw yang kabaklaan mo."

"Sabihin mo, baka kapag nilunok ko 'to ay magsilang ako ng bagong binhi ni Eva. Sige ka, dadami ang maganda sa mundo."


"Oi...maiba naman tayo, alam mo nalulungkot ako sa biglang pagkawala ni Jonah."

"Ako nga rin eh, bespren ko pa naman siya."

"Alam mo,itong mga nakalipas na araw ay hindi ako mapalagay. Kapag matutulog na ako ay nakikita ko ang mukha niya na nagsusumamo sa akin. Ramdam ko na may gusto siyang ipahiwatig. Lagi kong napapanaginipan ang tubig na humihiyaw."

"Talaga, buti pa sa'yo nagpaparamdam siya pero sa akin, kahit paruparo ay di dumadalaw."

"Talaga bang sumama siya sa isang mayamang lalake, o may masamang nangyari sa kanya?"

Biglang natigilan si Enson sa tanong ni Analyn. Hindi siya makakibo. Isang patak ng luha ang umagos mula sa kanyang mata- ang naging tugon nito sa misteryong pagkawala ng kanyang pinakamatalik na kaibigan.

Saturday, November 21, 2009

KATAWAN NI JONAH (Ikalawang Labas)

Nagningning ang kislap ng mga mata ng mga kababaihan nang kumalat ang balita sa kanilang lugar na sumama raw si Jonah sa isang matandang mayaman na negosyante na malapit nang matigok.


" Aber! Kita n'yo, eh, di lumabas din ang totoo!"

"Akala mo kung sinong di makabasag pinggan, eh, malandi naman pala!"

"Salot talaga yan sa lugar natin."

"Buti nga at nawala na 'yon dito."


Ang walang patid na pagdadakdak ng mga tsismosang kababaihan sa kanilang lugar. Bigla sila napahinto sa pag-uusap ng makalanghap sila ng isang masangsang na amoy. Kanya-kanya silang takip ng ilong at nilisan ang kuta ng kanilang tsismisan.

Mag-iisang linggo na ang lumipas ay walang tawag o text na natanggap ang mga kapatid ni Jonah na si Alsaybar na panganay sa apat na magkakapatid, si Vino na siyang sumunod kay Alsaybar, at Milaran na sinundan ni Jonah. Hindi mapakali ang mga ito sa kakahanap sa unica hijang kapatid. Pumunta si Alsaybar sa opisina nito at kinausap si Eson.

"Nag-paalam ba sa'yo si Jonah kung saan siya pupunta?"

"Hindi. Akala ko nga maysakit siya eh. Alam mo naman yang kapatid mo kapag may sakit ay hindi naman pinapaalam sa amin. Madalas nga din siyang itanong sa akin ng Boss namin. Wala ba siyang sinabi kung saan siya pumunta?"

"Ilang beses ko na ngang tinatawagan ang selfon niya pero laging out of coverage area." Bumilis ang tibok nang kanyang puso. Sa oras na 'yon ay nakaramdam siya nang matinding pangamba at takot sa kalagayan ng kapatid. Matapos ang kanilang pag-uusap ay umuwi na siya ng bahay at patuloy na kumalap ng impormasyon na makakapagturo sa kalagayan ng kapatid.

@@@@

Kalahating bahagi ng buwan lamang ang gumagabay sa pagkalat ng dilim. Pilit nilang nilalabanan ang antok, ngunit ginupo sila nito dulot ng matinding pagod sa ilang araw na paghahagilap at pag-iisip. Sa kalagitnaan ng mahimbing na tulog ni Vino ay nanaginip siya na nakita niya si Jonah na nalulunod sa ilog at humihingi ng saklolo. Nang tumalon na siya para ito'y sagipin, ay nagulat siya---biglang naging kulay dugo ang ilog, at parang usok na naglaho ang katawan ng kanyang kapatid.

Kaliwa't kanan naman ang pagpaling ng ulo ni Milaran, kakaiba ang kanyang panaginip sa gabing iyon. Nakita niya sa likod ng mangga ang dalawang asong ulol na naglalaway at nag-aagawan sa iisang buto. Halos madurog ang buto sa talim ng ngipin ng mga aso. Hindi nila ito nilubayan hangga't di nasisiid ang munting buto na natira.

Unti-unting tumatakas ang dilim. Sinalubong ng mga hamog ang mga sinag ng liwanag na marahang gumagapang sa kapaligiran.

Bago pa sumikat ang araw ay nakapaghanda na ng pagkain si Vino. Maya-maya ay nagising na ang dalawa niyang kapatid. Nagsipilyo muna ang mga ito at naghilamos. Matapos ang umagang ritwal ay sama-sama silang nag-agahan. Habang kumakain ay naikwento ni Vino ang kanyang panaginip. Sumunod namang isinalaysay ni Milaran ang kanyang nakakatakot na panaginip. Nag-isip ng malalim si Alsaybar at pinag-ugnay-ugnay ang mga pangitain sa panaginip.

"Di kaya nagpapahiwatig sa atin si Jonah at may gustong sabihin?" Pagsusuri ni Alsaybar.

"Palagay ko nga," ang sabay na wika ng dalawa.

Mabilis nilang tinungo ang ilog. Nasanggi ni Vino ang isang drum na bakal na nakalubog sa tubig. Akala nito ay isa lamang itong malaking adobe. Hanggang leeg niya ang tubig at napapaligiran ito ng mga palutang-lutang na water lilies sa ilog. Ang gilid nito ay napapaligiran ng mga matataas na talahib na lalong nagpapahirap sa kanilang paghahanap sa bangkay ng nawawalang kapatid. Ilang metro ang layo mula sa kinalalagyan ni Vino ay nakita niya ang kanilang kapitbahay na sina Tagle at Lerin na namimingwit ng isda. Dinudukot ni Lerin ang mga nakatabing bulate sa loob ng lata upang isalpak sa sima, saglit nitong binitiwan ang ang hawak na bulate at muling ipinasok sa lata nang napansin niya ang ilang buhol sa pisi. Habang si Tagle ay nakikiramdam sa paggalaw nang palutang na plastik na palatandaan na may kumagat na isda sa sima. Nahihiwagahan siya sa kinikilos ng dalawa, hindi ito makatingin ng maayos sa kanya at tila pabulong na nag-usap ang dalawa.

Umahon siya upang kausapin sila, bago pa siya makasampa sa lupa ay mabilis nitong iniahon ang kanilang pisi, kahit konti pa lamang ang nahuhuling isda. Parang may kinakatakutan ang dalawa. Mabilis ang lakad ng mga yabag nito sa lupa papalayo sa ilog. Nagkaroon siya ng kakaibang kutob. Kilalang barumbado sa kanilang lugar ang dalawa. Si Tagle ay kilalang durugista sa kanilang barangay at nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot. Samantalang si Lerin ay kilalang siga at mahilig mag-trip ng mga babae; lalo na kapag bagong salta sa kanilang lugar. Madalas maipa-barangay ang dalawa dahil sa dami ng nagrereklamo sa kanila. Payat na payat na si Tagle, lubog na ang pisngi nito dahil sa kakagamit ng ipinagbabawal na gamot. Kabaligtaran naman ang katawan ni Lerin sa katawan ni Tagle. Mataba ito, bilugan ang pangangatawan, malaki ang tiyan at mahaba ang buhok.

Bago bumalot ang takipsilim sa buong kapaligiran ay inimbitahan sa barangay ang dalawa dahil sa reklamo ni Vino.

"May alam ba kayo sa pagkawala ni Jonah?" Tanong ni kapitana Malinao.

"Naku kapitana, sa dinami-dami ng mga nagreklamo sa amin dito, kahit isa ay wala naman silang napatunayan sa kanilang pinagbibintang," katwiran ni Lerin at Tagle.

"Eh, bakit niyo iniiwasan ang mga kapatid na lalaki ni Jonah?"

"Naks...iniiwasan daw! Ang labo mo naman bro...masyado ka namang TH o tamang hinala sa amin.Ikaw ba si Big Brother....hahaha! Nagkataon lang nang nakita niya kami sa ilog ay balak na naming umuwi dahil nahihirapan kaming manghuli ng isda ngayong araw na ito. Kaninang umaga pa nga kami nanghuhuli, pero dalawang tilapya pa lang ang nahuhuli namin para ulamin namin ngayong hapon."

Kahit anong piga ang gawin sa dalawa ay wala silang makuhang impormasyon na mag-uugnay na may kinalaman sila sa pagkawala ni Jonah.

ANG KATAWAN NI JONAH (Unang Labas)

Pinagpala ang mayabang umbok ng dibdib ni Jonah. Kung sa pagandahan lang sa katawan ay hindi pahuhuli ang kurba ng kanyang katawan sa mga modelong naglipana sa kamaynilaan, at higit sa lahat namana niya ang mestisahing ganda ng ina, makinis ang balat, balbon ang braso, mahaba ang buhok at matangkad. Lalo pang tumitingkad ang kanyang kagandahan kapag siya ay ngumingiti; lumilitaw ang biloy nito sa kanang bahagi ng pisngi...kasabay ng pagkinang nang mapang-akit nitong mga mata. Madalas kapag siya ay naglalakad sa kalsada, pasilyo at eskinita ay napapalingon ang mga kalalakihan sa angking kariktan ni Jonah. Nagkukumahog ang kanyang mga katrabahong lalake sa kanyang pinapasukang opisina sa panliligaw ng palihim dahil takot ang mga ito sa kanyang mga kapatid na lalake.Minsan habang namamasyal siya sa Mall ay nilapitan siya ng isang baklang talent scout at inalok na sumubok mag-artista, ngunit agad niya itong tinanggihan.


"Naku bespren, kung ako ang inalok ng ganun, hindi ko na yun pakakawalan. Kaso lang yung beauty ko ay kamukha lang ng siko mo," biro sa kanya ni Eson.

"Ewan ko ba, kuntento na ata ako sa pagiging ganito, yung simple lang at ordinaryong tao," paliwanag ni Jonah.

"Gaga ka ba, o, yung utak mo ay nakadikit sa talampakan mo. Hoy! lahat ata ng babae ay nangangarap na maging maganda tulad mo, yung ala Cinderella na pagkakaguluhan ng mga kalalakihan...maging ng prinsepe, tikbalang, engkanto, nuno sa pulso at hari ng kalawakan." Ang paglalarawan ng kanyang kaibigan habang minimwestra ang mga galaw ni Cinderella.

Si Eson ay nasa katawang lalake, pero pusong babae. Magkaklase silang dalawa sa kolehiyo. Pareho silang nagtapos ng kursong Business Management. Ito ang kanyang tagapagtanggol sa mga kaklase nilang babae na naninira sa kanya. Ito rin ang kumikilatis sa mga lalakeng nagnanais pumorma sa kanya no'ng nag-aaral pa sila. Lalong tumibay ang kanilang pagkakaibigan ng mamatay ang mga magulang ni Eson sa isang aksidente. Tinulungan siya nito sa kanyang pag-aaral at mga riserts na kailangang tapusin upang di siya bumagsak sa kanilang mga subjekt.

" Ay naku! Bespren, ala singko pasado na pala, paalam na sa'yo. Kitakits nalang tayo sa Lunes." Sabay halik sa pisngi ng kaibigan at nagmamadaling lumabas sa loob ng opisina.

Paglabas pa lang siya sa pintuan ng gusali ay nakaabang na ang mga masugid niyang manliligaw. Nag-uunahan ang mga ito na maihatid siya. Kanya-kanyang bitbit ng regalo ang mga ito para ibigay sa kanya. Merong nag-abot ng rosas, chocolate, pabango, damit, relo, singsing at mamahaling selfon. Pakiramdam tuloy niya na araw-araw ay birthday niya. Napilitan siyang tanggapin ang mga regalo para makauwi na siya ng bahay, at nag dahilan na lang siya na nag-aantay na sa kanya ang kanyang mga kapatid sa kabilang kanto. Nagmamadali siyang umuwi ng bahay upang maiwasan ang mga sunog baga niyang kapitbahay na madalas mag-inuman kapag kagat ng dilim.

@@@@

Tuwing dinadalaw siya ng pagkabagot ay pumumunta siya sa lilim ng puno ng Mangga sa likod ng kanilang bahay na malapit sa tabing ilog. Dito siya nagpapalipas hanggang kumagat ang dilim upang namnamin ang malamig na simoy ng hangin na humahampas sa kanyang katawan. Sa ganitong paraan ay nakakalimutan niya ang kanyang mga alalahanin at suliranin sa buhay. Malimit kasi siyang kina-iingitan ng mga kababaihan sa kanilang lugar. Pakiramdam kasi ng mga ito ay inaagaw niya ang lahat ng mga kalalakihan na nahuhumaling sa angkin niyang kagandahan. Nandiyang siraan siya na ginagatasan niya lang ang kanyang mga manliligaw. Ginagamit niya raw ang kanyang ganda upang ma-promote sa trabaho.

Kahit noong nag-aaral pa siya sa hay-iskul ay madalas siyang awayin ng kanyang mga kaklase at ibang mga babaeng mag-aaral sa kanilang paaralan. Kesyo makapal daw ang kanyang mukha at malanding babae. Mang-aagaw daw siya ng boyfriend ng iba; kahit hindi naman totoo. Pinakikitaan niya lang ng magandang pakikitungo ang mga kalalakihan para hindi siya bastusin at pagbalakan ng masama.

Madalas iniisip niya kung mapalad ba siyang talaga at nabigyan siya ng kakaibang ganda at halina sa mga kalalakihan. Huminga siya ng malalim, pinikit niya ang kanyang mga mata at dinama ang malamig na samyo ng hangin; waring unti-unting nahuhugot ang tinik sa kanyang puso sa patuloy na pagaspas ng hangin sa paligid.

Panay ang kinang ng mga tala sa kalawakan.Patuloy na nagliliwanang ang paligid mula sa liwanag na nagmumula sa buwan. Ang kinang ng mga tala, at liwanag ng buwan ay nagdudulot nang pagsayaw ng bunton ng mga puting ulap sa alapaap, at nagpapasirit sa malamig na hangin sa tahimik na kapaligiran. Ang paglalim ng gabi ay siya ring paglaho ng kinang ng mga tala, pagtakas ng dilim at pansamantalang pamamaalam ng buwan.

Tuesday, November 17, 2009

HELMET


Minamaneho ko ang aking motorsiklo ng walang tiyak na pupuntahan. Ang alam ko lang ay sapat pa ang gasolina upang makapaglakbay sa bawat lugar na sasagi sa aking isipan. Panay ang hagod ko sa silinyador at sunod-sunod ang putok ng tambutso. Ganito ako kapag dinadalaw ng pagkabagot, galit at masama ang loob. Ginagawang kong outlet ang mga kalsada at mga sasakyan upang ipagpag sa hangin ang mga negatibong imahinasyon sa aking isipan. Saglit kong ipinarada ang motorsiklo sa palengke ng Alabang, bumili ng ilang pirasong mansanas at prutas. Medyo kumunot yung noo ng tindera nang tanungin ko siya kung may tubig sila. Para tuloy akong namamalimos ng tubig sa palengke. Tinalikuran niya ako at pagharap ay tangan-tangan na ang isang basong tubig na puno ng tubig.

Marahil ay ang nasa isip niya ay panonoorin niya akong ubusin ang isang basong tubig na nagmamadali at hinihingal dahil sa sobrang uhaw. Bigla siyang napangiwi nang ipinanghugas ko ang tubig sa mansanas, sabay tunog ng malutong na kagat at alok sa tindera kung gusto niya. Napatawa siya sa akin at umiling-iling. "Salamat sa tubig ha, gutom na kasi ako." Medyo nauga ng kaunti yung utak niya, namangha ata sa ginawa ko (hindi niya lang siguro akalain na gagawin ko lang na panghugas yung tubig). Naramdaman kong gumagaan na ang pakiramdam ko. Lumalamig na ang temperatura ng aking katawan. Nahahawi na ang mga salasalabat na baging sa aking isipan.

Hindi ko talaga kayang pigilin ang gutom, hindi sapat ang mga prutas para pahupain ang nagwawala kong bahay-gilingan. Kaya't muli kong ipinarada ang aking motorsiklo sa Tropical Hut sa tapat ng palengke. Agad akong umorder at wala pang 15 limang minuto ay naubos ko na ang Burger Steak at extra rice. Lubusan nang pumayapa ang aking pakiramdam. Ngunit malabo parin ang direksyon na aking tatahakin. Mahigit 30 minuto rin akong nagmuni-muni, matapos ang mahabang pag-aanalisa ay muli kong pinatakbo ang sasakyan at tinahak ko ang kalsada ng Alabang-Zapote Road. Ramdam ko ang sagitsit nang lamig sa aking kalamnan. Pinatatayo nito ang aking balahibo at pinahahalikupkip ang aking bagang. Bigla akong pinara ng pulis.

"Pulis ka ba?"

"Mukha ba sir?...este, hindi po sir," Medyo nag-ala pinoyhenyo pa ako.

"Anak ng @@###### ina ka!" mura niya sa akin.

Pakiramdam ko ay medyo nahirapan siya sa tanong ko.

"Iparada mo yan at ihelera mo dito."

"Nakaparada na at nakahilera na po sir chief," hirit ko.

"Abay, tinamaan ka ng magaling. Lisensiya mo...dali."

"Bakit wala kang helmet?"

"Taga-Muntinlupa ka pala, Ba't wala kang suot ng helmet?

Medyo nahiya ako at napakamot. Aminado akong mali ako at nilakasan ko na lang ang loob ko sa mga oras na iyon. Nakahanda naman akong magpahuli at mahuli, makapag-gala lang. Nag-lecture muna sa akin ang pulis. Tapos ay tinanong niya kung saan ako nakatira at alam ko ba raw yung Barangay _____?, yung Ospital ni _____? at yung kalsada na papasok sa kanila. "Opo," sagot ko. Naungkat yung mga kamag-anak na si ganito, ganire at ganoon.

Inakbayan niya ako, "puntahan mo ako bukas nang maaga at mag-inuman tayo, bibili ako ng Baka pang pulutan." Iniwan ko sa kanya yung cute kong I.D., hindi niya na kinuha yung lisensiya ko at di na rin ako tinikitan. Mariin niyang binilin sa akin na huwag ko raw siyang babalewalain. "Bukas ha, sir!"

Bago ko siya iniwan ay isang matikas na saludo muna ang ginawad ko sa kanya. At gumanti naman siya. Nakadama ako ng kaunting saya pagkatapos nang masalimuot na panyayaring iyon. Prinoblema ko tuloy kung makakatagal ba ako sa kanya sa inuman. Kaya nang makakita ako ng isang KTV Bar sa Las Pinas ay huminto ako at umorder nang tatlong piraso ng San Miguel Pilsen, inaliw ko ang sarili ko sa mga kanta ng mga lasenghot na mga kabataan. Lumipas ang tatlong oras ay nakaubos ako ng apat bote, naramdaman ko na medyo kumakapal na ang mukha ko at nakaramdam na ako ng kaunting hilo.

Medyo malakas na ang tama sa akin ng alak at sapat na practice para sa paghaharap namin ng Pulis bukas. Sa totoo lang ay galit ako sa alak...masakit kasi sa ulo ang hangover. At ito ang kinabaliwan ng aking ama. Nung kabataan ko ay madalas ang sabi sa akin ng doktor ay uminom raw ako ng beer at haluan ng isang itlog upang maging normal ang dugo ko. Anemic kasi akong tao, mahirap ang sakit na ito, madalas kang mahilo, mahina ang pakiramdam at nilalagnat ng walang dahilan. Matagal kong nilabanan ang ganitong karamdaman hanggang sa masalinan ako ng dugo. Akala ko nga ay kukunin na ako ni Bro. pero hindi pa pala.


Kapag dinalaw ako nang pagkabagot ay bigla nahihiligan ko ang pag-inom ng mag-isa. Ayaw ko kasi ng may kasama, mas gusto ko mag-solo at mag-isip nang malalim. Lumalabas kasi yung mga imahe sa aking isipan kapag nakainom ako. Madalas kong marinig sa mga kaibigan kong manunulat na hayaan raw lumaya ang mga demonyo sa aming isipan. Ayon nga kay Edgardo Reyes, demonyo raw ang pagsusulat, may mga oras na gigisingin ka nito sa kalagitnaan ng gabi. Mahirap pigilan ang mga imahinasyon na naglalaro sa isipan ng isang manunulat, kung baga sa utot ay kailangan mo itong pasingawin para hindi sumama ang iyong pakiramdam.

ALAK raw ang kahinaan ng mga manunulat. Nakakapagsulat ng mga magagandang dibuho sina Hunter Thompson, Raymond Chandler, John Cheever, O. Henry, Tennessee Wiliams, Dylan Thomas, Dorothy Parker, Edgar Allan Poe, Truman Capote, Jack Kerouac, William Faulkner, Charles Bukowski, F. Scott Fitzgerald, James Joyce at Ernest Hemingway kapag lango sa alak. Lumalabas ang kanilang pagiging malikhain kapag nasa impluwensiya ng alak. Kasama na rin diyan ang iba pang mahuhusay na manunulat tulad nina:Upton Sinclair, Mark Twain, Emily Dickinson, Nathaniel Hawthorn, Henry D. Thoreau, Zane Gray, Ralph Waldo Emerson, Robert Frost, Tom Wolfe, at Flannery O'Connor.

Hindi naman ako tulad nila na araw-araw umiinom. Social Drinker ako, umiinom kapag maisipan lang. Minsan sa loob ng anim na buwan ay hindi nasasayaran ang aking labi ng alak. Hindi ako mahilig sa hard at lalong ayaw ko ng Red Horse o Colt 45. Tama na sa aking si San Miguel Beer at San Mig Light. Puro kasi yung anghel sa Beer, sa Gin naman ay pinaghalong Anghel at Demonyo kaya marami ang nagwawala kapag nasaniban na.

Madaling araw na ako nakauwi ng bahay, siniguro ko muna na wala na yung Mobile Car para hindi na naman ako masita at maamoy na nakainom. Pag-uwi ko ng bahay ay mabilis na bumukas ang pintuan nang kinatok ko ito ng tatlong beses. Binihisan ako ng asawa ko at pinatulog. Hindi naman siya galit sa akin, kasi naman bihira lang akong lumabas ng bahay (kapag tinopak lang talaga). Masarap ang aking tulog. bigla akong nagising sa liwanag na nagmumula sa bintana. Ginusot ko muna ang aking mata, alas nuebe na pala. Hirap akong tumayo, medyo masama ang aking pakiramdam at may parang may mabigat na bagay na dumadagan sa ulo ko. Nilutuan niya ako ng paborito kong ulam sa umaga ang scrambled egg at kape na walang asukal (para mahimasmasan ako). Habang kumakain ay ikinuwento ko sa kanila ang aking karanasan kagabi, at nag-paalam na muling lalabas ng bahay para makipag-inuman sa Pulis na nakilala ko kagabi. Kailangan ko kasi siyang siputin nasa kanya ata yung I.D. ko. Matapos kumain ay naligo muna ako para mawala yung hangover.

Gumaan ang pakiramdam ko. Tanghali na nang marating ko ang bahay ng Pulis. Angkas ko ang asawa ko, baka raw kasi kamag-anak nila iyon. Nang marating ang bahay ng Pulis ay agad akong sinalubong ng ilang lalake at inabisuhan na antayin daw si chief dahil nagpa-check-up lang saglit. Hmmmm...mukhang pinaghandaan niya talaga ako, napansin ko yung baka na nilalaga ng mga mama at mesa na nakahanda.

Tinanong agad ako ng pulis kung anong alak ba ang iniinom ko. Nang maramdaman ko na hard ang kanyang nais bilhin ay agad kong inabot ang P400 at humirit na kung pwede ay San Mig na lang. Agad naman siyang umayon at nagpabili sa mga makakainuman namin na mga mama. Mabait naman sila sa akin at panay ang tanong kung ano ba raw ang gusto kong kainin at ipabili. Bigla akong natawa sa sinabi niya:

"Oi...huwag kayong masasanay na uminom nito dahil mahal  'to."

"Kaya pala masarap eh," sabat ng isang lalake.

Lalo pa akong humalagapak sa halakhak ng sabihin ng isang lalake na:

"Brod, alam mo kapag Spo1 pa ang pulis ay pulis ito, dahil hindi pa ito nalalamon ng sistema. Pero kapag naging Spo2 na ito ay pulis na natuto, natuto sa pangongotong. Kapag naging Spo3 na ay pulis na laging humihirit sa pangongotong. At kapag naging Spo4 na ay puro kotong na ito."

Bago sa akin yung mga bansag na 'yon kaya sobra akong natuwa. Hindi naman lahat ng pulis na kaibigan ko ay tulad ng sinabi niya. May kilala akong mga pulis na tapat pa rin sa kanilang serbisyo.

Alas tres ng hapon ng maubos ang alak at mabilis na nagpaalam ako kay sarhento. Bumilib din ako sa kanya dahil kahit na inamin niya sa akin na babaero siya ay hindi niya pinababayaan ang kanyang mga anak. Pagdating naman sa trabaho ay alam niya kung saan siya lulugar. Kaya ang aming pagkikita ay tulad ng isang helmet na susuklob sa aming kaisipan bilang bagong katropa.

Thursday, November 12, 2009

PRESYO NG LANGIS: ANG NAKAKUBLING TERRORISMO




Ang langis ay ang nagsisilbing dugo ng modernong panahon. Kayat ang pagdaloy nito ay napakahalaga; ngunit, ang pressure nito ay bumubutas ng bulsa at sumasaid ng pitaka.


Gaano ba kahalaga ang langis sa ekonomiya ng bansa?

Ito ang nagbibigay ng ningas sa modernong teknolohiya upang mapabilis ang produksyon ng mga produkto, at matugunan ang matinding pangangailangan ng mga produkto sa pamilihan. Kapag ang puwersa ng demand at suplay ay magkatulad, ito ay magdudulot ng balanseng presyo. Ang stabilisadong presyo ay nagpapakita ng masiglang daloy ng pagkonsumo at nagbibigay ng ginhawa sa mga mamimili. Subalit, dahil salat sa langis ang ating bansa ay patuloy tayong umaasa sa pag-aangkat ng produktong ito na kadalasang nagmumula sa gitnang silangan. Mayroon man tayong MALAPAYA sa Palawan na pinagkukunan ng natural gas at langis upang gawing enerhiya, ngunit hindi naman natin ito direktang pinakikinabangan. Sa tantiya ng SPEX ay nakakalikom sila 12,000 bbl/day at 30 MMSCF/day ng natural gas at langis. Ang plantang ito ay pinangangasiwaan ng Shell Philippines Exploration (SPEX), ang langis na nakukuha mula rito ay inululuwas sa ibang bansa upang dumaan sa purifikasyon ng pagiging langis. Nakikinabang lamang ang pamahalaan sa royalty mula sa kita at buwis na makokolekta na aabot raw sa  $8-10b sa loob ng 25 taon magmula nang ito'y madiskubre noong 1992.

Sa bawat araw ang Pilipinas ay kumukunsumo nang 330,000 bariles ng langis. Samakatuwid, marapat lamang na panatilihin ang suplay ng langis sa bawat araw upang magpatuloy ang sigla ng kalakalan, at matugunan ang mga pangunahing pangangailangan at dumaraming hilig ng bawat mamamayan. Ang kakulangan ng suplay ay magdudulot ng disekilibriyong presyo: sa puntong ito, maaring maging labis ang demand ng produktong petrolyo na magdudulot ng panic buying sa mga mamimili na mag-imbak ng langis bago pa maubos ang suplay. Kailan lang ay ipinahayag ni Energy Secretary Angelito Reyes na sa mga susunod na araw ay hindi na magiging sapat ang suplay ng langis ng bansa. Ang spekulasyong ito ay nagdulot ng labis na pangamba sa sektor ng industriya, lalong-lalo na sa mga drayber ng dyipni na pangunahing tagapagkonsumo ng produktong petrolyo.


Makatotohanan ba ang biglang pagkalusaw ng reserbang ng langis sa bansa?

Ayon sa ulat ng Organization of Petroluem Exporting Countries (OPEC, ang presyo ng krudo sa bawat bariles ay nagkakahalaga ng $76.50, mas mababa sa dati nitong presyo na $6.57. Batay sa OPEC Monthly Report ngayong buwan ng Nobyembre na ang OPEC Reference Basket ay tumaas ng $67.88/b noong October 9, mula $65.75/b noong October 2. Sa ganito ding panahon ay tumaas ang presyo ng krudo ng WTI at Dated Brent ng $71.03/b at $67.69/b. Maging ang Dubai crude ay patuloy sa pagtaas sa presyo na $68.31/b mula sa dati nitong presyo na $66.09/b. Sa taong ito ang World Oil Consupmtion Shares by Main Sector ay nahahati sa:

1. Transportation-46%
2. All other- 35%
3. Industry-10%
4. Residential-6%
5. Agriculture- 3%

Ipinapakita sa pagkakahati ng distribusyon ng pagkonsumo ng langis sa pandaigdigang kalakalan na ang pangunahing pinaggagamitan ng langis ay ang transportasyon, na sindundan ng industriya, residential at agrikultura. Kayat sa tuwing tumataas ang presyo ng langis, ang unang umaangal ay ang sektor ng transportasyon. Araw-araw silang gumagamit at bumibili ng langis bilang bahagi ng kanilang hanapbuhay. Sa katunayan ay hindi sila naniniwala na may kakulangan sa suplay ng langis kaya tumataas ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. Ayon mismo sa Oil Market Report na inilabas ng IEA (International Energy Agency) noong nakaraang taon, nasa 81.9 milyong bariles kada araw (mbd) ang pandaigdigang pangangailangan habang nasa 84.6 mbd ang suplay sa langis noong ikalawang kwarter ng taong 2006. Ayon pa sa kanilang pagtantiya ay nasa 1.3 trilyong bariles ang reserbang langis sa mundo na maaring tumagal pa ng 42 taon kung pagbabatayan ang kasalukuyang antas ng pagkonsumo.


Ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay nakabatay sa impluwensiya ng mga dambuhalang transnational corporations o TNCs sa pangunguna ng Exxon Mobil (US), British Petroleum (UK), Royal Dutch Shell (UK-Netherlands), Chevron Texaco (US) at Total (France) na kontrolado ng US at European Union. Nakakatuwang isipin na pinalalabas ng mga kompanyang ito na may nagaganap na kompetisyon sa kanilang hanay. Panay ang kanilang pag-aanunsyo sa telebisyon sa mga produktong kanilang inilalabas upang hikayatin ang mga mamimili na tangkilikin ang kanilang produkto. Mapapansin sa istilo ng kanilang pag-aanunsyo na ang kompetisyon na kanilang ipinakikita ay malabnaw at puno ng pag-iimbot. Ito ay mararamdaman sa tuwing tumataas ang presyo ng petrolyo. Ang ganitong pamamaraan ay malinaw na isang uri ng kartel, na kung saan ay monopolisado nito ang produksyon, refinery at distribusyon – mula sa oil fields, tankers, barges, depot, refinery, retailers, tank trucks, pati pag-aanunsyo. Ang ganitong uri ng sistematikong pagsasalansan ng kanilang produkto ay nagdudulot nang manipulasyon sa suplay ng langis upang bumulusok paitaas ang presyo sa kanilang mga outlets.


Ang sistemang Oligopolyo na nanalaytay sa kanilang hanay ay malinaw na isang sabwatan. Sabwatan sa ilalim ng sistemang kapitalismo na kung saan ang prinsipyo ng hindi pakikialam ng pamahalaan o Lassez-faire ay namamayani. Kontrolado ng komersyalismo-- maging ang sistemang politikal ng bansa-- walang magawa ang pamahalaan sa tuwing tumataas ang presyo ng langis. Ang ganitong kaganapang pang-ekonomiya ay umiiral sa ilalim ng konsepto ng nakakaubling kamay (invinsible hands ni Adam Smith, ayon sa kanyang librong "An Inquiry into the Nature and Causes of the Wealth of Nation) ay binigyang diin niya ang importansya ng nasabing ideya sa ilalim ng sistemeng kapitalismo...  

every individual necessarily labours to render the annual revenue of the society as great as he can. He generally, indeed, neither intends to promote the public interest, nor knows how much he is promoting it. By preferring the support of domestic to that of foreign industry, he intends only his own security; and by directing that industry in such a manner as its produce may be of the greatest value, he intends only his own gain, and he is in this, as in many other cases, led by an invisible hand to promote an end which was no part of his intention. Nor is it always the worse for the society that it was no part of it. By pursuing his own interest he frequently promotes that of the society more effectually than when he really intends to promote it. I have never known much good done by those who affected to trade for the public good.


Kilala si Adam Smith bilang isang relihiyosong tao. Marahil ang kanyang tanging layunin ng kanyang isulat ang nasabing libro ay upang bigyan ng magandang patakarang ekonomiya ang kanyang bansa para sa ikagiginhawa ng mga mamamayan. Ang kanyang kaisipan ay nagkaroon ng mabuting epekto sa mga kanluraning bansa, ngunit ang kaisipang ito ay nagdulot ng hidwaang pang-ekonomiya sa pagitan ng mga manggagawa at may-ari ng kompanya. Binigyan niya ng pansin na ang pagkakaroon ng mababang presyo ng  mga produkto sa pamilihan ay makakabuti para sa mga mamimili, subalit ito naman ay nagbigay ng labis na kita sa mga mangangalakal, dahilan upang ang agwat nang katayuang panlipunan ng manggagawa at may-ari ng kompanya ay lumayo nang milya-milya. Lumitaw ang pagiging  ganid sa hanay ng mga mangangalakal, mas hinangad nila na kumita ng malaki kaysa magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan, at naisantabi ang pantay na proteksyon ng mga manggagawa. Ang krisis sa lakas-paggawa ay isang pandaigdigang suliranin na kinahaharap ng lipunan o bawat estado.

Binaluktot ng makabagong panahon tunay na diwa ng konsepto ni Smith. Noon pa man ay umapela siya sa makasariling intesyon ng kalakalan na humahantong sa tatsulok na lipunan. Marahil naisip niya na ang merkado ay mabisang instrumento upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan dahil limitado ang pinagkukunang-yaman ng bawat bansa. Nang ma-obserbahan niya na ang monarkiyang sistema ng pamamahala, ay napagtanto niya na hindi ito sapat upang matugunan ang materyal na pangangailangan ng mga taong walang kakayahang bumili ng mga produkto sa presyong idinidikta ng burgis na pamilya. Ipinaunawa niya na ang pagpapalakas ng mga mangangalakal ay magbibigay ng bagong dimensyong panlipunan upang mapabilis ang transaksyon sa pagitan ng mga mamimili at nagtitinda. Maaring umukit sa kanyang balintataw na sa ilalim ng sistemang kapitalismo ay may pagkakataon ang bawat mamamayan na umunlad at paangatin ang kanilang estado sa lipunan. Hindi lingid na ang bansang Inglatera ay namumuhay noon sa ilalim ng pyudalismo. Hinahadlangan ng sistemang ito na ang bawat indibidwal ay mahalagang organismo ng lipunan. Ang kapangyarihan at kaginhawaan ng pamumuhay ay namamana, ayon sa pinagmulan na angkan. Kung kaya ang kanyang matinding apela ay sa damdamin ng mga mangangalakal: 

Man has almost constant occasion for the help of his brethren, and it is in vain for him to expect it from their benevolence only. He will be more likely to prevail if he can interest their self-love in his favour, and show them that it is for their own advantage to do for him what he requires of them. Whoever offers to another a bargain of any kind, proposes to do this. Give me what I want, and you shall have this which you want, is the meaning of every such offer; and it is the manner that we obtain from one another the far greater part of those good offices which we stand in need of. It is not from the benevolence of the butcher, the brewer, or the baker that we expect our dinner, but from their regard to their own interest. We address ourselves, not to their humanity but to their self-love.


Ang kanyang panawagan ay isinantabi ng mga higanteng kompanya. Ano ba naman ang silbi ng negosyo kung hindi kikita ang isang negosyante? Madalas kong marinig sa karamihang Pilipino na kung may pera lang sila ay mag-nenegosyo sila upang yumaman at umahon sa hirap. Ngunit, ang bansang Pilipinas na napailalim sa matagal na pananakop ng mga dayuhan ay hindi nasanay sa ganitong kaisipan. Kadalasan ay nagiging palaasa ang ating bansa sa mga mayayamang bansa na may malaking impluwensiya sa ating ekonomiya. Kung baga, humihingi tayo nang habag sa dayuhan upang pagtakpan ang kahinaan ng ating pamahalaan. Bunga nito ay nagkakaroon ng pagmamalabis sa konsepto ng walang pakikialam sa hanay ng mga higanteng oil players.

Alam nila na ang pagkontrol sa kanilang kagustuhan ay magdudulot ng mababang kita sa kanilang hanay. Panatag sila na kaya nilang paglaruan ang merkado dahil ang langis ay isang malakas na puwersa sa pagpapataas ng presyo ng mga bilihin. Ang pagbinbin sa suplay nito ay magdudulot ng mababang produksyon at mahinang kita sa sektor ng industriya. Kapag nagpatuloy ang ganitong suliranin, magdudulot ito ng mahinang koleksyon ng buwis. Alam nanam natin na ang buwis ay isang instrumento upang magbigay ng serbisyo sa mga mamamayan. Kapag mahina ang koleksyon ng buwis ay hindi maipapatupad ng pamahalaan ang mga proyekto nito. Ito ay magdudulot ng kawalang tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan. Bungsod nito,  maaring maganap ang ligalig sa lipunan (social unrest). Mapapansin na binabalewala ng mga kompanyang ang hustisyang panlipunan (social justice), alam naman nila na naharap sa sunod-sunod na dagok ang ating bansa dulot ng kalamidad. Pero, bakit tila ayaw nilang magpasakop kahit na sa maikling panahon lamang? Hindi ba't ito ay taliwas sa aral ni Smith. Hindi ba puwedeng tignan nila muna ang kapakanan ng mga nasalanta ng kalamidad, bago ang kita. Ang kasalukuyang presyo ng langis ay hindi magpapalubog sa kanilng negosyo. Nais lamang nilang samantalahin ang BER month na kung saan ay mas malakas ang pagkonsumo ng langis. Sa bagay hindi naman maiintindihan ng mga dayuhan ang kulturang Pilipino, kahit pa sabihin na ang mga managers nito ay dugong pinoy. Para sa kanila ang negosyo ay negosyo kahit na maraming naghihingalo.  


Ano ang kaugnayan ng Price Control sa pagkalusaw ng suplay ng langis sa bansa?

Kagabi lang ay nagpakarga ako ng langis. Bago pa makalapit ang dyip sa outlet ay sinigaw na ng isang gasoline boy na ubos na ang kanilang diesel na pangunahing ginagamit sa hanay ng transportasyon sa bansa. Ang sigaw ng drayber ay nag-ho-hoard na naman kayo. Ang binitiwang salita ng isang drayber ay ang tunay na kulay na sistemang Oligopolyo na umiiral sa bansa. Tila ba nagmamalaki ang mga may-ari ng langis na kayang-kaya nilang paralisahin ang indunstriya ng bansa kung hindi pagbibigyan ang kanilang kahilingan. Magmula kasi ng hatawin ang ating bansa ng sunod-sunod na bagyo, at naapektuhan nito ang kabuhayan ng maraming Pilipino sa Luzon, kayat pinag-utos ng pangulo ang mahigpit na monitoring ng mga presyo ng bilihin sa pamamagitan ng Price Control. Kapag ang isang bansa ay nasa ilalim ng state of calamity ay may kapangyarihan ang pangulo ng bansa na ipagbawal ang agarang paggalaw ng presyo sa merkado. Ang kakulangan kasi sa mga pangunahing pangangailangan ay magandang pagkakataon upang samantalahin ng prodyuser na pataasin ang presyo. Ang ganitong konsepto ay nakabatay sa batas ng suplay ar demand. Sa ganito kasing pagkakataon ay napakataas ng demand ng mga mamamayan sa pangunahing produkto. Ang kondisyong ito ay magbibigay ng magandang bentahe sa mga negosyante na kumita ng mas malaki.

Ayon sa Price Act (Republic Act 7581). Price manipulation is declared illegal under this law. There are three acts considered as price manipulation, punishable by imprisonment:

(1) Hoarding, which is the undue accumulation by a person or combination of persons of any basic commodity beyond his or their normal inventory levels or the unreasonable limitation or refusal to dispose of, sell or distribute the stocks of any basic necessity of prime commodity to the general public or the unjustified taking out of any basic necessity or prime commodity from the channels of reproduction, trade, commerce and industry.

(2) Profiteering, which is the sale or offering for sale of any basic necessity or prime commodity at a price grossly in excess of its true worth.

(3) Cartel, which is any combination of or agreement between two or more persons engaged in the production, manufacture, processing, storage, supply, distribution, marketing, sale or disposition of any basic necessity or prime commodity designed to artificially and unreasonably increase or manipulate its price.


Ano ang kaugnayan ng langis sa presyo ng mga bilihin?

Hindi maikakaila na malaki ang kaugnayan ng presyo ng langis sa pamumuhay ng mga Filipino. Ang patuloy na pagtaas ng pamasahe ay nagdudulot ng mabigat na pasanin sa kita ng mga mamamayan. Ang minimum wage ng mga manggagawa ay labis na naapektuhan, dahilan upang sila'y manawagan ng pagtaas ng sahod. Noong nakalipas na buwan ay tumaas singil sa pamasahe ng P0.50 mula sa huling P2 pagtaas nito, dalawang taon na ang nakalipas. Ang kondisyong ito ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, asukal, mantika, tinapay at iba pa. Noong kasagsagan ng rice crisis sa mundo ay pumalo ang presyo ng bigas ng P40-P50 bawat kilo. Nasaksihan natin kung paano naghirap ang ilang mamayang Pilipino na pumila sa NFA rice upang ang kanilang salapi ay makaagapay sa mga pang-araw-araw na gastusin. Napuwersa ang pamahalaan ng mag-angkat tone-toneladang bigas upang ang suplay ng bigas ay maging sapat sa bawat araw na pagkonsumo. Bumalik lamang ang abot-kayang presyo ng bigas nang maging sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Nahihirapan ang mga nanay sa pag-budget ng kita ng kanilang asawa. Bukod sa patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay higit na tumataas ang cost of living sa kalakhang maynila. Hindi sapat ang P385 pesos na minimum wage kada araw, sa kasalukuyan ang bawat pamilya ay kailangang gumastos ng  P600. upang makakain ng masusustansyang pagkain at mabuhay na matiwasay sa bawat araw. Samantalang ang daily cost of living sa buong bansa ay nagkakahalaga ng  P517.60.  Ipinapakita lang ng datos na ito na karamihan sa mga Pilipino ay nabubuhay sa poverty line.  At nagpapatunay lamang na ang kahirapan parin ang pangunahing mabigat na suliranin ng bansa. Kahit na sabihin na gumaganda ang takbo ng GNP at GDP bilang economic indicators. Hanggat hindi nararamdaman ng karamihang Pilipino ang tamang pasahod at seguridad sa kabuhayan ay hindi masasabing may nagaganap na pag-unlad sa bansa.

Tuesday, November 10, 2009

GINTONG DAHON NG PANAHON




"Nanay naman, eh, di ba sabi ko sa 'yo h'wag kang iihi sa higaan mo. Napakahirap atang maglaba ng kumot at kutson. Nakakapagod kayang maglaba maghapon para lamang mapatuyo yung mga ito. Pasaway talaga kayo."

Panay ang reklamo ni Aling Elvie sa kanyang walongpung taong gulang na ina na si Lola Rosing. Bago mamatay ang kanyang ama ay hinabilin sa kanya nito na h'wag pababayaan ang ina. Alam kasi nya na hindi ito iintindihin ng kanyang mga kapatid. Abala ang mga ito sa kanilang trabaho sa Amerika, kaya napilitan silang pabalikin ang ina sa Pilipinas para mas maalagaan. Nakukulitan na ang kanyang mga anak sa ugali ng ina. Naabala ang trabaho nila, dahilan upang mamiligro ang kanilang posisyon sa oipisina. Hindi nila maintindihan ang inaasal nito. Laging nagpapapansin at humihingi ng atensyon. Dahil sa kanyang kakulitan ay naisipan nila na dalhin sya sa tirahan ng mga matatanda upang higit na maalagaan. Nang tumagal ang isang linggo na hindi nya nakikita ang mga ito ay bigla itong nagwala at nagpumilit na lumabas para hanapin sila. Muntik na syang masagasaan ng sasakyan. Buti na lang ay nahatak sya ng isang pinoy na naglalakad sa tabi ng kalsada.

Ibang-iba siya sa mga matatanda sa Tate. Madaling matanggap ng mga tao sa bansang ito na kapag mahina na ang kanilang katawan ay kailangan na silang ihiwalay sa mga pamilyadong anak upang hindi sila maging sagabal sa kaunlaran ng bansa at batang populasyon. Nakasanayan na kasi ng mga kanluraning bansa na ilagak ang mga matatanda sa isang institusyon na kumakalinga sa mga matatanda-- kapalit ng salapi. Mahalaga ang modernisasyon para sa bagong henerasyon. Kailangang kang makasabay sa bilis ng pagbabago, kailangang maging handa sa pagsulpot ng bagong teknolohiya, at higit sa lahat ay kailangan mong paunlarin ang iyong kasanayan sa bawat aspeto ng pagbabago.

Noong kalakasan pa ni Lola Rosing ay ginawaran sya ng plake ng pagkilala bilang natatanging ina ng isang institusyon na kumikilala sa husay at galing ng mga ina. Umani ito ng papuri mula sa iba't ibang sektor ng lipunan, ang sipag at tiyaga ni Lola Rosing na itaguyod ang sampung anak ay labis na hinangaan. Humanga sa kanya ang publiko dahil nabigyan nito nang magandang buhay at kinabukasan ang lahat ng kanyang mga anak na sya lamang ang nagtaguyod sa kanilang pag-aaral. Hindi magkamayaw ang dagundong nang mga palakpak matapos nyang ibahagi ang kanyang buhay sa mga tagapakinig. Karamihan ng mga inang nakapakinig ng kanyang mensahe ay nagkaroon ng lakas ng loob na tularan ang kanyang magandang halimbawa. Para sa mga kababaihan sya isang patron ng ulirang ina.

@@@@

Dalawangpung taon na ang lumipas ng una nyang mahawakan ang plake nang pagkilala sa kanyang pagiging isa sa kinikilalang pinaka-mahusay na ina sa bansa. Bawat gabi ay pinipunsan nya ang plake, niyayakap at kinakausap kung tunay ba ito o isa lamang dekorasyon sa kanyang pagkatao. Madalas syang umiiyak sa tuwing pagmamasdan ang mga larawan na kanyang inipon sa photo album. Lagi nya itong bitbit at madalas na binubuklat. Madalas bumabalik sa kanyang mga ala-ala ang masasayang sandali ng sila ay sama-samang nagpapatakbo ng negosyo. Napapangiti sya sa tuwing lumalakas ang hihip ng hangin. Napapapikit sya at dinadama ang mga sandali na kapit-kamay silang namamasyal sa tabi ng dagat at magkaulayaw na namumulot ng sigay upang gawing pitaka at ibenta sa bayan.

Kinukurot ang kanyang puso kapag nararamdaman nya ang matinding sikat ng araw na humahalik sa kanyang balat. Naiisip kasi nya ang magugulong sandali na hilong talilong sya sa paghahagilap ng pera para makabili ng gamot sa tuwing inaapoy ng lagnat ang kanyang mga anak. Nahihirapan syang huminga sa tuwing papatak ang ulan; na-iisip nya ang mga sandaling pinagsasaluhan nila ang tuyo at tutong na kanin sa kasagsagan ng bagyo. Tinangay pa nga ang bubong ng kanilang bahay na dinaganan lang ng mga pinaglumaan na gulong ng sasakyan at kapirasong pako na hiningi pa sa kapit-bahay. Kumikirot ang kanyang mga kalamnan sa tuwing magugunita nya ang masaya nilang salo-salo sa araw ng pasko.


Malimit syang hindi dalawin ng antok. Malimit syang nagsusulat at kumakanta ng mga lumang awitin na nilikha nya para sa kanyang mga anak. Pinipilit nyang pumainlanlang ang mga himig ng musika sa hangin at aliwin ang gabi nang mga naglahong halakhakan, iyakan at pangako na tila ginuhit sa tubig. Malimit syang nagsisisi kung bakit pinili nya pang mag-aral at manirahan ang kanyang mga anak sa lupaing kanyang tiningala at sinamba na magbibigay sa kanila ng magandang buhay at matatag na kinabukasan. Nagsisisi sya kung bakit hinayaan nyang lamunin ang mga ito ng mga asal at kultura na taliwas sa kanyang nakamulatan at nakasanayan. Nagsisisi sya dahil nakalimutan na nila kung saan sila nagmula.

Kinalimutan na nila ang kanilang sariling wika, inayawan na ang mga pagkaing dati rati'y pinag-aagawan nila sa hapag kainan, at ayaw na nilang lumingon kung saan sila nagmula. Labis ang kanyang pagsisisi at tinalikuran nya ang kanyang sariling bayan, alang-alang sa pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. Iniiyak nya na lamang sa tahimik na sulok ang mga mapapait nakaraan na parang mga tinik na sumusugat sa kanyang puso.

@@@@

Natatakot sya na sumapit ang dilim at maglaho sa kanyang paningin ang silahis ng araw. Ayaw nyang agawin ng dilim ang liwanag. Itinuturing nyang kaaway ang dilim sa loob ng tahanan. Kapag ito'y sasapit ay nabibingi sya sa mga mga mahihiwagang tinig na bumabalot sa buong paligid at pumapalupot sa kanyang puso. Tinig na nagsusumamo sa nakakabatang henerasyon na mahalaga parin sya sa lipunan. Nangangailangan sya ng pagmamahal at pag-aaruga mula sa mga taong inalayan nya ng pagmamahal at binuhusan ng lakas. Nabibingi sya sa bawat panaghoy ng mga matatandang kanyang kaulayaw sa loob ng tahanan.

Tulad nya ay madalas nilang tawagin ang pangalan ng kanilang mga anak. Tulad nya ay binubuklat nito ang mga larawang nagsisilbing saksi sa pagmamahal sa mga anak. Kinakausap nya ito na parang mumunting mga bata na patuloy na naglalaro sa kanyang puso. Ang mga larawang iyon ay nagbibigay ng kulay sa kanyang buhay na patuloy na labanan ang mga pighati na dulot ng katandaan. Madalas ay nakakalimutan na nya kung saan nya inilapag ang mga bagay na gagamitin nya, pero hinding-hindi nya nakakalimutan ang mga maliligayang panahon na nag-umpisang umiyak ang kanyang mga anak, idinuyan sa kanyang braso, inalayan ng sariwang gatas, ang mga hikbi nito na nagsilbing musika sa kanyang pandinig, ang araw na narinig nya itong magsalita nang pabulol, unang araw na narinig niya sa kanilang mga tinig ang salitang "nanay", taon nang sila ay unang naglakad, mga araw na tinuturuan nya itong magsulat at buong giliw na hinahatid sundo sa paaralan.

Habang lumalalim ang gabi ay lalong lumalalim ang pitak sa puso ng mga matatandang inihiwalay sa tunay nilang tahanan. Ang bawat tikatik ng orasan ay tikatik ng kanilang isipan at pagsambulat ng damdamin sa gitna ng dilim. Ang dilim ang nagsisilbi nilang kaaway sa pag-ikot ng daigdig sa bawat araw. Ito ang humuhukay sa nakahimlay na kasaysayan. At nagsisilbing libingan ng kanilang panaghoy.

Namulat sya na hindi nagsisinungaling ang pag-ibig. Ang panaghoy ay hindi namimili ng lipi, kultura at kasarian. Pilit lamang tinatago ng bagong henerasyon at tunay na kahulugan ng pagmamahal. Nasisilaw ang bagong henerasyon sa hitik na hitik na teknolohiya. Iniisip na lang ni Lola Rosing na katawan nya lang ang tumatanda, hindi ang puso nya. Nagbabago ang daluyong ng panahon, pero ang pagmamahal nya ay nananiling sariwa para sa kanyang mga anak. Ang katawan nya ay kakainin ng lupa, ngunit ang kanyang pagmamahal ay maiiwan sa puso't isipan ng kanyang mga anak na tila nakalimot sa halaga ng gintong dahon ng panahon.

Friday, November 6, 2009

KATORSE






"Pramis...ipako mo man ang puso ko...ipaipit mo man sa mga alimango at ipasagasa sa barko. Ikaw, ikaw lang ang mamahalinl ko...maging sino ka man, maging lobo ka man, kahit katorse ka pa lang, tandaan mo lahat ng ito ay nagsimula sa puso. Dito...dito sa puso ko ay naka-photo shop ang larawan mo. Para itong blog na inaalayan ng hininga ng aking utak, facebook na lagi kang naka-broadcast, twitter na laging kang pinag-uusapan, farmville na laging tinataniman at higit sa lahat....higit sa lahat...lagi 'tong naka-online para lagi kitang makapiling sa oras nang aking paghimbing." Ang mala-alamat na panliligaw ni Bonoynoy kay Analyn na kanyang nililigawan.



Katorse pa lang si Analyn, tipikal na Filipina ang angking ganda nito, kulot ang buhok, mahaba ang bangs, singkit ang mata, makapal ang labi, matangos ang ilong, manipis ang kilay, sobra ng tatlong pulgada ang katawan nito para tawaging seksi, matambok ang pwet at bilugan ang mga binti. Anak ito ni aling Nena na kilalang magbabalot sa kanilang lugar. Nakapwesto ang tindang balot ni Analyn sa kanto ng Bayanan, malapit sa palengke ng Markville. Nakalapag ang mga tindang itlog nito sa isang di-tiklop na lamesita na iniilawan nang isang katamtamang laki na puting kandila. Sa lugar na ito ay nagbunga ang mga pambobola ni Boknonoy para mapa-ibig ang dalaga. Parati niya itong dinadalhan ng choco-choco at stick O para panatilihing sweet ang kanyang pagmamahal sa babaeng tinitibok ng kanyang bituka. Hindi nagtagal ay napa-ibig niya ang dalaga at tuluyang nahulog ang loob nito sa kanya. Lalong naging masigasig siya sa pagdalaw sa kuta ng kanilang pagmamahalan at panay tikim sa balot at penoy na tinda ng kanyang kasintahan.

TATLONG LINGGO nang hindi siya sinipot ni Boknoynoy. Nagdulot ito ng labis na pag-aalala sa dalaga, malimit siyang balisa kapag sumapit  na ang alas-nueve ng gabi, hindi siya mapakali, nalilito, nagugulumihanan, at para siyang mababaliw sa matinding pananabik na makita ang nobyo.

LUMIPAS ANG ISANG BUWAN. Hindi pa rin nagpakita ang nobyo...ni isang text, wala; ni isang tawag, wala. Iyak na lang siya nang iyak. Umiiyak sa pag-iisa, umiiyak umiiyak kay Boknoynoy, umiiyak sa ilang kaibigang nagtatanong at nahahabag. Tanging ang mga balot, penoy at chicharon ang kanyang naging kalakasan upang pahupain ang kirot ng kanyang puso. Naging madalas ang kanyang pag-iyak. Tuwing may bumibili ng kanyang tindang balot at penoy ay hindi niya mapigilan ang pagpatak nang kanyang luha na unti-unting dumudulas sa kanyang pisngi...pababa sa kanyang baba...babagsak sa lamesita at sisipsipin ito ng kahoy.

NATUWA ito nang dinalaw siya ni Boknoynoy. Bumilis ang tibok ng kanyang puso, mabilis ang naging daloy ng kanyang dugo sa kanyang mga ugat at nag-init ang temperatura ng kanyang katawan. Sa oras na iyon ay para siyang nasa alapaap sa labis na pangungulila sa kanyang minamahal.

"Boknoynoy, kamusta ka na? Bakit matagal kang hindi nagpakita?" pag-uusisa nito sa kasintahan.

"Pasensiya na...na-ospital kasi ako dahil sa kakain ko ng balot. Hindi natunaw yung mga balat na dumikit sa aking bituka. 'Yan tuloy nagasgas ito at nagdugo. Buti na lang yung sisiw ay natunaw. Akala ko nga mamatay na ako...pero buti na lang ay nadugtungan pa ang buhay ko para masabi ko sa'yo na...," ang detalyadong paliwanag nito.

"Ano yun..ha?!" ang pagtatakang tanong ni Analyn.

"Sa ora na ito ay pinuputol ko na ang ating ugnayan. Kahit kailan ay hindi na ako kakain ng tinda mong penoy at balot. At higit sa lahat hindi na kita madadalhan ng choco-choco at stick O," ang mariin na pahayag ni Boknoynoy.

Bago pa matapos nito ang kanyang sasabihin ay humagulgol na sa pag-iyak ang dating kasintahan. Matapos masabi ni Boknoynoy ang lahat-lahat ay mabilis nitong nilisan ang lugar. Araw-araw ay nakikita niya ang pagtangis ni Analyn sa harap ng Markville. Napansin nito na dalawa na ang nakatirik na kandila sa ibabaw ng lamesita. Isang matabang kandila at payat na kandila at nagpapaningning sa lugar. Hindi siya nakatiis, bumaba siya ng sasakyan, at pinuntahan si Analyn.

"EHEM...hanggang ngayon ba hindi mo pa rin ako makalimutan? Hindi mo ba matanggap na hindi na kita mahal? Hay, ano ka ba naman Analyn....mahirap bang tanggapin na hindi na kita mahal." Nakapamewang  nitong pagyayabang sa kanya.

"HOY...ang kapal naman ng mukha mo! Para sabihin ko sa'yo, kaya ako umiiyak ay dahil hanggang ngayon ay hindi mo pa rin binabayaran ang mga inutang mong penoy at balot. Natatakot ako na gulpihin ng nanay ko, kaya panay ang pag-iyak ko. O...eto yung listahan! 'Whag kang mag-alala pinabarangay na kita...penoy at balot lang pala ang habol mo. Anong tingin mo sa akin PATO! Ang dapat sa'yo nilulublob sa ITIKAN."

Ang nagliliyab na mga salitang binitiwan ni Analyn. Hindi na nakapalag si Boknoynoy nang damputin siya ng mga barangay tanod. At pilit na pinagbabayad sa kanyang utang.

Wednesday, November 4, 2009

ASTRAL PROJECTION SA LOTTO


Pumunta sa Quiapo si Boknoy at bumili ng pirated disc na DVD tungkol sa astral projection. Pagdating sa bahay ay agad niya itong isinalang at pinanood. Ayon sa guru master, sa pamamagitan daw ng kanyang leksyon ay matutunan ng isang tao na ihiwalay ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan. Dapat daw tandaan ng sinumang magpapakadalubhasa sa hiwaga nito, ay kailangang mag-konsentreyt ng mabuti, 'whag gagalaw, 'whag ididilat ang mga mata, panatilihing kalmado ang isip, at payapa ang pakiramdam.

Sunod-sunod ang binigay nitong intsruksyon. Tumimo sa isipan ni Boknoy ang mga katuruang ito: maging dalubhasa sa pagkontrol ng isipan; imadyinin na ang iyong kaluluwa ay marahang tumatakas sa iyong katawan; tulad na kristal na tubig na walang kulay; palutangin ang diwa upang lumutang papaitaas...na tumatagos ang katawan sa kisame at bubungan.

Pumowesto siya ng upo sa isang malapad na kahoy. Sinubukang papayapain ang isipan at pinakalma ang damdamin. Matindi ang ginawa niyang konsentrasyon. Pansamantala niyang naramdaman ang paglutang ng kanyang katawan...

Isang malakas na pagkalabog ang gumising sa mahimbing na pagkakatulog ni Boknoynoy at Bokneneng.

"Aray ko! Nabali ata ang balakang ko!"

Hinatak pala ni Boknay ang upuan kaya siya nahulog.

"Abay Boknoy, magpatulog ka naman, hindi mo ba napansin na tulog na ang lahat at ikaw na lang ang gising. Nakakabulahaw yang pinapanood mong kabalbalan. Matulog ka na nga!" Nangigigil na sermon ng kanyang asawa.

Pinatay nito ang T.V. at pumasok sa kanilang kuwarto.

KINABUKASAN ay umalis ng bahay ang mag-iina. Pagkakataon niya na masolo ang bahay at maisakatuparan ang naudlot na astral projection. Sinarado niya muna ang pinto, bintana at pinatay ang ilaw. Umupo siya sa ibabaw ng kutson. Ni-relaks ang kanyang katawan, pinayapa ang isip at pinakalma ang damdamin. Sinunod niya ang sinabi ng guru master sa astral projection.

Matagal siya sa gayong posisyon. Lumipas ang ilang oras ay naramdaman niya na dahan-dahang humihiwalay ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan...unti-unti siyang tumataas...lumulutang sa hangin...hanggang sa tumagos ang kanyang katawan sa bubungan. Napansin niya na himbing na himbing sa pagtulog ang kanyang katawang lupa.

Nilakbay niya ang siyudad nang palutang-lutang sa hangin. Pinuntahan niya ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa LOTTO. Nakita niya na pinagplaplanuhan nang apat na kawani nito ang gagawing pandaraya sa susunod na bola. Napansin niya ang ilang numerong nakasulat sa papel.

"Pare, bukas na bukas ay tayaan mo ito. Tiyak na magiging milyonaryo tayong lahat." Utos ng isang matabang lalake.

"Ngayon pa lang ay magdiwang na tayo...yahoooooo...!"

6-10-12-14-21-34 ang mga kombenasyon na numero na tatama sa susunod na bola. Walang sinayang na sandali si Boknoy. Agad siyang bumalik ng bahay at nakita niya ang kanyang katawan na mahimbing pa rin sa pagkakatulog. Ipinosisyon niya ang kanyang kaluluwa katulad ng ayos ng kanyang katawang lupa sa pagkakahiga.

Maya-maya ay nagising ang kanyang katawang lupa. Hingal na hingal siya nang magising. Tinungo niya ang kusina at umiinom nang isang basong tubig. Matapos uminom ay lumabas siya ng bahay at tumaya sa LOTTO.

Hehehe...siguradong yayaman na ako. Malilibot ko rin ang buong mundo at higit sa lahat ay mabibili ko na ang mga gusto ko.

Kinagabihan ay pinanood niya ang bola ng LOTTO. 6-10-12-14-21-34 ang lumabas na mga numero. Nagtatalon si Boknoy sa tuwa. Sa sobrang kagalakan ay ibinalita niya ito kay Boknay at sa kanyang mga anak.

"Matulog na tayo...bukas na bukas ay mayaman na tayo." Ang buo niyang kagalakan.

"Awhooo....awhooooooo......" Nabulahaw siya sa sunod-sunod na pag-alulong ng aso.Bumukas ang kanyang third eye. Napansin niya na may apat na kaluluwang palapit sa kanyang harapan. May bitbit itong sangkatutak na pera. Iniabot nila ito sa kanya at lumutang ang milyong-milyong mga salapi sa loob ng kanyang bahay Pilit niya itong kinukuha. Panay ang dakot niya sa hangin, ngunit kahit isang piraso ay hindi niya madampot.

"Mahahawakan mo lamang 'yan kung mag-astral projection ka. Ikaw kasi ang tumama sa bola ng LOTTO nang mga kaluluwang pagala-gala," paala-ala ng isang kaluluwa.

"Nay, tignan mo si tatay maghapon na 'yang may dinadampot sa hangin. Mukhang napasukan ata ng hangin ang utak at nababaliw na." Pagsusuri ni Boknoynoy.

"Sabi ko na sa'yo nay, hindi totoo yung sinasabi ni tatay kagabi." Segunda ni Bokneneng.

"Dalhin na kaya natin ang tatay mo sa Mental Hospital," utos ni Boknay.

Monday, November 2, 2009

Buhay ba talaga ang Diyos?




Ang liwanag ay repleksyon lamang ng enerhiya ng init. Ang kawalan ng liwanag ay pamamayani ng dilim na kung saan ang lamig ay bumabalot sa kapaligiran at namamayani sa kalikasan. Kung kaya't ang pamamayani ng kasamaan ay kawalan ng pananalig sa Diyos. Nilikha nya ang lahat ng bagay sa mundo. Kasama na rito ang mga nagrebeldeng mga anghel sa pamumuno ni Satanas o kilala bilang demonyo o kalaban ng kabutihan. Nilikha nya ang mga ito ayon sa kanilang katangian. Ngunit, hindi nya tinangal ang free will nito o kalayaan ng diwa. Hinayaan silang magdesisiyon sa pagpili ng masama o mabuti. Kaya nga di tayo nilikha na isang Robot o sunod-sunuran na nilalang. Pinagkalooban tayo ng puso upang madama ang mabuti at di mabuti para sa ikagiginhawa ng ating emosyon.

At isipan naman ay sumusuri sa ating pagpapasya sa pagtanaw ng tama o mali. Ipinoproseso ng ating isipan ang mga bagay na makakabuti para sa atin at isinasantabi nito ang mga pangyayaring di makakatulong sa ating pagkatao. Ang pagsulpot ng kasamaan sa sahig ng mundo ay bunga ng pagsuway sa pamantayang moral. Hindi ginigiit ng maykapal na sundin natin ito; binigyan nya tayo nang buong kalayaan na pumili kung alin sa moral at di moral na pamantayan ang ating isasabuhay. Binigay nya ito bilang kapahayagan nang kanyang kabanalan. Kabanalan na tinataglay natin, at nasa atin parin ang pagpapasya kung ito ay ating paiiralin bilang kanyang kawangis. Ika nga gaano man kasama ang isang tao ay may ipinapakita parin itong kabutihan. Hindi ba't nagpakita ng kabutihan si Adolf Hitler sa mga Alemanya, kahit na pinapatay nya ang mahigit anim na milyong Hudyo. Nakakaramdam parin ng awa ang tinaguriang pinakamasamang tao sa mundo na may pinaka-maitim na budhi. Sa kapangyarihan ng awa, kaya tayo binibigyan ng pagkakataon na magbago at makasama ng dakilang lumikha sa kabilang buhay.

Ito ang bagay na hindi maarok ng siyensya. Nakatuon lang kasi ang kanilang pananaw sa apat na dimensyon ng mundo, at hindi sa multi-dimensyonal na inilaan ng maykapal para sa ating lahat. Namamayani sa siyensya ang teorya ng relatibo, na kung saan ang opinyon mo ay tama para sa'yo at ang opinyon ko ay tama para sa akin. Maging sa sistemang politikal ng ating bansa sa ilalim ng demokrasya ay ginagamit na pamantayan ang kaisipang ito. Kapag 3/4 ng mambabatas ang sumang-ayon para maisabatas ang isang panukalang batas, upang maging pamantayan ng lipunan o norm. Ang tawag dito ay ang paghahari ng Mayorya at pakikiramdam ng Minorya. Subalit ang na-aprubahang batas ay kikilalanin bilang isang Relatibong Mayorya. Mababago lamang ang nilalaman ng isang batas kapag nagbago na ang bumubuo ng Mayorya, at ang Minorya ay sya ng Mayorya. Ang siste kasi ng politika ng bansa ay nakabatay sa tunggalian ng Mayorya at Minorya. Kaya't mapapansin na ang mali ay nagiging tama at ang tama ay nagiging mali depende sa namamayaning politikal party.

Ang kawalan ng tinig ng mga dukha sa lipunan ay kawalan ng liwanag sa tunay na kalagayan ng ating bansa. Pilit na sinasagkaan ang liwanag na magpapamulat at realisasyon ng balanseng pagtingin sa katayuan ng mahirap at mayaman. Kapag ang munting liwanag ay nawalan ng kutitap, namamayani ang tala ng ganid at pananamantala . Ang talang ito ay sasabog sa buong kapuluan, magkakalat ng bubog nang pasakit at dusa. Lalambungan nitong nang kirot ng pamumuhay at titibuin ang puso at isipan ng mga mapagkunwaring pag-aalala. Papalakpak ang puso ng mga higanteng tala sa pagtamo ng kanilang kasaganaan. Habang patuloy ang hikbi ng mga walang muwang na mamamayan na nakulong sa dilim bunga nang di pantay na pamumuhay.

ITUTULOY...