Tuwing ako'y namamasyal sa malawak mong kaharian,
gilas mo'y katangi-tangi sa mga musmos sa lansangan.
Katad mo'y pinaitim ng sinag mula sa silangan;
paa mo'y pinakapal nang mahabang lakaran.
Katawan mo'y hinulma ng parisukat na sasakyan
na kinakampay ng tatlong bilog na sagwan.
Kasiyahan mo'y nagmula sa mga pinagsawaan ng tanan,
Hagad-hagad ang mga kaisipang hinango sa putikan.
Malayang sinalansan sa tigang na isipan
na pinakikiwal nang masansang na amoy sa kanluran,
pinasisingaw nang anag-ag ng buwan: nang imyunisahin---
perlas na silanganan--- mula sa inaalig na kaalaman.
Sa gabay ng talang maliwanag at daluyong ng dalampasigan,
Ikinubli ang kalagayan sa hambalos ng along tampalasan
Na nililimliman ng huwad na tala sa karimlan
Mula sa malawak at mahabang tanaw na karagatan.
Umahong maalwan, malinis ang isipan,
buong galak na iwinaksi sa hamon ng kapaligiran
Nang ang pagkatao'y di madungisan
ng mga aral na nilimbag ng mga nilalangaw sa lipunan.
Monday, August 31, 2009
Aklat ni Bokbok
Posted by Nathan at 3:30 PM 0 comments
Saturday, August 29, 2009
ABANDONADA
tumatakas ang dilim;
bumalikwas sa kama
inihatid nang tanaw.
Sumakay sa sasakyan,
binuhay ang makina,
binaba ang salamin,
kumaway at lumisan.
Naghintay sa bintana,
nakaidlip sa dulang;
nagising sa kaligkig
sinara ang pultada.
Posted by Nathan at 5:22 PM 0 comments
Jungle Jive
Nag-uumpugan ang mga sinsilyo sa hagod ng masin,
Sa loob ng Jungle Jive.
Sa bawat urong, bawat sulong ng duyan ng masin
Ay inaasam ang tagupak ng piso.
Sa bunganga nang mahiwagang balong bakal
Na pinakikinang ng ilaw mula sa neon lights.
Sa bawat lagapak ng sinsilyo sa makintab na metal
Ay hudyat nang paggalaw ng palihis na aparato.
Aatras ang aparato, kikiwal-kiwal ang piso,
Sasapaw sa mga nakasalansang sinsilyo.
Aabante ang aparato, mahuhulog ang piso,
Papasok sa butas, mandidila ang parisukat na butas.
Babatakin ang dugtong-dugtong na gantimpala,
Ipagpapalit ng premyong laruan sa X-Site.
Posted by Nathan at 5:15 PM 0 comments
Wednesday, August 26, 2009
LAGNAT
Umuwi akong may baon na ngiti,
Inaantay ang mariing yakap at halik.
Nilibot ang bahay upang ika'y masilayan
Sa loob ng kuwarto ika'y aking nasumpungan.
Nakabalot ng puting kumot at nangangatal
Sinisigaw sa hangin ang aking pangalan.
Nilapat ko yaring kamay sa'yong katawan,
Puso ko'y napapaso sa alab mong taglay.
Hagabhab ang init sa'yong mga mata,
Isip ko'y nagkakandirit sa pag-aalala
Pumitas ng pildoras sa kahon ng pag-asa,
Umaasa sa taglay nitong hiwaga.
Sa lilim ng buwan ay may nagmamalasakit,
Sa tuktok ng sampayan ay aking sinungkit.
Binasa't ginahasa nang may pagkukunyapit,
Binanyusan ang katawang nag-uukyabit,
Piniga't tiniklop ng ikatlong ulit,
Nilapa't inalay nang naghihinakit.
Marahang humupa ang alab mong taglay
Habang puso ko'y nag-aalab nang walang atubali.
Tulog manok sa buong gabing pagtatanod,
Tuwing apat na oras mata ko'y tumitilaok.
Pasiklot-siklot sa tabi mo aking irog,
Hudyat ng simula nang panibagong ritwal.
Posted by Nathan at 7:27 PM 0 comments
YEMA (by: Allanjohn Andres: Filipino Writers.Com)
Kasingnipis ng balat ng yema
ang kaluluwa ng mga bata.
Pagala-gala sila
ngayong labasan ng opisina
tinatawid ang mesi-mesitang tumpok
ng mga taong nagpaparaos
ng oras at bagot.
Isang liham, maingat na nakasobre
ang kanilang pasaporte
papasok sa daungan
ng aking katiwasayan.
Ang kanilang alok:
isang maliit na supot,
kuyum-kuyom ang talulot
ng pinaghalong asukal na pula
at malapot na kondensada.
Kasinggaspang ng asukal
ang garalgal
sa kanilang lalamunan. Kasinlagkit
ng kondensada
ang kanilang pangungunyapit
sa laylayan ng konsensya
ganitong kailangan nila
ng pambaon
kinabukasan sa eskuwela.
Hinahawi ng mga bata
ang tagus-tagusang kurtina,
de-kolor na tabing
sa pagitan ng aking mata
at sa daigdig nilang waring
sangkurot lamang na yema.
Narinig kong inuusisa
ng babae sa katabing mesa
kung lagda ba ng kurot
ang tulduk-tuldok na asul at pula,
kasindilim ng balot ng yema
at di maikubli-kubli
ng brasong namamaga
ng isa sa mga bata.
Narinig kong inuusisa
ng babae sa katabing mesa
kung kaanu-ano nila
iyong isang lola,
kanina pa nakamasid sa sulok,
bakit pareho silang hinampas sa batok?
Kinabukasan sa opisina
binaon ko ang biniling yema.
Pagsubo na pagsubo ng isa, kumbakit
tila kaybilis kumapit ng pait
sa lasa ng umaga.
Posted by Nathan at 7:27 PM 0 comments
Saturday, August 22, 2009
Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy
Bagong Salta
Pumasyal si Boknoy sa kanyang probinsiya upang kamustahin ang kanyang kababata na matagal niya nang hindi nakikita. Medyo malaki na rin ang pinagbago ng lugar dahil nadidiligan na ito ng mangilangilang kalsada at kabahayan. Dinalaw niya ang pinakamatalik niyang kaibigan si Nonoy Alimango.
Tok-tok-tok...
"Tao po!"
Tok-tok-tok
"Tao po!," ang hudyat ng pagbisita ni Boknoy sa kanyang kaibigan
"Yawa, ikaw pala Boknoy, ka gwapo man natin uy ah," usisa agad ng kaibigan.
"Hindi naman," cute lang.
"Ba't naman diri ka nag-pasabi na mamalakat ka dini," suwestyon nito.
"Pacensya na kasi na miss talaga kita eh,"
Nag-power hug silang dalawa dahil sa tagal na di pagkikita.
"Musta man sa Manila? Kaganda uy nang imong balat ah,"
"Hindi naman nalayo lang tayo sa dagat kaya medyo kuminis" pagpapakumbaba ni Boknoy.
Nagpumilit si Nonoy Alimango na sumama ito kay Boknoy papuntang Manila, para naman daw bago siya pumanaw ay masilayan niya ang hiwaga ng Manila na kanyang naririnig sa kanyang transistor radio.
Kababa lang nila ng barko at sumakay sila ng Bus upang tumuloy sa bahay ni Boknoy.
Habang nasabyahe ay panay ang linga ng kaibigan.
"Boknoy, ganda man ng Manila ang tataas ng sampayan, pa'no man sila nakakapagsampay, ka lula man at sobra man ang haba," tinuturo nito ang mga poste ang mahabang linya ng kuryente.
"Wala man ganito sa probinsya, tsk..tsk..ka swerte mo man at dito ka na nakatira at hindi mahirap magsampay," dagdag nito.
kinabukasan ay namasyal sila sa Mall at nanood ng sine.
"Hala Intoy hindi ka man nahiya, hindi mo hinubad ang tsinelas mo bagong linis ang sahig at makintab pa,"
Hawak nito sa magkabilang kamay ang tsinelas habang naglalakad.
"Grabe naman ang lamig dito para kang nasa gitna ng laot, kalaki pa ng T.V. sa unahan, pa'no kaya nila ginawa yan ha?" tanong ng kaibigan.
"Sine ang tawag d'yan kasi pinalaking T.V. lang.
Ang palabas ni Fernando Poe ang kanilang napiling panoorin.Nakipagbarilan si FPJ sa kanyang mga kalaban. Bratattttttttt......,umaalingawngaw ang bawat putok ng baril sa loob ng sinehan.
"Hala! Intoy dumapa ka, dali!"
"Sumigaw ito sa mga katabi, oi, magsidapa man kayo...tatamaan tayo ng bala!!"
Nagtakbuhan papalabas ang mga tao sa loob ng sinehan.
Sunod-sunod ang putok na pinakawalan ni FPJ.
Sumuot sa ilalim ng upuan ang kanyang kaibigan at nanginginig sa takot.
"Lumabas ka diyan," tawag ni Intoy.
"Hindi! kung alam ko lang naman na papatayin mo ako dito, e, di na sana ako sumama sa'yo"
"Totoo pala ang mga balita na naririnig ko, magulo sa Maynila"
"Bukas na bukas din ay uuwi na ako ng probinsiya, mamatay ako dito ng maaga"
Posted by Nathan at 2:19 PM 0 comments
Thursday, August 20, 2009
Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy
Mahiwagang Baging
Sa Dagat umaasa ang mga mamamayan ng Isla Pag-asa sa kanilang ikabubuhay. Dahil madalas ang pagputol sa mga puno ng BAKAWAN sa tabi ng dalampasigan ay naging mailap ang mga isda sa karagatan.
“Mukhang pinagdadamutan ata tayo ng kalikasan,” ang kawalang pag-asa na bigkas ni Benjie Bisugo.
“Oo nga, ilang araw na tayo sa laot pero wala tayong mahuli-huling isda,” dagdag naman ni Simon Alimasag.
“ ‘Wag tayong mawawalan ng pag-asa may awa din ang dagat,” udyok ni Intoy Boknoy sa mga kapuwa mangingisda.
Lumipas ang apat na araw at umuwing luhaan ang mga mangingisda dahil sa matumal na huli ng mga isda.
Alas dos pa lang nang madaling araw ay pumalaot na si Boknoy upang magbasakali na makakahuli ng maraming isda. Sa kanyang paglalayag ay lumakas ang hihip ng hangin at napadpad siya sa isang isla. Bumaba siya sa kanyang bangka at naakit siya sa ganda ng isang Baging.
Lumabas ang diwata ng Baging.
Nagulat si Intoy Boknoy at nangatal sa sobrang takot.
“Huwag kang matakot, ako ang diwata ng iyong konsensya. Alam ko ang paghihirap ng iyong isla,”pahayag ng diwata.
“Dahil nakikita kong busilak ang iyong kalooban ay maari kang humiling ng apat na kahilingan sa pamamagitan ng paghatak sa baging,” malumanay na paliwanag nito.
Biglang naglaho ang diwata sa paningin ni Intoy Boknoy.
Sinubukan niyang sundin ang sinabi ng diwata.
Hinatak niya ang baging at humiling ng isang kahilingan.
“Mahiwagang Baging! Punuin mo ng isdang Tuna ang aking bangka!” lumingon si Boknoy sa kanyang bangka at nagulat sa kanyang nakita.
Napuno ng isdang Tuna ang kanyang bangka.
Buong pagtataka namang nag-isip ang kanyang mga kasama dahil tanging siya lang ang may huling isda.
Muli siyang bumalik sa isla.
“Mahiwagang Baging! Punuin mo ang aking bangka ng iba’t ibang uri ng isda!” nilingon nya ang kanyang bangka at nakitang nag-uumapaw ito sa iba’t ibang uri ng isda.
Lalong nagtaka ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanyang dalang mga isda sa bangka.
Muli siyang bumalik sa isla.
“Mahiwagang Baging!” Punuin mo ang aking bangka ng…..”Biglang nadulas si Intoy Boknoy.
“….aayyyy…unggoy!
Nilingon niya ang bangka at napuno nga ito ng unggoy.
Hindi niya alam ang kanyang gagawin kung paano niya iuuwi ang kanyang bangka.
Nag-isip siya ng malalim at muling hinatak ang Baging.
“Mahiwagang Baging!
Punuin mo ang aking bangka ng Saging!
Nilingon niya ang kanyang bangka at nakita niya na unti-unti itong lumulubog, habang nag-aagawan ang mga unggoy sa saging.
Kaya huwag kang madudulas sa isang lihim kung ayaw mong sapitin ang nangyari kay Intoy Boknoy.
Alagaan natin ang ating kalikasan.
Posted by Nathan at 10:44 AM 0 comments
Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy
Bading: Father, nagkasala po ako. Nakipagtalik po ako sa kalabaw.
Pari: Buti hindi ka sinuwag.
Bading: hindi naman po. Meron pa pong isa,nakipagtalik po ako sa Lion.
Pari: Haah! Buti hindi ka kinagat.
Lalaki: hindi naman po. At meron pa pong huli
Pari: Pambihira ka naman, o ano naman itong huli.
Bading: sa unggoy naman po, actually kanina lang umaga nangyari iyon.
Pari: Haah! Buti hindi ka isinabit sa puno.
Bading: hindi po Father.
Pari: Buti ka pa, kasi ako isinabit sa puno eh.
Posted by Nathan at 10:32 AM 0 comments
Monday, August 17, 2009
Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy
Pagdadalaga
Abala ang lahat para sa nalalapit na ika-18 kaarawan ni Ningning na nag-iisang anak ni Intoy Boknoy.
Halos mapurol ang mga kutsilyo sa kakagayat ng iba't ibang sahog para sa mga hinandang menu sa nalalapit na oras nang engrandeng kaarawaan.
Nangangalingasaw ang amoy ng bawang sa loob ng kusina,
chop-chop dito, hagis dun, pakulo dito, hango dun, tikim dito, salansan dun.
Sinisukat ni Ningning ang pulang gown na binili sa kanya ng kanyang Ina upang iterno sa sapatos at mga adornong gagamitin sa kanyang bonggang-bonggang debu.
Mamayang gabi:
Siya ang bida, siya ang reyna, ang pinakamagandang dilag sa lahat ng dalag, at tala sa paningin ng lahat.
Binuksan niya ang tukador at kinuha ang mga nakahanay na meky ap inilapag sa maliit na mesa, pagkatapos ay hinarap ang sarili sa salamin.
Matagal niyang pinagmasdan ang kanyang kaanyuan, mamasa-masa pa ang kanyang buhok na pinakikintad nang mayabong nitong paglago.
Nababalutan lamang ng tapis na malambot na tela ang kanyang makinis at maputing balat.
Labis ang kanyang paghanga sa kanyang ilong, biloy, at maririkit na mata.
Sa tuwing lumilitaw sa kanyang harapan ang kanyang diwa ay naalala niya ang kanyang ama.
Madalas niyang marinig sa mga matatanda sa labas ng bahay na kamukhang-kamukha niya raw ang kanyang erpat.
Hindi sumasang-ayon ang kanyang sikmura sa mga bulung-bulungan ng mga
mahahaderang matatanda sa kanilang lugar.
***
Tumitindi ang poot sa kanyang dibdib at inaalihan siya ng matinding alab sa buong katawan. Bumubundol sa kanyang isip ang mga araw na panlalait nito sa mga kaibigan niyang mga bagong adan.
"Palayasin mo nga 'yang mga mukhang dragon sa aking harapan," anas ng kanyang ama.
****
Kadalasan,
madalas niyang nakikitang may kasama itong iba't ibang babae na higit na mas maganda sa kanyang ina.
Matangkad, makinis ang balat, malugay ang buhok, mayaman ang dibdid at higit sa lahat ay mukhang kabilang sa alta sa ciudad.
***
Sinasalansan ang kanyang mga hinanakit sa tuwing maiisip niya ang pagtataksil ng ama.
"Kahit kailan hindi ko siya mapapatawad, wala siyang kwentang ama....
hindi ko lang maintindihan kung bakit nakakatiis ang Inay sa kanya," ang daloy ng kanyang isip.
Huminga siya ng malalim, at sinetro ang isip sa salamin.
"Ipapakita ko kay Itay na ganap na akong babae, matapang at kaya nang manindigan," sambit niya sa sarili.
***
Hindi niya napansin na iniwan niyang bukas ang pinto,
isang tahimik na paghawi sa pintuan ang gumulat sa kanya.
Siya ay nabigla at labis na nagulantang.
Blag! ang malakas na kalabog ng pintuan.
Klick! ang pagdiin sa tarangkahan.
****
Nanginginig ang buo niyang kalamnan, bumubilis ang tibok ng puso at namumutla
"Dalaga ka na ngang talaga," bulong ni Boknoy sa anak.
"Itay, bakit po?," ang pangangambang tanong niya.
"Huwag kang maingay, at magtatangkang sumigaw," paalala nito.
"Eto na ang tamang oras upang ika'y aking angkinin," dugtong niya.
Hindi makagalaw si Ningning sa kanyang upuan, nanginginig at nangangatal. Hinaplos ni Boknoy ang kanyang buhok, dahan-dahan itong bumaba sa kanyang likuran. Mas lalong tumindi ang kanyang pangamba.
"Ta-ta-tay, huwag po...huwag po!," pagmamakaawa niya.
"Huwag kang ng tumutol...alam ko ang makakabuti para sa'yo."
Bumalik sa kanyang balintataw ang mga babae ng kanyang ama.
Nagsawa na siguro ito sa kanila at siya naman at nais nitong subukan at tikman.
Tumahimik ang paligid.
Sunod-sunod ang lagapak ng mga meky ap at suklay sa sahig.
Blag! Mabilis na kumaripas ng takbo si Boknoy.
Nalilito itong naglaho sa paningin ng anak at pawis na pawis.
Naiwan si Ningning na nag-iisa, di pamalagay,
sunod-sunod ang patak ng mga luha nito, hudyat nang labis na pagsisi.
***
Tenatun-tun-tun-tun-tun-tun-tena-tun-tun-tun... Ang maingay na tugtog ng musika.
Inaantay ang pagbaba ng debutante.
Dumating na ang tamang oras nang kanyang paglalakad pababa sa hagdanan at paglagay ng korona bilang reyna nang kanyang kaarawan.
Lahat ay namangha sa kanyang meky ap at magarang ayos ng buhok.
Di magkamayaw sa pagtatanong ang mga bisita sa paligid.
"Nagpa-rebound ba yan?," usisa nila.
"Hindi naman yan lumabas ng bahay," sambot ng isang dalaga.
Nag-aabang si Boknoy sa baba ng hagdanan at marahang inalalayan ang kanyang anak.
"Salamat itay sa rebound at pag-meky ap."
"Now I Know, gatas pala ang inumin niyo hindi beer" nakangiting bulong nito.
Klick! Klick!~ sunod-sunod ang pitik ng kamera.
Itinago nila ang lihim sa loob ng silid. (_@_)
Posted by Nathan at 7:19 PM 0 comments
Ikaw ( Tulang Alay kay Matet)
Ang tulang ito ay nilikha ng aking kapuwa manunulat na si Bobosijuan Hindi siya pinapansin ng minamahal niyang babae kaya dinaan niya na lang sa TULA para iparamdam ang kanyang pagmamahal.
Hindi ang iyong pagtanggap ang tanging
nakakapagpangiti sa aking puso.
Kundi ang paglisan ng poot sa iyong dibdib-
ng aking bitiwan ang nais.
Hindi mo man kaya akong silungan
ng iyong pag-ibig.
Ngunit ang iyong pagdama ay sapat
upang hindi mabasa.
Mahal kita sa hibla ng iyong buhok,
hanggang sa iyong talampakan.
Minamahal ko ang bawat ngiti ng iyong labi,
Minamahal ko ang mapupungay mong mga mata.
Minamahal ko ang iyong daliring minsang
dumampi sa ulo.
Minamahal ko ang iyong mumunting mga braso.
Mahal ko ang iyong buong pagkatao.
Mahirap tanggalin ang aking hiling
At alam ko naman na sa hangin lang din maipaparating.
Gusto ko lamang na mailabas itong naidarama.
Kahit pa na walang nakahimlay na pag-asa.
Ikaw ang batis upang magpatuloy
itong aking bangka sa paglalakbay.
Ikaw itong hanging bumubulang sa-
Bawat salitang isinulat.
Ikaw ang musika ng mga dahong naghahalikan.
Ikaw ang imahe ng larawan na sa puso'y
matagal nang nakaguhit.
Hindi iyong pagtatanggap
ang aking nais iparating.
hindi ang pagpapasilong
ang aking nais damhin.
Kundi ang pananatili mo sa pagiging IKAW.
Posted by Nathan at 7:48 AM 0 comments
Sunday, August 16, 2009
Agahan
daigdig na tanging halimuyak ng isip ang tanan,
dinuduyan ako ng mga larawan na nilikha nang
guniguning larawan na umaagos sa tigang na bukal.
Namulaklak ang aking mga mata sa mahabang
paglalakbay sa takipsilim: winisikan ng likidong
kristal ang mga naipong banlik upang madarang
sa tilamsik nang kumukulong tubig sa dapugang.
Bumuluga sa aking paningin ang bagong lutong
sinangag at daing: upang ngasabin bilang almusal
sa nagdidiliryong bahay-gilingan, dulot ng masamang
panaginip sa di pag-imis sa nakabunton na hugasan.
Posted by Nathan at 5:00 AM 0 comments
Saturday, August 15, 2009
Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy
Likas na sa ating mga Pilipino ang gumawa ng maraming dahilan upang makalusot sa gusot na ating nilikha---sinadya man o di sinadya. Dahil sa pakikisama, dumalo sa isang salo-salo si Intoy Boknoy, matagal niya nang pinangarap na maging isang sikat na mang-aawit kung kaya't sa bawat handaan na kanyang pupuntahan ay isa lang ang laman ng kanyang isip; ang umawit ng walang patid. Lubos ang kanyang kasiyahan sa handaang dinaluhan at ang vidiyowke na lubos niyang kinababaliwan ay siyang nagbibigay ng katuparan ng kanyang kabiguan.
Dahil sa labis na pagkanta ay nakalimutan niya na mag-uumaga na.
"I did it my way...," ang matinis na boses ni Boknoy na nangingibabaw sa salo-salo.
Klap...klap...klap...klap
Hindi magkamayaw sa dumadagundong na palakpak ang kanyang mga kaibigan sa angking talento na kanyang ibinabahagi.
"Hanep maloopeet!!," bulalas ng kaniyang mga kaibigan.
Napahinto siya sa pagkanta nang maramdamang nag-vibrate at tumunog ang kaniyang selfon. Agad siyang tumayo at pumunta sa isang sulok upang sagutin ang tawag ng kabiyak. Pinindot niya ang buton at sinagot ang tawag.
"Hello, ma-ha-hal," pangangatal na tugon niya.
"Nasan ka!? Gabing-gabi na di ka pa nauwi ng bahay!" ang galit na galit na pag-uusisa ng asawa.
"Pssstttt...hu-huwag kang... maingay, nakidnap ako," dahilan niya.
Tibok-tibok-tibok...tugudug-tugudug-tugudug. Ang tambol ng puso ng kabiyak sa labis na pag-aalala kay Boknoy.
"E, bakit ikaw ang may hawak ng selfon?" ang pagtatakang tanong nito.
"Psssstttt....psssstttt...huwag kang maingay nakatakas ako at pauwi na ng bahay," ang dagdag na dahilan nito.
Ilang minuto ang lumipas ay nakauwi ng bahay si Boknoy. Agad siyang sinalubong at niyakap ng asawa dahil sa labis na pag-aalala.
"Teka! Aber..aber..akala ko ba na kidnap ka... e, bakit amoy alak ka?" pag-uusisa ng asawa.
"Psssttt...huwag kang maingay, nilasing ko sila para ako makatakas," pangangatwiran niya.
Niyakap niya ng mahigpit ang asawa at kumindat sa hangin <_@_>.
Posted by Nathan at 10:37 PM 0 comments
Sunday, August 9, 2009
Ang Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy
Dugong Bughaw
Madalas maibalita ang pagkamatay ng mga matatanda sanhi ng abnormal na pressure ng dugo sa katawan. Inimbitahan si Intoy Boknoy ng kanyang pinsan na mamasyal sa Baguio. Sa loob ng isang linggo ay naikot niya ang magagandang tanawin sa lugar. Nang naubos na ang kanyang pera ay naisipan niyang bumalik ng Manila. Habang siya ay nag-aantay sa pagdating ng Bus ay nakita niya ang ilang mag-aaral na nakasuot ng puting damit ay may hawak na stethoscope at blood pressure device.
Naobserbahan niya na mahaba ang pila ng mga tao sa booth na kinaroroonan ng mga Nars. Nakipila din siya at pinagmasdan ng mabuti kung paano ginagamit ang mga stethoscope at blood pressure device. Nang siya na ang kukunan ng BP ay binolabola niya ang mga kabataang nars upang ituro sa kanya ang tamang paggamit nito. Naisip niyang kikita siya ng malaki sa bagong natutunan dahil maraming matatanda sa kanilang lugar.
“Toto, paano ba ‘yan gamitin, itong telepono at pampiga ng kamay,” tanong niya.
“Tay, hindi po ito telepono, stethoscope po ito. Bakit niyo naman naitanong yan?” ang balik na tanong ng nurse.
“Ahh.. eh…mangyari kasi na pabago-bago kasi ang timpla ng dugo ko,” alibi niya.
“’Wag niyo pong timplahin para ‘di magbago,” pabirong sagot ng nars.
Pinaliwanag sa kanya ang tamang gamit ng stethoscope at blood pressure device.
“Normal naman po ang dugo niyo, ah,” sabi ng nars ayon sa resulta ng BP.
“Ay, ganun ba, kasi nakapag-relax ako ngayon,” dahilan niya.
Nang dumating ang Bus ay agad siyang sumakay. Paglingon niya sa upuan ay katabi niya ang isang Doktor. Malakas ang air-con sa bus at nilalamig siya. Inilihis niya ang air-con blower upang ‘di ginawin. Nakatulog siya sa mahabang biyahe.
“Balintawak…balintawak na po!” sigaw ng konduktor.
Nagising siya sa pagkakaidlip.
Napansin niya ang isang bag na naiwan ng pasahero. Naglalaman ito ng mga kagamitang pang Ospital. Binuksan niya ito upang hanapin ang address o telepone number. Wala siyang nakita. Sobrang lakas talaga ng buga ng air-con kaya kinuha niya ang puting damit na gamit ng Doktor sa loob ng bag at isinuot.
Ilang minuto ang lumipas ay may umakyat na pasahero ng Bus at umupo sa tabi niya. Muling umidlip si Intoy. Naramdaman niya na may matulis na bagay nakatutok sa kaniyang tagiliran. Napasiklot siya at ‘di nakapagsalita.
“Doktor ka ba?” tanong ng maton.
Tumango-tango lamang siya.
“Magaling kung ganun,” bulong sa kanya ng maton.
Nang huminto ang sasakyan ay inakbayan siya nito pababa ng Bus habang nakatusok ang isang matulis na bagay sa kanyang tagiliran. Agad na tumawag ng tricycle ang maton at isinakay siya.
Ipinasok siya sa isang liblib na lugar, ngunit maganda ang tanawin at malaki ang bahay at maraming mga maliliit na cubicle. Dalhin mo ang gamit mo. Binuksan ang malaking geyt at pinasok siya sa isang malaking warehouse. Narindi ang kanyang tenga sa ingay ng mga Baboy sa babuyan.
“’Di ba Doktor ka, suriin mo isa-isa yung mga inahing baboy. Sabi ng dating Doktor may high blood daw ‘yan,” utos ng maton.
“ha….eh…,” litong sambit niya.
“Ano may angal ka!? Gusto mong tanggalin ko yang dugo mo sa katawan, ha!” pasigaw na pagbabanta nito.
“Ano ba ito, nakalimutan kong itanong sa nars kung saang bahagi ng Baboy ilalagay yung blood pressure device at stethoscope….paano ba ito. Bahala na.” ang agam-agam ni Intoy sa sarili.
Maya-maya ay isa-isang nagwawala at nag-iiyakan ang mga inahing Baboy.
Oink…oink…oink….
Huwag mangarap ng sampung kilometro ang layo at baka sa Babuyan ka damputin katulad ni Intoy Boknoy.
Posted by Nathan at 8:00 AM 0 comments
Saturday, August 8, 2009
"Gloria Magic" in the veneration of the National Artist
Posted by Nathan at 4:33 AM 0 comments
Wowoweee Issue: Willie Ang Tunay na Asshole??
Posted by Nathan at 12:21 AM 3 comments
Wednesday, August 5, 2009
Ang Mga Kwentong Ewan ni Intok Boknoy (4)
Batsilyer ng Agham sa Libreng Tikim
Posted by Nathan at 11:30 PM 0 comments
Monday, August 3, 2009
Saturday, August 1, 2009
Dilaw Ang Kulay ng Aking Budhi (Part IV)
Sabay abot sa akin ang dilaw na damit. Buong gabing nagkwentuhan sina Itay at Itay. Siksikan raw sila Itay sa kahabaan ng Edsa. Kapit-bisig na nagdarasal at binabarahan ang kalsada sa harap ng mga dambuhalang tangke. Samantalang si Inay ay panay parangya sa ganda at lawak ng Malacanang. Maganda raw ang higaan ng pinatalsik na pangulo, nababalutan raw ito ng mga magagarang kurtina.
Paglipas ng labing isang taon ay saka ko lamang naintindihan ang kalayaang binabanggit ni Itay. Naging lider estudyante ako sa aking Unibersidad. Naging laman ng kalsada at naghahanap ng pagbabago sa lipunan. Mariin ko ring tinutulan ang pambansang sayaw ng mga pulitiko sa mga nakalipas na administrasyon. Natagpuan ko rin ang aking sarili sa gitna ng Edsa, kapit-bisig na nakikipagsiksikan na panatilihin ang kalayaan.
Ngayon ako ay ganap ng guro. Higit na nakakaunawa sa kahalagahan ng kalayaan. Humuhubog sa isipan ng mga bagong sibol na kabataan. Nagsasalita sa harapan ng mga kabataan na nakaupo sa mga kahoy na upuan. Nagsusulat ng mga puting linya at letra sa pisara.
“Patay na si Cory! Patay na si Cory!” ang malakas na tinig mula kay Tiya Zeny. Umugong ito sa aking pandinig. Agad akong bumalikwas sa higaan at binuksan ang T.V. sa loob ng aming kwarto. Pinanood ang balita, nalungkot ng makita sa harap ng telebisyon na pumanaw na ang dilaw na nilalang. Simbolo ng demokrasya at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Sinilip ko ang orasan, alas otso na pala ng umaga at may pasok pa ako sa Pamantasan. Hindi ko inalis ang aking tingin sa tapat ng telebisyon. Nagtatalo ang aking isip at damadamin. Kailangan kong pumasok sayang ang mataas na grado, baka hindi ko makuha ang minimithing titulo at sayang ang scholarship na mula sa gobyerno. “ ‘Di bale ng malate…’di bale na ang grado…’di bale na scholarship…ang mahalaga ay masilayan ko ang nagbigay sa akin ng dilaw na budhi.
Posted by Nathan at 8:33 AM 3 comments
Dilaw ang Kulay ng Aking Budhi (Part 3)
Napahinto ako sa aking pagbibigay ng kape at tinapay, nasilayan ko ang mga naglalakihang tangke at mahahabang truck na punong-puno ng mga sundalo. Abot tanaw ko sa malayo ang dalawang asul na Bus na hinarang sa tapat ng kalsada sa Toll Gate ng Balintawak papuntang Edsa. Tumigil sa pagsulong ang mga ‘di pangkaraniwang mga sasakyan sa bukana ng toll gate. Nang nagpumilit ang mga sundalo na ito ay tanggalin, biglang lumiyab ang Bus mula sa gasolinang dala ng ilang matatanda at kabataan. Tinupok ito ng apoy. Habang umuugong ang mga busina ng mga sasakyan at nakikisabay sa malakas na sigaw ng “Cory…!Cory…!Cory…!”
Sa mga oras na ‘yon ay nag-iiba ang kulay ng mga tao sa kalsada. Lahat sila ay naninilaw habang sumisigaw ng pagbabago. Pagkalipas ng ilang oras ay naglaho ang mahabang pili ng mga sasakyan. Ilang araw din kaming naghabulan at namasyal sa tahimik at malawak na kalsada ng Expressway.
Dalawang araw ang lumipas, wala parin si Inay at Itay. Sabi nila ay saglit lang silang mawawala upang dumalo sa kursilyo at magtitirik ng kandila.
Linis, hugas, luto, at laba ang madalas na pagkaabalahan ni kuya. Nagpapaligo sa dalawa kong kapatid at magliligpit ng higaan. Pagkalipas ng ilang araw ay umuwi si Inay na may mahabang ngiti. Hatinggabi namang umuwi si Inay at Itay at kanyang mga kasama.
“Tagumpay! Tagumpay!” ang kanyang pasalubong sa amin.
“Malaya na tayo…malaya na tayo!!” ang bulong niya kay ina.
“Malaya na ang mga bata…malaya na silang makapagsalita paglaki nila,” ang pahabol na sambot ni Itay.
Posted by Nathan at 8:32 AM 0 comments
Dilaw ang Kulay ng Aking Budhi (Part 2)
Dose anyos pa lang noon si kuya. Subalit taimtim siyang kinausap ni Inay.
“Alagaan mo ang iyong mga kapatid, ipaghanda mo sila ng pagkain at huwag mong iwawaglit ang iyong mga mata sa kanilang mga paa,” bilin ni Inay.
Masipag sa mga gawaing bahay ang aking kuya. Siya ang nagpapahele sa aking mga batang kapatid. Naghuhugas ng pinggan, naglilinis ng bahay, at nagluluto ng pagkain upang ihanda sa hapag kainan. Parati akong pinagagalitan ni kuya at Inay. Tamad daw ako at hindi tumutulong sa mga gawaing bahay. Puro lang daw ako dahilan na masakit ang tiyan pagkatapos kumain. Pupunta sa kubeta na may bitbit na komiks at magtatagal ng tatlumpung minuto.
Naalimpungatan ako sa malakas na sigaw ng aking kaibigan na si Amil. Niyaya niya ako na pumunta sa tabi ng North Luzon Expressway . Sumuot kami sa bakod upang masdan ang mahabang pila ng mga sasakyan na malakas na bumubusina at sumisigaw ng “Cory…! Cory…! Cory…!”
Kahit na musmos pa lamang n’on ay nadama ko na ang tuwa ng mga pasahero sa kanilang mga mukha. Lumulukso sa kasiyahan ang kanilang puso. Bawat isa ay parang magkakapatid. Nagkakamayan, yakapan at nagdadamayan. Inakyat ko ang isang Bus upang magbigay ng kape at tinapay na bigay sa akin ni Aling Teyang. Isa-isa kong inabot sa mga pasahero ang baso--- sabay takal ng kape sa bote at buhos ng mainit na tubig ni Aling Teyang.
Posted by Nathan at 8:29 AM 0 comments
Dilaw ang Kulay ng Aking Budhi (Part 1)
(Sa aking mga tagasubaybay panandalian ko munang ihihinto ang Mga Kwentong Ewan ni Intoy Boknoy upang bigyan ng luksang parangal ang dating pangulong Corazon Aquino sa pamamagitan ng maikling kwento batay sa aking tunay na buhay)
“Anak malapit na! Anak malapit na!,” ang palahaw na bulalas ni Itay habang inaayos ang mga kahoy na upuan sa labas ng bahay. Maya-maya ay isa-isang nagdatingan ang ilang kabataan sa aming lugar at kanyang mga kasamahan sa trabaho. Akala ko ay may inuman at handaan, ngunit ni isang serbesa at pulutan ay ‘di ko nasilayan. Nilapag ng matabang lalaki ang pisara sa harapan ng mga upuan, makapangyarihan ang boses nito habang nagsasalita sa harapan. Gumuhit ito ng tatsulok, hinati-hati ito sa ilang palapag at nilagyan ng mga pangalan. Pagkatapos n’yang magsalita ay napuno ng puting guhit at letra ang pisara. Nang matapos ang pagtitipon ay naglabas ito ng tikler at bolpen. Isa-isang nilang inukit ang kanilang mga pangalan sa maliit na pirasong papel. Nang matapos maiukit ang huling pangalan ay kapit-bisig silang nanalangin at malakas na sumigaw ng mabuhay ang KMU.
Obrero si Itay sa isang pabrika sa pagawaan ng tela sa likod ng simbahan ng Iglesia ni Kristo sa Balintawak. Hindi siya nakatapos ng elementary dahil maaga siyang nilunok ng dagat upang mamalakaya sa karagatan ng Romblon. Maaga siyang namulat na makipagsapalaran at harapin ang hamon ng buhay. Sinuong niya ang dambuhalang alon at matinding kahirapan sa probinsya. Sinisid niya ang karagatan ng kalungkutan at paghihinagpis sa isla ng Boracay bilang boy ng isang mayamang pulitiko.
Nag-aalab ang mga mata ni Inay at Itay. Pabulong silang nag-usap sa isang lihim na suliranin. Dali-daling kinuha ni Itay ang bag, tiniklop ang ilang pirasong damit at sinuksok sa loob ng bag. Habang abala naman si Inay sa pagluluto at pagtatakal ng kanin at pagsalansan ng isda sa baunan. Isa-isa nila kaming hinalikan sa noo at kinumutan. Lumabas sila ng bahay at tahimik na kinausap ang aming kapitbahay. Tango lang ng tango, habang ang mga mata’y nag-aalon sa pangamba. Mahigpit silang nagyakap. Sabay na nagsambit na: “Malapit na! Malapit na!”
Posted by Nathan at 8:23 AM 0 comments